Nakasulat Ba sa Ating Puso ang Pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Ang paggawa, pagtupad, at pagkagalak sa ating mga tipan ang magiging katibayan na tunay na nakasulat sa ating puso ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, ilang buwan na kayong nasa puso’t isipan ko habang pinagninilayan ko ang mabigat na responsibilidad na ito. Bagama’t nadarama kong hindi sapat ang aking kakayahan sa tungkuling ibinigay sa akin, alam ko na nagmula iyon sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na propeta, at sa ngayon, sapat na iyan. Itinuro sa mga banal na kasulatan na “maging sa pamamagitan ng … tinig [ng Panginoon] o sa tinig man ng [Kanyang] mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”1
Isa sa mahahalagang kaloob na kaakibat ng tungkuling ito ang katiyakan na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng anak Niyang babae. Nadama ko na ang Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!
Tulad ninyo, mahal ko ang mga banal na kasulatan! Sa aklat ni Jeremias may talata roon na lubhang malapit sa puso ko. Nabuhay si Jeremias sa panahon at lugar na puno ng hirap, ngunit tinulutan siya ng Panginoon na makinita “ang isang panahon ng pag-asa sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw”2—ang ating panahon. Ipinropesiya ni Jeremias:
“Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan. …
“… Makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka’t aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.”3
Tayo ang mga taong nakita ni Jeremias. Inanyayahan na ba natin ang Panginoon na isulat ang kautusan, o doktrina, sa ating puso? Naniniwala ba tayo na ang kapatawarang dulot ng Pagbabayad-salang tinutukoy ni Jeremias ay personal na angkop sa atin?
Ilang taon na ang nakalilipas, ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ang kanyang nadarama tungkol sa matibay na pananampalataya ng mga pioneer na nagpunta pa rin sa Salt Lake Valley kahit namatay na ang kanilang mga anak. Sabi niya, “Hindi nila ginawa iyon para sa programa, hindi nila ginawa iyon para lang magsaya, ginawa nila iyon dahil sa pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo na nasa kanilang kaluluwa, na nasa utak ng kanilang mga buto.”
Madamdamin niyang ipinahayag:
“Iyon lang ang paraan para mailibing ng mga inang iyon ang [kanilang mga sanggol] sa karton ng tinapay at magpatuloy at sabihing, ‘Naroon ang lupang pangako. Mararating natin ang lambak.’
“Nasabi nila iyon dahil sa mga tipan at doktrina at pananampalataya at paghahayag at Espiritu.”
Nagtapos siya sa nakapupukaw na mga salitang ito: “Kung mananatili iyan sa ating mga pamilya at sa Simbahan, siguro magiging maayos ang lahat. Siguro, unti-unting mawawalan ng halaga ang maraming bagay. Kaunti lang daw ang nailalagay sa mga karitong iyon. Kung paanong kinailangang piliin ng ating mga ninuno ang dadalhin nila, marahil mahihikayat tayo ng ika-21 siglo na magpasiya kung, ‘Ano ba ang mailalagay natin sa kariton?’ Kung ano ang nasa ating kaluluwa; ang nasa utak ng ating mga buto.”4 O sa madaling salita, kung ano ang [nakasulat] sa ating puso!
Bilang bagong Relief Society presidency, taos kaming nanalangin sa Panginoon para malaman ang mahahalagang bagay na nais Niyang ilagay namin sa kariton ng ating Relief Society upang patuloy na maisulong ang Kanyang gawain. Nadama namin na nais ng Ama sa Langit na ipaunawa muna namin sa Kanyang minamahal na mga anak na babae ang doktrina ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag ginawa namin ito, alam naming lalakas ang ating pananampalataya, at ang ating pagnanais na mamuhay nang matwid. Pangalawa, habang iniisip namin ang malaking pangangailangang patatagin ang mga pamilya at tahanan, nadama namin na nais ng Panginoon na hikayatin namin ang Kanyang minamahal na mga anak na babae na masayang tuparin ang kanilang mga tipan. Kapag tinutupad ang mga tipan, tumatatag ang mga pamilya. Panghuli, nadarama namin na nais Niyang makipagtulungan kami sa iba pang mga auxiliary at sa ating mga lider ng priesthood, sa pagsisikap na hanapin at tulungan ang mga taong kailangang umunlad sa espirituwal. Taimtim naming dalangin na buksan ng bawat isa sa atin ang ating puso at hayaang iukit dito ng Panginoon ang mga doktrina ng Pagbabayad-sala, mga tipan, at pagkakaisa.
Paano natin mapapatatag ang mga pamilya o matutulungan ang iba kung hindi muna nakasulat sa ating puso ang matibay at matatag na pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala? Ngayong gabi ibabahagi ko ang tatlong alituntunin ng Pagbabayad-sala na kung nakasulat sa ating puso ay magpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo. Sana’y mapagpala ng pag-unawa sa mga alituntuning ito ang bawat isa sa atin, bagong miyembro man tayo o matagal nang miyembro ng Simbahan.
Alituntunin 1: “Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”5
Kasama ninyo, pinatototohanan namin ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang aming patotoo, tulad ninyo, ay naisulat sa aming puso nang maharap kami sa iba’t ibang matitinding hamon at hirap. Kung hindi natin nauunawaan ang perpektong plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas bilang pinakasentro ng planong iyan, ang mga hamong ito ay tila hindi nga makatarungan. Lahat tayo ay dumaranas ng pagsubok sa buhay. Ngunit sa matatapat na puso ay nakasulat, “Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Bakit tinutulutan ng Panginoon na dumanas tayo ng pagdurusa at hirap sa buhay na ito? Simple lang ang sagot, bahagi ito ng plano para tayo lumakas at umunlad! Tayo ay “[naghiyawan] sa kagalakan”6 nang malaman natin na paparito tayo sa lupa at mabubuhay bilang mortal. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, “Ang mga kinakailangan nating pagbabalik-loob ay mas madalas na madaling natatamo sa pamamagitan ng pagdurusa at paghihirap kaysa sa kaginhawahan at kapayapaan.”7
Inilalarawan ng halimbawa ng isang tapat na babaeng pioneer ang katotohanang ito. Si Mary Lois Walker ay ikinasal sa edad na 17 kay John T. Morris sa St. Louis, Missouri. Tumawid sila sa kapatagan kasama ng mga Banal noong 1853, at nakarating sa Salt Lake Valley pagkaraan lang ng kanilang unang anibersaryo. Sa kanilang paglalakbay dumanas sila ng hirap tulad ng iba pang mga Banal. Ngunit ang kanilang mga pagdurusa at paghihirap ay hindi nagwakas pagdating nila sa Salt Lake Valley. Nang sumunod na taon isinulat ni Mary, na noon ay 19 na taong gulang: “Nagkaroon kami ng anak na lalaki. … Isang gabi noong dalawa o tatlong buwan na ang aming anak … may nagbulong sa akin, ‘Mawawala sa iyo ang sanggol na ito.’”
Pagsapit ng taglamig humina ang katawan ng sanggol. “Ginawa namin ang lahat, … ngunit patuloy na lumala ang kalagayan ng sanggol. … Pumanaw siya noong ikalawa ng Pebrero … kaya tiniis ko ang pait ng mawalay sa sarili kong laman at dugo.” Ngunit hindi pa natapos doon ang kanyang mga pagsubok. Nagkasakit din ang asawa ni Mary, at tatlong linggo mula nang pumanaw ang kanyang anak, namatay rin ito.
Isinulat ni Mary: “Kaya kahit bata pa ako noon, sa loob lamang ng 20 araw, nawalan na ako ng asawa at ng kaisa-isang anak, sa isang di-pamilyar na lupain daan-daang milya ang layo mula sa aking mga kaanak at napakarami kong pagsubok na haharapin … at hiniling kong kunin na rin ako at nang makasama ko ang aking [mga] mahal sa buhay.”
Sabi pa ni Mary: “Isang Linggo ng gabi naglalakad-lakad kami ng kaibigan ko. … Naalala ko ang pagkamatay ng [aking asawa] at ang matindi kong kalungkutan, at habang humahagulgol ay nakita ko, na parang pangitain, ang mahihirap na pagsubok na mararanasan ko at lubos kong nadama ang katotohanan nito. Nakaramdam ako ng matinding dalamhati, dahil alam ng kaaway kung kailan tayo igugupo, ngunit ang ating [Tagapagligtas na si Jesucristo] ay may kapangyarihang magligtas. Sa … tulong ng Ama, nakaya kong labanan nang buong lakas ang lahat ng pagsubok na tila ibinuhos sa akin sa panahong ito.”8
Natutuhan ni Mary sa murang edad na 19 na tinitiyak sa atin ng Pagbabayad-sala na lahat ng bagay na di-makatarungan sa buhay na ito ay naiwawasto at maiwawasto—maging ang pinamatitinding pighati.
Alituntunin 2: May kapangyarihan sa Pagbabayad-sala na nagbibigay-lakas sa atin na daigin ang pagiging likas na tao at maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.9
May paraan para malaman kung natutuhan natin ang isang doktrina o alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay kapag naituro natin ang doktrina o alituntunin sa paraang mauunawaan ng isang bata. Ang isang makatutulong sa pagtuturo sa mga bata na maunawaan ang Pagbabayad-sala ay ang analohiyang matatagpuan sa isang aralin sa Primary. Marahil matutulungan tayo nito sa pagtuturo sa sarili nating mga anak, apo, o mga kaibigan sa ibang relihiyon na nais maunawaan ang mahalagang doktrinang ito.
“Isang [babae] na naglalakad sa daan ang nahulog sa isang hukay na napakalalim kung kaya’t hindi makaahon. Kahit na ano ang gawin niya ay hindi siya makaahon nang mag-isa. Ang [babae] ay humingi ng tulong at laking tuwa niya nang isang maawaing dumaraan ang nakarinig sa kanya at nilawitan siya ng hagdan sa hukay. Ito’y nagbigay daan upang siya ay makaahon sa hukay at muling makamit ang kanyang kalayaan.
“Tayo ay tulad ng [babae] na nasa hukay. Ang pagkakasala ay tulad ng pagkahulog sa hukay, at hindi tayo makakaalis kung tayo lang mag-isa. Katulad ng maunawaing dumaraan na nakarinig sa [babaeng] humingi ng tulong, isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak upang magbigay ng paraan na makalaya. Ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maihahambing sa paglalawit ng hagdan sa hukay; ito ay magbibigay sa atin ng paraan upang makaahon.”10 Ngunit hindi lang inilawit ng Tagapagligtas ang hagdan, Siya ay “bumaba sa hukay at tinulungan tayong gamitin ang hagdan para makaahon.”11 “Katulad ng [babae] na nasa hukay na kinailangang umakyat sa hagdan, tayo ay dapat magsisi ng ating mga kasalanan at sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo upang makaahon sa ating hukay at magkaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa ating buhay. Samakatwid, pagkatapos ng lahat ng ating magagawa, ginagawang posible ng Pagbabayad-sala na tayo ay maging karapat-dapat na makabalik sa kinaroroonan ng Ama sa Langit.”12
Kailan lang ay nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala ang isang pioneer ngayon, isang minamahal na anak na babae ng Diyos at kabibinyag lang sa Simbahan sa Chile. Wala siyang asawa at may dalawang musmos na anak na lalaki. Sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, nagawa niyang kalimutan ang kanyang nakaraan at ngayon ay nagsisikap na maging tunay na disipulo ni Jesucristo. Habang iniisip ko siya, isang alituntuning itinuro ni Elder David A. Bednar ang pumasok sa aking isipan: “Mahalagang malaman na naparito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin—iyan ay mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at kapangyarihan ng Espiritu Santo, na [Siya ay] mapasaatin—hindi lamang [para] patnubayan tayo kundi [para] palakasin [din] tayo.”13
Habang pinag-uusapan namin ng kapatid na ito na taga-Chile kung paano mamalagi sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, masaya niyang tiniyak sa akin na determinado siyang magpatuloy sa tamang landas. Matagal na siyang naligaw ng landas noon, at sinabi niya na walang anuman “doon” sa lihis na landas na gusto niyang balikan pa. Ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay nasa kanyang kalooban. Nakasulat ito sa kanyang puso.
Hindi lamang tayo tutulungan ng kapangyarihang iyan na makaahon mula sa hukay kundi bibigyan din tayo ng lakas na magpatuloy sa makipot at makitid na landas pabalik sa ating Ama sa Langit.
Alituntunin 3: Ang Pagbabayad-sala ang pinakamalaking katibayan natin na mahal ng Ama ang Kanyang mga anak.
Makabubuti sa atin na pagnilayan ang nakaaantig na ideya mula kay Elder Oaks: “Isipin na lamang kung gaano ang pighati ng ating Ama sa Langit sa pagsusugo ng Kanyang Anak upang tiisin ang di-maarok na pagdurusa para sa ating mga kasalanan. Iyan ang pinakamalaking katibayan ng Kanyang pagmamahal sa bawat isa sa atin!”14
Ang pinakadakilang pagpapakitang iyon ng pagmamahal ay dapat magtulak sa atin na lumuhod sa mapagpakumbabang panalangin at magpasalamat sa ating Ama sa Langit na minahal Niya tayo nang sapat para isugo ang Kanyang Bugtong at sakdal na Anak na magdusa para sa ating mga kasalanan, pighati, at lahat ng tila di-makatarungang bagay sa sarili nating buhay.
Naaalala ba ninyo ang babaeng ikinuwento kamakailan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf? Sabi niya: “Isang babae na dumanas ng maraming taon ng pagsubok at kalungkutan ang lumuluhang nagsabi, ‘Natanto ko na para akong isang lumang 20-dollar bill—lukot, punit, marumi, gamit na gamit, at may pilas. Pero 20-dollar bill pa rin ako. May halaga ako. Kahit hindi ako mukhang gayon kahalaga at kahit ako lukot o gamit na, buong 20 dollars pa rin ang halaga ko.’”15
Alam ng babaeng ito na siya ay mahal na anak ng kanyang Ama sa Langit at sapat ang kanyang halaga para isugo Niya ang Kanyang Anak upang magbayad-sala para sa kanya. Dapat malaman ng lahat ng kababaihan sa Simbahan ang alam ng babaeng ito—na siya ay mahal na anak ng Diyos. Paano mababago ng ating kaalaman na mahalaga tayo sa Kanya ang paraan ng pagtupad natin sa ating mga tipan? Paano naaapektuhan ng ating kaalaman na mahalaga tayo sa Kanya ang ating hangaring paglingkuran ang iba? Paano nadaragdagan ng ating kaalaman na mahalaga tayo sa Kanya ang ating hangaring tulungan ang mga tao na maunawaan ang Pagbabayad-sala na tulad natin—nang taos-puso? Kapag malalim na nakasulat sa ating puso ang doktrina ng Pagbabayad-sala, tayo ay magiging mga uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin kapag Siya ay muling pumarito. Kikilalanin Niya tayo bilang Kanyang tunay na mga disipulo.
Nawa’y magdulot ng “malaking pagbabago” sa ating puso ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.16 Kapag tumalima tayo sa doktrinang ito, na ipinahayag ng anghel ng Diyos na “masayang balita ng dakilang kagalakan,”17 ipinapangako ko na madarama natin ang nadama ng mga tao ni Haring Benjamin. Matapos nilang taimtim na ipagdasal na maiakma sa buhay nila ang Pagbabayad-sala, “sila ay napuspos ng kagalakan”18 at “nahahandang makipagtipan sa … Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay.”19 Ang paggawa, pagtupad, at pagkagalak sa ating mga tipan ang magiging katibayan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tunay na nakasulat sa ating puso. Alalahanin sana ang tatlong alituntuning ito, mga kapatid:
-
“Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”20
-
May kapangyarihan sa Pagbabayad-sala na nagbibigay-lakas sa atin na daigin ang pagiging likas na tao at maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.21
-
Ang Pagbabayad-sala ang pinakamalaking katibayan natin na mahal ng Ama ang Kanyang mga anak.22
“Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan.”23 Inaanyayahan ko tayong lahat na hilingin sa Panginoon na isulat ang mga alituntuning ito ng Pagbabayad-sala sa ating puso. Pinatototohanan ko na totoo ang mga ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.