Nagbalik-loob sa Panginoon
Ang malaman na totoo ang ebanghelyo ang pinakadiwa ng patotoo. Ang patuloy na katapatan sa ebanghelyo ang pinakadiwa ng pagbabalik-loob.
Ang mensahe ko ay nakatuon sa kaugnayan ng pagtanggap ng patotoo na si Jesus ang Cristo at ng pagbabalik-loob sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Karaniwan, ang paksa tungkol sa patotoo at pagbabalik-loob ay magkahiwalay nating tinatalakay. Gayunman, magkakaroon tayo ng mahalagang pananaw at dagdag na espirituwal na katatagan sa pagsasaalang-alang sa dalawang mahalagang paksang ito.
Dalangin ko na turuan at palakasin ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin.
Ano ang Sabi Ninyo Kung Sino Ako?
Marami tayong matututuhan tungkol sa patotoo at pagbabalik-loob mula sa ministeryo ni Apostol Pedro.
Pagdating ni Jesus sa baybayin ng Cesarea ni Filipo, itinanong Niya ang tumitimong tanong na ito sa Kanyang mga disipulo: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?”
Kaagad sumagot si Pedro:
“Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.
“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:15–17).
Gaya ng ipinakita sa sagot ni Pedro at sa itinuro ng Tagapagligtas, ang patotoo ay personal na kaalaman tungkol sa espirituwal na katotohanan na natatamo sa paghahayag. Ang patotoo ay isang kaloob mula sa Diyos at maaari itong matanggap ng lahat ng Kanyang mga anak. Ang sinumang matapat na naghahanap ng katotohanan ay magkakaroon ng patotoo sa paggamit ng kahit “bahagyang pananampalataya” kay Jesucristo upang “subukan” (Alma 32:27) at “subukan ang bisa ng salita” (Alma 31:5), upang bigyang-daan “ang panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Mosias 3:19), at magising sa Diyos (tingnan sa Alma 5:7). Ang patotoo ay nagdudulot ng dagdag na personal na pananagutan at pinagmumulan ng layunin, katiyakan, at kagalakan.
Ang paghahanap at pagkakaroon ng espirituwal na patotoo ay nangangailangan ng paghingi, paghahanap, at pagtuktok (tingnan sa Mateo 7:7; 3 Nephi 14:7) nang may matapat na puso, tunay na layunin, at pananampalataya sa Tagapagligtas (tingnan sa Moroni 10:4). Ang mga pangunahing bagay na nakapaloob sa isang patotoo ay ang alam mo na buhay ang Ama sa Langit at mahal Niya tayo, na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at ang kabuuan ng ebanghelyo ay ipinanumbalik sa lupa sa mga huling araw na ito.
Kung Makapagbalik Ka Nang Muli
Nang magturo ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa Huling Hapunan, sinabi Niya kay Pedro:
“Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:
“Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:31–32).
Nakatutuwa na ang dakilang Apostol na ito ay nakausap at nakasama ang Panginoon, nasaksihan ang maraming himala, at nagkaroon ng malakas na patotoo sa kabanalan ng Tagapagligtas. Gayunman, si Pedro ay nangailangan pa rin ng dagdag na tagubilin mula kay Jesus tungkol sa nakapagpapabalik-loob at nakadadalisay na kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa kanyang tungkuling maglingkod nang tapat.
Ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay humihingi ng mahalaga at permanenteng pagbabago sa ating katauhan na nagiging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nagdudulot ng pagbabago sa paniniwala, puso, at buhay ng isang tao upang tanggapin at sundin ang kagustuhan ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 3:19; 3 Nephi 9:20) at nakapaloob dito ang tapat na pangako na maging disipulo ni Cristo.
Ang pagbabalik-loob ay nakapagpapalaki, nakapagpapalalim, at nakapagpapalawak ng pundasyon ng patotoo. Ito ay bunga ng paghahayag mula sa Diyos, na may kasamang pagsisisi, pagsunod, at pagsisikap ng tao. Ang sinumang tapat na naghahanap ng katotohanan ay maaaring magbago kapag naranasan ang malaking pagbabago ng puso at espirituwal na pagsilang sa Diyos (tingnan sa Alma 5:12–14). Kapag iginagalang natin ang mga ordenansa at tipan ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa D at T 20:25), “[patuloy] sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20), at pagtitiis nang may pananampalataya hanggang sa wakas (tingnan sa D at T 14:7), tayo ay nagiging mga bagong nilalang kay Cristo (tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:17). Ang pagbabalik-loob ay paghahandog ng sarili, ng pagmamahal, at katapatan sa Diyos nang may pasasalamat sa kaloob na patotoo.
Mga Halimbawa ng Pagbabalik-loob sa Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay puno ng mga nakaaantig na kuwento ng pagbabalik-loob. Si Amaleki, na inapo ni Jacob, ay nagsabing: “Nais kong lumapit kayo kay Cristo, na Siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit as kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya” (Omni 1:26).
Ang malaman na si Jesus ang Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay mahalaga at kailangan. Ngunit ang masigasig na paglapit sa Kanya at pag-aalay ng ating buong kaluluwa bilang handog ay nangangailangan nang higit pa sa kaalaman. Kailangan sa pagbabalik-loob ang ating buong puso, kakayahan, at pag-iisip at lakas (tingnan sa D at T 4:2).
Sumagot ang mga tao ni Haring Benjamin sa kanyang mga itinuro at sinabing, “Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Ang pagtanggap sa mga salitang binigkas, pagkakaroon ng patotoo hinggil sa katotohanan ng mga ito, at pagpapakita ng pananampalataya kay Cristo ay nagdulot ng malaking pagbabago sa puso at matatag na determinasyon na magpakabuti pa.
Ang mga Lamanitang nagbalik-loob sa aklat ni Helaman ay sinasabing “nasa landas ng kanilang tungkulin, at sila ay lumalakad nang maingat sa harapan ng Diyos, at pinagsisikapan nilang sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga batas at kanyang mga kahatulan. …
“… At sila ay nagsisikap nang walang kapagurang pagsusumigasig upang madala ang nalalabi sa kanilang mga kapatid sa kaalaman ng katotohanan” (Helaman 15:5–6).
Gaya ng ipinakikita sa mga halimbawang ito, ang pangunahing katangian na kaugnay ng pagbabalik-loob ay ang nararanasang malaking pagbabago sa ating puso, pagkakaroon ng hangaring patuloy na gumawa ng mabuti, pagsulong sa landas ng tungkulin, paglakad nang maingat sa harap ng Diyos, pagsunod sa mga kautusan, at paglilingkod nang may walang kapagurang pagsusumigasig. Malinaw na labis ang katapatan ng matatapat na kaluluwang ito sa Panginoon at sa Kanyang mga turo.
Pagbabalik-loob
Para sa marami sa atin, ang pagbabalik-loob ay tuluy-tuloy na proseso at hindi minsanang pangyayari na bunga ng isang matinding karanasan. Taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, dahan-dahan at halos hindi mapupuna, ang ating hangarin, kaisipan, mga salita at gawa ay umaayon na sa kagustuhan ng Diyos. Ang pagbabalik-loob sa Panginoon ay nangangailangan ng sigasig at tiyaga.
Tinukoy ni Samuel na Lamanita ang limang pangunahing bagay sa pagbabalik-loob sa Panginoon: (1) paniniwala sa mga turo at propesiya ng mga banal na propeta na nakatala sa mga banal na kasulatan, (2) pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, (3) pagsisisi, (4) nararanasan ang malaking pagbabago ng puso, at (5) pagiging “matatag at hindi natitinag sa pananampalataya” (tingnan sa Helaman 15:7–8). Ito ang huwarang humahantong sa pagbabalik-loob.
Patotoo at Pagbabalik-loob
Ang patotoo ang simula at kailangan sa patuloy na pagbabalik-loob. Patotoo ang simula; hindi ito ang hantungan o destinasyon. Ang matatag na patotoo ang pundasyon na pinagbabatayan ng pagbabalik-loob.
Ang patotoo lamang ay hindi sapat upang mapangalagaan tayo sa unos ng kadiliman at kasamaan sa mga huling araw sa mundong ating ginagalawan. Ang patotoo ay mahalaga at kailangan ngunit hindi sapat upang makapagbigay ng espirituwal na kalakasan at proteksiyon na kailangan natin. Ang ilan sa mga miyembro ng Simbahan na may patotoo ay natinag at tumalikod sa katotohanan. Ang kanilang espirituwal na kaalaman at katapatan ay hindi sumapat sa mga hamon na kanilang nakaharap.
Ang isang mahalagang aral tungkol sa kaugnayan ng patotoo at pagbabalik-loob ay makikita sa mga gawaing misyonero ng mga anak ni Mosias.
“Kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila—oo, … yamang buhay ang Panginoon, kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.
“Sapagkat sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos. …
“Ngayon, ito sila na mga nagbalik-loob sa Panginoon” (Alma 23:6–8).
Dalawang mahalagang bagay ang inilarawan sa mga talatang ito: (1) ang kaalaman ng katotohanan, na maaaring sabihing patotoo, at (2) pagbabalik-loob sa Panginoon, na sa pagkaunawa ko ay pagbabalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kaya, ang matinding kombinasyon ng patotoo at ng pagbabalik-loob sa Panginoon ang nagbunga ng katatagan at hindi pagkatinag at naglaan ng espirituwal na proteksiyon.
Hindi sila kailanman tumalikod sa katotohanan at isinuko nila “ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos.” Ang pagsasantabi ng taglay na “mga sandata ng paghihimagsik” gaya ng kasakiman, kapalaluan, at pagsuway ay nangangailangan ng higit pa sa pananalig at kaalaman. Ang katapatan, pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsunod ay kailangan bago maisuko ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Tayo ba ay mayroon pa ring mga sandata ng paghihimagsik na humahadlang sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon? Kung mayroon, kailangan nating magsisi ngayon din.
Mapapansin na hindi nagbalik-loob ang mga Lamanita dahil sa mga misyonero na nagturo sa kanila o sa napakahuhusay na programa ng Simbahan. Hindi sila nagbalik-loob dahil sa mga katangian ng kanilang mga pinuno o para ipreserba ang isang pamana ng kultura o tradisyon ng kanilang mga ninuno. Sila ay nagbalik-loob sa Panginoon—sa Kanya bilang Tagapagligtas at sa Kanyang kabanalan at doktrina—at hindi sila kailanman tumalikod sa katotohanan.
Ang patotoo ay espirituwal na kaalaman ng katotohanang nakamtan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang patuloy na pagbabalik-loob ay katapatan sa tuwina sa inihayag na katotohanan na ating natanggap—na may pusong handa at sa mabubuting kadahilanan. Ang malaman na totoo ang ebanghelyo ang pinakadiwa ng patotoo. Ang patuloy na katapatan sa ebanghelyo ang pinakadiwa ng pagbabalik-loob. Dapat nating malaman na totoo ang ebanghelyo at maging tapat sa ebanghelyo.
Patotoo, Pagbabalik-loob, at ang Talinghaga ng Sampung Dalaga
Gusto kong gamitin ngayon ang isa sa maraming posibleng pakahulugan ng talinghaga ng sampung dalaga para bigyang-diin ang kaugnayan ng patotoo at pagbabalik-loob. Sampung dalaga, limang matalino at limang mangmang, ang kinuha ang kanilang ilawan at humayo para salubungin ang kasintahang lalake. Mangyaring isipin ninyo ang mga ilawang ginamit ng mga dalaga bilang ilawan ng patotoo. Dinala ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan ngunit hindi sila nangagdala ng langis. Ipagpalagay ang langis bilang langis ng pagbabalik-loob.
“Datapuwa’t ang matatalino ay nangagdala ng langis [ng pagbabalik-loob] sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan [ng patotoo].
“Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangag-antok silang lahat at nangakatulog.
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.
“Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan [ng patotoo].
“At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis [maging ng langis ng pagbabalik-loob]; sapagka’t … ang aming mga ilawan [ng patotoo ay mahihina at] nangamamatay.
“Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo” (Mateo 25:4–9).
Ang matatalino bang dalaga ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.
Gaya ng wastong pagbibigay-diin ng matatalinong dalaga, kailangang “magsibili tayo para sa ating sarili.” Ang inspiradong kababaihang ito ay hindi naglalarawan ng transaksyon sa negosyo; sa halip, binibigyang-diin nila ang ating indibiduwal na responsibilidad na panatilihing nag-aalab ang ating ilawan ng patotoo at magkaroon ng sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—“taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig. Walang shortcut dito; walang huling-sandaling paghahanda ang maaaring magawa.
“Dahil dito, maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki” (D at T 33:17).
Patotoo
Ipinapangako ko na sa pagkakaroon natin ng kaalaman ng katotohanan at sa pagbabalik-loob sa Panginoon, tayo ay mananatiling matatag at di-natitinag at hindi kailanman tatalikod sa katotohanan. Buong pananabik nating ibababa ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Bibiyayaan tayo ng maliwanag na tanglaw ng ating ilawan ng patotoo at sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. At habang lubusang nagbabalik-loob ang bawat isa sa atin, mapatatatag natin ang ating mga pamilya, kaibigan, at kasamahan. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.