2010–2019
Ang Kagalakan sa Pagkakaroon ng Priesthood
Oktubre 2012


18:7

Ang Kagalakan sa Pagkakaroon ng Priesthood

Ating tanggapin at arukin ang karingalan at pribilehiyong dulot ng priesthood. Tanggapin at mahalin natin ang mga responsibilidad na ipinagagawa sa atin.

Ang Kagalakan sa Pagpapalipad

Maraming taon na ang nakaraan nagpasiya kaming tuparin ng dalawa kong kapwa piloto ang pangarap namin noong bata pa na buuing muli ang isang antigong eruplano. Magkakasama naming binili ang lumang 1938 Piper Cub at sinimulang ibalik ito sa dating anyo. Ginawa namin ang proyektong ito nang may pagmamahal. May espesyal na kahulugan ito sa akin dahil sa ganoon ding eruplano ako natutong magpalipad noong ako’y bata pa.

Unang binuo ang eruplanong ito 35 taon matapos ang bantog na unang pagpapalipad ng Wright brothers. Kapag iniisip ko iyan pakiramdam ko napakatanda ko na.

Walang electric starter ang makina nito; kapag paaandarin mo ang makina mula sa cockpit, hahawakan ng isang tao sa ibaba ang elise at paiikutin ito nang ubod ng lakas para umandar ang makina. Bawat pagpapaandar ng makina ay kapana-panabik na sandali at nangangailangan ng katapangan.

Kapag nasa himpapawid na, kitang-kita ang kabagalan ng Piper Cub. Sa katunayan, kapag tumatama ang hangin sa nguso ng eruplano, parang hindi kami gumagalaw. Naaalala ko noong paliparin namin iyon ng binatilyo kong anak na si Guido sa ibabaw ng autobahn sa Germany, talaga namang mas mabilis pa ang mga kotse sa ibaba namin!

Pero gustung-gusto ko ang maliit na eruplanong ito! Ito ang pinakamainam na paraan na mararanasan mo ang saya at ganda ng pagpapalipad. Maririnig, mararamdaman, maaamoy, matitikman, at makikita mo kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagpapalipad. Ganito ang pagkakalahad dito ng Wright brothers: “[Walang] makapapantay sa nararamdaman ng mga piloto habang tinatangay sila ng hangin sakay ng malalaki at puting pakpak.”1

Kabaligtaran niyan, nitong kasisimula ng taon nagkaroon ako ng pribilehiyong paliparin ang makabagong F-18 fighter jet kasama ang kilala sa buong mundo na Blue Angels, ang flight demonstration team ng United States Navy. Habang nasa himpapawid, para akong nagbabalik-tanaw dahil eksaktong 50 taon bago iyon, halos sa eksaktong araw, nakumpleto ko ang training bilang air force fighter pilot.

Ang naranasan ko nang paliparin ko ang F-18, siyempre pa, ay talagang kaiba sa naranasan ko sa Piper Cub. Ipinakita nito sa akin ang higit na saya at ganda ng pagpapalipad. Para itong paggamit ng kasalukuyang mga tuntunin sa aerodynamics sa mas perpektong paraan. Gayunpaman, ang pagpapalipad kasama ang Blue Angels ay kaagad na nagpadama sa akin na ang jet fighter ay para sa mga batang piloto lang. Muli, sabi ng Wright brothers, “Higit sa alinpaman ang pakiramdam [sa pagpapalipad] ay isang ganap na kapayapaan na kaakibat ang kasabikang nanunuot sa bawat kalamnan.”2 Samantala, ang pagpapalipad kasama ang Blue Angels ay malayung-malayo sa pagkakaroon ng “mga anghel” sa paligid ninyo at dinadala kayo.

Kung itatanong ninyo kung alin sa dalawang karanasang ito sa pagpapalipad ang mas nagustuhan ko, hindi ko tiyak kung masasabi ko sa inyo. Kitang-kita sa ilang aspeto na magkaibang-magkaiba ang dalawang ito. Subalit sa ibang aspeto, halos magkatulad ang mga ito.

Sa Piper Cub at sa F-18, naramdaman ko ang kasabikan, kagandahan, at kasiyahan ng paglipad. Sa dalawang ito nadarama ko ang sinabi ng makata na “[lumayo] sa malupit na gapos ng Mundo at [sumayaw] sa kalangitan sa mga pakpak na animo’y pilak sa galak.”3

Iisang Priesthood Saan Man

Ngayon, marahil itatanong ninyo, ano ang kaugnayan ng dalawang magkaibang karanasang ito sa pagpapalipad sa ating pulong ngayon o sa priesthood na pribilehiyo nating hawakan o sa paglilingkod sa priesthood na mahal nating lahat?

Mga kapatid, hindi ba’t totoo na ang ating kani-kanyang karanasan sa paglilingkod sa priesthood ay magkakaiba? Masasabi natin na ang ilan sa inyo ay nagpapalipad ng F-18 jet, samantalang ang iba naman ay nagpapalipad ng Piper Cub. Ang ilan sa inyo ay nakatira sa mga ward at stake, kung saan ang bawat posisyon, mula assistant high priest group leader hanggang sa deacons quorum secretary, ay ginagampanan ng aktibong mayhawak ng priesthood. May pribilehiyo kayong makibahagi sa organisasyon ng ward na may mga taong makagaganap sa lahat ng tungkulin dito.

Ilan sa inyo ay nakatira sa mga lugar na kaunti lang ang mga miyembro ng Simbahan at lider ng priesthood. Nadarama ninyo marahil na nag-iisa kayo at nahihirapan sa mga kailangang gawin. Maaaring kailangang kayo mismo ang kumilos para mapaandar ang makina ng paglilingkod sa priesthood. Kung minsan parang hindi na talaga sumusulong ang inyong branch o ward.

Gayunpaman, anuman ang inyong responsibilidad o kalagayan, alam natin na laging may kakaibang galak na nagmumula sa tapat na paglilingkod sa priesthood.

Gustung-gusto kong magpalipad, iyan man ay Piper Cub, F-18, o kahit anong eruplano. Noong nasa Piper Cub ako, hindi ako nagreklamo kahit mabagal ito; noong nasa F-18 ako hindi ako dumaing nang nahirapan ako sa pabali-baligtad na pagmamaniobra dahil sa aking katandaan.

Oo, laging may kakulangan ang alinmang sitwasyon. Oo, madaling makahanap ng bagay na mairereklamo.

Ngunit mga kapatid, tayo ay mga mayhawak ng Banal na Priesthood, alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos! Bawat isa sa atin ay napatungan ng mga kamay sa ating ulo, at natanggap natin ang priesthood ng Diyos. Binigyan tayo ng awtoridad at responsibilidad na kumilos sa Kanyang pangalan bilang Kanyang mga tagapaglingkod sa mundo. Tayo man ay nasa malaki o maliit na branch, tinawag tayo upang maglingkod, magbasbas, at kumilos sa lahat ng oras para sa ikabubuti ng lahat ng taong ipinagkatiwala sa atin. Mayroon pa bang mas kasiya-siya rito?

Ating arukin, pahalagahan, at damhin ang galak ng paglilingkod sa priesthood.

Ang Kagalakan sa Pagkakaroon ng Priesthood

Ang pagmamahal ko sa pagpipiloto ay nakaimpluwensya sa takbo ng buhay ko. Bagama’t masaya at puno ng biyaya ang mga karanasan ko bilang piloto, ang mga karanasan ko bilang miyembro ng Simbahang ito ay mas malalim, mas nakagagalak, at mas makabuluhan. Sa pagtutuon ko nang lubos sa paglilingkod sa Simbahan, nadama ko ang pinakamakapangyarihang lakas ng Diyos pati na ang Kanyang magiliw na awa.

Bilang piloto, naabot ko ang kalangitan. Bilang miyembro ng Simbahan, nadama ko ang pagmamahal at pangangalaga ng langit.

Paminsan-minsan, hinahanap-hanap ko ang pag-upo sa cockpit. Ngunit dahil sa paglilingkod kasama ng aking mga kapatid sa Simbahan, kaagad ko itong nalilimutan. Ang madama ang kapayapaan at galak na dulot ng pagiging maliit na bahagi ng dakilang adhikain at gawaing ito, ay bagay na hindi ko ipagpapalit sa anupaman sa mundo.

Ngayon ay nagtitipon tayo bilang malaking lupon ng priesthood. Sagradong kagalakan at pribilehiyo natin ang paglingkuran ang Panginoon at ating kapwa, ibigay ang pinakamabuti nating katangian sa dakilang adhikaing tulungan ang iba at itayo ang kaharian ng Diyos.

Nalalaman at nauunawaan natin na ang priesthood ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Madali nating sambitin ang pakahulugang ito na naisaulo natin. Gayunpaman, talaga bang nauunawaan natin ang kahalagahan ng ating sinasabi? Uulitin ko: ang priesthood ay ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.

Isipin ninyo. Sa pamamagitan ng priesthood, nilikha at pinamamahalaan ng Diyos ang langit at lupa.

Sa kapangyarihang ito, Kanyang tinubos at dinakila ang lahat ng Kanyang anak, na isinasakatuparan “ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”4

Ang priesthood, tulad ng ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith ay “daluyan kung saan sinimulang ihayag ng Maykapal ang Kanyang kaluwalhatian sa … paglikha sa mundong ito, at sa pamamagitan nito ay patuloy Niyang inihahayag ang kanyang sarili sa mga anak ng tao hanggang sa ngayon, at ihahayag Niya ang kanyang mga layunin hanggang sa katapusan ng panahon.”5

Ipinagkatiwala ng pinakamakapangyarihang Ama sa Langit ang awtoridad ng priesthood sa atin—mga mortal na nilalang, na may mga pagkakamali at hindi perpekto. Binigyan Niya tayo ng awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Sa kapangyarihang ito may karapatan tayong ipangaral ang ebanghelyo, pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan, tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mundo, at basbasan at paglingkuran ang ating pamilya at kapwa-tao.

Matatanggap ng Lahat

Ito ang sagradong priesthood na hawak natin.

Ang priesthood, o alinman sa responsibilidad na sakop nito, ay hindi mabibili o maiuutos. Ang paggamit sa kapangyarihan ng priesthood ay hindi maiimpluwensiyahan, makukumbinsi, o maipipilit dahil sa posisyon, yaman, o impluwensya. Ito ay espirituwal na kapangyarihan na kumikilos ayon sa batas ng langit. Ito ay nagmula sa ating dakilang Ama sa Langit. Ang kapangyarihan nito ay hindi mapamamahalaan at mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan,6 at hindi ng pagmamagaling.

Si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng tunay na awtoridad at kapangyarihan ng priesthood sa mundo.7 Ito ang Kanyang gawain, kung saan tayo ay may pribilehiyong tumulong. “At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kapwa-tao, na mahinahon sa lahat ng bagay, anuman ang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalinga.”8

Hindi tayo kumikilos para makinabang, sa halip hangad nating maglingkod at tumulong sa iba. Hindi tayo namumuno nang may pamimilit kundi sa pamamagitan ng “paghihikayat, … mahabang pagtitiis, … kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”9

Ang priesthood ng Pinakamakapangyarihang Diyos ay matatanggap ng lahat ng karapat-dapat na kalalakihan saan man sila naroon—anuman ang kanilang angkan, gaano man kaaba ang kanilang kalagayan, sa pinakamalapit o pinakamalayo mang bahagi ng daigdig. Matatanggap ito nang walang salapi at walang bayad. Kung ipapakahulugan ang sinabi ng sinaunang propetang si Isaias, lahat ng nauuhaw ay maaaring magpunta sa tubig, at walang salaping kailangan para makapunta at kumain!10

At dahil sa walang hanggan at di-maarok na Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, si Jesucristo, ang priesthood ng Diyos ay maaari ninyong matanggap kahit kayo ay nagkamali o naging hindi karapat-dapat noon. Sa espirituwal na pagdadalisay at paglilinis ng pagsisisi, kayo ay maaaring “bumangon at magliwanag”!11 Dahil sa walang hanggan at mapagpatawad na pagmamahal ng ating Tagapagligtas at Manunubos, maitatanaw ninyo ang inyong mata, maaari kayong maging malinis at karapat-dapat, at mararangal na anak ng Diyos—mararapat na mayhawak ng pinakasagradong priesthood ng Pinakamakapangyarihang Diyos.

Ang Karingalan at Pribilehiyong Dulot ng Priesthood

Nalulungkot ako sa mga hindi nakauunawa at nagpapahalaga sa karingalan at pribilehiyong dulot ng priesthood. Para silang mga pasahero sa eruplano na sinasayang ang oras sa pagrereklamo dahil lang sa maliit na supot ng mani habang sila ay nasa himpapawid, sa ibabaw ng mga ulap—isang bagay na malamang na maghikayat sa mga sinaunang hari na ipagpalit ang lahat ng kanilang kayamaman para maranasan ito kahit minsan!

Mga kapatid, pinagpala tayo na maging abang tagapagtaglay ng dakilang awtoridad at kapangyarihang ito ng priesthood. Atin nang itanaw ang ating mga mata at tingnan, kilalanin, at tanggapin ang oportunidad na ito sa tunay na layunin nito.

Sa matwid, mapagmahal, at tapat na paglilingkod sa priesthood, mararanasan natin ang tunay na kahulugan ng paghahayag: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”12

Ating tanggapin at arukin ang karingalan at pribilehiyong dulot ng priesthood. Tanggapin at mahalin natin ang mga responsibilidad na ipinagagawa sa atin—sa ating tahanan at sa ating yunit ng Simbahan, gaano man ito kalaki o kaliit. Ipagpatuloy natin ang kabutihan, katapatan, at paglilingkod sa priesthood. Magalak tayo sa paglilingkod sa priesthood!

Magagawa natin ito nang napakainam sa pamumuhay ng mga alituntunin ng kaalaman, pagsunod, at pananampalataya.

Ibig sabihin, kailangan muna nating alamin at ipamuhay ang doktrina ng priesthood na makikita sa ipinahayag na salita ng Diyos. Mahalagang maunawaan natin ang mga tipan at kautusan kung saan kumikilos ang priesthood.13

Susunod, maging matalino tayo at gamitin ang natamong kaalamang ito nang patuloy at may dangal. Kapag sinunod natin ang mga batas ng Diyos, dinisiplina ang ating isipan at katawan, at iniayon ang ating mga ginagawa sa mga huwaran ng kabutihang itinuro ng mga propeta, magagalak tayo sa paglilingkod sa priesthood.

At sa huli, patibayin natin ang ating pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo. Taglayin natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan at ipangako bawat araw na tumahak na muli sa landas ng pagkadisipulo. Gawin nating ganap ang ating pananampalataya sa ating mga gawa.14 Sa pagiging disipulo, maaari tayong gawing perpekto nang paunti-unti ng ating paglilingkod sa pamilya, sa kapwa, at sa Diyos.

Kapag tayo ay naglilingkod sa priesthood nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, bibiyayaan tayo ng dakilang kaalaman, kapayapaan, at mga espirituwal na kaloob. Sa pagpaparangal natin sa banal na priesthood, ikararangal tayo ng Diyos, at tayo ay “[makatatayong] walang-sala sa harapan [Niya] sa huling araw.”15

Nawa ay lagi tayong magkaroon ng mga matang makakakita at pusong makadarama ng karingalan at kagalakan ng priesthood ng ating dakila at makapangyarihang Diyos ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.