2010–2019
Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod
Oktubre 2012


10:2

Magmasid Muna at Pagkatapos ay Maglingkod

Kung palaging ginagawa, bawat isa sa atin ay magiging higit na katulad ng Tagapagligtas kapag pinaglingkuran natin ang mga anak ng Diyos.

Isa sa pinakamalalaking katibayan na mayroon tayo na ang ating mahal na propeta na si Pangulong Thomas S. Monson ay piniling tagapaglingkod ng Panginoon ay natutuhan niyang sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas—naglilingkod sa bawat tao. Tayo na mga nabinyagan ay nakipagtipan na gagawin din ang gayon. Tayo ay nakipagtipan na “[laging] alalahanin [ang Tagapagligtas] at susundin ang kanyang mga kautusan,”1 at sinabi Niya, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.”2

Pansinin kung paanong ang mga salita ni Pangulong Monson ay naglalaman ng paanyaya ring iyon: “Napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan. … Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasa Siya sa bawat isa sa atin.”3

Narinig ba ninyo—ang paanyaya na mahalin ang isa’t isa? Sa ilan, ang paglilingkod sa bawat tao, na sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas, ay hindi madaling gawin. Ngunit kung palaging ginagawa, bawat isa sa atin ay magiging higit na katulad ng Tagapagligtas kapag pinaglingkuran natin ang mga anak ng Diyos. Upang matulungan tayo na lalo pang mahalin ang isa’t isa, gusto kong magmungkahi ng anim na salita na aalalahanin: “Magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod.”

Halos 40 taon na ang nakaraan, kaming mag-asawa ay nagpunta sa templo nang Biyernes ng gabi. Bagong kasal pa lang kami noon, at kinakabahan ako dahil pangalawa ko pa lang itong pagpunta mula noong mag-asawa ako. Isang miyembrong babae, na nakaupo sa tabi ko, ang nakapansin. Marahan siyang bumulong sa akin, “Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita.” Napawi ang pangamba ko, at naging panatag na sa buong temple session. Siya ay nagmasid muna at pagkatapos ay naglingkod.

Lahat tayo ay inaanyayahang sundin ang mga turo ni Jesus at maglingkod sa kapwa. Ang paanyayang ito ay hindi limitado sa mga butihing kababaihan. Sa pagbabahagi ko ng ilang halimbawa ng mga miyembro na natutong magmasid muna at pagkatapos ay naglingkod, pakinggan ang mga turo ni Jesus na inilalarawan ng mga ito.

Sabi ng isang anim na taong gulang na bata sa Primary: “Nang mapili akong class helper, pwede akong pumili ng isang kaibigan na makakasama ko. Pinili ko [ang isang batang lalaki sa klase namin na laging nananakot sa akin] dahil hindi siya pinipili ng iba. Gusto kong maging masaya siya.”4

Ano ang naobserbahan ng batang ito? Napansin niya na hindi napipili ang siga-siga sa klase. Ano ang ginawa niya para makapaglingkod? Pinili niya ito na maging kaibigan niya bilang class helper. Itinuro ni Jesus, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.”5

Sa isang ward, nagmasid muna ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood at ngayon ay naglilingkod na sa makabuluhang paraan. Tuwing linggo dumarating nang maaga ang mga kabataang lalaki at tumatayo sa labas ng meetinghouse, sa ulan, niyebe, o mainit na panahon, naghihintay sa pagdating ng maraming matatandang miyembro ng kanilang ward. Kanilang binubuhat ang mga wheelchair at walker palabas sa mga sasakyan, inaalalayan at matiyagang inihahatid sa loob ang matatanda. Talagang ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa Diyos. Nang sila ay magmasid at pagkatapos ay naglingkod, sila ay mga halimbawa ng turo ng Tagapagligtas: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”6 Sa implementasyon ng bagong kurikulum para sa mga kabataan, tiyak na magkakaroon ng mas maraming pagkakataon ang mga kabataang ito na maglingkod nang katulad ni Cristo.

Ang pagmamasid at paglilingkod kung minsan ay kailangang pagsikapan nang husto. Napansin ng isang inspiradong dalagita na nagngangalang Alexandria na ang kanyang pinsan na si Madison ay hindi kayang tapusin ang kanyang Pansariling Pag-unlad dahil malubha ang autism nito. Kinausap ni Alexandria ang mga kabataang babae sa kanyang ward, sumangguni sa kanyang mga lider, at determinadong gawin ang hindi makakayang gawin ni Maddy para sa kanyang sarili. Masigasig na tinapos ng bawat kabataang babae ang bahagi ng mga aktibidad at proyekto sa Pansariling Pag-unlad para matanggap ni Maddy ang kanyang medalyon.7

Ang mga kabataang babaeng ito ay magiging mabuting ina at Relief Society dahil natuto silang magmasid muna at maglingkod nang may pagmamahal.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Monson na ang pag-ibig sa kapwa-tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo”8— o sa madaling salita pagmamasid at paglilingkod— ay “kitang-kita kapag ang isang matandang babaeng balo ay naaalala at dinadala sa mga aktibidad sa ward” at “kapag ang miyembro na mag-isang nakaupo sa Relief Society ay tumanggap ng paanyayang, ‘Halika—tabi-tabi tayo.’”9 Angkop dito ang golden rule na: “Lahat ng bagay na nais ninyong gawin ng [kalalakihan o kababaihan] sa inyo, gayon ang gawin ninyo sa kanila.”10

Isang mapagmasid na asawa ang naglingkod sa dalawang mahalagang paraan. Ikinuwento niya:

“Tinutulungan ko noon ang asawa ko isang araw ng Linggo sa Primary class niya na puno ng malilikot na batang pitong taong gulang. Nang magsimula ang oras ng pagbabahagi sa Primary, napansin ko ang isa sa mga [bata] na nakasiksik sa kanyang silya at halatang masama ang pakiramdam. Ibinulong sa akin ng Espiritu na kailangan niyang guminhawa [sa nararamdaman niya], kaya umupo ako sa tabi niya at marahang itinanong kung ano ang problema niya. Hindi siya sumagot, … kaya’t sinimulan ko siyang kantahan nang mahina.

“Pinag-aaralan ng Primary ang isang bagong awitin noon, at nang kumanta kami ng, ‘Kung makikinig nang taos, Siya’y aking maririnig,’ pinuspos ng di-kapani-paniwalang liwanag at init ang aking kaluluwa. … Tumanggap ako ng … patotoo sa pagmamahal ng ating Tagapagligtas sa kanya, … at sa akin. … Natutuhan ko na tayo ang mga kamay [ng Tagapagligtas] kapag naglilingkod tayo sa isang tao.”11

Hindi lamang napansin ng mapagmahal na lalaking ito na kailangan ng tulong ng kanyang asawa sa klase nito na puno ng malilikot na batang pitong taong gulang; tinulungan niya rin ang isang batang nangangailangan. Sinunod niya ang Tagapagligtas, na nagturong, “Ang mga gawaing nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin.”12

Kamakailan isang pagbaha ang nagbigay ng maraming pagkakataon sa mga disipulo ni Jesucristo na magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod. Nakita ng kalalakihan, kababaihan, kabataan, at mga bata na nawasak ang mga negosyo at tahanan at kanilang iniwan ang lahat ng iba pang bagay upang tumulong na maglinis at magkumpuni ng mga nasirang istruktura. Namasdan ng ilan na kailangan nilang tumulong sa napakaraming labahin. Ang iba ay matiyagang nilinis ang mga retrato, legal na dokumento, liham, at iba pang mahahalagang papeles at maingat na isinabit para matuyo at maisalba ang maaari pang maisalba. Ang pagmamasid at pagkatapos ay paglilingkod ay hindi palaging madali at akma sa ating sariling iskedyul.

Ano pa bang mas mahalagang lugar na dapat pagmasdan muna at pagkatapos ay paglingkuran kundi ang tahanan? Isang halimbawa sa buhay ni Elder Richard Scott ang naglalarawan nito:

“Isang gabi nagising [at umiyak] ang musmos naming anak na si Richard, na may sakit sa puso. … Karaniwan ay asawa ko ang laging tumatayo para aluin ang batang umiiyak, ngunit sa pagkakataong ito sabi ko, ‘Ako na ang mag-aasikaso sa kanya.’

“Dahil sa sakit niya, kapag nagsisimula na siyang umiyak, bumibilis ang pintig ng munting puso niya. Nagsusuka siya at narurumihan ang kobrekama. Nang gabing iyon niyakap ko siya nang mahigpit para kumalma ang pintig ng kanyang puso at tumahan siya sa pag-iyak habang pinapalitan ko ang damit niya at ang kobrekama. Yakap ko siya hanggang sa makatulog siya. Hindi ko alam noon na ilang buwan na lang ay papanaw na siya. Lagi kong maaalala ang pagyakap ko sa kanya noong hatinggabing iyon.”13

Sinabi ni Jesus, “Sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.”14

Kung minsan natutukso tayong maglingkod sa paraang gusto natin at hindi sa paraang kailangan sa sandaling iyon. Nang ituro ni Elder Robert D. Hales ang alituntunin ng masinop na pamumuhay, ibinahagi niya ang halimbawa ng pagbili ng regalo sa kanyang asawa. Itinanong ng kanyang asawa, “Binibili mo ba ito para sa akin o para sa iyo?”15 Kung iaangkop natin ang tanong na iyan sa ating sarili kapag naglilingkod tayo at itatanong, “Ginagawa ko ba ito para sa Tagapagligtas, o para sa akin?” ang ating paglilingkod ay higit na makahahalintulad ng paglilingkod ng Tagapagligtas. Nagtanong ang Tagapagligtas, at dapat tayo rin, “Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?”16

Ilang linggo na ang nakararaan, lagi akong nagmamadali at pagud na pagod, sa napakarami kong kailangang gawin. Inasam ko na makapunta sa templo nang araw na iyon pero napakarami kong ginagawa. Nang pumasok sa isipan ko na abala ako para makapunta sa templo, kaagad akong napukaw nito sa dapat kong unang gawin. Iniwan ko ang opisina at naglakad papunta sa Salt Lake Temple, iniisip ko kung kailan ko mababawi ang mga oras na mawawala sa akin. Salamat na lamang at mapagpasensya at mahabagin ang Panginoon at tinuruan ako ng magandang aral nang araw na iyon.

Habang nakaupo ako sa session room, isang bata pang babae ang magalang na bumulong sa akin, “Kinakabahan po talaga ako. Pangalawa ko pa lang na pagpunta ito sa templo. Pwede po bang tulungan ninyo ako?” Paano niya nalaman na iyon mismo ang mga salitang kailangan kong marinig? Hindi niya alam, ngunit alam ng Ama sa Langit. Nakita Niya ang malaking pangangailangan ko. Kailangan kong maglingkod. Binigyang-inspirasyon Niya ang mapagkumbabang babaeng ito na paglingkuran ako sa pamamagitan ng pag-anyaya sa akin na paglingkuran siya. Tinitiyak ko sa inyo na ako ang higit na natulungan dito.

Kinikilala ko nang may lubos na pasasalamat ang maraming tao na tulad ni Cristo na naglingkod sa aming pamilya sa maraming taon. Buong puso akong nagpapasalamat sa aking mahal na asawa at pamilya, na lubos na naglingkod nang may malaking pagmamahal.

Nawa ay hangarin nating lahat na magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod. Kapag ginawa natin ito, tinutupad natin ang ating mga tipan, at ang ating paglilingkod, tulad ng kay Pangulong Monson, ay magpapakita ng ating pagiging disipulo. Alam ko na buhay ang Tagapagligtas. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagtulot sa atin na ipamuhay ang Kanyang mga turo. Alam ko na si Pangulong Monson ang ating propeta ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 20:77.

  2. Juan 15:12.

  3. Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 86.

  4. Canyon H., “A Good Choice,” Friend, Ene. 2012, 31.

  5. Mateo 5:44.

  6. Mateo 25:40.

  7. Tingnan sa “For Madison,” lds.org/youth/video/for-madison.

  8. Moroni 7:47.

  9. Thomas S. Monson, “Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,”Liahona, Nob. 2010, 125; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 119.

  10. 3 Nephi 14:12.

  11. Al VanLeeuwen, “Paglilingkod sa Isang Tao,” Liahona, Ago. 2012, 19; tingnan din sa Sally DeFord, “Kung Makikinig ng Taos,” Outline para sa Oras ng Pagbabahagi, 28.

  12. 3 Nephi 27:21.

  13. Richard G. Scott, “Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Liahona, Mayo 2011, 96.

  14. Mateo 20:26.

  15. Robert D. Hales, “Pagiging Masisinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” Liahona, Mayo 2009, 9.

  16. Mateo 20:32.