2010–2019
Ang Pagbabayad-sala
Oktubre 2012


14:49

Ang Pagbabayad-sala

Saanman magtungo ang ating mga miyembro at misyonero, ang ating mensahe ay iisang pananampalataya at pag-asa sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang mensahe ko ay para sa sinuman sa atin na nagdurusa, binabagabag ng kasalanan at kahinaan at kabiguan, lungkot, at kawalan ng pag-asa.

Noong 1971, naatasan ako sa mga kumperensya ng stake sa Western Samoa, kabilang na ang pag-organisa ng bagong stake sa isla ng Upolu. Matapos mag-interbyu sumakay kami sa isang maliit na eruplano papunta sa isla ng Savai’i upang magdaos ng kumperensya ng stake roon. Lumapag ang eruplano sa madamong kapatagan ng Faala at babalik din kinabukasan nang hapon para ibalik kami sa isla ng Upolu.

Noong araw na aalis na kami sa Savai’i, umuulan. Dahil alam namin na hindi makalalapag ang eroplano sa basang kapatagan, nagbiyahe kami sa dulong kanluran ng isla, kung saan naroon ang parang isang runway sa ibabaw ng mahaba’t makitid na koral na naghihiwalay sa tubig. Naghintay kami hanggang gabi, pero walang eruplanong dumating. Kalaunan, nalaman namin mula sa mensahe sa radio na may bagyo, at hindi makalilipad ang eruplano. Nagpadala kami ng mensahe sa radio na darating kami sakay ng barko. Kailangang may sumalubong sa amin sa Mulifanua.

Nang paalis na kami sa daungan ng Savai’i, ang kapitan ng 40-talampakan (12 m) na barko ay nagtanong sa mission president kung may flashlight ito. Mabuti na lang at may dala siya at ibinigay ito sa kapitan. Nakatawid kami sa 13-milya (21 km) patungo sa Upolo Island sa napakaalong dagat. Walang sinumang nakaalam sa amin na isang napakalakas na bagyo ang tumama sa isla, at doon kami mismo papunta.

Nakarating kami sa daungan ng Mulifanua. May makitid kaming daraanan na babaybayin sa kahabaan ng reef. Ang ilaw sa ituktok ng burol sa may dalampasigan at ang pangalawang ilaw sa ibaba nito ang tumatanglaw sa makitid na daan. Kapag patungo rito ang barko, sabay na tatanglaw ang dalawang ilaw na ito, at ang barko ay magagabayan nang tama para makaraan sa delikadong malalaking bato na nakahilera sa daraanan.

Ngunit nang gabing iyon iisa lang ang ilaw. Dalawang elder ang nag-aabang sa amin sa dalampasigan, ngunit ang paglayag patawid ay mas tumagal kaysa karaniwan. Matapos mag-abang nang maraming oras para sa senyas na parating na ang aming barko, napagod ang mga elder at nakatulog, nakalimutang buksan ang pangalawang ilaw, ang ilaw na nasa ibaba. Dahil dito, hindi makita ang daraanan papasok sa reef.

Pinatakbo ng kapitan ang barko sa abot ng kanyang makakaya patungo sa natatanglawan ng isang ilaw na nasa ituktok mula sa dalampasigan habang ang isang tripulante na hawak ang hiniram na flashlight ay naroon sa unahang bahagi ng barko at inaaninag mabuti ang mga bato sa daraanan. Naririnig namin ang paghampas ng mga alon sa mga bato. Kapag nakita namin ito nang malapitan gamit ang flashlight, sumisigaw ang kapitan na iatras ang barko at susubukang muli na hanapin ang daan.

Matapos ang maraming pagtatangka, alam niyang imposibleng mahanap ang daan. Ang magagawa lang namin ay sikaping makarating sa daungan sa Apia na ang layo ay 40 milya (64 km). Wala kaming magawa sa napakalakas na bagyo. Noon lang ako napunta sa napakadilim na lugar.

Hindi kami makausad sa una, bagama’t itinodo na ang pag-andar ng makina. Hirap na makalayag ang barko sa malalaking alon at tumitigil ito sa tuktok ng mga alon at palitaw-litaw ang mga propeller ng barko sa tubig. Ang pag-ikot ng mga propeller ay yumayanig sa barko na halos ikawasak nito bago ito lumubog sa tubig.

Nakadipa kami sa pinaglalagyan ng kargo, nakakapit ang aming mga kamay at ang aming mga paa ay nakaipit para hindi kami maanod ng tubig. Nakahulagpos sa pagkakapit si Brother Mark Littleford at naibalibag sa harang na bakal. Nasugatan ang kanyang ulo, pero dahil sa harang na bakal hindi siya naanod sa tubig.

Sa wakas, nakausad kami at halos magbubukang-liwayway na nang makarating kami sa daungan sa Apia. Ang mga bapor doon ay pinagtali-tali sa isa’t isa para hindi maanod. Halos maharangan ng mga barkong ito ang daungan. Dinaanan namin ang mga ito, sinisikap na hindi maistorbo ang mga taong natutulog sa kubyerta [deck]. Nakarating kami sa Pesega, pinatuyo ang kasuotan namin, at tumuloy sa Vailuutai para mag-organisa ng bagong stake.

Hindi ko alam kung sino ang nag-abang sa amin sa Mulisanua. Ayaw kong sabihin nila sa akin. Ngunit totoo na dahil wala ang isa pang ilaw na iyon, maaari naming ikamatay iyon.

Nasa ating himnaryo ang isang napakaluma at bihirang kantahing himno na napakaespesyal ng kahulugan sa akin.

Awa ng ating Ama’y nagliliwanag

Mula sa Kanyang parola magpakailanman,

Ngunit atas niya’y panatilihin

Ating ilawan sa dalampasigan.

Hayaang iyon ay magliwanag;

Tumanglaw sa karagatan.

Aba at pagod na mandaragat

Inyong masasagip, maliligtas.

Kadiliman ng kasalanan lumatag na;

Dagundong ng alon ay nagngangalit.

Sabik na mga matang nagbabantay, naghihintay,

Sa mga ilawan sa dalampasigan.

Ilawan ay pagningasin, aking kapatid;

Abang mandaragat sa bagyo’y sumasagupa,

Dalampasiga’y hangad marating,

Sa kadilima’y maaaring masawi.1

Nagsasalita ako ngayon sa mga taong maaaring nalilihis at naghahanap ng liwanag na gagabay sa kanila pabalik.

Naunawaan natin sa simula pa lamang na sa mortalidad na ito hindi tayo magiging perpekto. Hindi inaasahang mabubuhay tayo nang walang nalalabag na batas.

“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bibigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.”2

Mula sa Mahalagang Perlas, naunawaan natin na “walang maruming bagay ang makatatahan [sa kaharian ng Diyos],”3 kaya isang paraan ang inilaan para sa lahat ng nagkasala upang makapagsisi at maging karapat-dapat na makapiling muli ang ating Ama sa Langit.

Isang Tagapamagitan, isang Manunubos, ang pinili, isang Tao na mabubuhay nang sakdal, walang anumang kasalanan, at ihahandog ang “kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan, upang tugunin ang layunin ng batas para sa lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu; at walang sinumang maaaring makatugon sa mga layunin ng batas.”4

Hinggil sa kahalagahan ng Pagbabayad-sala, itinuro ni Alma, “Sapagkat kinakailangan na ang pagbabayad-sala ay maisagawa; … at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi.”5

Kung hindi kayo nagkakasala, kung gayon hindi ninyo kailangan ang Pagbabayad-sala. Kung may mga kasalanan kayo, at lahat tayo ay mayroon, maliit man o malaki, kung gayon kailangang-kailangang malaman ninyo kung paano mabubura ang mga ito nang sa gayon hindi kayo manatili sa kadiliman.

[Si Jesucristo] ang ilaw at ang buhay ng daigdig.”6 Kapag itinuon natin ang ating paningin sa Kanya at sa Kanyang mga turo, tayo ay magagabayan patungo sa daungan ng espirituwal na kaligtasan.

Nakasaad sa ikatlong saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”7

Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith: “Hindi maaaring patawarin ng mga tao ang kanilang mga sariling kasalanan; hindi nila maaaring linisin ang kanilang sarili mula sa mga kinahinatnan ng kanilang mga kasalanan. Ang mga tao ay maaaring tumigil sa paggawa ng kasalanan at makagawa ng tama sa hinaharap, at [hangga’t] ang kanilang mabubuting gawa [ay katanggap-tanggap] sa harapan ng Panginoon [ito ay nagiging] karapat-dapat sa pagsasaalang-alang. Ngunit sino ang mag-aayos sa mga kamaliang ginawa nila sa kanilang sarili at sa iba, na para bang imposible sa kanila na ayusin ito ng kanilang sarili? Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga kasalanan ng nagsipagsisi ay mapapalis; bagaman ang mga ito ay maging mapula, gagawin itong mapuputi na parang niebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Ito ang pangakong ibinigay sa inyo.”8

Hindi natin lubos na nalalaman kung paano isinagawa ng Panginoon ang Pagbabayad-sala. Ngunit alam natin na ang labis na paghihirap sa Pagkakapako sa krus ay bahagi lamang ng kalagim-lagim na pagdurusa na nagsimula sa Getsemani—ang sagradong lugar na iyon ng pagdurusa—at natapos sa Golgota.

Itinala ni Lucas:

“Siya’y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya’y nanikluhod at nanalangin,

“Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.

“At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.

“At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.”9

Sa nalalaman ko, may nag-iisang salaysay sa sariling mga salita ng Tagapagligtas na naglalarawan ng dinanas Niya sa Halamanan ng Getsemani. Itinala ng paghahayag:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat.”10

Sa buhay ninyo, maaaring may mga panahong naparoon kayo sa mga lugar na hindi ninyo dapat puntahan at nakagawa ng mga bagay na hindi ninyo dapat ginawa. Kung inyong tatalikuran ang kasalanan, malalaman ninyo balang-araw ang kapayapaang dumarating sa pagtahak sa landas ng ganap na pagsisisi.

Anuman ang naging mga kasalanan natin, gaano man tayo nakasakit sa iba, ang kasalanang iyan ay mabuburang lahat. Para sa akin, marahil ang pinakamagandang mga kataga sa mga banal na kasulatan ay nang sabihin ng Panginoon, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”11

Iyan ang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Pagbabayad-sala: tanggapin ang sinumang lalapit, ang sinumang sasama, at susubukan sila nang sa gayon sa katapusan ng paglalakbay ng kanilang buhay, ay makapapasok sila sa tabing na nakapagsisi ng kanilang mga kasalanan at nalinis sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.12

Iyan ang ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Iyan ang Liwanag na maibibigay natin sa mga yaong nasa kadiliman at naliligaw. Saanman magtungo ang ating mga miyembro at misyonero, ang ating mensahe ay iisang pananampalataya at pag-asa sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang titik sa himnong “Does the Journey Seem Long? [Paglalakbay Ba ay Tila Walang Katapusan?]” Siya ay matalik kong kaibigan. Ito ay naglalaman ng panghihikayat at pangako sa mga naghahangad na sundin ang mga turo ng Tagapagligtas:

Paglalakbay ba ay tila walang katapusan,

Daan ay mabato at matarik?

Madawag at matinik?

Matulis na bato’y nakasugat ba sa iyo

Sa pagsisikap na maakyat

Tuktok ng bundok sa init ng sikat ng araw?

Nanghina at nalungkot ba ang iyong puso,

Napagod ba ang iyong kaluluwa,

Sa hirap na nararanasan?

Pasanin ba’y mabigat

Na sinisikap na mabata?

Sa iyo ba ay may tutulong?

Puso’y huwag mawalan ng pag-asa

Simula na ng iyong paglalakbay;

Naroon Siya tumatawag sa iyo.

Kaya’t umasa at magalak

At tanganan kanyang kamay;

Ika’y kanyang aakayin sa isang bagong lugar—

Isang lupaing banal at dalisay,

Doon ay walang paghihirap,

At ligtas sa lahat ng kasalanan,

Doon ay wala nang luhang dadaloy,

Sapagkat wala nang kalungkutan.

Kanyang kamay ay hawakan at pumasok kasama niya.13

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.