Mag-ingat Hinggil sa Inyong Sarili
Manatili sa landas ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapalalim ng inyong pagbabagong-loob at pagpapatatag ng inyong pamilya. … Umiwas sa trahedya sa pamamagitan ng pagsunod sa espirituwal na mga karatulang “Mag-ingat” na inilagay ng Diyos at ng mga propeta sa ating daanan.
Noong binatilyo pa ako, nagdaraan ang aming pamilya sa Rocky Mountains ng Amerika para bisitahin ang mga lolo’t lola. Nagsisimula ang daan sa mga sagebrush flatland, paakyat sa matatarik na dalisdis na punung-puno ng mga punong aguho, at sa huli ay palabas sa kakayuhan ng mga punong aspen at kaparangan sa tuktok ng bundok kung saan halos walang hanggan ang tanaw namin.
Ngunit hindi ganap na ligtas ang magandang daang ito. Karamihan sa daan ay inukit sa matarik na gilid ng bundok. Para maprotektahan ang mga naglalakbay, naglagay ng mga baranda at karatula ang mga gumagawa ng daan na may nakasaad na “Mag-ingat: Bumabagsak ang mga Bato.” Nakita namin ang sapat na dahilan ng mga babalang ito. Nagkalat ang maliliit at malalaking bato sa ilog sa ibaba ng daan. Paminsan-minsan ay may nakikita kaming warak na mga kotse sa ibaba, isang kalunus-lunos na katibayan ng mga hindi nag-ingat na tsuper.
Sumpa at Tipan ng Priesthood
Mga kapatid, bawat isa sa inyo ay nakapasok na, o papasok, sa sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood.1 Sa tipang iyon ay nakapaloob ang maluwalhating paglalakbay na nagsisimula sa pagtanggap kapwa ng mababa at mas mataas na priesthood, na umuunlad sa pagganap natin sa tungkulin, at paakyat tungo sa pinakamagagandang tanawin ng Diyos, hanggang sa matanggap natin ang “lahat ng mayroon [ang] Ama.”2
Ang matalinong nagdisenyo ng selestiyal na daang iyon ay naglagay ng mga karatulang babala para sa ating paglalakbay. Ang sumpa at tipan ng priesthood ay naglalaman ng nanunuot-sa-budhing babalang ito: “Binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan na mag-ingat hinggil sa inyong sarili.”3
Bakit tayo pinag-iingat ng Diyos? Alam Niya na si Satanas ay totoong nilalang4 na hangad hilahin ang ating kaluluwa pababa sa look ng kalungkutan.5 Alam din ng Diyos na nasa kalooban ng mga may priesthood ang “likas na tao”6 na “naliligaw ng landas.”7 Kaya nga, inanyayahan tayo ng mga propeta na “[ihubad] … ang datihang pagkatao”8 at “ibihis si Cristo”9 sa pamamagitan ng pagsampalataya, pagsisisi, nakapagliligtas na mga ordenansa, at pamumuhay ng ebanghelyo araw-araw.
Pag-iwas sa Trahedya
Habang paakyat sa landas ng priesthood, sinumang lalaki, bata man o matanda, ay maaaring hilahin pababa kung hindi siya mag-iingat. Nasindak at nalungkot na ba kayo sa di-inaasahang pagbagsak ng isang bukod-tanging binatilyo, bagong uwing missionary, respetadong priesthood leader, o minamahal na kapamilya?
Ang kuwento tungkol kay David sa Lumang Tipan ay nakalulunos na halimbawa ng sinayang na kapangyarihan ng priesthood. Bagama’t natalo niya si Goliath noong bata pa siya at namuhay nang matwid nang maraming taon,10 may kahinaan pa rin ang espirituwalidad ng propetang-haring ito. Sa kritikal na sandaling iyon nang makita niya mula sa itaas ng kanyang bubungan na naliligo ang magandang si Bath-sheba, walang bantay na malapit para sumigaw ng, “Ingat, David, kahangalan iyan!” Ang kabiguan niyang mag-ingat hinggil sa kanyang sarili11 at kumilos ayon sa mga bulong ng Espiritu12 ay humantong sa pagkawala ng kanyang walang-hanggang pamilya.13
Mga kapatid, kung si David mismo na makapangyarihan ay nailalayo mula sa landas patungong kadakilaan, paano natin maiiwasang magkagayon din?
Ang dalawang nagpoprotektang alituntunin na malalim na personal na pagbabagong-loob at matatag na pag-uugnayan ng pamilya ay papanatilihin tayo sa daan patungo sa langit.
Dahil alam ito ni Satanas, hinahadlangan niya ang pag-angat natin sa priesthood para masira ang ating pagbabalik-loob at mawasak ang ating pamilya. Mabuti na lang at naglagay si Jesucristo at ang Kanyang mga propeta ng mga karatulang “Mag-ingat” sa daan. Lagi tayo nitong binabalaan tungkol sa kapalaluang sumisira sa ating pagbabagong-loob14 at mga pagkakasalang tulad ng galit, pagkagahaman, at pagnanasa na nagwawasak sa pamilya.
Ipinayo ni Moises noong araw, “Magingat ka nga, baka iyong malimutan ang Panginoon.”15 Sa ating mundo na mabilis ang takbo at puno ng libangan, ang mga tao ay mabilis pa ring “makalimot … sa Panginoon, … gumawa ng kasamaan, at maakay palayo ng yaong masama.”16
Palalimin ang Pagbabagong-loob at Patatagin ang Pamilya
Para manatiling ligtas sa landas ng priesthood sa gitna ng mga tukso, ipinaaalala ko sa atin ang anim na mahahalagang alituntuning nagpapalalim ng pagbabagong-loob at nagpapatatag ng pamilya.
Una, ang pagdarasal ay laging nagbubukas ng daan para makamit natin ang tulong ng langit upang “[magapi] si Satanas.”17 Tuwing babalaan ni Jesus ang mga may priesthood na “mag-ingat …, sapagkat ninanais ni Satanas na bistayin [ka],” iminumungkahi Niyang manalangin para malabanan ang tukso.18 Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kung mayroon sa atin na mabagal makinig sa payo na laging manalangin, wala nang mas maganda pang oras para magsimula kundi ngayon. … Ang isang tao ay mas matangkad kapag siya ay nakaluhod.”19
Ikalawa, ang pag-aaral ng sinauna at makabagong banal na kasulatan ay nag-uugnay sa atin sa Diyos. Binalaan ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan na “mag-ingat kung paano nila hinahawakan ang mga [propeta] at baka ipalagay ang mga ito bilang isang bagay na walang halaga, at mapasailalim ng sumpa dahil doon, at matisod at madapa.”20 Para maiwasan ang nakalulumong sumpang ito, dapat tayong magsumigasig sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at ng mga magasin at website ng Simbahan para tayo “mapayuhan sa matalik at personal na paraan ng hinirang na propeta [ng Panginoon].”21
Ikatlo, ang pagiging marapat sa paglahok sa mga ordenansa ay inihahanda tayong tanggapin “ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay.”22 Nang magbabala ang Tagapagligtas na, “Mag-ingat at baka kayo ay malinlang,” nangako Siya na hindi tayo malilinlang kung ating “[ha]hanapin … ang mga pinakamahusay na kaloob” ng Espiritu.23 Ang pagiging marapat na makibahagi ng sakramento linggu-linggo ay nagbibigay ng karapatan sa mga miyembro na “sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu.”24 Sa pagsamba sa templo maaari tayong “makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo.”25
Ikaapat, pagpapakita ng tunay na pagmamahal ang sentro ng personal na pagbabagong-loob at mga pag-uugnayan ng pamilya. Iniutos ni Haring Benjamin, “Mag-ingat kayo, na baka magkaroon ng mga pagtatalo sa inyo.”26 Laging tandaan na si Satanas ang “ama ng pagtatalo”27 at hangad niyang “[maglaban-laban] at [mag-away-away]” ang magpapamilya.28 Mga kapatid, kung sinasaktan natin ang damdamin, katawan, o sa ating pananalita ang sinumang miyembro ng ating pamilya, nawawalan tayo ng kapangyarihan ng priesthood.29 Piliing supilin ang galit. Ang mga miyembro ng pamilya ay dapat makarinig ng mga basbas mula sa ating bibig, hindi ng masasamang salita. Dapat lamang nating impluwensyahan ang iba sa pamamagitan ng panghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, hindi pakunwaring pag-ibig, kabaitan, at pag-ibig sa kapwa.30
Ikalima, ang pagsunod sa batas ng ikapu ay mahalagang bahagi ng pananampalataya at pagkakaisa ng pamilya. Dahil ginagamit ni Satanas ang pagkagahaman at pagnanasa sa kasaganaan para ilayo ang mga pamilya sa selestiyal na daan, ipinayo ni Jesus, “Mangagingat sa lahat ng kasakiman.”31 Ang kasakiman ay napipigil kapag nagplano tayo para sa ating kita, nagbayad ng tapat na ikapu at malaking handog-ayuno, nagbadyet ng kailangang gastusin, umiwas sa di-kailangang pangungutang, nag-ipon para sa kinabukasan, at nakaya nating tustusan ang ating temporal na mga pangangailangan. Ang pangako ng Diyos sa atin ay, “hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”32
Ikaanim, sa lubos na pagsunod sa batas ng kalinisang-puri magkakaroon kayo ng tiwalang tumayo “sa harapan ng Diyos” na ang Espiritu Santo ang ating “kasama sa tuwina.”33 Inaatake ni Satanas ang kabanalan at kasal ng daluhong ng kalaswaan. Nang balaan ng Panginoon ang mga nangangalunya na “mag-ingat at magsisi agad,” ang Kanyang pakahulugan ay hindi lamang pisikal na pangangalunya kundi pati na ang pagnanasa sa isipan bago pa iyon.34 Tinalakay na nang madalas at malinaw ng mga makabagong propeta at apostol ang salot ng pornograpiya. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ang [pornograpiya] ay parang nagngangalit na bagyo, na nagwawasak sa mga tao at pamilya, at lubos na sumisira sa dating mabuti at maganda. … Dumating na ang panahon para sinuman sa atin na sangkot dito ay iahon ang kanyang sarili mula sa kasalanan.”35 Kung natutukso kayong labagin ang batas ng kalinisang-puri sa anumang anyo, sundan ang halimbawa ni Jose ng Egipto, na “tumakas, at lumabas.”36
Ang anim na mahahalagang alituntuning ito ay tumutulong sa mga may taglay ng priesthood na magpatuloy sa ligtas na daan patungo sa langit sa gitna ng mga nagpoprotektang alituntunin ng sariling pagbabagong-loob at pag-uugnayan ng pamilya. Mga kabataan, ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay maghahanda sa inyo sa paggawa ng mga tipan sa templo, paglilingkod bilang full-time missionary, at walang-hanggang kasal. Mga asawang lalaki at mga ama, ang pamumuhay ng mga alituntuning ito ay tutulong sa inyo na maging marapat na mangulo sa tahanan sa kabutihan, na naglilingkod bilang espirituwal na pinuno ng inyong pamilya, kasama ang inyong asawa bilang kapantay na katuwang.37 Ang landas ng priesthood ay isang paglalakbay na puno ng kagalakan.
Pananatili sa Landas ng Priesthood
Sa paggunita ko sa mga karanasan ko noong binatilyo ako, naaalala ko ang isang insidente ng pagtawid sa Rocky Mountains. Paglagpas sa isang karatulang “Mag-ingat: Bumabagsak ang mga Bato,” napansin ng tatay ko ang mga graba at maliliit na batong nahuhulog sa kalsada sa aming harapan. Agad niyang binagalan ang takbo ng kotse hanggang halos tumigil ito nang may bumagsak na batong sinlaki ng bola ng basketball malapit sa amin. Hinintay ni Itay na tumigil ang pagdausdos ng mga bato bago siya tumuloy. Ang pagiging alerto at mabilis na pagkilos ng aking ama ang dahilan upang ligtas na makarating ang aming pamilya sa aming destinasyon.
Mga kapatid, hangad ni Satanas na “mawasak ang mga kaluluwa ng tao.”38 Kung ang inyong kaluluwa ay malapit na sa bingit ng espirituwal na bangin, tumigil ngayon bago kayo mahulog, at bumalik sa tamang landas.39 Kung pakiramdam ninyo ay warak na ang inyong kaluluwa sa kailaliman ng bangin sa halip na nasa kaitaasan ng landas ng priesthood dahil nakaligtaan ninyong sundin ang mga karatulang “Mag-ingat” at nagkasala kayo, pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng taos na pagsisisi at kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, maaari kayong makaahon at makabalik sa daan ng Diyos patungo sa langit.40
Itinuro ni Jesus, “Mangagingat kayo sa … pagpapaimbabaw.”41 Kung hindi kayo karapat-dapat na humawak ng priesthood, kausapin ang inyong bishop, at matutulungan niya kayong magsisi. Maging matapang na kahit mariing sinasabi ng Tagapagligtas na, “Mag-ingat, … at tumigil sa paggawa ng kasalanan,”42 ipinangako rin Niya: “Ako, ang Panginoon, ay pinatatawad kayo … Humayo kayo sa inyong mga lakad at huwag magkasala pa.”43
Inaanyayahan ko ang bawat kalalakihang bata at matanda na manatili sa landas ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapalalim ng inyong pagbabagong-loob at pagpapatatag ng inyong pamilya. Ang mga panalangin, banal na kasulatan, at ordenansa ay nagpapaigting ng pagbabagong-loob. Ang pagmamahal, ikapu, at kalinisang-puri ay nagpapatatag sa pamilya. Umiwas sa trahedya sa pamamagitan ng pagsunod sa espirituwal na mga karatulang “Mag-ingat” na inilagay ng Diyos at ng mga propeta sa ating daanan. Sikaping tularan ang sakdal na halimbawa ni Jesucristo, na “nagdanas ng mga tukso subalit hindi siya nagpadaig sa mga ito.”44
Ipinapangako ko na kung tutuparin ng kalalakihan ang tipan ng priesthood na “mag-ingat hinggil sa inyong sarili,”45 makatitiyak tayo at ang ating pamilya na ligtas at masaya tayong makararating sa ating dakilang destinasyon sa kahariang selestiyal. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.