2010–2019
Tulungan Silang Magmithi nang Mataas
Oktubre 2012


20:1

Tulungan Silang Magtakda ng Mataas na Mithiin

Sa inyong patnubay, ang mga ginagabayan ninyo ay makikita, magnanais, at maniniwala na maaabot nila ang kanilang potensiyal para makapaglingkod sa kaharian ng Diyos.

Ako ay lubos na nagpapasalamat sa oportunidad na makadalo sa dakilang pulong na ito ng priesthood, at makarinig ng magandang turo at malakas na patotoo. Dahil dito naalala ko tuloy ang aking karanasan. Halos lahat ng aking nagawa bilang isang mayhawak ng priesthood ay dahil sa mga taong kakilala ko na nakita sa akin ang mga bagay na hindi ko nakikita.

Noong bata pa akong ama, nagdasal ako para malaman kung ano ang maaaring maiambag ng mga anak ko sa kaharian ng Panginoon. Sa mga lalaki, alam kong magkakaroon sila ng mga pagkakataon sa priesthood. Sa mga babae, alam kong magbibigay sila ng serbisyong kakatawan sa Panginoon. Lahat sila ay gagawin ang Kanyang gawain. Alam kong bawat isa ay isang indibidwal, at dahil dito bibigyan ng Panignoon ang bawat isa ng mga kaloob na kanilang magagamit sa paglilingkod sa Kanya.

Ngayon, hindi ko masasabi sa bawat ama at lider ng kabataan ang mga detalye ng pinakamainam na magagawa ninyo. Ngunit maipapangako ko sa inyo na babasbasan ninyo sila para tulungan silang malaman ang mga espirituwal na kaloob na taglay nila sa pagsilang. Bawat tao ay kaiba at makagagawa ng iba-ibang kontribusyon. Walang taong nakatakdang mabigo. Habang naghahangad kayo ng paghahayag na makita ang mga kaloob na nakikita ng Diyos sa inyong mga ginagabayan sa priesthood—lalo na ang kabataan—pagpapalain kayo na matanawan nila ang magagawa nilang paglilingkod. Sa inyong patnubay, ang mga ginagabayan ninyo ay makikita, magnanais, at maniniwala na maaabot nila ang kanilang potensiyal para makapaglingkod sa kaharian ng Diyos.

Sa sarili kong mga anak, nagdasal ako na ipaalam sa akin kung paano ko matutulungan ang bawat isa sa kanila na maghanda para maglingkod sa Diyos. At sinikap kong tulungan silang wariin, umasa, at kumilos para sa hinaharap na ito. Umukit ako ng isang tabla para sa bawat anak kong lalaki na may nakalagay na talata mula sa banal na kasulatan na naglalarawan sa kanyang espesyal na kaloob at isang larawan na sumasagisag dito. Sa ilalim ng larawan at ng paliwanag nito, inukit ko ang petsa ng binyag at ordenasyon sa mga katungkulan sa priesthood ng bawat bata, na nakatala kung gaano sila katangkad sa petsa ng bawat mahalagang pangyayari.

Ipaliliwanag ko ang tabla na inukit ko para sa bawat anak kong lalaki para tulungan siya na makita ang kanyang mga espirituwal na kaloob at kung ano ang maaari niyang maiambag sa gawain ng Panginoon. Gaya ko, maaari din kayong mabigyang-inspirasyon na makita ang mga kaloob at kakaibang oportunidad para sa bawat kabataang minamahal at ginagabayan ninyo.

Nang ang panganay kong anak ay naging deacon at Eagle Scout, isang larawan ng agila ang pumasok sa isip ko habang iniisip ko siya at ang kanyang kinabukasan. Nakatira kami noon sa Idaho malapit sa paanan ng South Teton Mountain, kung saan sabay kaming naglalakad at minamasdan ang pag-ilanlang ng mga agila. Naipadama sa akin ng larawang iyon sa aking isipan ang mga salita ni Isaias:

“Siya’y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.

“Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal:

“Nguni’t silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad, at hindi manganghihina.”1

Sa katunayan, tumigil kami ng panganay kong anak sa paglalakad sa may ibaba ng tuktok ng South Teton dahil napagod na siya. Gusto niyang huminto na. Sabi niya, “Palagi po ba akong hihingi ng paumanhin dahil hindi tayo nakarating sa tuktok? Itay, magpatuloy kayo—ayokong mabigo kayo.”

Sagot ko naman, “Hindi ako mabibigo kailanman, at hindi ka kailanman hihingi ng paumanhin. Palagi nating maaalala na magkasama tayong umakyat dito.” Sa itaas ng kanyang height board, umukit ako ng agila at isinulat ko ang “Sa mga Pakpak ng Agila.”

Sa pagdaan ng mga taon, umangat pa bilang misyonero ang anak ko nang higit pa kaysa inasahan ko. Sa mga hamon sa misyon, ang ilan sa mga kanarasan niya ay parang hindi niya kakayanin. Para sa batang iniaangat ninyo, gaya ng nangyari sa anak ko, maaaring inangat siya nang mas mataas ng Panginoon sa pangangaral ng ebanghelyo sa isang wikang inakala kong mahirap matutuhan. Kung pagsisikapan ninyong ipadama sa sinumang binatilyo ang kanyang magagawa sa priesthood, nangangako ako na sasabihin sa inyo ng Panginoon ang kailangan ninyo. Ang potensiyal ng bata ay maaaring higit kaysa ihahayag sa inyo ng Panginoon. Tulungan siyang magtakda ng mataas na mithiin.

Ang batang hinihikayat ninyo ay maaaring mukhang napakamahiyain para maging mahusay na tagapaglingkod sa priesthood. Isa sa mga anak kong lalaki ang masyadong mahiyain noon na ayaw niyang pumasok sa isang tindahan at kausapin ang kahera. Labis ang takot niya kaya nag-alala ako habang ipinagdarasal ang kinabukasan niya sa priesthood. Naisip ko siya bilang misyonero—at tila ba hindi siya magtatagumpay. Natuon ang pansin ko sa isang talata sa Mga Kawikaan: “Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol: nguni’t ang matuwid ay matapang na parang leon.”2

Iniukit ko ang “Kasingtapang ng Leon” sa kanyang tabla, sa ibaba ng larawan ng malaking ulo ng leon na umaatungal. Sa kanyang misyon at nang sumunod na mga taon, tinupad niya ang pag-asang makikita sa aking inukit. Ang minsa’y mahiyain kong anak ay ipinangaral ang ebanghelyo nang buong katapatan at buong tapang na sinuong ang mga panganib. Pinalawak siya sa kanyang mga tungkulin na maging kinatawan ng Panginoon.

Maaaring mangyari iyan sa binatilyong ginagabayan ninyo. Kailangan ninyong patatagin ang kanyang pananampalataya na maaari siyang baguhin ng Panginoon at gawing matapang na lingkod kumpara sa mahiyaing batang nakikita ninyo ngayon.

Alam nating ginagawang matapang ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod. Ang binatilyong si Joseph na nakakita sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo, sa kakahuyan ay nagbago at nagkaroon ng espirituwal na lakas. Nakita iyon ni Parley P. Pratt nang pagalitan ni Propetang Joseph Smith ang mga lapastangang guwardiya na bumihag sa kanila. Itinala ni Elder Pratt:

“Bigla siyang tumayo, at nagsalita sa isang dumadagundong na tinig, o tulad ng umaatungal na leon, na sinasabi ang sumusunod na mga salita ayon sa naaalala ko:

“‘TUMAHIMIK, kayong mga diyablo ng impiyerno. Sa pangalan ni Jesucristo ay pinagsasabihan ko kayo, at inuutusang manahimik; hindi ako mabubuhay ng isa pang minuto at pakikinggan ang ganyang pananalita. Ihinto ninyo ang ganyang salita, dahil kung hindi kayo o ako ay mamamatay NGAYON DIN!’”

Tungkol sa karanasang iyon, isinulat ni Elder Pratt, “Ang kadakilaan at kamaharlikahan ay nakita ko minsan lamang, habang ito ay nakatayong may mga tanikala, sa hatinggabi, sa bartolina ng isang di-kilalang nayon sa Missouri.”3

Bibigyan ng Panginoon ang Kanyang mabubuting lingkod ng mga pagkakataon na maging kasingtapang ng mga leon, kapag nagsasalita sila sa Kanyang pangalan at bilang mga saksi sa Kanyang priesthood.

Ang isa pang anak ko, kahit noong bata pa, ay maraming kaibigan na gustung-gusto siyang kasama. Madali siyang makipagkaibigan sa mga tao. Habang ako ay nananalangin at sinisikap kong makinita ang kanyang magiging kontribusyon sa kaharian ng Diyos, nadama kong kailangan niyang tipunin ang mga tao sa pagmamahal at pagkakaisa.

Iyon ang dahilan kaya humantong ako sa salaysay sa Doktrina at mga Tipan na naglalarawan sa pagsisikap ng mga elder ng priesthood na itayo ang Sion sa Missouri na ikinagalak ng mga anghel na nakakita sa kanilang kontribusyon. Nangailangan iyon ng malaking sakripisyo. Sinasabi sa paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, “Gayunman, kayo ay pinagpala, sapagkat ang patotoo na inyong sinabi ay nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa inyo, at pinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan.”4

Sa height board ng aking anak, iniukit ko ang “Nagagalak sa Iyo ang mga Anghel.”

Ang kakayahan ng anak kong ito na tipunin at impluwensyahan ang mga tao ay nanatili kahit tapos na siya sa pag-aaral. Kasama ang iba pang mga mayhawak ng priesthood, nag-organisa siya ng mga aktibidad sa stake na nagdulot sa mga kabataan sa kanyang lugar ng pananampalatayang makapagtiis at magtagumpay kahit sa mahihirap na situwasyon. Habang pinalalakas niya ang pananampalataya ng mga kabataang ito, tumulong siya sa pagbuo ng mga panlabas na himpilan ng Sion sa mga sentrong lungsod ng Amerika. Sa inukit kong tabla, naglagay ako ng mga anghel na umiihip ng trumpeta, na maaaring hindi talaga nila ginagawa sa gayong paraan, pero mas madaling iukit iyon kaysa sigaw.

Nagagalak ang mga anghel habang ang mga lider ng priesthood sa lahat ng panig ng mundo ay nagtatayo ng Sion sa kanilang ward, stake, at mission. At magagalak sila sa mga kabataang tinutulungan ninyo na makapagtayo ng Sion saanman sila naroon at anuman ang kanilang katayuan. Ang Sion ay bunga ng mga taong binigkis ng tipan at pagmamahal. Inaanyayahan ko kayong tulungan ang inyong kabataan na makiisa.

Para sa isa sa mga anak ko, nadama kong dapat kong iukit ang araw—iyon ay, ang araw sa langit—at ang mga salita sa Panalangin ng Pamamagitan ng Tagapagligtas: “Ito ang Buhay na Walang Hanggan.” Nang malapit nang magwakas ang Kanyang mortal na ministeryo, nagdasal ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama:

“Ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.

“Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.”5

Ang anak ko ay naglingkod sa priesthood sa tatlong kontinente ngunit higit sa lahat sa kanyang tahanan at kanyang pamilya. Dito umiikot ang kanyang buhay. Malapit sa tahanan ang kanyang trabaho, at madalas ay umuuwi siya para makasama ang kanyang asawa at maliliit na anak sa tanghalian. Ang kanyang pamilya ay nakatira malapit sa amin ni Sister Eyring. Inaalagaan nila ang aming bakuran na parang kanila ito. Ang anak na ito ay nabubuhay hindi lamang upang maging marapat sa buhay na walang hanggan kundi upang habampanahong mapalibutan ng nagpapasalamat na mga miyembro ng pamilya na kanyang tinitipon sa kanyang paligid.

Ang buhay na walang hanggan ay ang mabuhay sa pagkakaisa, sa mga pamilya, kapiling ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Ang buhay na walang hanggan ay posible lamang sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood ng Diyos, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang pagkakaroon ng ganyang walang-hanggang mithiin sa harapan ng mga kabataan na inyong ginagabayan ay napakainam na regalong maibibigay ninyo sa kanila. Gagawin ninyo ito unang-una sa inyong halimbawa sa sarili ninyong pamilya. Ang mga ginagabayan ninyo ay maaaring walang pamilya sa Simbahan, ngunit hinahamon ko kayong tulungan silang madama ang pagmamahal ng pamilya sa magkabilang panig ng tabing.

Ang mga height board na inilarawan ko ay isang paraan lamang ng pagtulong sa kabataan na masulyapan ang karingalan na nakikita sa kanila ng Diyos at ang kanilang kinabukasan at ang kakaibang paglilingkod na inihahanda Niyang maibibigay nila. Tutulungan niya kayong malaman kung paano gawin ito sa inyong mga anak o sa mga kabataan na inyong ginagabayan. Ngunit habang may panalangin ninyong hinahangad na masulyapan ang hinaharap na ito, at pagkatapos ay ipaalam ito sa bawat kabataan, malalaman ninyo na kilala at mahal ng Diyos ang bawat isa sa Kanyang mga anak at nakikita Niya ang mga dakila at kakaibang kaloob na nasa kanila.

Bilang isang ama, mapalad akong makita ang dakilang hinaharap ng aking mga anak na babae at mga anak na lalaki sa kaharian ng Diyos. Nang ako ay mapanalanging humingi ng patnubay, ipinakita sa akin ang paraan para matulungan ang mga anak kong babae na makita ang pagtitiwala ng Diyos sa kanila bilang mga tagapaglingkod na makapagtatayo ng Kanyang kaharian.

Noong maliliit pa ang mga anak kong babae, nakita ko na matutulungan namin ang iba na madama ang pagmamahal ng mga pumanaw na, sa maraming henerasyon. Nalaman ko na ang pagmamahal ay nagmumula sa paglilingkod at nagbibigay ng pag-asa sa buhay na walang hanggan.

Kaya gumawa kami ng mga breadboard na pinaglagyan namin ng mga tinapay na lutong-bahay at sama-sama kami sa pagbibigay nito sa mga balo, at mga pamilya. Ang paliwanag na inilagay ko sa bawat breadboard ay nagsasaad ng, “J’aime et J’espere,” French ng “Nagmamahal ako’t umaasa.” Ang katibayan ng kanilang kakaibang espirituwal na mga kaloob ay hindi lamang nakita sa mga tablang ginawa ko kundi mas nakikita ito habang ibinabahagi namin ang mga ito sa mga nangangailangan ng katiyakan na ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala ay magdudulot ng ganap na kaliwanagan ng pag-asa, sa gitna ng dalamhati at kawalan. Ito ang buhay na walang hanggan, para sa mga anak kong babae, at para sa bawat isa sa amin.

Ngayon, baka iniisip ninyo, “Brother Eyring, ibig ba ninyong sabihin dapat akong matutong umukit?” Ang sagot ay hindi. Natuto akong umukit sa tulong lamang ng mabait at mahusay na guro, ang dating Elder Boyd K. Packer. Ang kaunting natutuhan ko ay utang ko sa kanyang mahusay na talento bilang tagaukit at sa tiyaga niya bilang guro. Langit lamang ang makalilikha ng guro na tulad ni Pangulong Packer. Ngunit maraming paraan para mahubog ang puso ng mga bata nang hindi umuukit ng mga tabla para sa kanila.

Halimbawa, sa bagong teknolohiya ng komunikasyon ay mabilis tayong makapagbabahagi ng mga mensahe ng pananampalataya at pag-asa kahit sa malalayong lugar, sa kaunting halaga o kaya’y libre. Tinutulungan ako ng aking asawa na gawin ito. Nagsisimula kami sa pakikipag-usap sa telepono sa aming mga apo o mga anak na maaaring matawagan. Hinihiling naming magkuwento sila tungkol sa tagumpay nila at ginawang paglilingkod. Sinasabi rin namin na magpadala sila ng mga retrato ng mga ginawa nila. Ginagamit namin ang mga retratong ito para ilarawan ang ilang talata ng teksto. Nagdaragdag kami ng isa o dalawang talata mula sa Aklat ni Mormon. Siguro hindi masyadong hahanga sina Nephi at Mormon sa espirituwal na kalidad ng mga isinulat namin o sa limitadong nagawa upang makalikha ng tinatawag naming “Ang Journal ng Pamilya: Ang Maliliit na Lamina.” Ngunit nabibiyayaan kami ni Sister Eyring sa gawaing ito. Nakadarama kami ng inspirasyon sa pagpili ng mga talata mula sa banal na kasulatan at sa maiikling mensahe ng patotoo na isinusulat namin. At nakakakita kami ng katibayan sa kanilang buhay na ang kanilang puso ay nababaling sa amin at sa Tagapagligtas.

May iba pang paraan para tumulong; ginagawa na ninyo ang marami sa mga ito. Ang nakaugalian ninyong panalangin ng pamilya at pagbabasa ng banal na kasulatan ay lilikha ng mas matibay na mga alaala at mas malaking pagbabago ng puso kaysa nalalaman ninyo ngayon. Kahit ang mga temporal na aktibidad, gaya ng pagdalo sa isang palaro o panonood ng sine, ay makahuhubog sa puso ng isang bata. Hindi ang aktibidad ang mahalaga kundi ang nadarama ninyo habang ginagawa ito. Nakatuklas ako ng mabuting panukat sa pagtukoy ng mga aktibidad na maaaring makagawa ng malaking kaibhan sa buhay ng isang kabataan. Ito ay ang pagmumungkahi nila ng aktibidad na gusto nila na dama nilang mula sa Diyos. Alam kong posible ito dahil na rin sa sarili kong karanasan.

Nang maging deacon ako sa edad na 12, nakatira ako noon sa New Jersey, 50 milya (80 km) ang layo sa New York City. Nangarap akong maging bantog na manlalaro ng baseball. Pumayag ang tatay ko na isama ako para makapanood ng isang laro sa lumang Yankee Stadium, sa Bronx. Parang nakikita ko pa rin ang paghataw ng bat ni Joe DiMaggio nang maka home run siya at ang bola ay napunta sa may mga upuan sa center field habang katabi kong nanonood si itay, ang tanging pagkakataon lamang na magkasama kaming nanood ng larong major league baseball.

Ngunit may isa pang araw na kasama ko ang aking itay na habampanahong humubog sa aking buhay. Dinala niya ako mula sa New Jersey tungo sa tahanan ng isang inorden na patriarch sa Salt Lake City. Noon ko lamang siya nakita. Iniwan ako ni itay sa may pintuan. Pinaupo ako ng patriarch sa isang silya, ipinatong ang kanyang kamay sa aking ulo, at binigkas ang basbas bilang kaloob mula sa Diyos na kasama ang pinakamatinding hangarin ng aking puso.

Sinabi niya na isa ako sa mga sinabihan na, “Mapalad ang mga tagapamayapa.”6 Nagulat ako na nalaman ng isang tunay na estranghero ang nasa puso ko kaya’t iminulat ko ang aking mga mata para makita ang silid na pinangyayarihan ng gayong himala. Ang basbas tungkol sa mga maaari kong magawa ang humubog sa buhay ko, sa pag-aasawa ko, at sa paglilingkod ko sa priesthood.

Mula sa karanasang iyon at sa mga sumunod pa rito, mapatototohanan ko na, “Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.”7

Sa paghahayag sa akin ng Panginoon ng isang kaloob, natanto ko at napaghandaan ang mga pagkakataong magamit ito para pagpalain ang mga mahal ko at pinaglilingkuran.

Batid ng Diyos ang ating mga kaloob. Ang hamon ko sa inyo at sa akin ay ipagdasal na malaman ang mga kaloob na ibinigay sa atin, para malaman kung paano pauunlarin ang mga ito, at matanto ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makapaglingkod sa iba. Higit sa lahat, dalangin ko na mabigyan kayo ng inspirasyong tulungan ang iba na tuklasin ang kanilang espesyal na kaloob mula sa Diyos upang makapaglingkod.

Nangangako ako na kung hihilingin ninyo, pagpapalain kayong matulungan ang iba na maabot ang kanilang ganap na potensiyal sa paglilingkod sa mga taong kanilang ginagabayan at minamahal. Pinatototohanan ko sa inyo na buhay ang Diyos, si Jesus ang Cristo, ito ang priesthood ng Diyos, na taglay natin, at inihanda tayo ng Diyos nang may espesyal na mga kaloob upang mapaglingkuran Siya nang higit pa sa ating inaasahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.