Tanungin ang mga Missionary! Matutulungan Nila Kayo!
Lahat ng missionary, bata at matanda, ay naglilingkod sa pag-asang mas mapapabuti pa ang buhay ng ibang tao.
Mahal kong mga kapatid at kaibigan, ipinaaabot namin ang aming pagmamahal at pagbati sa bawat isa sa inyo. Natutuwa kami sa pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ngayong umaga, na ginawang 18 para sa mga lalaki at 19 para sa mga babae ang pinakabatang edad para makapagmisyon. Sa opsiyong ito, mas marami sa ating mga kabataan ang magtatamasa ng mga pagpapala ng misyon.
Dalawang taon na ang nakararaan at mariing pinagtibay muli ngayong umaga, ipinahayag ni Pangulong Monson na “lahat ng karapat-dapat [at] may kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay [dapat] maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin … na nabiyayaan nang lubos.”1 Muli, ipinaliwanag niya na para sa mga kabataang babae, katanggap-tanggap na opsiyon ang magmisyon, ngunit hindi ito isang responsibilidad. At muli niyang inanyayahan ang mas maraming matatandang mag-asawa na magmisyon.
Ang paghahanda para sa pagmimisyon ay mahalaga. Ang pagmimisyon ay kusang paglilingkod sa Diyos at sa sangkatauhan. Sinusuportahan ng mga missionary ang pribilehiyong iyan gamit ang sariling pera na naipon nila. Ang mga magulang, pamilya, kaibigan, at mga donor sa General Missionary Fund ay maaari ding tumulong. Lahat ng missionary, bata at matanda, ay naglilingkod sa pag-asang mas mapapabuti pa ang buhay ng ibang tao.
Ang pasiyang magmisyon ay huhubog sa espirituwal na tadhana ng missionary, ng kanyang asawa, at angkan sa mga henerasyong darating. Ang hangaring maglingkod ay bunga ng pagbabalik-loob, pagiging karapat-dapat, at paghahanda ng isang tao.
Sa napakaraming nakikinig sa buong daigdig, marami sa inyo ang hindi kasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at kakaunti ang nalalaman tungkol sa amin at sa aming mga missionary. Kayo ay narito o nakikinig dahil gusto ninyong makaalam pa tungkol sa mga Mormon at sa itinuturo ng aming mga missionary. Kapag mas marami kayong nalaman tungkol sa amin, makikita ninyo na maraming magkatulad sa ating mga pinahahalagahan. Hinihikayat namin kayo na panatilihin ang lahat ng mabuti at totoo at tingnan kung may maidaragdag pa kami. Sa mundong ito na puno ng mga pagsubok, kailangan natin ang tulong sa tuwina. Ang relihiyon, walang hanggang katotohanan, at aming mga missionary ay mahahalagang bahagi ng tulong na iyan.
Isinasantabi ng aming mga bata pang missionary ang kanilang pag-aaral, trabaho, pagdedeyt, at anupamang bagay na karaniwang ginagawa ng mga young adult sa panahong ito ng buhay nila. Sa loob ng 18 hanggang 24 na buwan inihihinto nila ang lahat ng ito dahil sa kanilang matinding hangaring maglingkod sa Panginoon.2 At ang ilan sa aming mga missionary ay naglilingkod sa kanilang katandaan. Alam kong pinagpapala ang kanilang mga pamilya. Sa aming pamilya, walo ang kasalukuyang naglilingkod bilang mga full-time missionary—tatlong anak na babae, kanilang mga asawa, isang apong babae, at apong lalaki.
Marahil ang ilan sa inyo ay nagtataka tungkol sa pangalang Mormon. Ito ang tawag sa amin. Hindi ito ang totoong pangalan namin, bagama’t kilala kami ng lahat bilang mga Mormon. Ang salitang ito ay hinango mula sa isang sagradong banal na kasulatan na kilala bilang Aklat ni Mormon.
Ang totoong pangalan ng Simbahan ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang muling itinatag na orihinal na Simbahan ni Jesucristo. Noong narito Siya sa lupa, inorganisa Niya ang Kanyang Simbahan. Tumawag Siya ng mga Apostol, Pitumpu, at iba pang mga lider na Kanyang pinagkalooban ng priesthood para kumilos sa Kanyang pangalan.3 Matapos pumanaw si Cristo at ang Kanyang mga Apostol, binago ng mga tao ang mga ordenansa at doktrina. Nawala ang orihinal na Simbahan at ang priesthood. Pagkatapos ng Dark Ages, at sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit, ibinalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Ngayon ito ay nasa mundo na, ipinanumbalik at kumikilos sa ilalim ng Kanyang banal na patnubay.4
Sinusunod namin ang Panginoong Jesucristo at nagtuturo kami tungkol sa Kanya. Alam namin na matapos ang Kanyang maluwalhating pagtatagumpay sa kamatayan, ang nabuhay na muling Tagapagligtas ay nagpakita sa Kanyang mga disipulo sa maraming pagkakataon. Kumain Siya na kasama nila. Namuhay Siya na kasama nila. Bago ang Kanyang huling Pag-akyat sa langit, iniutos Niya sa kanila na “Magsiyaon … at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”5 Sinunod ng mga Apostol ang utos na iyan. Tumawag din sila ng iba pa upang matulungan sila na magawa ang utos ng Panginoon.
Ngayon, sa ilalim ng pamamahala ng kasalukuyang mga apostol at propeta, ang utos ding iyan ay ibinigay sa mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga missionary na ito ay naglilingkod sa mahigit 150 bansa. Bilang mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo, sinisikap nilang isagawa ang banal na utos iyan—na ibinigay muli ng Panginoon sa ating panahon—ang ipalaganap ang ebanghelyo sa buong mundo at pagpalain ang buhay ng mga tao saanmang dako.6
Ang mga missionary sa kanilang edad na wala pang 20 o nasa 20s ay wala pang gaanong kaalaman sa mga bagay ng mundo. Ngunit sila ay biniyayaan ng mga kaloob—tulad ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, pagmamahal ng Diyos, at mga patotoo ng katotohanan—kaya sila naging makapangyarihang kinatawan ng Panginoon. Ibinabahagi nila ang mabuting balita ng ebanghelyo na maghahatid ng tunay na kagalakan at walang hanggang kaligayahan sa lahat ng makikinig sa kanilang mensahe. At sa maraming pagkakataon ginagawa nila ito sa isang bansa at wika na hindi pamilyar sa kanila.
Sinisikap ng mga missionary na sundin si Jesucristo kapwa sa salita at gawa. Ipinapangaral nila si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.7 Itinuturo nila ang literal na panunumbalik ng sinaunang Simbahan ni Cristo sa pamamagitan ng unang propeta ng Panginoon sa mga huling araw, si Joseph Smith.
Maaaring nakilala na ninyo noon, o kaya’y hindi pinansin ang aming mga missionary. Umaasa ako na hindi kayo matatakot sa kanila kundi matututo mula sa kanila. Maaaring sila ang ipinadalang tulong ng langit sa inyo.
Nangyari iyan kay Jerry, isang mabuting Protestante sa kanyang mid-60s na nakatira sa Mesa, Arizona. Ang ama ni Jerry ay isang Baptist minister; ang kanyang ina ay Methodist minister. Isang araw, ikinuwento sa kanya ng matalik niyang kaibigan na si Pricilla ang pagdadalamhati nito sa pagkamatay ng kanyang anak noong ito ay isilang at ang pighating dulot ng pagdidiborsyo di-kalaunan matapos iyon. Nagsisikap bilang single mother, si Pricilla ay may apat na anak—tatlong babae at isang lalaki. Habang sinasabi niya kay Jerry ang saloobin niya, inamin niya na naiisip niyang magpakamatay. Buong lakas at pagmamahal na sinikap ni Jerry na ipaunawa sa kanya na may halaga ang kanyang buhay. Inanyayahan niya ito na dumalo sa kanyang simbahan, pero ipinaliwanag ni Pricilla na kinalimutan na niya ang Diyos.
Hindi malaman ni Jerry ang kanyang gagawin. Kalaunan, habang dinidiligan ang kanyang mga tanim sa bakuran, ang nananalig na lalaking ito ay nagdasal na patnubayan siya ng Diyos. Habang nananalangin, nakarinig siya ng tinig sa kanyang isipan sinasabing, “Pahintuin mo ang mga binatang nagbibisikleta.” Si Jerry, na medyo nagulumihanan, ay nagtaka sa ibig sabihin nito. Habang iniisip niya ang pahiwatig na ito, tumingin siya sa kalsada at nakita ang dalawang binata na nakasuot ng polong puti at kurbata na nagbibisekleta papunta sa bahay niya. Nabigla sa “tila sinadyang pagkakataong,” ito, nakatingin lang siya habang dumaraan sila. Pagkatapos, nang maisip na kailangan niyang kumilos, sumigaw siya, “Oy, kayo, teka muna! Kailangan ko kayong makausap!”
Nagtataka pero nasisiyahan, huminto ang mga binata. Nang palapit na sila, napansin ni Jerry ang mga name tag nila na nagpapakilalang sila ay mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tiningnan sila ni Jerry at sinabi, “Medyo kakatwa ito, pero nagdasal ako at may nagsabi sa akin na ‘pahintuin mo ang mga binatang nagbibisikleta.’ Tumingin ako sa kalsada, at heto kayo ngayon. Matutulungan ba ninyo ako?”
Ngumiti ang mga missionary, at sinabi ng isa, “Opo, sigurado po akong makakatulong kami.”
Ipinaliwanag ni Jerry ang nakababahalang kalagayan ni Pricilla. Di-naglaon kausap na ng mga missionary si Pricilla, kanyang mga anak, at si Jerry. Tinalakay nila ang layunin ng buhay at ang walang hanggang plano ng Diyos para sa kanila. Lumakas ang pananampalataya nina Jerry, Pricilla, at ng kanyang mga anak sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng Aklat ni Mormon, at dahil sa magiliw na pakikipagkaibigan ng mga miyembro ng Simbahan. Lalo pang lumakas ang dati nang malakas na pananampalataya ni Jerry kay Jesucristo. Ang pag-aalinlangan at pag-iisip na magpakamatay ni Pricilla ay napalitan ng pag-asa at kaligayahan. Nabinyagan sila at naging mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo.8
Oo, maaaring tumulong ang mga missionary sa maraming paraan. Halimbawa, maaaring ang ilan sa inyo ay gustong malaman pa ang tungkol sa inyong mga ninuno. Maaaring alam ninyo ang mga pangalan ng inyong mga magulang at apat na lolo’t lola, pero paano naman ang walo ninyong lolo’t lola-sa-tuhod? Alam ba ninyo ang kanilang mga pangalan? Gusto ba ninyong malaman pa ang tungkol sa kanila? Tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo!9 May nakahandang access sila sa napakaraming family history record ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ilan sa inyo ay mga miyembro ngunit hindi aktibo sa kasalukuyan. Mahal ninyo ang Panginoon at madalas na iniisip na bumalik sa Kanyang kawan. Pero hindi ninyo alam kung paano magsimula. Iminumungkahi kong tanungin ninyo ang mga missionary!10 Matutulungan nila kayo! Maaari din silang tumulong sa pagtuturo sa inyong mga mahal sa buhay. Kami at ang mga missionary ay mahal kayo at hangad na maibalik sa inyo ang kagalakan at liwanag ng ebanghelyo sa inyong buhay.
Maaaring ang ilan sa inyo ay gustong malaman kung paano madaig ang isang adiksyon o mabuhay nang mahaba at magkaroon ng mas mabuting kalusugan. Tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo! Ipinakita sa isinagawang pag-aaral na, bilang isang grupo, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay malulusog. Ang bilang ng namamatay sa kanila ay pinakamababa at mas mahaba ang kanilang buhay kaysa sa anupamang partikular na grupo na ginawan ng pag-aaral sa loob ng mahabang panahon.11
Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na ang buhay ay puno ng kaabalahan at katuwaan, subalit sa kaibuturan ng inyong puso nakadarama kayo ng tumitinding kahungkagan, hindi ninyo alam ang patutunguhan o wala kayong layunin sa buhay. Tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo! Matutulungan nila kayong malaman ang iba pa tungkol sa tunay na layunin ng buhay—bakit kayo naririto sa mundo at saan kayo pupunta matapos mamatay. Malalaman ninyo kung paano pagpapalain ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang inyong buhay sa paraang hindi ninyo aakalain.
Kung may inaalala kayo tungkol sa inyong pamilya, tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo! Ang pagpapatibay ng pagsasama ng mag-asawa at pamilya ang pinakamahalaga sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama nang walang hanggan. Hilingin sa mga missionary na ituro sa inyo kung paano ito maaaring matamasa ng inyong pamilya.
Matutulungan din kayo ng mga missionary sa hangarin ninyong higit pang matuto. Ang espiritu ng tao ay nagnanais ng kaliwanagan. Maging ito man ay katotohanang mula sa siyensya o mula sa paghahayag ng Diyos, hinahangad natin ito! Tunay na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan.12
Ang pag-unlad sa kaalaman ay kinapapalooban ng espirituwal at temporal na kaalaman. Binibigyang-diin namin ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga sagradong banal na kasulatan. Natuklasan sa isang pag-aaral kamakailan na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay higit ang kaalaman tungkol sa Kristiyanismo at sa Biblia.13 Kung gusto ninyong lalo pang maunawaan ang Biblia, lalo pang maunawaan ang ang Aklat ni Mormon, at mas maunawaan ang pagiging magkakapatid ng mga tao at pagiging ama ng Diyos, tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo!
Marami sa inyo ang may matinding hangaring tulungan ang mga nangangailangan. Dahil sinusunod namin si Jesucristo, hangad din ng mga Banal sa mga Huling Araw na tumulong.14 Sinuman ay maaaring makiisa sa amin sa pagtulong sa mga nangangailangan at pagbibigay ng ginhawa sa mga biktima ng kalamidad saanmang dako ng mundo. Kung gusto ninyong makiisa, tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo!
At kung gusto ninyong malaman pa ang tungkol sa kabilang buhay, tungkol sa langit, tungkol sa plano ng Diyos para sa inyo; kung gusto ninyong malaman pa ang tungkol sa Panginoong Jesucristo, ang Kanyang Pagbabayad-sala, at ang Panunumbalik ng Kanyang Simbahan tulad sa orihinal na pagkakatatag nito, tanungin ang mga missionary! Matutulungan nila kayo!
Alam ko na buhay ang Diyos. Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na. Taimtim kong dalangin na pagpalain nawa ng Diyos ang bawat isa sa inyo at ang bawat isa sa ating minamahal na mga missionary. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.