Hindi Masambit na Kaloob Mula sa Diyos
Ang Espiritu Santo ay kumikilos na ganap na kaisa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, gumaganap sa maraming mahahalagang tungkulin at natatanging responsibilidad.
Noong 1994, inanyayahan ni Pangulong Howard W. Hunter ang lahat ng miyembro ng Simbahan na “magtayo ng templo … bilang dakilang simbolo ng [ating] pagiging miyembro.”1 Kalaunan ng taon ding iyon, natapos ang Bountiful Utah Temple. Tulad ng marami, sabik din kaming dalhin ang maliliit pa naming anak sa open house bago ang paglalaan. Pinagsikapan naming ihanda ang aming mga anak sa pagpasok sa templo, taimtim na ipinagdarasal na magkaroon sila ng espirituwal na karanasan upang maging mahalagang bahagi ng buhay nila ang templo.
Habang mapitagan kaming naglalakad sa templo, humanga ako sa maringal na arkitektura, eleganteng pagkakagawa, liwanag na sumisilay mula sa matataas na bintana, at marami sa magagandang ipinintang larawan. Bawat aspeto ng sagradong gusaling ito ay totoong napakaganda.
Pagpasok namin sa celestial room, bigla ko na lang naramdaman na ang anim na taong gulang naming bunso na si Ben ay nakakapit pala sa binti ko. Kinakabahan siya—parang medyo balisa.
“Bakit, anak?” bulong ko.
“Daddy,” sagot niya, “ano pong nangyayari dito? Ngayon ko lang po naramdaman ito.”
Dahil naisip ko na marahil ito ang unang pagkakataon na nadama ng aking anak ang impluwensya ng Espiritu Santo sa gayong napakatinding paraan, lumuhod ako sa tabi niya. Habang lumalakad sa palibot namin ang mga bisita, ilang minuto naming pinag-usapan ni Ben ang tungkol sa Espiritu Santo. Nagulat ako na naging madali para sa amin na pag-usapan ang kanyang sagradong nararamdaman. Habang nag-uusap kami, nalaman ko na ang pinakamaganda para kay Ben ay hindi ang kanyang nakita kundi ang kanyang nadama—hindi ang pisikal na kariktang nakapalibot sa amin kundi ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng Diyos sa kanyang puso. Ikinuwento ko sa kanya ang natutuhan ko sa aking karanasan, bagama’t ang naranasan niya kahit siya’y bata pa lang ay naghikayat sa aking muli na higit na pahalagahan ang hindi masambit na kaloob mula sa Diyos—ang kaloob na Espiritu Santo.2
Ano ang Espiritu Santo?
Ang Espiritu Santo ay ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, at, tulad ng Diyos Ama at ni Jesucristo, alam Niya ang ating iniisip at ang mga layunin ng ating puso.3 Mahal tayo ng Espiritu Santo at nais tayong maging masaya. Dahil alam Niya ang mga pagsubok na haharapin natin, magagabayan at matuturuan Niya tayo sa lahat ng bagay na dapat nating gawin para makabalik at makasamang muli ang ating Ama sa Langit.4
Hindi katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, na may mga niluwalhating katawang may laman at mga buto, ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu na nangungusap sa ating mga espiritu sa pamamagitan ng mga pakiramdam at pahiwatig.5 Bilang espiritung nilalang, kakaiba ang Kanyang responsibilidad bilang tagapaghatid ng natatanggap nating personal na paghahayag. Sa banal na kasulatan, ang Espiritu Santo ay karaniwang tinutukoy bilang Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Panginoon, ang Banal na Espiritu ng Pangako, o simpleng tinutukoy na Espiritu.6
Ano ang Misyon ng Espiritu Santo?
Ang Espiritu Santo ay kumikilos na ganap na kaisa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, gumaganap sa maraming mahahalagang tungkulin at natatanging responsibilidad. Ang pangunahing layunin ng Espiritu Santo ay magpatotoo sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucrito,7 at ituro sa atin ang katotohanan ng lahat ng bagay.8 Ang tiyak na pagsaksi ng Espiritu Santo ay higit na hindi mapag-aalinlanganan kaysa iba pang anumang pagsaksi. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na “ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang maglahad ng katotohanan nang mas mabisa at mas maalam kaysa sa personal na paglalahad ng katotohanan sa tao kahit pa ng mga nilalang sa langit.”9
Ang Espiritu Santo ay kilala rin bilang Mang-aaliw.10 Sa panahon na tayo ay balisa o malungkot o kahit kailangan lang nating malaman na nariyan ang Diyos, pasisiglahin at bibigyan tayo ng pag-asa ng Espiritu Santo, at tuturuan tayo ng “mga mapayapang bagay ng kaharian”11 na magpapadama sa atin ng “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip.”12
Ilang taon na ang nakalipas, nang magtipon kaming magkakamag-anak para sa isang salu-salo, sinimulang makipaglaro ng aking ama sa kanyang mga apo. Biglang-bigla, hinimatay siya at kaagad na namatay. Ang ganitong di-inaasahang pangyayari ay maaaring nakapanlulumo, lalo na sa kanyang mga apo, at maaaring pagmulan ng mga tanong na mahirap sagutin. Gayunpaman, nang tipunin namin ang aming mga anak, at nang kami ay magdasal at magbasa ng mga salita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon tungkol sa layunin ng buhay, pinanatag ng Espiritu Santo ang bawat isa sa amin. Sa paraang mahirap ilarawan ng mga salita, ang mga sagot na ating hinihingi ay naipadarama nang malinaw sa ating puso. Nakadama kami ng kapayapaan nang araw na iyon na talagang di mawari ng aming pag-iisip, ngunit ang pagsaksi ng Espiritu Santo ay tiyak, di-maikakaila, at totoo.
Ang Espiritu Santo ay guro at tagapaghayag.13 Sa ating pag-aaral, pagninilay, at pagdarasal tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo, ang Espiritu Santo ay nagbibigay-liwanag sa ating isipan at pinabibilis ang ating pag-unawa.14 Ikinikintal Niya ang katotohanan sa ating kaluluwa at pinagbabago nang malaki ang ating puso. Sa pagbabahagi natin ng mga katotohanang ito sa ating pamilya, sa mga kapwa miyembro natin sa Simbahan, at sa mga kaibigan at kapitbahay, ang Espiritu Santo ay nagiging guro din nila, dahil inihahatid Niya ang mensahe ng ebanghelyo “sa puso ng mga anak ng tao.”15
Hinihikayat tayo ng Espiritu Santo na tumulong sa iba at maglingkod. Para sa akin ang pinaka di-malilimutang halimbawa ng pagtalima sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo na paglingkuran ang iba ay mula sa buhay at ministeryo ni Pangulong Thomas S. Monson, na nagsabing: “Sa pagtupad sa ating mga responsibilidad, natutuhan ko na kapag dininig natin ang tahimik na pag-uudyok ng espiritu at gagawin ito agad, gagabayan ng Ama sa Langit ang ating mga yapak, at pagpapalain ang buhay natin at ng iba. Wala akong alam na karanasang mas nakalulugod o damdaming mas mahalaga kaysa sa pagdinig sa pag-uudyok, at matuklasang sinagot ng Panginoon ang dalangin ng ibang tao sa pamamagitan ninyo.”16
Magkukuwento ako ng isang nakaaantig na pangyayari. Noong si Pangulong Monson ay bishop pa, nalaman niya na ang isang miyembro ng kanyang ward, si Mary Watson, ay naospital. Nang bisitahin niya ito, nalaman niya na nasa isang malaking silid ito kasama ng ilan pang pasyente. Nang lapitan niya si Sister Mary Watson, napansin niya na ang pasyenteng nasa katabing kama ay mabilis na nagtalukbong.
Matapos makausap ni Pangulong Monson si Sister Watson at mabigyan ito ng priesthood blessing, kinamayan niya ito, nagpaalam, at naghandang umalis. Pagkatapos isang simple ngunit kamangha-manghang bagay ang nangyari. Ilalahad ko ang mismong paggunita ni Pangulong Monson sa pangyayaring ito:
“Hindi ko siya maiwan. “Parang may isang di-nakikitang kamay na nakapatong sa balikat ko, at nadama ko sa aking kaluluwa na naririnig ko ang mga salitang ito: ‘Pumunta ka sa katabing kama kung saan nakahiga ang maliit na babae na nagtalukbong nang pumasok ka.’ Ganoon nga ang ginawa ko. …
“Lumapit ako sa kama ng pasyenteng iyon, marahang tinapik ang kanyang balikat at dahan-dahang inalis ang kumot na nakatalukbong sa kanyang mukha. At laking gulat ko! Siya ay miyembro din ng aking ward. Hindi ko alam na pasyente rin pala siya sa ospital. Ang pangalan niya ay Kathleen McKee. Nang tingnan niya ako, ipinaliwanag niya habang umiiyak. “Bishop, nang pumasok ka sa pintuang iyan, naisip ko na pumunta ka para basbasan ako dahil ipinagdasal ko iyon. Tuwang-tuwa akong isipin na nalaman mong narito ako, pero nang huminto ka sa katabing kama, nalungkot ako, at nalaman ko na hindi pala ako ang pinuntahan mo.’
“Sabi ko kay [Sister] McKee: ‘Hindi na mahalaga na hindi ko alam na narito ka. Ngunit ang mahalaga ay alam ng ating Ama sa Langit at na taimtim mong ipinagdasal na mabigyan ka ng priesthood blessing. Siya ang nagpahiwatig sa akin na lapitan ka kahit pa nakatalukbong ka.”17
Paano Nangungusap sa Atin ang Espiritu Santo?
Lahat tayo ay nagagabayan ng Espiritu Santo, hindi man natin laging natutukoy iyon. Kapag may magaganda tayong naiisip, alam nating tama iyon dahil sa espirituwal na nararamdaman ng ating puso. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa tinig na madarama ninyo kaysa maririnig. … Bagama’t sinasabi natin na ‘pakikinig’ sa mga pagbulong ng Espiritu, karaniwang inilalarawan ng isang tao ang espirituwal na pahiwatig sa pagsasabing, ‘may nadama ako … ’.”18 Sa pamamagitan ng mga espirituwal na damdaming ito mula sa Espiritu Santo nalalaman natin ang nais ipagawa sa atin ng Diyos, dahil ito, tulad ng isinasaad sa banal na kasulatan, ay “ang diwa ng paghahayag.”19
Ano ang Ibig Sabihin ng Tanggapin ang Kaloob na Espiritu Santo?
Sa pagtuturo ko sa anim-na-taong gulang na anak kong si Ben, inisip ko na mahalagang sabihin ang kaibhan ng nararamdaman niya, na impluwensya ng Espiritu Santo, at ang kaloob na Espiritu Santo, na matatanggap niya matapos ang binyag. Bago ang binyag, madarama ng lahat ng matatapat na naghahangad ng katotohanan ang impluwensya ng Espiritu Santo paminsan-minsan. Gayunpaman, ang oportunidad na makasamang palagi ang Espiritu Santo at ang kabuuan ng lahat ng kaakibat na pagpapala ay matatanggap lamang ng mga karapat-dapat at nabinyagang miyembro na natanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga mayhawak ng priesthood ng Diyos.
Sa kaloob na Espiritu Santo, tatanggap tayo ng dagdag na kakayahan at mga espirituwal na kaloob, mga paghahayag at proteksyon, patuloy na gabay at direksyon, at ang ipinangakong pagpapala na kabanalan at kadakilaan sa kahariang selestiyal. Lahat ng pagpapalang ito ay ibinigay dahil sa ating sariling hangarin na matanggap ang mga ito at darating ito kapag iniayon natin ang ating buhay sa kagustuhan ng Diyos at ninanais palagi ang Kanyang paggabay.
Habang pinagninilay ko ang naranasan namin ni Ben sa Bountiful Utah Temple, marami akong magandang nadarama at naiisip. Malinaw kong naaalala na habang abala akong nakatuon sa karingalang nakikita ko, isang musmos sa aking tabi ang nakadama ng makapangyarihang damdamin sa kanyang puso. Mapagmahal akong inanyayahan na huwag lamang huminto at lumuhod kundi dinggin ang panawagan ng Tagapagligtas na maging tulad ng isang maliit na bata—mapagkumbaba, mababang-loob, at handang pakinggan ang marahan at banayad na tinig ng Kanyang Espiritu.
Pinatototohanan ko na tunay at banal ang misyon ng Espiritu Santo at na sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay. Pinatototohanan ko na ang kaloob na Espiritu Santo ay ang mahalaga at di masambit na kaloob sa lahat ng lalapit sa Kanyang Anak, magpapabinyag sa Kanyang pangalan, at tatanggapin ang Espiritu Santo sa sandaling makumpirma sa Kanyang Simbahan. Ang lahat ng sagradong katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.