2010–2019
Nadarama Ba Ninyo ang Gayon Ngayon?
Oktubre 2012


15:45

Nadarama Ba Ninyo ang Gayon Ngayon?

Naniniwala ang ilang miyembro sa Simbahan na hindi nila kayang sagutin ang tanong ni Alma nang matunog na oo. Hindi nila “nadarama ang gayon ngayon.”

Pangulong Monson, ikaw ay mahal namin, iginagalang, at sinusuportahan! Ang makasaysayang pahayag na ito tungkol sa pagmimisyon ay nagbibigay ng inspirasyon. Naaalala ko ang kasabikan noong 1960 nang ang edad ng mga binatang naglilingkod ay ibinaba mula 20 taong gulang at ginawang 19 na taon. Dumating ako sa British Mission na isang bagong tawag na 20-taong gulang. Ang unang 19-na-taong-gulang sa aming misyon ay si Elder Jeffrey R. Holland, na kahanga-hangang karagdagan sa aming bilang. Ilang buwan na lang noon ay 20 anyos na siya. At paglipas ng isang taon, marami pang 19-anyos ang dumating. Sila ay masunurin at matatapat na misyonero, at umunlad ang gawain. Natitiyak ko na mas marami ang aanihin ngayon habang ang matatapat na missionary ay tumutupad sa utos ng Tagapagligtas na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo.

Sa pananaw ko, kayong mga susunod na henerasyon ay mas handa kaysa sa nagdaang mga henerasyon. Ang kaalaman ninyo sa mga banal na kasulatan ay kahanga-hanga. Gayunpaman, ang mga hinaharap na hamon ng inyong henerasyon habang naghahanda kayong maglingkod ay katulad ng kinakaharap ng lahat ng miyembro ng Simbahan. Batid nating lahat na halos sa buong mundo ang kultura ay hindi nakakatulong sa kabutihan o espirituwal na katapatan. Sa buong kasaysayan, ang mga pinuno ng Simbahan ay nagbabala at nagturo sa mga tao na magsisi. Sa Aklat ni Mormon, labis na nag-alala si Nakababatang Alma sa kasamaan at kawalan ng katapatan ng mga tao kaya nagbitiw siya sa pagiging punong hukom, ang lider ng mga Nephita, at ibinuhos ang lahat ng kanyang pagsisikap sa tungkulin niya bilang propeta.1

Sa isa sa mga nakaaantig na talata sa buong banal na kasulatan, ipinahayag ni Alma, “Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”2

Inirereport ng mga lider sa buong mundo na kung titingnan sa kabuuan, ang mga miyembro ng Simbahan, lalo na ang mga kabataan, ay mas matatag ngayon. Ngunit halos laging may dalawang bagay silang inaalala: una, ang tumitinding kasamaan sa mundo at, pangalawa, ang kawalang-malasakit at kawalan ng katapatan ng ilang miyembro. Humihingi sila ng payo kung paano tutulungan ang mga miyembro na sumunod sa Tagapagligtas at maging matibay at matatag.

Ang tanong na, “Nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” ay mahalaga pa rin makaraan ang maraming siglo. Sa lahat ng natanggap natin sa dispensasyong ito—kabilang ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang pagbuhos ng espirituwal na mga kaloob, at ang di- mapag-aalinlanganang biyaya ng langit—higit na naging mahalaga ang tanong ni Alma.

Di-nagtagal matapos tawaging Apostol si Ezra Taft Benson noong 1943, ipinayo ni Pangulong George Albert Smith3 na, “Ang iyong misyon [ay] … bigyang-babala ang mga tao … nang may kabaitan hangga’t maaari upang ang pagsisisi ang tanging maging lunas sa mga kasamaan ng mundong ito.”4 Nang bigkasin ang pahayag na ito, nasa kalagitnaan tayo noon ng pagsiklab ng World War II.

Ngayon lalong bumaba ang moralidad. Isang bantog na manunulat ang nagsabi kamakailan, “Alam ng lahat na nakapipinsala ang pilosopiya, at walang sinumang umaasang magbabago iyan.”5 Ang palaging paglalarawan ng karahasan at imoralidad sa musika, libangan, sining, at iba pang media sa makabago nating lipunan ay talamak na. Ito ay makabuluhang inilarawan ng isang pinagpipitaganang lider ng relihiyong Baptist nang sabihin niyang, “Hindi na kayang daigin ngayon ng espirituwalidad ng buong sibilisasyon ang kasamaan na gaya noong unang panahon.”6

Hindi nakapagtataka na sa palagay ng ilang miyembro sa Simbahan ay hindi nila kayang sagutin ang tanong ni Alma nang matunog na oo. Hindi nila “nadarama ang gayon ngayon.” Pakiramdam nila ay kulang sila sa espirituwalidad. Ang iba ay nagagalit, nasasaktan, o nalulungkot. Kung ganito rin ang nadarama ninyo,7 mahalagang alamin kung bakit hindi ninyo “nadarama ang gayon ngayon.”

Marami sa nagkukulang sa espirituwalidad at katapatan ay hindi naman nakagawa ng malaking pagkakasala o paglabag, ngunit nagkamali sila sa pagpili. Ang ilan ay hindi mahigpit na tumutupad sa kanilang sagradong mga tipan. Ang iba ay gumugugol ng malaking oras sa mga bagay na walang gaanong kabuluhan. Ang ilan ay hinahayaang pahinain ng mga pananaw sa kultura o pulitika ang kanilang katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilan ay masyadong nahihilig sa mga materyal sa Internet na nagpapalaki, nagmamalabis, at kung minsan ay nag-iimbento ng mga kahinaan ng mga lider ng Simbahan noon. Pagkatapos ay nagbibigay sila ng maling konklusyon na nakakaapekto sa patotoo. Sinumang piniling gawin ang mga bagay na ito ay maaaring magsisi at espirituwal na mapanibago.

Ang palaging pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay mahalaga sa espirituwal na kalakasan.8 Ang salita ng Diyos ay naghihikayat ng katapatan at nagsisilbing balsamo na nagpapagaling ng nasaktang damdamin, galit, o lungkot.9 Kapag ang ating katapatan ay nabawasan sa anumang dahilan, bahagi ng solusyon ang pagsisisi.10 Ang katapatan at pagsisisi ay magkaugnay.

Si C. S. Lewis, ang masipag at praktikal na Kristiyanong manunulat ay madamdaming isinulat ang bagay na ito. Iginiit niya na sinasabi ng Kristiyanismo na magsisi ang mga tao at nangangakong patatawarin sila; ngunit hangga’t hindi alam at nadarama ng mga tao na kailangan nila ng kapatawaran, walang kabuluhan ang Kristiyanismo sa kanila. Sabi niya, “Kapag ikaw ay maysakit, makikinig ka sa doktor.”11

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph na bago ka binyagan, maaaring wala kang kaalaman sa mabuti at masama. Ngunit “nang sumapi ka sa Simbahang ito nangako kang maglilingkod sa Diyos. Nang gawin mo iyan nilisan mo ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama at hindi ka [makababalik] doon.” Ipinayo niya na hindi natin dapat talikuran ang Panginoon.12

Binigyang-diin ni Alma na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo “ang mga bisig ng awa ay nakaunat” sa mga nagsisisi.13 Pagkatapos ay itinanong niya ang mahalagang tanong na ito: Handa na ba tayong humarap sa Diyos? Pinananatili ba nating walang bahid-dungis ang ating sarili? Dapat nating pagnilayan ang mga tanong na ito. Ang naranasan mismo ni Alma na pagsuway sa kanyang matapat na ama at sa bandang huli ay pagkaunawa nang lubos na kailangan niyang mapatawad at kung ano ang ibig sabihin ng umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig ay nakaaantig at nakahihikayat.

Bagama’t ang iba pang bagay na nakababawas ng katapatan ay mahalagang isaalang-alang, dalawang matinding hamon ang laganap at mahalagang malaman. Ang una ay kawalang-habag, karahasan, at pang-aabuso sa pamilya. Ang pangalawa ay imoralidad at masamang pag-iisip. Ang mga ito ang kadalasang nangyayari muna at nagiging sanhi ng kawalan ng katapatan.

Ang pakikitungo natin sa pinakamalapit sa atin ay napakahalaga. Ang karahasan, pang-aabuso, kawalan ng paggalang, at kalapastanganan sa tahanan ay hindi katanggap-tanggap—hindi katanggap-tanggap sa matatanda at gayundin sa bagong henerasyon. Ang aking ama ay hindi aktibo sa Simbahan ngunit isa siyang kahanga-hangang halimbawa, lalo na sa pakikitungo niya sa aking ina. Lagi niyang sinasabi noon: “Papananagutin ng Diyos ang mga lalaking nagpaiyak sa kanilang mga asawa.” Ang konsepto ring ito ay binigyang-diin sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Mababasa rito, “[Yaong] nang-aabuso ng asawa o anak … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”14 Anuman ang lipunang kinalakhan natin, at tayo man ay inabuso o hindi ng ating mga magulang, hindi natin dapat abusuhin sa pisikal, emosyonal, o sa salita ang sinuman.15

Ang pagkakaroon ng paggalang sa lipunan ay higit na kailangan ngayon. Ang pagtuturo ng kabaitan at paggalang ay nagsisimula sa ating tahanan. Hindi nakapagtataka na ang pagsama ng ugali ng tao ay dulot ng pagkawatak-watak ng pamilya. Ang pamilya ang saligan ng pagmamahal at nagpapanatili ng espirituwalidad. Sa tahanan nahihikayat ang tao na patuloy na patatagin ang kanyang pananampalataya. Tunay ngang “kayganda ng paligid kung may pag-ibig [sa tahanan].”16

Ang imoralidad at maruming pag-iisip ay lumalabag sa mga pamantayang itinakda ng Tagapagligtas.17 Nabigyang-babala tayo sa simula ng dispensasyong ito na ang imoralidad marahil ang pinakamahirap na suliraning haharapin.18 Ang gayong pag-uugali, kung hindi pagsisisihan, ay magpapahina ng espirituwalidad at magpapawala ng katapatan. Ang mga pelikula, TV, at Internet ay karaniwang naglalahad ng nakapipinsalang mensahe at mga larawan. Kami ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ay nasa isang nayon sa Amazon jungle kamakailan at inobserbahan ang mga antena ng satellite na nakakabit kahit na sa maliliit na bahay lang. Natuwa kami na napakaraming impormasyon ang nakakarating sa liblib na pook na iyon. Natanto rin namin na halos walang lugar sa mundo na hindi naiimpluwensyahan ng mahalay, imoral, at mapanuksong mga larawan. Ito ang isang dahilan kung bakit ang pornograpiya ay napakabigat nang problema sa ating panahon.

Kamakailan marami akong nalaman sa pakikipag-usap ko sa isang 15 anyos na mayhawak ng Aaronic Priesthood. Ipinaliwanag niya sa akin kung gaano kadali sa panahong ito ng Internet na malantad ang mga kabataan sa mahahalay na larawan at maging sa pornograpiya. Binigyang-diin niya na ang lipunan sa pangkalahatan, ay natutukoy kahit paano, na ang paglabag sa karamihan ng mga alituntuning itinuturo ng Simbahan ay may nakapipinsalang epekto sa kalusugan at kapakanan. Binanggit niya ang paninigarilyo, paggamit ng droga, at pag-inom ng alak ng mga kabataan. Ngunit napansin niya na walang kaukulang pagtutol o babala man lang ang lipunan sa kabuuan tungkol sa pornograpiya o imoralidad.

Mahal kong mga kapatid, ang obserbasyon ng binatilyong ito ay tama. Ano ang sagot? Sa maraming taon itinuro ng mga propeta at apostol ang kahalagahan ng pagpapatatag ng pananampalataya sa tahanan.19

Mga magulang, bagamat mahalaga, hindi na sapat ang regular na aktibong pakikibahagi sa mga miting at programa ng Simbahan para magawa ninyo ang sagradong tungkuling turuan ang inyong mga anak na mamuhay nang matwid sa harapan ng Panginoon. Sa pahayag ni Pangulong Monson ngayong umaga, mahalagang maisagawa ito nang buong katapatan sa mga tahanan kung saan ang kabaitan, pagpapatawad, katotohanan, at kabaitan ay dapat na umiiral. Ang mga magulang ay dapat magkaroon ng tapang na suriin o alamin palagi ang nakukuha sa Internet, telebisyon, pelikula, at musika. Ang mga magulang ay dapat may lakas ng loob na magsabing, “hindi,” manindigan sa katotohanan, at magbahagi ng matibay na patotoo. Kailangang malaman ng inyong mga anak na nananampalataya kayo sa Tagapagligtas, nagmamahal sa inyong Ama sa Langit, at sumusuporta sa mga lider ng Simbahan. Ang matatag na espirituwalidad ay dapat magpatuloy sa ating mga tahanan. Umaasa ako na walang sinumang aalis sa kumperensyang ito nang hindi nauunawaan na ang paksa tungkol sa moralidad sa ating panahon ay dapat pag-usapan sa pamilya. Ang mga bishop, priesthood at auxiliary leader ay dapat tulungan ang mga pamilya at tiyaking naituturo ang mga espirituwal na alituntunin. Ang mga home at visiting teacher ay dapat tumulong, lalo na sa mga anak na nag-iisa ang mga magulang.

Itinanong ng binatilyong binanggit ko kanina kung alam ng mga Apostol ang edad na dapat simulang ituro ang pag-iwas sa pornograpiya at masamang pag-iisip. Mariin niyang sinabi na sa ibang lugar ang pagtuturo nito bago pa man umalis ang mga kabataan sa Primary ay hindi masyadong maaga kung tutuusin.

Ang mga kabataang nalantad sa mga imoral na larawan sa napakaagang edad ay natatakot na baka dahil dito ay hindi na sila karapat-dapat na magmisyon at tumanggap ng sagradong mga tipan. Bunga nito, nanghihina nang labis ang kanilang pananampalataya. Gusto kong tiyakin sa inyong mga kabataan na, tulad ng itinuro ni Alma, magiging karapat-dapat kayo sa lahat ng pagpapala ng langit kung kayo ay magsisisi.20 Iyan ang kahulugan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Kausapin ang inyong mga magulang o pinagkakatiwalaang tagapayo, at humingi ng payo sa inyong bishop.

Pagdating sa moralidad, inaakala ng ilan na dahil nagkawanggawa sila o sinunod nila ang isang alituntunin ay hindi na nila kailangang sumunod pa sa mga turo ng Tagapagligtas. Sinasabi nila sa kanilang sarili na ang kasalanang seksuwal ay “maliit na bagay lang … [kung ako] … ay mabait at mapagkawanggawa.”21 Ang gayong pag-iisip ay malaking kasinungalingan sa sarili. May mga kabataang nagsabi sa akin na sa kasalukuyang lipunan natin hindi “tanggap” ang masyadong mahigpit sa mga bagay-bagay, kasama na riyan ang pagsunod sa mga matwid na alituntunin.22 Sana huwag kayong mabitag sa ganyang patibong.

Sa binyag nangangako tayo na ating tataglayin “ang pangalan ni [Jesucristo], nang may matibay na hangaring maglingkod sa kanya hanggang wakas.”23 Kailangan ng gayong tipan ng matinding pagsisikap, katapatan, at integridad kung nais nating patuloy na umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig at manatiling tunay na nagbalik-loob.

Isang di-malilimutang halimbawa ng pangakong manatiling matatag at di-natitinag ang nakita sa isang British Olympian na lumaban noong 1924 Olympics sa Paris, France.

Si Eric Liddell ay anak ng Scottish missionary sa China at may matatag na pananampalataya. Nagalit sa kanya ang namumuno ng Olympics sa Britain nang tumanggi siya, sa kabila ng pagpilit sa kanya, na tumakbo sa paunang 100-meter race na ginanap sa araw ng Linggo. Sa bandang huli napanalunan niya ang 400-meter race. Ang halimbawa ni Liddell na pagtangging tumakbo sa araw ng Linggo ay talagang nagbibigay-inspirasyon.

Ang mga larawan at monumento bilang parangal sa kanya ay nagbanggit sa mga inspiradong salita ni Isaias, “Nguni’t silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad, at hindi manganghihina.”24

Ang kahang-hangang ginawa ni Liddell ay nakaimpluwensya nang malaki sa aming bunsong anak na magpasiyang huwag maglaro tuwing Linggo at higit pa riyan ilayo ang sarili sa bagay na di-matwid at makamundo. Ang sinabing ito ni Isaias ang inilathala niya sa kanyang yearbook. Si Liddell ay nag-iwan ng napakagandang halimbawa ng determinasyon at katapatang sumunod sa alituntunin.

Habang sinusunod ng ating mga kabataan ang payo ni Pangulong Monson na maghanda sa pagmimisyon, at habang ipinamumuhay nating lahat ang mga alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas at maghanda na humarap sa Diyos,25 magtatagumpay tayo sa mas mahalagang paligsahan.26 Mapapasaatin ang Espiritu Santo bilang espirituwal na gabay. Para sa sinumang hindi maayos ang buhay, tandaan, hindi pa huli ang lahat para isalig ninyo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya at buhay.27

Sa mga salita ni Isaias, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”28

Dalangin ko na bawat isa sa atin ay gagawin ang anumang kailangang gawin upang madama ang Espiritu ngayon upang magawa nating awitin ang mapagtubos na pag-ibig nang buong puso. Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sa pangalan ni Jesucrito, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Alma 4:15–19.

  2. Alma 5:26.

  3. Si George Albert Smith noon ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Siya ang magiging Pangulo ng Simbahan sa May 21, 1945. (Tingnan sa Deseret News 2012 Church Almanac [2012], 98.)

  4. George Albert Smith, sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 184.

  5. Peggy Noonan, “The Dark Night Rises,” Wall Street Journal, Hulyo 28–29, 2012, A17.

  6. Dr. R. Albert Mohler Jr., pangulo, The Southern Baptist Theological Seminary, pagtatanghal sa mga lider ng relihiyon, New York City, Set. 5, 2012.

  7. Tingnan sa 2 Nephi 2:27.

  8. Tingnan sa Juan 5:39; Amos 8:11; tingnan din sa James E. Faust, “A Personal Relationship with the Savior,” Ensign, Nob. 1976, 58–59.

  9. Tingnan sa Alma 31:5.

  10. Tingnan sa Alma 36:23–26.

  11. C. S. Lewis, Mere Christianity (1952), 31–32. Si Lewis ay Fellow sa English literature sa Oxford University at naging chair ng Medieval at Renaissance English sa Cambridge University.

  12. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 379; tingnan din sa Apocalipsis 3:15–16.

  13. Alma 5:33.

  14. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  15. Tingnan sa Richard G. Scott, “Removing Barriers to Happiness,” Ensign, Mayo 1998, 85–87. Ang ilan sa mga bagay na iniuutos ng kultura ay salungat sa mga turo ng Tagapagligtas at inililihis tayo ng landas. Noong ako ay nasa South Pacific, nakilala ko ang isang lalaking ilang taon nang investigator ng Simbahan. Sinabi niyang naantig siyang mabuti nang ituro ng isang lider ng Simbahan sa kumperensya ng priesthood na, “Ang mga kamay na dati ninyong gamit sa pagpalo sa inyong mga anak ay gagamitin na ngayon para basbasan ang inyong mga anak.” Tinuruan siya ng mga missionary, nabinyagan, at naging mahusay na lider.

  16. “Pag-ibig sa Tahanan,” Mga Himno, blg. 183.

  17. Tingnan sa Alma 39.

  18. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 4.

  19. Ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre 1995. Si Pangulong Thomas S. Monson ang namahala sa pagbabago ng unang kabanata ng Handbook 2: Administering the Church (2010), “Families and the Church in God’s Plan.”

  20. Tingnan sa Alma 13:27–30; 41:11–15.

  21. Ross Douthat, Bad Religion: How We Became a Nation of Heretics (2012), 238; tingnan din sa Alma 39:5.

  22. Huwag hayaang hadlangan ang inyong pananampalataya ng isang lipunang puno ng karahasan at imoralidad at mapamuna sa mga sumusunod sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas. Tulad ng isinulat ng makatang si Wordsworth, “Punuin [ang inyong isipan] ng nakalulugod na bagay, upang kahit ang masasamang pananalita, maling paghusga, o paglapastangan ng mga makasarili … ay hindi manaig … o humadlang sa inyong masayang pagsampalataya” (“Lines Composed a Few Miles above Tintern Abbey, sa The Oxford Book of English Verse, ed. Christopher Ricks [1999], 346).

  23. Moroni 6:3; may pagbibigay-diin; tingnan din sa Mosias 18:13.

  24. Isaias 40:31; tingnan sa Robert L. Backman, “Day of Delight,” New Era, Hunyo 1993, 48–49.

  25. Tingnan sa Alma 34:32.

  26. Tingnan sa I Corinto 9:24–27.

  27. Tingnan sa Helaman 5:12. Ipinayo ni Oliver Wendell Holmes, “Napag-alaman ko sa mundong ito na ang pinakamahalagang bagay ay hindi kung saan tayo nakatayo, kundi kung saan tayo papunta: Upang marating ang daungan ng langit, kung minsan ay dapat tayong patangay sa hangin at kung minsan ay dapat nating labanan ito—ngunit anuman ang ating gawin dapat tayong maglayag, at hindi lamang magpatianod, o maghulog ng angkla” (The Autocrat of the Breakfast-Table [1858], 105).

  28. Isaias 1:18.