Mga Panghihinayang at Pagpapasiya
Kapag mas pinagtuunan nating kamtin ang kabanalan at kaligayahan, mas malamang na wala tayong panghihinayangan.
Mga Panghihinayang
Pangulong Monson, minamahal ka namin. Salamat sa maganda at mahalaga mong ibinalita tungkol sa mga itatayong bagong templo at sa gawaing-misyonero. Dahil sa mga ito, tiyak kong bubuhos ang mga pagpapala sa atin at sa maraming henerasyong darating.
Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan! Lahat tayo ay mortal. Sana hindi na ito ikagulat ng sinuman.
Wala ni isa sa atin ang mabubuhay sa mundo nang napakatagal. May tiyak na bilang ng taon ang itatagal natin sa mundo, na, kung ibabatay sa kawalang-hanggan, ay halos isang kisap-mata lang ito.
At pagkatapos ay papanaw na tayo. Ang ating mga espiritu ay “dadalhin pabalik sa Diyos na sa [atin] ay nagbigay-buhay.”1 Ihihimlay natin ang ating katawan at iiwan ang mga materyal na bagay ng mundong ito pagpunta natin sa kabilang-buhay.
Kapag bata pa tayo, parang wala tayong kamatayan. Iniisip nating hindi matatapos ang pagsikat ng araw, at ang hinaharap ay tuluy-tuloy na daan na walang-katapusang nakalatag sa ating harapan.
Gayunpaman, sa pagtanda natin, mas nakapag-iisip tayo at namamangha na maikli lang pala ang daang iyon. Nagtataka tayo kung bakit napakabilis na lumipas ang panahon. At naiisip natin ang ating naging mga desisyon at mga bagay na ating ginawa. Dahil diyan, naaalala natin ang kasiya-siyang mga sandali na nagpasigla sa ating kaluluwa at nagpagalak sa ating puso. Ngunit naiisip din natin ang ating mga pinanghihinayangan—mga bagay na sana’y maibalik natin at mabago.
Sinabi ng isang nurse na nag-aalaga ng mga may malubhang karamdaman na madalas niyang tanungin ang kanyang mga pasyenteng naghahanda nang lisanin ang buhay na ito.
“May pinanghihinayangan po ba kayo?” ang itinatanong niya.2
Madalas kapag napakalapit na ng kamatayan mas napagninilay ang mga bagay at gumaganda ang pananaw. Kaya nang tanungin ang mga taong ito tungkol sa mga pinanghihinayangan nila, sinabi nila ang kanilang saloobin. Inisip nila ang kanilang babaguhin kung maibabalik lang nila ang nakaraan.
Habang iniisip ko ang sinabi nila, nalaman ko kung gaano kabuti ang epekto ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo sa buhay natin kung susundin natin ang mga ito.
Walang mahiwaga sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Napag-aralan natin ang mga ito sa banal na kasulatan, tinalakay natin ito sa Sunday School, at narinig natin sa mga pulpito nang maraming beses. Ang mga banal na alituntunin at pinahahalagahang ito ay simple at malinaw; ang mga ito ay maganda, malalim, at mabisa; at tiyak na tutulong sa ating maiwasang may panghinayangan sa hinaharap.
Sana Mas Marami Akong Oras na Inukol sa mga Taong Mahal Ko
Marahil ang karaniwang pinanghihinayangan ng mga pasyenteng malapit nang mamatay ay ang hindi nila pag-ukol ng mas maraming oras sa mga taong mahal nila.
Karaniwang kalalakihan ang bumibigkas sa malungkot na mga salitang ito: sila ay “nanghihinayang dahil naging subsob sila sa trabaho.”3 May magagandang alaala sana na napasakanila kung nakapag-ukol lamang sila ng panahon sa pamilya at mga kaibigan. Hindi sila nagkaroon ng malalim na ugnayan sa mga taong pinakamahalaga sa kanila.
Hindi ba’t totoong madalas ay masyado tayong abala? At, nakalulungkot na itinuturing pa nating kapuri-puri ang pagiging abala natin, na para bang ito ay tanda ng tagumpay o mas maunlad na buhay.
Hindi ba?
Iniisip ko ang ating Panginoon at Perpektong Halimbawa, na si Jesucristo, at ang maikli Niyang buhay kasama ang mamamayan ng Galilea at Jerusalem. Pinilit kong isipin na nagmamadali Siya sa pagdalo sa mga pulong o pinagsasabay-sabay ang maraming gawaing dapat tapusin.
Hindi ganoon ang nakikita ko.
Sa halip, ang nakikita ko ay ang mahabagin at mapagmalasakit na Anak ng Diyos na ipinamumuhay ang bawat araw nang may layunin. Nang kinausap Niya ang mga taong nakapalibot sa Kanya, nadama nilang mahalaga at minamahal sila. Alam Niya ang walang hanggang kahalagahan ng mga taong Kanyang nakilala. Sila’y Kanyang binasbasan at pinaglingkuran. Sila’y Kanyang pinasigla at pinagaling. Pinag-ukulan Niya sila ng Kanyang panahon.
Sa ating panahon, madaling magkunwaring nag-uukol tayo ng oras sa iba. Sa isang klik sa mouse “makakaugnay” na natin ang libu-libong “kaibigan” nang hindi kailangang personal na makausap ang isa man sa kanila. Ang teknolohiya ay napakalaking tulong, lalo na kung malayo tayo sa ating mga mahal sa buhay. Malayo ang tirahan naming mag-asawa sa mahal naming pamilya; kaya alam namin iyan. Gayunpaman, naniniwala akong hindi tayo sumusulong, bilang indibiduwal o bilang lipunan man, kung ang karaniwang ginagamit natin sa pakikipag-ugnayan sa pamilya o kaibigan ay ang pag-post ng mga nakakatawang larawan, pag-forward ng walang kabuluhang bagay, o pag-link sa kanila sa mga website sa Internet. Palagay ko may tamang lugar para sa ganitong aktibidad, pero gaano karaming oras ang handa nating iukol dito? Kung hindi natin naibibigay ang pinakamagandang maibabahagi natin at buong panahon sa mga taong tunay na mahalaga sa atin, pagsisisihan natin ito balang-araw.
Magpasiya tayong pahalagahan ang ating mga minamahal sa pag-ukol ng makabuluhang panahon sa kanila, at pagkakaroon ng magagandang alaala sa piling nila.
Sana Naabot Ko ang Aking Potensyal
Isa pang pinanghihinayangan ng mga tao ay ang kabiguan nilang maging uri ng taong sa palagay nila ay kaya nila at dapat nilang kahinatnan. Nang suriin nila ang kanilang buhay, nalaman nila na hindi nila naabot ang kanilang potensyal, na maraming bagay ang hindi pa naisasakatuparan.
Hindi ko tinutukoy dito ang pag-akyat sa tugatog ng tagumpay sa ating iba’t ibang propesyon. Ang tagumpay na iyon, gaano man katayog sa mundong ito, ay hindi makapapantay kahit kaunti sa walang hanggang pagpapalang naghihintay sa atin.
Sa halip, ang tinutukoy ko ay ang pagiging uri ng taong nais ng Diyos na kahinatnan natin.
Dumating tayo sa mundong ito, tulad ng sabi ng makata na, “lahat tayo’y isinilang na may kabanalan”4 mula sa premortal na daigdig.
Nakikita ng ating Ama sa Langit ang ating tunay na potensyal. Ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa ating sarili ay alam Niya. Hinihikayat Niya tayo sa buhay na ito na abutin ang hangganan ng paglikha sa atin, mamuhay nang matwid, at bumalik sa Kanyang piling.
Kung gayon, bakit natin pinagbubuhusan ng oras at lakas ang mga bagay na panandalian lang, walang halaga, at walang katuturan? Hindi ba natin nalalaman na kahangalan ang hangaring kamtin ang mga walang kabuluhan?
Hindi ba mas makatutulong sa atin na “mangagtipon [tayo] ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw.5
Paano natin ito gagawin? Sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas, pagsasabuhay ng Kanyang mga turo, at pagmamahal nang tapat sa Diyos at sa ating kapwa.
Hindi tayo dapat na napipilitan lang, laging nagmamadali, at nagrereklamo sa mga dapat gawin, kung gusto nating maging disipulo.
Sa pamumuhay ng ebanghelyo, hindi natin dapat tularan ang batang nagtampisaw lang sa tubig at pagkatapos ay sinabing lumangoy siya. Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, higit pa riyan ang kaya nating gawin. Upang magawa iyan, hindi sapat na mabuti lang ang layunin. Tayo ay dapat kumilos. Higit na mahalaga, dapat nating marating ang nais ng Ama sa Langit na kahinatnan natin.
Ang pagpapatotoo sa ebanghelyo ay mabuti, ngunit ang pamumuhay ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay mas mabuti. Ang naising maging mas matapat sa ating mga tipan ay mabuti; ang pagiging tapat sa mga sagradong tipan—kabilang na ang malinis na pamumuhay, pagbabayad ng ating mga ikapu at handog, pagsunod sa Word of Wisdom, at paglilingkod sa mga nangangailangan—ay higit na mabuti. Ang pagsasabing mas pag-uukulan ng ating pamilya ang pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan at makabuluhang paglilibang ay mabuti; ngunit ang paggawa ng lahat ng ito ay magdudulot ng pagpapala ng langit sa ating buhay.
Ang pagiging disipulo ay paghangad na maging banal at maligaya. Ito ang landas para tayo lubos na bumuti at lumigaya.
Magpasiya tayong tularan ang Tagapagligtas at magsumikap na maging uri ng tao na dapat nating kahinatnan. Pakinggan natin at sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu. Sa paggawa nito, ihahayag sa atin ng Ama sa Langit ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa ating sarili. Ipapakita Niya sa atin ang daan at tutulungan tayong makita ang mga talento na hindi natin alam at marahil hindi natin sukat-akalain na taglay natin.
Kapag mas pinagtuunan nating kamtin ang kabanalan at kaligayahan, mas malamang na wala tayong panghihinayangan. Kapag mas nagtiwala tayo sa biyaya ng Tagapagligtas, mas madarama natin sa ating buhay na tumatahak tayo sa landas na nais ng Ama sa Langit para sa atin.
Sana Hinayaan Kong Maging Mas Masaya ang Aking sarili
Ang isa pang pinanghihinayangan ng mga taong malapit nang mamatay ay hindi natin gaanong aakalain. Sabi nila, sana ay hinayaan nilang maging mas masaya ang kanilang sarili.
Madalas na napapaniwala tayo na may isang bagay na hindi natin kayang kamtin pero magpapasaya sa atin: mas mabuting sitwasyon ng pamilya, mas maunlad na kabuhayan, o katapusan ng mahirap na pagsubok.
Habang nagkakaedad tayo, mas nagbabalik-tanaw tayo at nalalaman natin na may mga bagay na panlabas na hindi talaga mahalaga o nagpapasaya sa atin.
Tayo ay talagang mahalaga. Tayo ang nagpapasiya kung ano ang ikasasaya natin.
Nasasaiyo at nasasaakin kung paano maging maligaya.
Kami ng asawa kong si Harriet ay mahilig magbisikleta. Napakasayang mamasyal at masdan ang kagandahan ng kalikasan. May mga gusto kaming dinaraanan sakay ng bisikleta, pero hindi namin gaanong pinapansin kung gaano na kami kalayo o kabilis kumpara sa ibang nagbibisikleta.
Pero, kung minsan, iniisip ko na dapat ay mas galingan namin ang pagbibisikleta. Sa palagay ko mas bibilis ang takbo namin at mas malayo ang mararating kung magpupursigi pa kami nang kaunti. At kung minsan hindi ko mapigilang banggitin ang mungkahing ito sa aking butihing maybahay.
Ang karaniwang reaksyon niya sa mungkahi ko ay laging magiliw, malinaw, at diretsahan. Nakangiti niyang sasabihin, “Dieter, hindi tayo nakikipag-unahan; naglalakbay tayo. Namnamin natin ang sandali.”
Tama nga siya!
Kung minsan sa buhay, masyado tayong nakatuon sa finish line kaya hindi tayo nasisiyahan sa paglalakbay. Hindi ako nagbibisikleta kasama ng aking asawa dahil gusto kong makarating sa gusto kong puntahan. Nagbibisikleta ako dahil masaya ako na makasama siya.
Hindi ba’t kahangalan na di-maranasan ang tuwa at saya ng isang pangyayari dahil ang lagi nating inaabangan ay kung kailan ito matatapos?
Pinapakinggan ba natin ang magandang musika na ang hinihintay marinig ay ang huling nota bago natin hayaan ang sariling masiyahan dito? Hindi. Nakikinig tayo at nakakaugnay sa iba’t ibang himig, ritmo, at magandang tunog sa buong komposisyon.
Nagdarasal ba tayo na ang iniisip lang ay ang salitang “amen” sa dulo? Siyempre hindi. Nagdarasal tayo upang maging malapit sa ating Ama sa Langit, matanggap ang Kanyang Espiritu at madama ang Kanyang pagmamahal.
Hindi natin dapat hintayin ang bukas para maging masaya, at matuklasang maaari palang maging maligaya—sa lahat ng sandali! Hindi rin dapat isipin ang nakaraan para lamang mapahalagahan ang buhay. “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon …, ” ang isinulat ng Mang-aawit. “[Mangagalak at ating [katuwaan].”6
Mga kapatid, anuman ang ating kalagayan, anuman ang ating mga hamon sa buhay o pagsubok, may isang bagay sa bawat araw na ikatutuwa at itatangi. May isang bagay bawat araw na mapasasalamatan at ikagagalak kung makikita lang natin ito at pahahalagahan.
Palagay ko dapat nating hanapin ito na mas ginagamit ang puso kaysa mata. Gustung-gusto ko ang mga katagang: “Tanging sa paggamit lamang ng puso makakakita nang tama ang tao. Anumang bagay na mahalaga ay hindi nakikita ng mata.”7
Inutusan tayong “magbigay-pasalamat sa lahat ng bagay.”8 Kaya hindi ba mas mabuting tingnan gamit ang ating mga mata at puso ang kahit maliliit na bagay na maaari nating ipagpasalamat, sa halip na pagtuunan ang di-maganda sa kasalukuyan nating kalagayan?
Nangako ang Panginoon, “Siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.”9
Mga kapatid, sa masaganang pagpapala ng ating Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligtasan na puno ng pagmamahal, sa dakilang mga katotohanan ng ebanghelyo, at sa kagandahan ng buhay na ito sa lupa, “hindi ba’t may dahilan upang tayo ay magsaya?”10
Magpasiya tayong maging masaya, anuman ang ating kalagayan.
Mga Pagpapasiya
Balang-araw kakailanganin na nating pumanaw sa mundong ito at magtungo sa kabilang-buhay. Balang-araw susuriiin natin ang ating buhay at itatanong kung naging mas mabuti ba tayo, nakagawa ba tayo ng mas magandang desisyon, o ginamit ba natin nang tama ang ating panahon.
Upang huwag magkaroon ng panghihinayangan sa buhay, makatutulong na gumawa na ngayon ng ilang pagpapasiya. Kung gayon, tayo’y:
-
Magpasiyang mag-ukol ng mas maraming oras sa ating mga minamahal.
-
Magpasiyang magsumikap pa na maging uri ng taong nais ng Diyos na kahinatnan natin.
-
Magpasiyang maging masaya, anuman ang ating kalagayan.
Pinatototohanan ko na marami sa mga panghihinayangan natin sa hinaharap ang maiiwasan sa pagsunod sa Tagapagligtas ngayon. Kung tayo ay nagkasala o nakagawa ng mali—kung may mga desisyon tayo na pinagsisisihan natin ngayon—nasa atin ang natatanging kaloob ng Pagbabayad-sala ni Cristo, na siyang paraan upang mapatawad tayo. Hindi na natin mababalikan ang nakaraan at mababago ito, ngunit maaari tayong magsisi. Papahirin ng Tagapagligtas ang ating mga luha ng kalungkutan11 at aalisin ang bigat ng ating mga kasalanan.12 Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala malilimutan natin ang nakaraan at susulong nang may malinis na mga kamay, at dalisay na puso,13 at determinasyong gawin ang mas mabuti at higit sa lahat maging mas mabuti.
Oo, mabilis lang ang buhay na ito; madali lang lumipas ang ating mga araw; at tila nakakatakot ang kamatayan kung minsan. Gayunpaman, ang ating espiritu ay patuloy na mabubuhay at balang-araw ay sasanib muli sa ating nabuhay na mag-uling katawan upang tumanggap ng walang hanggang kaluwalhatian. Taimtim kong pinatototohanan na dahil sa mahabaging si Cristo, tayong lahat ay mabubuhay na muli magpakailanman. Dahil sa ating Tagapagligtas at Manunubos, balang-araw lubos nating mauunawaan at ikagagalak ang mga salitang “ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.”14
Ang landas tungo sa pagsasakatuparan ng ating banal na tadhana bilang mga anak ng Diyos ay walang-hanggan. Mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, dapat nating simulang tahakin ang landas na iyan; ngayon; huwag nating sayangin kahit isang araw. Dalangin ko na hindi natin hintayin pa ang oras ng ating kamatayan bago natin tunay na matutuhan kung paano mabuhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.