Kabanata 40
Pinapangyari ni Cristo ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao—Magtutungo sa paraiso ang mga matwid na namatay at ang masasama ay sa labas na kadiliman upang maghintay sa araw ng kanilang pagkabuhay na mag-uli—Manunumbalik ang lahat ng bagay sa kanilang wasto at sakdal na anyo sa Pagkabuhay na Mag-uli. Mga 74 B.C.
1 Ngayon, anak ko, narito ang ilan pa sa nais kong sabihin sa iyo; sapagkat nahihiwatigan ko na ang iyong isip ay nababahala hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.
2 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, na walang pagkabuhay na mag-uli—o, ang ibig kong sabihin, sa ibang salita, na ang may kamatayang ito ay hindi mabibihisan ng kawalang-kamatayan, ang kabulukang ito ay hindi mabibihisan ng kawalang-kabulukan—hanggang sa pagkalipas ng pagparito ni Cristo.
3 Dinggin, kanyang pinapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Ngunit dinggin, anak ko, ang pagkabuhay na mag-uli ay wala pa. Ngayon, ilalahad ko sa iyo ang isang hiwaga; gayunman, maraming hiwaga ang nakatago, na walang sinuman ang nakaaalam ng mga ito kundi ang Diyos lamang. Ngunit ipaaalam ko sa iyo ang isang bagay na masigasig kong itinanong sa Diyos upang aking malaman—ang yaon ay hinggil sa pagkabuhay na mag-uli.
4 Dinggin, may isang panahong itinakda na ang lahat ay babangon mula sa mga patay. Ngayon, kung kailan darating ang panahong ito, walang sinuman ang nakaaalam; subalit alam ng Diyos ang panahong itinakda.
5 Ngayon, kung magkakaroon man ng isang pagkakataon, o pangalawang pagkakataon, o pangatlong pagkakataon, na ang mga tao ay magbabangon mula sa mga patay, ito ay hindi na mahalaga; sapagkat nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; at sapat na sa akin ang malamang ganito ang mangyayari—na may isang panahong itinakda na ang lahat ay magbabangon mula sa mga patay.
6 Ngayon, kailangang may agwat sa pagitan ng panahon ng kamatayan at sa panahon ng pagkabuhay na mag-uli.
7 At ngayon, ako ay magtatanong kung ano ang mangyayari sa mga kaluluwa ng tao mula sa panahong ito ng kamatayan hanggang sa panahong itinakda para sa pagkabuhay na mag-uli?
8 Ngayon, kung mayroon mang mahigit sa isang pagkakataong itinakda para sa mga tao na bumangon, ito ay hindi na mahalaga; sapagkat ang lahat ay hindi mamamatay nang sabay-sabay, at ito ay hindi na mahalaga; ang lahat ay isang araw sa Diyos, at ang panahon ay sinusukat lamang sa tao.
9 Anupa’t may isang panahong itinakda sa mga tao na sila ay babangon mula sa mga patay; at may isang agwat sa pagitan ng panahon ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli. At ngayon, hinggil dito sa agwat ng panahon, kung ano ang mangyayari sa mga kaluluwa ng tao ang bagay na aking masigasig na itinanong sa Panginoon upang malaman; at ito ang bagay na aking nalalaman.
10 At kapag dumating ang panahon na ang lahat ay babangon, saka nila malalaman na ang Diyos ang nakaaalam sa lahat ng panahong itinakda sa tao.
11 Ngayon, hinggil sa kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli—Dinggin, ipinaalam sa akin ng isang anghel, na ang espiritu ng lahat ng tao, pagkatapos na pagkatapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, oo, ang espiritu ng lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na nagbigay-buhay sa kanila.
12 At sa gayon, ito ay mangyayari na ang mga espiritu ng yaong matwid ay tatanggapin sa isang kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan.
13 At sa gayon, ito ay mangyayari, na ang mga espiritu ng makasalanan, oo, na yaong masasama—sapagkat dinggin, sila ay walang bahagi ni hati sa Espiritu ng Panginoon; sapagkat dinggin, pinili nila ang masasamang gawain sa halip na mabubuti; kaya nga, ang espiritu ng diyablo ay pumasok sa kanila, at inangkin ang kanilang bahay—at sila ay itatapon sa labas na kadiliman; magkakaroon ng pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin, at ito ay dahil sa kanilang sariling kasamaan, sapagkat nabihag sila ng kagustuhan ng diyablo.
14 Ngayon, ito ang kalagayan ng mga kaluluwa ng masasama, oo, nasa kadiliman, at isang kalagayang kakila-kilabot, takot na naghihintay sa nag-aapoy na pagngingitngit ng poot ng Diyos sa kanila; sa gayon sila mamamalagi sa ganitong kalagayan, gayundin ang mga matwid sa paraiso, hanggang sa panahon ng kanilang pagkabuhay na mag-uli.
15 Ngayon, may ilan na ang pagkakaunawa na ang yaong kalagayan ng kaligayahan at ang yaong kalagayan ng kalungkutan ng kaluluwa, bago ang pagkabuhay na mag-uli, ang siyang unang pagkabuhay na mag-uli. Oo, inaamin ko na ito ay maaaring taguriang pagkabuhay na mag-uli, ang pagbabangon ng espiritu o ng kaluluwa at ang kanilang pagkakatalaga sa kaligayahan o kalungkutan, ayon sa mga salitang winika.
16 At dinggin, muli, ito ang winika, na may unang pagkabuhay na mag-uli, isang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng yaong nabuhay na noon, o ng mga nabubuhay ngayon, o ng mga mabubuhay pa lamang hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo mula sa mga patay.
17 Ngayon, hindi natin ipinalalagay na itong unang pagkabuhay na mag-uli, na winika sa ganitong paraan, ay maaaring ang pagkabuhay na mag-uli ng mga kaluluwa at ang kanilang pagkakatalaga sa kaligayahan o kalungkutan. Hindi mo maipalalagay na ito ang ibig sabihin nito.
18 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, Hindi; ngunit ang ibig sabihin nito ay ang muling pagsasama ng kaluluwa sa katawan, ng mga yaong mula pa noong mga araw ni Adan hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.
19 Ngayon, kung ang mga kaluluwa at katawan ng mga yaong nabanggit ay muling magsasama kaagad, ang masasama gayundin ang mga matwid, ay hindi ko sinasabi; maging sapat nang sinabi ko na silang lahat ay magbabangon; o sa ibang salita, ang kanilang pagkabuhay na mag-uli ay mangyayari bago ang pagkabuhay na mag-uli ng mga yaong nangamatay pagkaraan ng pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.
20 Ngayon, anak ko, hindi ko sinasabi na ang kanilang pagkabuhay na mag-uli ay darating sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo; ngunit dinggin, ibinibigay ko ito bilang aking kuru-kuro, na ang mga kaluluwa at katawan ay muling magsasama, ang mga matwid, sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, at sa kanyang pag-akyat sa langit.
21 Ngunit kung ito ay sa kanyang pagkabuhay na mag-uli o pagkatapos, hindi ko masasabi; kundi ito lamang ang aking masasabi, na may isang agwat sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli ng katawan, at isang kalagayan ng kaligayahan o sa kalungkutan ng kaluluwa hanggang sa panahong itinakda ng Diyos na ang mga patay ay magbabangon, at muling magsasama, kapwa ang kaluluwa at katawan, at dadalhin upang tumayo sa harapan ng Diyos, at hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa.
22 Oo, pinapangyari nito ang pagpapanumbalik ng lahat ng yaong bagay na sinabi ng mga bibig ng mga propeta.
23 Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi malalagas; kundi magbabalik ang lahat ng bagay sa kanilang wasto at sakdal na anyo.
24 At ngayon, anak ko, ito ang pagpapanumbalik na sinabi ng mga bibig ng mga propeta—
25 At sa gayon ang mga matwid ay magniningning sa kaharian ng Diyos.
26 Ngunit dinggin, isang kakila-kilabot na kamatayan ang sasapit sa masasama; sapagkat sila ay mamamatay sa mga bagay na nauukol sa mga bagay ng katwiran; sapagkat sila ay marurumi, at walang maruming bagay ang makapagmamana ng kaharian ng Diyos; sa halip, sila ay itatakwil, at itatadhanang makibahagi sa mga bunga ng kanilang mga pagpapagod o kanilang mga gawa, na masasama; at kanilang iinumin ang mga latak ng isang mapait na saro.