Kabanata 26
Pinuri ni Ammon ang Panginoon—Ang matatapat ay pinalakas ng Panginoon at binigyan ng kaalaman—Sa pamamagitan ng pananampalataya, makapagdadala ang mga tao ng libu-libong kaluluwa tungo sa pagsisisi—Taglay ng Diyos ang lahat ng kapangyarihan at nalalaman ang lahat ng bagay. Mga 90–77 B.C.
1 At ngayon, ito ang mga salita ni Ammon sa kanyang mga kapatid, na ganito ang sinasabi: Aking mga kapatid at aking mga kapanalig, dinggin, sinasabi ko sa inyo, kaylaki ng dahilan upang tayo ay magsaya; sapagkat akalain ba natin nang magsimula tayo mula sa lupain ng Zarahemla na ipagkakaloob sa atin ng Diyos ang ganitong dakilang pagpapala?
2 At ngayon, itinatanong ko, anu-anong dakilang pagpapala ang ipinagkaloob niya sa atin? Masasabi ba ninyo?
3 Dinggin, ako ang siyang tutugon para sa inyo; sapagkat ang ating mga kapatid, ang mga Lamanita, noon ay nasa kadiliman, oo, maging sa pinakamadilim na kailaliman, subalit dinggin, kayrami sa kanila ang nadalang mamasdan ang kagila-gilalas na liwanag ng Diyos! At ito ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito.
4 Dinggin, libu-libo sa kanila ang nagsasaya, at nadala sa kawan ng Diyos.
5 Dinggin, ang bukid ay hinog na, at kayo ay pinagpala, sapagkat ikinampay ninyo ang karit, at nag-ani nang buo ninyong kakayahan, oo, kayo ay maghapong gumawa; at masdan ang bilang ng inyong mga bungkos! At sila ay titipunin sa mga bangan upang hindi sila masayang.
6 Oo, hindi sila hahagupitin ng unos sa huling araw; oo, ni hindi sila matatangay ng mga buhawi; sa halip, kapag dumating ang unos ay sama-sama silang titipunin sa kanilang lugar, upang hindi sila tamaan ng unos; oo, ni hindi sila maitataboy ng mababagsik na hangin saanman sila nais dalhin ng kaaway.
7 Subalit dinggin, sila ay nasa mga kamay ng Panginoon ng anihan, at sila ay kanya; at kanyang ibabangon sila sa huling araw.
8 Purihin ang pangalan ng ating Diyos; halina’t magsiawit tayo ng papuri sa kanya, oo, halina’t magbigay-pasasalamat tayo sa kanyang banal na pangalan, sapagkat siya ay nagsasagawa ng katwiran magpakailanman.
9 Sapagkat kung hindi natin nilisan ang lupain ng Zarahemla, itong pinakamamahal nating mga kapatid, na pinakamamahal tayo, ay patuloy na magkikimkim ng kapootan laban sa atin, oo, at sila rin sana ay naging mga dayuhan sa Diyos.
10 At ito ay nangyari na nang sabihin ni Ammon ang mga salitang ito, siya ay pinagsabihan ng kanyang kapatid na si Aaron, sinasabing: Ammon, natatakot ako na sa iyong kagalakan ay matangay ka sa pagmamalaki.
11 Subalit sinabi ni Ammon sa kanya: Hindi ako nagmamalaki sa aking sariling lakas, ni sa aking sariling karunungan; subalit dinggin, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay magsasaya sa aking Diyos.
12 Oo, nalalaman kong ako ay walang halaga; kung hinggil sa aking lakas ay mahina ako; kaya nga hindi ako magmamalaki sa aking sarili, sa halip, ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay magagawa ko ang lahat ng bagay; oo, dinggin, maraming dakilang himala ang nagawa natin sa lupaing ito, sa gayon pupurihin natin ang kanyang pangalan magpakailanman.
13 Dinggin, ilang libong kapatid natin ang pinakawalan niya mula sa mga pasakit ng impiyerno; at sila ay napaawit ng mapagtubos na pag-ibig, at dahil ito sa kapangyarihan ng kanyang salita na nasa atin, kaya nga hindi ba may malaking dahilan upang tayo ay magsaya?
14 Oo, may dahilan tayong purihin siya magpakailanman, sapagkat siya ang Kataas-taasang Diyos, at nagkalag sa ating mga kapatid mula sa mga tanikala ng impiyerno.
15 Oo, sila ay pinalibutan ng walang katapusang kadiliman at pagkawasak; subalit dinggin, kanyang dinala sila sa kanyang walang katapusang liwanag, oo, sa walang katapusang kaligtasan; at sila ay napalilibutan ng walang kapantay na kasaganaan ng kanyang pag-ibig; oo, at tayo ay naging mga kasangkapan sa kanyang mga kamay sa paggawa ng dakila at kagila-gilalas na gawaing ito.
16 Samakatwid, tayo ay magpapuri, oo, magpapuri tayo sa Panginoon; oo, magsasaya tayo sapagkat ang ating kagalakan ay lubos; oo, pupurihin natin ang ating Diyos magpakailanman. Dinggin, sino ang makapupuri nang labis-labis sa Panginoon? Oo, sino ang makapagsasabi nang labis-labis hinggil sa kanyang dakilang kapangyarihan, at sa kanyang awa, at sa kanyang mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, hindi ko masasabi ang kaliit-liitang bahagi ng nararamdaman ko.
17 Sino ang makapag-aakala na ang ating Diyos ay magiging napakamaawain upang alisin niya tayo mula sa ating kakila-kilabot, makasalanan, at maruming kalagayan?
18 Dinggin, tayo ay humayo maging sa kapootan, na may matitinding pagbabanta na wawasakin ang kanyang simbahan.
19 O kung gayon, bakit hindi niya tayo itinakda sa isang kakila-kilabot na pagkawasak, oo, bakit hindi niya hinayaan ang espada ng kanyang katarungan na tagpasin tayo, at parusahan tayo ng walang hanggang kawalang-pag-asa?
20 O, ang aking kaluluwa ay para bang lilisan sa hinagap na yaon. Dinggin, hindi niya iginawad ang kanyang katarungan sa atin, sa halip, sa kanyang dakilang awa ay itinawid tayo sa yaong walang katapusang look ng kamatayan at kalungkutan, maging sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa.
21 At ngayon, dinggin, mga kapatid ko, sinong likas na tao ang nakaaalam ng mga bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo, walang nakaaalam ng mga bagay na ito, maliban sa nagsisisi.
22 Oo, siya na nagsisisi at nananampalataya, at gumagawa ng mabubuting gawa, at patuloy na nananalangin nang walang hinto—sa kanya ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng Diyos; oo, sa kanya ipagkakaloob na maipahayag ang mga bagay na kailanman ay hindi pa naipahayag; oo, sa kanya ipagkakaloob na dalhin ang libu-libong kaluluwa sa pagsisisi, maging tulad ng ibinigay sa atin na madala ang mga kapatid nating ito sa pagsisisi.
23 Ngayon, natatandaan ba ninyo, mga kapatid ko, na sinabi natin sa ating mga kapatid sa lupain ng Zarahemla, na aahon tayo sa lupain ng Nephi, upang mangaral sa ating mga kapatid, ang mga Lamanita, at kanilang pinagtawanan tayo sa pangungutya?
24 Sapagkat sinabi nila sa atin: Inaakala ba ninyo na inyong madadala ang mga Lamanita sa kaalaman ng katotohanan? Inaakala ba ninyo na inyong mapaniniwala ang mga Lamanita sa kamalian ng mga kaugalian ng kanilang mga ama, sila na mga taong matitigas ang leeg; na ang mga puso ay nagagalak sa pagpapadanak ng dugo; na ang mga araw ay pinalilipas sa pinakamahalay na kasamaan; na ang mga gawi ay mga gawi ng isang makasalanan mula pa sa simula? Ngayon, mga kapatid ko, natatandaan ninyo na ito ang kanilang sinabi.
25 At bukod pa rito, sinabi nila: Humawak tayo ng mga sandata laban sa kanila, upang malipol natin sila at ang kanilang kasamaan sa lupain, na baka kanilang madaig tayo at lipulin tayo.
26 Subalit dinggin, mga minamahal kong kapatid, tayo ay nagtungo sa ilang hindi sa layuning lipulin ang ating mga kapatid, kundi sa layunin na baka sakaling mailigtas natin ang ilan sa kanilang mga kaluluwa.
27 Ngayon, nang manghina ang ating mga puso, at tayo sana ay babalik na, dinggin, inalo tayo ng Panginoon, at sinabi: Humayo sa inyong mga kapatid, na mga Lamanita, at pasanin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at pagkakalooban ko kayo ng tagumpay.
28 At ngayon, dinggin, tayo ay humayo, at namuhay sa kanila; at naging matiisin tayo sa ating mga pagdurusa, at nagdanas tayo ng lahat ng kasalatan; oo, tayo ay naglakbay sa bahay-bahay, umaasa sa mga awa ng sanlibutan—hindi lamang sa mga awa ng sanlibutan kundi sa mga awa ng Diyos.
29 At pinasok natin ang kanilang mga bahay at tinuruan sila, at tinuruan natin sila sa kanilang mga lansangan; oo, at tinuruan natin sila sa kanilang mga burol; at pinasok din natin ang kanilang mga templo at kanilang mga sinagoga at tinuruan sila; at tayo ay itinaboy, at kinutya, at dinuraan, at hinampas sa ating mga pisngi; at tayo ay binato, at dinakip at iginapos ng matitibay na lubid, at itinapon sa bilangguan; at sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan ng Diyos ay muli tayong naligtas.
30 At tayo ay nagdanas ng lahat ng uri ng paghihirap, at lahat ng ito, na baka-sakaling tayo ay maging daan upang maligtas ang ilang kaluluwa; at inakala natin na ang ating kagalakan ay malulubos kung sakali mang maging daan tayo ng kaligtasan ng ilan.
31 Ngayon, dinggin, matatanaw natin at makikita ang mga bunga ng ating mga pagsusumikap; at ang mga ito ba ay iilan? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, marami sila; oo, at masasaksihan natin ang kanilang katapatan, dahil sa pagmamahal nila sa kanilang mga kapatid at gayundin sa atin.
32 Sapagkat dinggin, higit nilang ninais na ialay ang kanilang buhay kaysa sa kitlin maging ang buhay ng kanilang kaaway; at ibinaon nila nang malalim sa lupa ang kanilang mga sandata ng digmaan, dahil sa kanilang pagmamahal sa kanilang mga kapatid.
33 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, nagkaroon na ba ng gayong kadakilang pagmamahal sa buong lupain? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Wala, hindi pa nagkaroon, maging sa mga Nephita.
34 Sapagkat dinggin, sila ay hahawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; hindi nila pahihintulutang mapatay ang kanilang sarili. Subalit dinggin, kayrami sa kanila ang nag-alay ng kanilang buhay; at nalalaman nating sila ay nagtungo na sa kanilang Diyos, dahil sa kanilang pagmamahal at sa kanilang poot sa kasalanan.
35 Ngayon, hindi ba’t may dahilan tayo upang magsaya? Oo, sinasabi ko sa inyo, kailanman ay walang mga taong may gayong kalaking dahilan upang magsaya kaysa sa atin, mula pa nang magsimula ang daigdig; oo, at ang aking kagalakan ay natatangay, maging hanggang sa maipagmalaki ang aking Diyos; sapagkat taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, lahat ng karunungan, at lahat ng pang-unawa; nauunawaan niya ang lahat ng bagay, at isa siyang maawaing Katauhan, maging hanggang sa kaligtasan, sa mga yaong magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan.
36 Ngayon, kung ito ay pagmamalaki, sa gayon ako magmamalaki; sapagkat ito ang aking buhay at aking liwanag, aking kagalakan at aking kaligtasan, at aking katubusan mula sa walang katapusang kapighatian. Oo, purihin ang pangalan ng aking Diyos, na naging maalalahanin sa mga taong ito, na mga sanga ng punungkahoy ng Israel, at nahiwalay mula sa katawan nito sa isang hindi kilalang lupain; oo, sinasabi ko, purihin ang pangalan ng aking Diyos, na naging maalalahanin sa atin, na mga naliligaw sa isang hindi kilalang lupain.
37 Ngayon, mga kapatid ko, nakikita nating inaalala ng Diyos ang bawat tao, saanmang lupain sila naroroon; oo, bilang niya ang kanyang mga tao, at ang kanyang sisidlan ng awa ay sumasakop sa buong mundo. Ngayon, ito ang aking kagalakan, at aking labis na ipinagpapasalamat; oo, at ako ay magbibigay-pasasalamat sa aking Diyos magpakailanman. Amen.