Kabanata 14
Sina Alma at Amulek ay ibinilanggo at pinahirapan—Ang mga naniniwala at ang kanilang mga banal na kasulatan ay tinupok ng apoy—Tinanggap ng Panginoon sa kaluwalhatian ang mga martir na ito—Ang mga pader ng bilangguan ay nawasak at bumagsak—Sina Alma at Amulek ay naligtas, at ang kanilang mga taga-usig ay nangamatay. Mga 82–81 B.C.
1 At ito ay nangyari na nang matapos siya sa pagsasalita sa mga tao na marami sa kanila ang naniwala sa kanyang mga salita, at nagsimulang magsisi, at saliksikin ang mga banal na kasulatan.
2 Subalit ang nakararami sa kanila ay nagnais na kanilang mapatay sina Alma at Amulek; sapagkat sila ay nagalit kay Alma, dahil sa kalinawan ng kanyang mga salita kay Zisrom; at sinabi rin nila na si Amulek ay nagsinungaling sa kanila, at nilait ang kanilang batas at gayundin ang kanilang mga manananggol at hukom.
3 At sila rin ay nagalit kina Alma at Amulek; at dahil sa sila ay nagpatotoo nang napakalinaw laban sa kanilang kasamaan, hinangad nilang patayin sila nang palihim.
4 Subalit ito ay nangyari na hindi nila ito nagawa; sa halip, kanilang dinakip sila at iginapos sila ng matitibay na lubid, at dinala sila sa harapan ng punong hukom ng lupain.
5 At ang mga tao ay humayo at sumaksi laban sa kanila—nagpapatotoo na nilait nila ang batas, at ang kanilang mga manananggol at hukom sa lupain, at gayundin ang lahat ng taong nasa lupain; at nagpatotoo ring may isang Diyos lamang, at na isusugo niya ang kanyang Anak sa mga tao, subalit hindi niya sila ililigtas; at maraming gayong bagay ang pinatotohanan ng mga tao laban kina Alma at Amulek. Ngayon, ito ay naganap sa harapan ng punong hukom ng lupain.
6 At ito ay nangyari na nanggilalas si Zisrom sa mga salitang sinabi; at kanya ring nalaman ang hinggil sa kabulagan ng mga isipan, na kanyang idinulot sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga salita ng kasinungalingan; at ang kanyang kaluluwa ay nagsimulang suyurin sa ilalim ng kaalaman ng kanyang sariling pagkakasala; oo, siya ay sinimulang palibutan ng mga pasakit ng impiyerno.
7 At ito ay nangyari na nagsimula siyang manawagan sa mga tao, sinasabing: Dinggin, ako ang may sala, at ang mga taong ito ay walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos. At siya ay nagsimulang magmakaawa para sa kanila mula sa panahong yaon; subalit kanilang nilait siya, sinasabing: Ikaw rin ba ay nasapian na ng diyablo? At kanilang dinuraan siya, at itinaboy siyang palabas mula sa kanila, at gayundin ang lahat ng yaong naniwala sa mga salitang sinabi nina Alma at Amulek; at kanilang itinaboy sila, at nagsugo ng mga tao upang pukulin sila ng mga bato.
8 At pinagsama-sama nila ang kanilang mga asawa at anak, at sinumang naniwala o naturuan upang maniwala sa salita ng Diyos ay iniutos nila na itapon sila sa apoy; at kinuha rin nila ang kanilang mga talaan na naglalaman ng mga banal na kasulatan, at itinapon din ang mga ito sa apoy, upang ang mga ito ay matupok at mawasak ng apoy.
9 At ito ay nangyari na kanilang dinakip sina Alma at Amulek, at dinala sila sa lugar ng bitayan, upang masaksihan nila ang pagkalipol ng mga yaong tinutupok ng apoy.
10 At nang makita ni Amulek ang mga pasakit ng kababaihan at mga bata na natutupok ng apoy, siya rin ay nasaktan; at sinabi niya kay Alma: Paanong nasasaksihan natin ang nakapanghihilakbot na tagpong ito? Samakatwid, iunat natin ang ating mga kamay, at gamitin ang kapangyarihan ng Diyos na nasa atin, at iligtas sila mula sa mga ningas.
11 Subalit sinabi sa kanya ni Alma: Ang Espiritu ay pinipigilan ako na hindi ko nararapat iunat ang aking kamay; sapagkat dinggin, tinatanggap sila ng Panginoon sa kanyang sarili, sa kaluwalhatian; at pinahihintulutan niyang magawa nila ang bagay na ito, o ang magawa ng mga tao ang bagay na ito sa kanila, alinsunod sa katigasan ng kanilang mga puso, upang ang kahatulang ipapataw niya sa kanila sa kanyang kapootan ay maging makatarungan; at ang dugo ng walang sala ay tatayong saksi laban sa kanila, oo, at malakas na daraing laban sa kanila sa huling araw.
12 Ngayon, sinabi ni Amulek kay Alma: Dinggin, marahil tayo ay susunugin din nila.
13 At sinabi ni Alma: Hayaan ito alinsunod sa kalooban ng Panginoon. Subalit, dinggin, ang ating gawain ay hindi pa natatapos; kaya nga, tayo ay hindi nila susunugin.
14 Ngayon, ito ay nangyari na nang natupok na ang mga katawan ng mga yaong itinapon sa apoy, at gayundin ang mga talaang itinapon na kasama nila, ang punong hukom ay dumating at tumindig sa harapan nina Alma at Amulek, habang sila ay nakagapos; at hinampas niya ng kanyang kamay ang kanilang mga pisngi, at sinabi sa kanila: Matapos ang inyong nakita, kayo ba ay mangangaral na muli sa mga taong ito, upang sila ay itapon sa lawa ng apoy at asupre?
15 Dinggin, inyong nakita na kayo ay walang kapangyarihang iligtas ang mga yaong itinapon sa apoy; ni hindi sila iniligtas ng Diyos dahil sa sila ay inyong kasampalataya. At ang hukom ay muli silang hinampas sa kanilang mga pisngi, at nagtanong: Ano ang masasabi ninyo para sa inyong sarili?
16 Ngayon, ang hukom na ito ay nabibilang sa orden at pananampalataya ni Nehor, na siyang pumatay kay Gedeon.
17 At ito ay nangyari na walang itinugon sa kanya sina Alma at Amulek; at muli niyang hinampas sila, at ibinigay sila sa mga pinuno upang itapon sa bilangguan.
18 At nang tatlong araw na silang naitapon sa bilangguan, dumating ang maraming manananggol, at hukom, at saserdote, at guro, na nabibilang sa pananampalataya ni Nehor; at sila ay pumasok sa bilangguan upang makita sila, at kanilang tinanong sila tungkol sa maraming salita; subalit wala silang itinugon sa kanila.
19 At ito ay nangyari na tumindig ang hukom sa kanilang harapan, at sinabing: Bakit hindi ninyo tugunin ang mga salita ng mga taong ito? Hindi ba ninyo nalalaman na may kapangyarihan akong itapon kayo sa mga ningas? At inutusan niya silang magsalita; subalit wala silang itinugon.
20 At ito ay nangyari na sila ay nagsilisan at nagtungo sa kani-kanilang landas, subalit muling nagsibalik kinabukasan; at muli rin silang hinampas ng hukom sa kanilang mga pisngi. At marami rin ang nagsidating, at hinampas sila, sinasabing: Kayo ba ay muling titindig, at hahatulan ang mga taong ito, at tutuligsain ang aming batas? Kung kayo ay may gayong kalakas na kapangyarihan, bakit hindi ninyo iligtas ang inyong sarili?
21 At maraming gayong bagay ang sinabi nila sa kanila, pinagngangalit ang kanilang mga ngipin sa kanila, at dinuduraan sila, at sinasabing: Ano ang magiging anyo namin kapag kami ay isinumpa?
22 At maraming gayong bagay, oo, lahat ng uri ng gayong bagay ay sinabi nila sa kanila; at sa gayon nila kinutya sila nang maraming araw. At pinagkaitan nila sila ng pagkain upang sila ay magutom, at tubig upang sila ay mauhaw; at kinuha rin nila mula sa kanila ang mga kasuotan nila kung kaya’t sila ay nakahubad; at sa gayon sila iginapos ng matitibay na lubid, at ipiniit sa bilangguan.
23 At ito ay nangyari na matapos silang magdusa nang gayon nang maraming araw, (at ito ay sa ikalabindalawang araw, sa ikasampung buwan, sa ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi) na ang punong hukom ng lupain ng Ammonihas at marami sa kanilang mga guro at manananggol ay pumasok sa bilangguan kung saan nagagapos ng mga lubid sina Alma at Amulek.
24 At ang punong hukom ay tumindig sa kanilang harapan, at muli silang hinampas, at sinabi sa kanila: Kung taglay ninyo ang kapangyarihan ng Diyos ay pakawalan ninyo ang inyong sarili mula sa mga gapos na ito, at sa gayon, maniniwala kaming lilipulin ng Panginoon ang mga taong ito alinsunod sa inyong mga salita.
25 At ito ay nangyari na silang lahat ay nagsilapit at pinaghahampas sila, sinasabi ang gayunding mga salita, maging hanggang sa huli; at nang nakapagsalita na ang huli sa kanila, ang kapangyarihan ng Diyos ay napasakina Alma at Amulek, at sila ay bumangon at tumindig sa kanilang mga paa.
26 At si Alma ay nagsumamo, sinasabing: Gaano katagal naming daranasin ang labis na mga pagpapahirap na ito, O Panginoon? O Panginoon, bigyan kami ng lakas alinsunod sa aming pananampalataya na na kay Cristo, maging tungo sa kaligtasan. At nilagot nila ang mga lubid na gumagapos sa kanila; at nang makita ito ng mga tao, sila ay nagsimulang magsitakbuhan, sapagkat ang takot sa pagkalipol ay nanaig sa kanila.
27 At ito ay nangyari na nalugmok sila sa lupa sa tindi ng kanilang takot, at hindi na narating pa ang panlabas na pintuan ng bilangguan; at ang lupa ay nayanig nang malakas, at ang mga pader ng bilangguan ay nahati sa dalawa, kung kaya’t bumagsak ang mga ito sa lupa; at ang punong hukom, at ang mga manananggol, at saserdote, at guro, na humampas kina Alma at Amulek, ay nangamatay sa pagbagsak na yaon.
28 At sina Alma at Amulek ay humayong palabas ng bilangguan, at sila ay hindi nasaktan; sapagkat pinagkalooban sila ng Panginoon ng kapangyarihan, alinsunod sa kanilang pananampalataya na na kay Cristo. At sila ay kaagad na humayong palabas ng bilangguan; at sila ay nakalagan mula sa kanilang mga gapos; at ang bilangguan ay bumagsak sa lupa, at lahat ng tao sa loob ng mga pader niyon, maliban kina Alma at Amulek, ay nangamatay; at sila ay kaagad na nagtungo sa lungsod.
29 Ngayon, nang marinig ng mga tao ang malakas na ingay ay sama-samang nagtakbuhan ang maraming tao upang alamin ang sanhi nito; at nang makita nila sina Alma at Amulek na lumalabas ng bilangguan, at na ang mga pader niyon ay nagbagsakan sa lupa, sila ay nakadama ng matinding takot, at nagsitakbuhan mula sa harapan nina Alma at Amulek maging tulad ng isang kambing na tumatakas kasama ang kanyang anak mula sa dalawang leon; at sa gayon sila nagsitakbuhan mula sa harapan nina Alma at Amulek.