Kabanata 55
Tumanggi si Moroni na makipagpalitan ng mga bihag—Ang mga bantay na Lamanita ay nahimok na magpakalango, at napalaya ang mga bihag na mga Nephita—Nabawi ang lungsod ng Gid nang walang pagdanak ng dugo. Mga 63–62 B.C.
1 Ngayon, ito ay nangyari na nang matanggap ni Moroni ang liham na ito, lalo siyang nagalit, dahil nalalaman niyang si Amoron ay may ganap na kaalaman hinggil sa kanyang panlilinlang; oo, nalalaman niyang alam ni Amoron na isang hindi makatwirang layunin ang nag-udyok sa kanya na ipagpatuloy ang pakikidigma laban sa mga tao ni Nephi.
2 At sinabi niya: Dinggin, hindi ako makikipagpalitan ng mga bihag kay Amoron maliban kung iuurong niya ang kanyang layunin, tulad ng aking ipinahayag sa aking liham; sapagkat hindi ko ipagkakaloob sa kanya na magkaroon pa siya ng karagdagang lakas nang higit sa kanyang taglay.
3 Dinggin, nalalaman ko ang lugar kung saan binabantayan ng mga Lamanita ang aking mga tao na kanilang mga dinalang bihag; at dahil sa tumangging ipagkaloob sa akin ni Amoron ang aking liham, dinggin, ipagkakaloob ko sa kanya ang naaayon sa aking mga salita; oo, maghahangad ako ng kamatayan sa kanila hanggang sa sila ang humiling ng kapayapaan.
4 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Moroni ang mga salitang ito, iniutos niya na magkaroon ng paghahanap sa kanyang mga tauhan, na baka siya ay makahanap ng isang lalaking inapo ni Laman sa kanila.
5 At ito ay nangyari na nakatagpo sila ng isa, na nagngangalang Laman; at siya ay isa sa mga tagapagsilbi ng hari na pinaslang ni Amalikeo.
6 Ngayon, iniutos ni Moroni na si Laman at ang isang maliit na bilang ng kanyang mga tauhan ay magtungo sa mga bantay ng mga Nephita.
7 Ngayon, ang mga Nephita ay nababantayan sa lungsod ng Gid; anupa’t hinirang ni Moroni si Laman at iniutos na siya ay samahan ng isang maliit na bilang ng kanyang mga tauhan.
8 At nang gumabi, si Laman ay nagtungo sa mga bantay ng mga Nephita, at dinggin, kanilang nakita siya na dumarating at kanilang tinawag siya; subalit sinabi niya sa kanila: Huwag kayong matakot; masdan, ako ay isang Lamanita. Dinggin, nakatakas kami mula sa mga Nephita, at sila ay natutulog; at dinggin, kami ay kumuha ng mga alak nila at dinala namin.
9 Ngayon, nang marinig ng mga Lamanita ang mga salitang ito ay kanilang tinanggap siya nang may kagalakan; at sinabi nila sa kanya: Bigyan mo kami ng iyong alak upang kami ay makainom; nagagalak kaming nakapagdala ka ng alak sapagkat kami ay pagod.
10 Subalit sinabi ni Laman sa kanila: Itabi natin ang ating alak hanggang sa tayo ay sumalakay laban sa mga Nephita upang makidigma. Subalit sa sinabi niyang ito ay lalo lamang silang naghangad na uminom ng alak;
11 Sapagkat sinabi nila: Kami ay pagod, kaya nga, uminom tayo ng alak, at maya-maya ay makatatanggap tayo ng alak para sa ating panustos, na magpapalakas sa atin upang makipaglaban sa mga Nephita.
12 At sinabi ni Laman sa kanila: Maaari ninyong gawin ang naaayon sa inyong mga naisin.
13 At ito ay nangyari na labis-labis silang nagsiinom ng alak; at masarap ito sa kanilang panlasa, kaya nga, higit na naging labis-labis ang pag-inom nila nito; at ito ay matapang, dahil sa inihanda itong matapang.
14 At ito ay nangyari na sila ay uminom at nagsaya, at maya-maya, nalango silang lahat.
15 At ngayon, nang makita ni Laman at ng kanyang mga tauhan na nalango na silang lahat, at natutulog nang mahimbing, nagsibalik sila kay Moroni at sinabi sa kanya ang lahat ng bagay na naganap.
16 At ngayon, ito ay alinsunod sa balak ni Moroni. At sinandatahan ni Moroni ang kanyang mga tauhan ng mga sandata ng digmaan; at siya ay nagtungo sa lungsod ng Gid, habang mahimbing ang tulog at lango ang mga Lamanita, at naghagis ng mga sandata ng digmaan sa mga bihag, hanggang sa silang lahat ay nasandatahan;
17 Oo, maging sa kanilang kababaihan, at sa lahat ng yaong kanilang mga anak, kasindami ng may kakayahang gumamit ng sandata ng digmaan, nang sandatahan ni Moroni ang lahat ng yaong bihag; at ang lahat ng bagay na yaon ay naisagawa sa napakalalim na katahimikan.
18 Subalit kung nagising nila ang mga Lamanita, dinggin, sila ay mga lango at maaaring mapatay ng mga Nephita.
19 Subalit dinggin, hindi ito ang hangarin ni Moroni; hindi siya nagagalak sa pagpaslang o pagpapadanak ng dugo, kundi siya ay nagagalak sa pagliligtas ng kanyang mga tao mula sa pagkalipol; at sa dahilang ito, siya ay hindi makagagawa ng labag sa katarungan, hindi niya sasalakayin ang mga Lamanita at lipulin sila sa kanilang pagkalango.
20 Subalit natamo niya ang kanyang mga hangarin; sapagkat nasandatahan niya ang mga yaong bihag na mga Nephita na nasa loob ng mga pader ng lungsod, at nabigyan sila ng kapangyarihan na maangkin ang mga yaong bahaging nasa loob ng mga pader.
21 At pagkatapos, kanyang iniutos sa mga tauhang kasama niya na umurong nang kaunti mula sa kanila at paligiran ang mga hukbo ng mga Lamanita.
22 Ngayon, dinggin, ito ay ginawa sa gabi, kung kaya’t nang magising ang mga Lamanita kinaumagahan ay namasdan nilang napaliligiran sila ng mga Nephita sa labas at na ang kanilang mga bihag ay nasasandatahan sa loob.
23 At sa gayon, nakita nila na ang mga Nephita ay may kapangyarihan sa kanila; at sa kalagayang ito, natanto nila na hindi kapaki-pakinabang na sila ay lumaban sa mga Nephita; kaya nga hiningi ng kanilang mga punong kapitan ang kanilang mga sandata ng digmaan, at dinala nila ang mga ito at inihagis sa paanan ng mga Nephita, nang nagmamakaawa.
24 Ngayon, dinggin, ito ang nais ni Moroni. Dinakip niya sila bilang mga bihag ng digmaan, at inangkin ang lungsod, at nag-utos na ang lahat ng bihag na mga Nephita ay palayain; at sila ay umanib sa hukbo ni Moroni at naging malaking lakas sa kanyang hukbo.
25 At ito ay nangyari na iniutos niya sa mga Lamanita, na kanyang mga nadakip na bihag, na sila ay magsimula sa paggawa ng mga pagpapatibay sa paligid ng lungsod ng Gid.
26 At ito ay nangyari na nang mapatibay niya ang lungsod ng Gid, alinsunod sa kanyang mga naisin, iniutos niyang dalhin ang kanyang mga bihag sa lungsod ng Masagana; at pinabantayan din niya ang lungsod na yaon sa napakalakas na hukbo.
27 At ito ay nangyari na ginawa nila, sa kabila ng lahat ng sapakatan ng mga Lamanita, na bantayan at tanuran ang lahat ng bihag na kanilang nadakip, at panatilihin din ang lahat ng lupain at ang kalamangang nabawi nila.
28 At ito ay nangyari na nagsimula ang mga Nephita na muling magtagumpay, at mabawi ang kanilang mga karapatan at kanilang mga pribilehiyo.
29 Maraming ulit na nangahas ang mga Lamanita na paligiran sila sa gabi, subalit sa mga pagtatangkang ito ay nawalan sila ng maraming bihag.
30 At maraming ulit nilang tinangkang bigyan ng kanilang mga alak ang mga Nephita upang kanilang malipol sila sa pamamagitan ng lason o sa pagkalango.
31 Subalit dinggin, ang mga Nephita ay hindi mabagal sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos sa panahong ito ng kanilang paghihirap. Hindi sila mahuli sa kanilang mga bitag; oo, tumanggi silang inumin ang kanilang alak, maliban kung bigyan muna nila ang ilang bihag na mga Lamanita.
32 At sa gayon sila nag-ingat upang walang mapainom na lason sa kanila; sapagkat kung malalason ng kanilang alak ang isang Lamanita ay malalason din nito ang isang Nephita; at sa gayon nila sinubukan ang lahat ng kanilang mga alak.
33 At ngayon, ito ay nangyari na kinakailangang gumawa si Moroni ng mga paghahanda na salakayin ang lungsod ng Morianton; sapagkat dinggin, ang mga Lamanita, sa pamamagitan ng kanilang mga paggawa, ay pinatibay ang lungsod ng Morianton hanggang sa ito ay maging napakalakas na muog.
34 At sila ay patuloy na nagpapadala ng mga karagdagang hukbo sa lungsod na yaon, at gayundin ng mga karagdagang panustos.
35 At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu’t siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.