Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 78


Bahagi 78

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Biernes, Marso 01, 1832. Sa araw na iyon, nagtipon ang Propeta at ang iba pang pinuno upang talakayin ang pamamalakad sa Simbahan. Orihinal na tinagubilinan ng paghahayag na ito ang Propeta, si Sidney Rigdon, at si Newel K. Whitney na maglakbay patungong Missouri at isaayos ang pagsusumikap ng Simbahan sa pagkakalakal at paglalathala sa pamamagitan ng paglilikha ng isang “samahan” na mangangasiwa sa mga pagsisikap na ito, lumilikha ng mga pondo para sa pagtataguyod ng Sion at para sa ikabubuti ng mga maralita. Ang samahang ito, na kilala bilang ang Nagkakaisang Samahan, ay itinatag noong Abril 1832 at binuwag noong 1834 (tingnan sa bahagi 82). Pagkatapos ng pagbubuwag dito, sa ilalim ng patnubay ni Joseph Smith, pinalitan ng pariralang “mga bagay-bagay ng kamalig para sa mga maralita” ang “mga tindahan sa pagkakalakal at paglalathala” sa pahayag, at pinalitan ng salitang “orden” ang salitang “samahan.”

1–4, Nararapat magtayo at magtatag ang mga Banal ng isang kamalig; 5–12, Hahantong sa kaligtasan ang matalinong paggamit ng kanilang mga ari-arian; 13–14, Nararapat na maging malaya ang Simbahan mula sa mga makamundong kapangyarihan; 15–16, Naglilingkod si Miguel (Adan) sa ilalim ng pamumuno ng Banal (Cristo); 17–22, Pinagpala ang matatapat, sapagkat kanilang mamanahin ang lahat ng bagay.

1 Ang Panginoon ay nangusap kay Joseph Smith, Jun., sinasabing: Makinig sa akin, wika ng Panginoon ninyong Diyos, kayong inorden sa mataas na pagkasaserdote ng aking simbahan, na tinipon ang inyong sarili nang sama-sama;

2 At makinig sa payo niya na nag-orden sa inyo mula sa kaitaasan, na mangungusap sa inyong mga tainga ng mga salita ng karunungan, nang ang kaligtasan ay mapasainyo sa yaong bagay na inyong idinulog sa akin, wika ng Panginoong Diyos.

3 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang panahon ay sumapit na, at nalalapit na ngayon; at dinggin, at makinig, talagang kinakailangan na may isang samahan ng aking mga tao, para sa pagsasaayos at pagtatatag sa mga bagay-bagay ng kamalig para sa mga maralita ng aking mga tao, kapwa sa lugar na ito at sa lupain ng Sion—

4 Bilang isang palagian at walang hanggang pagkakatatag at kaayusan sa aking simbahan, upang isulong ang layunin, na inyong niyakap, para sa kaligtasan ng tao, at sa kaluwalhatian ng inyong Ama na nasa langit;

5 Upang kayo ay maging pantay sa mga bigkis ng mga bagay na mula sa langit, oo, at mga bagay rin sa lupa, para sa pagkakamit ng mga bagay na mula sa langit.

6 Sapagkat kung kayo ay hindi pantay sa mga bagay sa lupa, hindi kayo magiging pantay sa pagkamit ng mga bagay na mula sa langit;

7 Sapagkat kung inyong nanaisin na bigyan ko kayo ng isang lugar sa selestiyal na daigdig, kinakailangan ninyong ihanda ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na aking iniuutos sa inyo at hinihingi sa inyo.

8 At ngayon, katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, kinakailangan na ang lahat ng bagay ay maisagawa para sa aking kaluwalhatian, ninyo na nakiiisa sa ordeng ito;

9 O, sa ibang salita, ang aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney at ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ay uupo sa kapulungan kasama ang mga banal na nasa Sion;

10 Kung hindi, hinahangad ni Satanas na ilayo ang kanilang mga puso mula sa katotohanan, upang sila ay maging bulag at hindi makaunawa sa mga bagay na inihahanda para sa kanila.

11 Samakatwid, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na ihanda at isaayos ang inyong sarili sa pamamagitan ng isang bigkis o walang hanggang tipan na hindi masisira.

12 At siya na sisira nito ay maaalis sa kanyang katungkulan at katayuan sa simbahan, at ipauubaya sa mga pananakit ni Satanas hanggang sa araw ng pagtubos.

13 Dinggin, ito ang paghahanda na ipinanghahanda ko sa inyo, at ang saligan, at ang halimbawa na aking ibinibigay sa inyo, upang inyong matupad ang mga kautusang ibinibigay sa inyo;

14 Upang sa pamamagitan ng aking pagpapala, sa kabila ng paghihirap na sasapit sa inyo, na ang simbahan ay makatatayong malaya na higit sa lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig;

15 Upang maabot ninyo ang putong na inihanda para sa inyo, at gawing mga tagapamahala ng maraming kaharian, wika ng Panginoong Diyos, ang Banal ng Sion, na nagtatag ng mga saligan ng Adan-ondi-Ahman;

16 Na nagtalaga kay Miguel na inyong prinsipe, at itinatag ang kanyang mga paa, at itinaas siya, at ibinigay sa kanya ang mga susi ng kaligtasan sa ilalim ng payo at tagubilin ng Banal, na walang simula ng mga araw o katapusan ng buhay.

17 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama sa kanyang sariling mga kamay at inihahanda para sa inyo;

18 At hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.

19 At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay ng mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.

20 Samakatwid, gawin ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo, wika ng inyong Manunubos, maging ang Anak na si Ahman, na inihahanda ang lahat ng bagay bago niya kayo kuhain;

21 Sapagkat kayo ang simbahan ng Panganay, at kayo ay dadalhin niya pataas sa ulap, at itatakda sa bawat tao ang kanyang bahagi.

22 At siya na matapat at matalinong katiwala ay magmamana ng lahat ng bagay. Amen.