2010–2019
Pagiging Tunay na Disipulo
Oktubre 2012


10:20

Pagiging Tunay na Disipulo

Kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos at pinaglingkuran ang ating kapwa, nagiging mas mabubuting disipulo tayo ni Jesucristo.

Tayo na nagsilusong sa mga tubig ng binyag at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo ay nakipagtipan na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, o sa madaling salita, ipinapahayag natin na tayo ay mga disipulo ng Panginoon. Pinaninibago natin ang tipang iyan linggu-linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, at ipinapakita natin ang ating pagkadisipulo sa paraan ng ating pamumuhay. Ang gayong pagkadisipulo ay ipinamalas nang mahusay sa mga kaganapan sa Mexico kamakailan.

Magandang tagsibol iyon para sa mga komunidad na nag-aalaga ng mga punong namumunga sa hilagang Mexico. Ang mga puno ay hitik sa bulaklak, at malaki ang pag-asa na sagana ang ani. May mga plano nang bayaran nang buo ang mga utang, palitan ang mga kailangang kasangkapan at lumang halamanan, at tuparin ang mga ipinangako tulad ng matrikula sa eskuwela para sa mga kapamilya. May mga plano pang magbakasyon ang pamilya. Maganda ang pananaw ng lahat. Pagkatapos, isang Lunes ng hapon noong mga huling araw ng Marso, dumating ang isang bagyo, at nagsimulang umulan ng niyebe. Umulan ng niyebe hanggang mga alas-tres ng umaga. Pagkatapos, nang umaliwalas ang langit, biglang lumamig. Buong magdamag at kinabukasan ng madaling-araw, lahat ng pagsisikap ay ginawa para maisalba kahit man lang ang ilang bahagi ng pananim. Wala ring nangyari. Talagang napakalamig, at lubos na nanigas ang mga pananim. Walang prutas na maaani at maibebenta sa taong ito. Nagsimula ang araw ng Martes nang may lungkot at labis na dalamhati sa pagkawala ng lahat ng magagandang plano, pag-asa, at pangarap na iyon noon lamang nakaraang araw.

Nakatanggap ako ng email tungkol sa teribleng Martes ng umagang iyon mula kay Sandra Hatch, ang asawa ni John Hatch, unang tagapayo sa panguluhan ng Colonia Juárez Chihuahua Temple. Babanggitin ko ang ilang bahagi ng email na iyon: “Maagang gumising si John—mga alas 6:30—para magpunta sa templo at alamin kung dapat naming kanselahin ang sesyon ngayong umaga. Bumalik siya at sinabing walang niyebe sa paradahan at kalsada, kaya nagpasiya kaming ituloy iyon. Naisip namin na siguro ay darating ang ilang trabahador na walang mga halamanan, at mapapapunta namin silang lahat sa sesyon. … Nakasisiglang makita ang pagpasok ng kalalakihan, nang sunud-sunod. Naroon sila, wala pang tulog, at iniisip na wala na ang kanilang mga pananim. … Minasdan ko sila habang idinaraos ang aming preparation meeting, at nahirapan silang manatiling gising. Ngunit sa halip na isiping may magandang dahilan sila para hindi magpunta, dumating pa rin sila. At may 38 tao sa sesyon (isang puno na sesyon)! Nakasisiglang umaga iyon para sa amin, at pinasalamatan namin ang Ama sa Langit para sa mabubuting taong gumagawa ng kanilang tungkulin, anuman ang mangyari. Nadama ko ang espesyal na diwa na naroon kaninang umaga. Tiyak ko na natuwa Siya dahil mahal namin ang Kanyang bahay at nadama namin na mabuting pumunta roon sa gayon kalungkot na umaga.”

Hindi roon nagwawakas ang kuwento at may karugtong pa ito.

Karamihan sa mga nawalan ng kanilang pananim ay may lupaing mapagtataniman ng alternatibong mga pananim para sa panahong iyon, tulad ng chili o beans. Ang mga pananim na ito ay makapaglalaan ng kahit kaunting pera, na sapat para mabuhay hanggang makaani sa susunod na taon. Gayunman, may isang butihing lalaki na bata pa ang mga anak na walang ibang lupain at walang kikitain sa loob ng isang taon. Ang iba pa sa komunidad, na nakakita sa teribleng sitwasyon ng kapatid na ito ay kusang kumilos at nagbigay ng pera, naghanda ng kapirasong lupain, ginamit ang sarili nilang kasangkapan para bungkalin ang lupa, at binigyan siya ng itatanim na chili.

Kilala ko ang mga lalaking binanggit ko. Dahil kilala ko sila, hindi ako nagulat sa ginawa nila. Pero yaong hindi nakakakilala sa kanila ay malamang na magtanong ng dalawang bagay, na kapwa nagsisimula sa salitang bakit. Bakit sila pupunta sa templo para magsagawa ng kanilang mga tungkulin at maglingkod matapos magpuyat sa buong magdamag, para lamang matanto na nabawasan nang malaki ang kanilang kita para sa buong taon? Bakit nila gagamitin ang kakaunti na at napakahalagang kabuhayan para tulungan ang ibang taong lubhang nangangailangan samantalang sila mismo ay naghihirap?

Kung nauunawaan ninyo ang kahulugan ng maging disipulo ni Jesucristo, malalaman ninyo ang sagot sa dalawang tanong na ito.

Ang pakikipagtipan na maging disipulo ni Cristo ay simula ng habambuhay na pagsisikap, at hindi palaging madaling gawin iyan. Kapag nagsisi tayo sa ating mga kasalanan at nagsikap gawin ang ipinagagawa Niya sa atin at naglingkod sa ating kapwa tulad ng paglilingkod Niya sa kanila, tiyak na magiging katulad Niya tayo. Ang maging katulad Niya at maging kaisa Niya ang pinakamahalagang mithiin at adhikain—at siyang mismong kahulugan ng tunay na pagkadisipulo.

Tinanong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo nang bisitahin Niya ang kontinente ng Amerika, “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” At pagkatapos, nang sagutin Niya ang sariling tanong, sinabi Niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).

Ang maging katulad ng Tagapagligtas ay hindi madaling gawin, lalo na sa mundong tinitirhan natin. Nahaharap tayo sa mga balakid at paghihirap halos araw-araw ng ating buhay. May dahilan ito, at isa iyan sa mga pangunahing layunin ng mortalidad. Tulad ng mababasa natin sa Abraham 3:25, “Susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”

Ang mga pagsubok na ito ay iba-iba ang uri at katindihan. Ngunit walang sinumang lilisan sa buhay na ito nang hindi pinagdaraanan ang mga ito. Karaniwan, inilalarawan natin ang mga pagsubok bilang pagkawala ng pananim o trabaho; pagkamatay ng isang mahal sa buhay; karamdaman; pisikal, mental o emosyonal na kapansanan; karalitaan; o pagkawala ng mga kaibigan. Gayunman, kahit ang pagtatamo ng tila makabuluhang mga adhikain ay nanganganib dahil sa walang-kabuluhang kapalaluan, kung saan mas hangad natin ang mga parangal ng tao kaysa papuri ng langit. Maaaring kasama na rito ang makamundong katanyagan, pagkilala ng madla, pisikal na kakayahan, talento sa sining o athletics, kaunlaran, at kayamanan. Hinggil sa mga huling pagsubok na ito, maaaring nadama rin ng ilan sa atin ang damdaming ipinahayag ni Tevye sa Fiddler on the Roof: Kung ang kayamanan ay isang sumpa, ‘nawa’y bagabagin ako nito [ng Diyos]. At nawa’y hindi na ako gumaling kailanman!”1

Ngunit ang huling uri ng mga pagsubok na ito ay maaaring mas nakakatakot at mapanganib at mas mahirap pang madaig kaysa sa nauna. Ang ating pagkadisipulo ay uunlad at mapapatunayan hindi sa pamamagitan ng uri ng mga pagsubok na nararanasan natin kundi kung paano natin ito tinitiis. Ito ay tulad sa itinuro sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring: “Kaya nga, ang mabigat na pagsubok ng buhay ay ang makita kung diringgin at susundin natin ang mga utos ng Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Hindi ito pagtitiis sa bagyo, kundi pagpili ng tama habang humahagupit ito. At ang trahedya ng buhay ay ang hindi pagpasa sa pagsubok na iyon, at dahil dito’y maging hindi karapat-dapat na bumalik nang may kaluwalhatian sa ating tahanan sa langit” (“Kahandaang Espirituwal: Simulan nang Maaga at Magpatuloy,” Liahona, Nob. 2005, 38).

Ipinagmamalaki ko ang 23 kong apo. Walang katapusan ang pagkamangha ko sa pag-unawa nila sa mga walang-hanggang katotohanan, kahit napakabata pa nila. Habang naghahanda ako para sa mensaheng ito, sinabihan ko ang bawat isa sa kanila na padalhan ako ng maikling kahulugan ng maging disipulo o alagad ni Jesucristo. Tumanggap ako ng magagandang sagot mula sa kanilang lahat. Gayunman gusto kong ibahagi sa inyo ang sagot ng walong taong gulang na si Benjamin: “Ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo ay maging isang halimbawa. Ang ibig sabihin nito ay maging missionary at maghandang maging missionary. Ibig sabihin ay maglingkod sa iba, magbasa ng mga banal na kasulatan at magdasal, igalang ang araw ng Sabbath, makinig sa mga bulong ng Espiritu Santo, magsimba at magpunta sa templo.”

Sang-ayon ako kay Benjamin. Ang pagkadisipulo ay tungkol sa ginagawa natin at kung ano ang kahihinatnan natin. Kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos at pinaglingkuran ang ating kapwa, nagiging mas mabubuting disipulo tayo ni Jesucristo. Ang pagsunod at pagsuko sa Kanyang kalooban ay naghahatid ng patnubay ng Espiritu Santo, pati na rin ng mga pagpapala ng kapayapaan, kagalakan, at seguridad na laging dulot ng ikatlong miyembrong ito ng Panguluhang Diyos. At hindi darating ang mga ito sa ibang paraan. Sa huli, ganap na pagsuko sa Kanyang kalooban ang tumutulong sa atin na maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas. Muli, ang maging katulad Niya at maging kaisa Niya ang pinakamahalagang mithiin at adhikain—at siyang mismong kahulugan ng tunay na pagkadisipulo.

Pagkadisipulo ang nakita kong nanaig sa Colonia Juárez Temple at sa kalapit nitong mga kaparangan sa muling pagpapatibay ng mga miyembrong lalaki at babae ng kanilang mga pangako sa Diyos at sa isa’t isa sa kabila ng napakahirap na pagsubok.

Pinatototohanan ko na kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos, pinaglingkuran ang iba, at isinuko ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, tunay ngang tayo ay magiging tunay Niyang mga disipulo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. Tingnan sa Joseph Stein, Jerry Bock, Sheldon Harnick, Fiddler on the Roof (1964), 61.