2010–2019
Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob
Oktubre 2011


2:3

Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob

Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias.

Sa ating pag-aaral, pagkatuto, at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, kadalasan ay nakakapagturo ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Isipin, halimbawa, ang mga aral na natututuhan natin tungkol sa mga espirituwal na prayoridad mula sa sunud-sunod na mahahalagang pangyayaring naganap nang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa mga huling araw na ito.

Sa Sagradong Kakahuyan, nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Amang Walang Hanggan at si Jesucristo. Bukod pa sa ibang mga bagay, nalaman ni Joseph ang tunay na katangian ng Panguluhang Diyos at ang patuloy na paghahayag. Ang kagila-gilalas na pangitaing ito ay nagsimula sa “[dispensasyon ng] kaganapan ng mga panahon” (Mga Taga Efeso 1:10) at isa sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng daigdig.

Mga tatlong taon pagkaraan, bilang sagot sa taimtim na panalangin noong gabi ng Setyembre 21, 1823, napuno ng liwanag ang silid ni Joseph hanggang sa ito ay magliwanag nang “higit pa kaysa katanghaliang tapat” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:30). Isang katauhan ang lumitaw sa tabi ng kanyang higaan, tinawag ang bata sa kanyang pangalan, at nagsabing “siya’y isang sugo na nagbuhat sa kinaroroonan ng Diyos … na ang kanyang pangalan ay Moroni” (talata 33). Tinagubilinan niya si Joseph tungkol sa pagdating ng Aklat ni Mormon. At pagkatapos ay bumanggit si Moroni mula sa aklat ni Malakias sa Lumang Tipan, na may bahagyang pagkakaiba sa mga salitang ginamit sa King James Version: “Masdan, ihahayag ko sa inyo ang Pagkasaserdote, sa pamamagitan ng kamay ni Elijah, ang propeta, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon.

“… At kanyang itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama. Kung hindi magkagayon, ang buong mundo ay lubos na mawawasak sa kanyang pagparito” (mga talata 38, 39).

Sa huli ang mga tagubilin ni Moroni sa batang propeta ay may dalawang pangunahing tema: (1) ang Aklat ni Mormon at (2) ang mga salita ni Malakias na nagbabadya ng gagampanan ni Elijah sa Panunumbalik “ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una” (Mga Gawa 3:21). Kaya nga ang mga panimulang pangyayari sa Panunumbalik ay naghayag ng tamang pagkaunawa sa Panguluhang Diyos, nagbigay-diin sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon, at umasam sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan para sa mga buhay at patay. Ang nagbibigay-inspirasyong pagkakasunud-sunod na ito ay nagtuturo tungkol sa mga espirituwal na bagay na nangunguna sa mga prayoridad ng Diyos.

Ang aking mensahe ay nakatuon sa ministeryo at Diwa ni Elias na binanggit na ni Moroni sa simula pa lang ng kanyang mga tagubilin kay Joseph Smith. Taos-puso kong idinadalanging tulungan ako ng Espiritu Santo.

Ang Ministeryo ni Elias

Si Elias ay propeta sa Lumang Tipan na pinagawa ng malalaking himala. Isinara niya ang kalangitan, at hindi umulan sa Israel sa loob ng 3½ taon. Pinarami niya ang harina at langis ng isang balong babae. Binuhay niya mula sa mga patay ang isang batang lalaki, at nagpababa ng apoy mula sa langit bilang paghamon sa mga propeta ni Baal. (Tingnan sa I Mga Hari 17–18.) Sa katapusan ng mortal na ministeryo ni Elias, siya “ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo” (II Mga Hari 2:11) at nagbago ng kalagayan.

“Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na tinaglay ni Elias ang kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood at siya ang huling propeta na gumawa nito bago ang pagsilang ni Jesucristo” (Bible Dictionary, “Elijah”). Ipinaliwang ni Propetang Joseph Smith, “Ang diwa, kapangyarihan at tungkulin ni Elijah [Elias] ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi … ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood … ; at upang … kamtin … ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 364; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kailangan ang sagradong awtoridad na ito na magbuklod upang ang mga ordenansa ng priesthood ay maging legal at may bisa dito sa lupa at maging sa langit.

Nagpakita si Elias kay Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:3) at iginawad ang awtoridad na ito kina Pedro, Santiago, at Juan. Nagpakitang muli si Elias kay Moises at sa iba pa noong Abril 3, 1836 sa Kirtland Temple at iginawad ang mga susi ring iyon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Nakatala sa mga banal na kasulatan na tumayo si Elias sa harapan nina Joseph at Oliver at sinabi:

“Masdan, ang panahon ay ganap nang dumating, na sinabi ng bibig ni Malakias—nagpapatotoong siya si [Elijah] ay isusugo, bago ang pagdating ng dakila, at kakila-kilabot na araw ng Panginoon—

“Upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga ama, at baka ang buong mundo ay bagabagin ng isang sumpa—

“Samakatuwid, ang mga susi ng dispensasyong ito ay ipinagkakatiwala sa inyong mga kamay; at sa pamamagitan nito ay inyong malalaman na ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon ay nalalapit na, maging nasa mga pintuan na” (D at T 110:14–16).

Ang panunumbalik ng awtoridad na magbuklod ni Elijah noong 1836 ay kailangan upang maihanda ang mundo sa Pangalawang Pagparito ng Tagapagligtas at nagpasimula sa pagkakaroon ng ibayong interes sa iba’t ibang panig ng mundo sa pagsasaliksik ng kasaysayan ng pamilya.

Ang Diwa at Gawain ni Elias

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay. … Sapagkat mahalagang mapasaating kamay ang kapangyarihang magbuklod na magbubuklod sa ating mga anak at sa ating mga patay sa kaganapan ng dispensasyon ng panahon—isang dispensasyon upang matugunan ang mga pangakong ginawa ni Jesucristo bago pa ang pagkakatatag ng mundo para sa kaligtasan ng tao. … Kaya nga, sinabi ng Diyos, ‘Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta’” (Mga Turo: Joseph Smith, 557–58).

Ipinaliwanag pa ni Joseph:

“Subalit ano ba ang hangarin ng [pagparito ni Elias]? o paano ba ito isasakatuparan? Ang mga susi ay ipagkakaloob, ang diwa ni Elias [Elijah] ay darating, ang ebanghelyo ay itatatag, ang mga Banal ng Diyos ay titipunin, ang Sion ay itatayo, at ang mga Banal ay magsisisiakyat bilang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion [tingnan sa Obadias 1:21].

“Subalit paano sila magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo … at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa … para sa kanilang mga ninuno na namatay … ; at narito ang tanikalang nagbibigkis sa puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa mga ama, na nagsasakatuparan ng misyon ni Elijah” (Mga Turo: Joseph Smith, 554–55).

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na ang Diwa ni Elias ay “impluwensya ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya” (“A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34). Ang kakaibang impluwensyang ito ng Espiritu Santo ay naghihikayat sa mga tao na tukuyin, idokumento, at itangi ang kanilang mga ninuno at kapamilya—kapwa noon at ngayon.

Ang Diwa ni Elias ay umaapekto sa mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan. Gayunman, bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, may responsibilidad tayo sa ating tipan na saliksikin ang ating mga ninuno at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila. “Sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin” (Sa Mga Hebreo 11:40; tingnan din sa Mga Turo: Joseph Smith, 557). At “ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (D at T 128:15).

Dahil dito nagsasaliksik tayo ng kasaysayan ng ating pamilya, nagtatayo ng mga templo, at nagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga patay. Dahil dito isinugo si Elias upang ipanumbalik ang awtoridad na magbuklod na may bisa sa lupa at sa langit. Tayo ay mga lingkod ng Panginoon sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan nang “ang buong mundo ay [hindi] bagabagin ng isang sumpa” (D at T 110:15) sa Kanyang muling pagparito. Ito ay ating tungkulin at dakilang pagpapala.

Isang Paanyaya sa Bagong Henerasyon

Ngayon ay hihilingin kong pakinggan ng mga kabataang babae, lalaki, at mga bata ng bagong henerasyon ang pagbibigay-diin ko sa kahalagahan ng Diwa ni Elias sa inyong buhay ngayon. Ang mensahe ko ay para sa buong Simbahan—ngunit lalo na sa inyo.

Maaaring isipin ng marami sa inyo na ang gawain sa family history ay ginagawa lamang ng mga nakatatanda. Ngunit alam ko na hindi sinabi sa mga banal na kasulatan o mga patakarang ipinahayag ng mga pinuno ng Simbahan na para lang sa mga nasa hustong edad ang mahalagang paglilingkod na ito. Kayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos, mga anak ng tipan, at mga tagapagtayo ng kaharian. Hindi ninyo kailangang hintaying umabot sa itinakdang edad upang gampanan ang responsibilidad ninyong tumulong sa gawain ng kaligtasan para sa pamilya ng tao.

Inilaan ng Panginoon sa ating panahon ang mahahalagang sangguniang tutulong sa inyo para matutuhan at mahalin ang gawaing ito na hinihikayat ng Diwa ni Elias. Halimbawa, ang FamilySearch ay koleksyon ng mga talaan, sanggunian, at serbisyong madaling makuha gamit ang computer at iba’t ibang nahahawakang device, na nilayong tulungan ang mga tao na matuklasan at maidokumento ang kanilang family history. Ang mga sangguniang ito ay makukuha rin sa mga family history center na nasa marami sa mga gusali ng ating Simbahan sa buong mundo.

Hindi nagkataon lang na lumitaw ang FamilySearch at iba pang mga kasangkapan sa panahon na ang mga kabataan ay lubha nang pamilyar sa maraming teknolohiya sa pagkuha ng impormasyon at sa komunikasyon. Natuto na kayong magpadala ng mensahe sa inyong mga cell phone at computer para pabilisin at isulong ang gawain ng Panginoon—hindi lang para mabilis na makipag-ugnayan sa inyong mga kaibigan. Ang mga kasanayan at kakayahang nakikita sa maraming kabataan ngayon ay isang paghahandang makatulong sa gawain ng kaligtasan.

Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias. Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak (tingnan sa D at T 124:28–36). At hinihimok ko kayong tulungan ang ibang tao na matukoy ang kanilang family history.

Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. Ang mga pangako kina Abraham, Isaac, at Jacob ay matatanim sa inyong puso. Ang inyong patriarchal blessing, na naghahayag ng inyong angkan, ay iuugnay kayo sa mga ninunong ito at magiging mas makahulugan sa inyo. Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at habambuhay.

Mga magulang at pinuno, tulungan sana ninyo ang inyong mga anak at kabataan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias. Ngunit huwag kayong masyadong mahigpit o madetalye sa pagbibigay ng impormasyon o training. Anyayahan ang mga kabataan na magsaliksik, sumubok, at matuto para sa kanilang sarili (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20). Kayang gawin ng sinumang kabataan ang iminumungkahi ko, gamit ang mga module na makukuha sa lds.org/familyhistoryyouth. Ang mga korum ng Aaronic Priesthood at mga Young Women class presidency ay maaaring gumanap ng mahalagang papel sa pagtulong sa lahat ng kabataan na maging pamilyar sa mga pangunahing sangguniang ito. Lalong kailangan ng mga kabataan na matuto at kumilos upang makatanggap ng karagdagang liwanag at kaalaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo—at hindi mga estudyanteng kumikilos lamang kapag sinabihan (tingnan sa 2 Nephi 2:26).

Mga magulang at pinuno, ikamamangha ninyong lahat kung gaano kabilis ang inyong mga anak at kabataan na maging napakahusay sa mga teknolohiyang ito. Katunayan, matututo kayo ng mahahalagang aral sa mga kabataang ito tungkol sa mabisang paggamit ng mga bagay na ito. Malaki ang maitutulong ng mga kabataan sa mas nakatatanda na hindi komportable o natatakot gumamit ng teknolohiya o hindi pamilyar sa FamilySearch. Marami ring pagpapalang darating sa inyo kapag nag-ukol ng mas maraming oras ang mga kabataang ito sa paggawa ng family history at paglilingkod sa templo at nagbawas ng oras sa video games, Internet surfing, at Facebook.

Sina Troy Jackson, Jaren Hope, at Andrew Allan ay mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na tinawag ng isang nabigyang-inspirasyong bishop na magkakasamang magturo sa family history class sa kanilang ward. Ang mga binatilyong ito ay kumakatawan sa napakarami sa inyo na sabik matuto at hangad maglingkod.

Sabi ni Troy, “Dati ay nagsisimba ako at umuupo lang doon, pero napagtanto ko na kailangan kong umuwi at gumawa ng isang bagay. Lahat tayo ay makagagawa ng family history.”

Sinabi ni Jaren na nang mas matuto siya tungkol sa family history, napagtanto niya “na hindi lamang ito mga pangalan kundi mga tunay na tao. Lalo at lalo akong natuwang magdala ng mga pangalan sa templo.”

At sabi naman ni Andrew, “Naging interesado ako sa family history nang may pagmamahal at kasigasigang hindi ko alam na taglay ko. Tuwing maghahanda akong magturo bawat linggo, madalas iparamdam sa akin ng Espiritu Santo na kumilos at subukan ang ilan sa mga pamamaraang itinuturo sa aralin. Dati, nakakatakot ang family history. Pero sa tulong ng Espiritu nakaya kong gampanan ang tungkulin ko at tulungan ang maraming tao sa ward namin.”

Mahal kong mga kapatid, ang family history ay hindi lamang isang nakatutuwang programa o aktibidad na itinataguyod ng Simbahan; bagkus, ito ay mahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Kayo ay inihanda para sa panahong ito at para itayo ang kaharian ng Diyos. Narito kayo sa mundo ngayon upang tumulong sa maluwalhating gawaing ito.

Pinatototohanan ko na bumalik si Elias sa mundo at ipinanumbalik ang sagradong awtoridad na magbuklod. Pinatototohanan ko na ang ibinuklod sa lupa ay maibubuklod sa langit. At alam ko na ang mga kabataan ng bagong henerasyon ay may mahalagang tungkulin sa dakilang gawaing ito. Ito ang aking patotoo sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.