2010–2019
Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos
Oktubre 2011


2:3

Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos

Kasama ang Biblia, ang Aklat ni Mormon ay isang mahalagang saksi ng mga doktrina ni Cristo at ng Kanyang kabanalan.

Ilang taon na ang nakalilipas kumuha ng kopya ng Aklat ni Mormon ang aking kalolo-lolohan sa unang pagkakataon. Binuklat niya ito sa gitna at binasa ang ilang pahina. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ang Diyos man ang sumulat ng aklat na iyan o ang demonyo, tutuklasin ko kung sino.” Binasa niya ito nang dalawang beses nang sumunod na 10 araw at saka sinabing, “Hindi maaaring ang demonyo ang sumulat nito—nagmula ito sa Diyos.”1

Iyan ang pinakamagandang bagay sa Aklat ni Mormon—makatitiyak ka tungkol dito. Kung hindi ito ang salita ng Diyos tulad ng sinabi, malaking kabulaanan ito. Hindi lamang daw pagtalakay sa moralidad o komentaryo tungkol sa relihiyon o koleksyon ng magagandang ideya ang aklat na ito. Ito raw ay salita ng Diyos—bawat pangungusap, bawat talata, bawat pahina. Sinabi ni Joseph Smith na itinuro sa kanya ng isang anghel ng Diyos ang mga laminang ginto, na naglalaman ng mga isinulat ng mga propeta sa sinaunang Amerika, at isinalin niya ang mga laminang iyon sa tulong ng kapangyarihan ng langit. Kung totoo ang salaysay na iyan, banal na kasulatan nga ang Aklat ni Mormon, tulad ng sabi nito; kung hindi, maganda ito ngunit, magkagayunman, isa itong panlilinlang.

Binanggit ni C. S. Lewis ang ganito ring karanasan ng isang taong kailangang magpasiya kung tatanggapin o hindi ang pagkadiyos ng Tagapagligtas—kung saan kailangan talagang pumili: “Sinisikap kong pigilan ang sinuman na sabihin ang malaking kahangalang madalas sabihin ng mga tao tungkol sa Kanya: ‘Handa akong tanggapin si Jesus bilang dakilang guro ng moralidad, ngunit hindi ko tanggap ang sinasabi Niya na Siya ay Diyos.’ Iyan ang isang bagay na hindi natin dapat sabihin. Ang isang tao na ordinaryo lamang at nagsabi ng mga bagay na sinabi ni Jesus ay hindi magiging mahusay na guro ng moralidad. … Kailangan ninyong magpasiya. Ang tao bang ito ay ang Anak ng Diyos: o kung hindi ay isa siyang baliw o mas masahol pa. … Ngunit huwag nating isipin na Siya ay isang tao lamang na mahusay magturo. Hindi Niya ipinauubaya iyon sa atin. Wala siyang balak na gawin iyon.”2

Gayundin kailangan nating magpasiya tungkol sa Aklat ni Mormon: ito ba ay sa Diyos o sa demonyo. Wala nang ibang pagpipilian. Sandali ko kayong inaanyayahang sagutan ang ilang tanong na makakatulong sa inyo na malaman ang tunay na katangian ng aklat na ito. Itanong sa inyong sarili kung ang sumusunod na mga talata sa Aklat ni Mormon ay naglalapit sa inyo sa Diyos o sa demonyo:

“Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

O ang mga salitang ito ng isang mapagmahal na ama sa kanyang mga anak: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan” (Helaman 5:12).

O ang mga salitang ito ng isang propeta: “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).

Maaari kayang ang demonyo ang sumulat ng mga pahayag na ito sa Aklat ni Mormon? Matapos palayasin ng Tagapagligtas ang ilang demonyo, sinabi ng Fariseo na ginawa Niya ito “sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.” Sumagot ang Tagapagligtas na walang katuturan ang ideyang ito: “Bawat kaharian,” wika Niya, “[na] nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; [at] bawa’t … bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.” At ang mariin Niyang pagtatapos: “At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya [ay] nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?” (Mateo 12:24–26; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kung itinuturo sa atin ng nabanggit na mga talata sa Aklat ni Mormon na sambahin at mahalin at paglingkuran ang Tagapagligtas (na ginagawa ng mga ito), paano ito magmumula sa demonyo? Kung gayon, mahahati siya laban sa kanyang sarili at mawawasak ang kanyang kaharian, ang kalagayan mismong sinabi ng Tagapagligtas na hindi maaaring umiral. Ang tapat na pagbabasa ng Aklat ni Mormon nang bukas ang isipan ay magbibigay-daan para ipasiya ng isang taong tulad ng aking kalolo-lolohan, na: “Hindi maaaring ang demonyo ang sumulat nito—nagmula ito sa Diyos.”

Ngunit bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon kung may Biblia na para turuan tayo tungkol kay Jesucristo? Hindi ba kayo nagtataka kung bakit napakaraming simbahang Kristiyano sa mundo ngayon samantalang iisang Biblia ang pinagkukunan nila ng mga doktrina? Iyon ay dahil iba-iba ang interpretasyon nila sa Biblia. Kung iisa ang interpretasyon nila, iisa ang kanilang simbahan. Hindi ganito ang nais ng Panginoon, dahil sinabi ni Pablo na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo” (Mga Taga Efeso 4:5). Para maisagawa ang pagkakaisang ito, itinakda ng Panginoon ang banal na batas ng mga saksi. Itinuro ni Pablo, “Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita” (II Mga Taga Corinto 13:1).

Ang Biblia ay isang saksi ni Jesucristo; isa pang saksi ang Aklat ni Mormon. Bakit napakahalaga ng pangalawang saksing ito? Maaaring makatulong ang sumusunod na paglalarawan: Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo mula sa iisang tuldok sa papel? Ang sagot ay walang katapusan. Sandaling ipagpalagay na ang iisang tuldok ay kumakatawan sa Biblia at na daan-daan sa mga tuwid na linyang iginuhit patawid ng tuldok na iyon ay kumakatawan sa iba’t ibang interpretasyon ng Biblia at bawat isa sa mga interpretasyong iyon ay kumakatawan sa ibang simbahan.

Gayunman, ano ang mangyayari kung sa papel na iyon ay may isa pang tuldok na kumakatawan sa Aklat ni Mormon? Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo sa pagitan ng dalawang tuldok na ito: ang Biblia at ang Aklat ni Mormon? Isa lang. Isang interpretasyon lang ng mga doktrina ni Cristo ang mamamayani sa patotoo ng dalawang saksing ito.

Muli’t muli ang Aklat ni Mormon ang saksing nagpapatibay, naglilinaw, pinagkakaisa ang mga doktrinang itinuro sa Biblia kaya mayroon lang “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” Halimbawa, nalilito ang ilang tao kung mahalaga nga ang binyag para maligtas kahit sinabi ng Tagapagligtas kay Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). Gayunman, inaalis ng Aklat ni Mormon ang lahat ng pagdududa sa paksang iyan: “At kanyang inutusan ang lahat ng tao na kailangang sila’y magsisi, at mabinyagan sa kanyang pangalan, … o sila ay di maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 9:23).

May iba’t ibang paraan ng binyag sa mundo ngayon kahit sinabi sa atin ng Biblia kung paano bininyagan ang Tagapagligtas, na ating dakilang Huwaran: “[Siya], pagdaka’y umahon sa tubig” (Mateo 3:16). Makakaahon ba siya mula sa tubig kung hindi muna Siya lumubog doon? Para walang pagtatalo tungkol sa paksang ito, niliwanag ito ng Aklat ni Mormon sa tuwirang pahayag na ito ng doktrina tungkol sa tamang paraan ng pagbibinyag: “At pagkatapos inyo silang ilulubog sa tubig” (3 Nephi 11:26).

Maraming naniniwala na nagwakas na sa Biblia ang paghahayag kahit ang Biblia mismo ay isang patotoo ng paghahayag ng Diyos sa buong 4,000 taon ng pag-iral ng tao. Ngunit ang isang maling doktrinang tulad nito ay parang dominong itinulak kaya natumba ang ibang domino o sa kasong ito ay nawala ang mga tamang doktrina. Ang paniniwala sa pagtigil ng paghahayag ang dahilan kaya nawala ang doktrina na “ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Mormon 9:9); ang doktrinang itinuro ni Amos na “ang Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7); at ang doktrina na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34) kaya nangungusap Siya sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Ngunit mabuti na lang at muling pinagtibay ng Aklat ni Mormon ang katotohanan sa Biblia na patuloy ang paghahayag:

“At muli, sinasabi ko sa inyo na nagtatatwa sa mga paghahayag ng Diyos, at sinasabi na ang mga yaon ay natapos na, na wala nang mga paghahayag. …

“Hindi ba’t ating nababasa na ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman … ?” (Mormon 9:7, 9).

Sa madaling salita, kung nangusap ang Diyos, na hindi nagbabago, noong unang panahon, mangungusap din Siya sa makabagong panahon.

Walang katapusan ang mga pagpapatibay at paliwanag sa doktrina, ngunit walang mas makapangyarihan, ni nakaaantig, kaysa mga talakayan sa Aklat ni Mormon tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gusto ba ninyong pagtibayin sa inyong kaluluwa ang di-maitatatwang patotoo na ang Tagapagligtas ay nagdusa para sa inyong mga kasalanan at walang kasalanan, ni mortal na karanasan na hindi maaabot ng maawaing tulong ng Kanyang Pagbabayad-sala—na may napakabisa Siyang gamot o lunas para sa bawat paghihirap ninyo? Kung gayo’y basahin ang Aklat ni Mormon. Ituturo at patototohanan nito sa inyo na ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay walang katapusan dahil sakop nito at lampas pa ito sa bawat kahinaang alam ng tao. Kaya nga sinabi ng propetang si Mormon, “Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Moroni 7:41).

Hindi nakapagtataka na hayagang ipinahayag sa Aklat ni Mormon, “At kung maniniwala kayo kay Cristo ay maniniwala kayo sa mga salitang ito, sapagkat ang mga salitang ito ay mga salita ni Cristo” (2 Nephi 33:10). Kasama ang Biblia, ang Aklat ni Mormon ay isang mahalagang saksi ng mga doktrina ni Cristo at ng Kanyang kabanalan. Kasama ang Biblia, ito ay “nagtuturo sa lahat ng tao na nararapat silang gumawa ng mabuti” (2 Nephi 33:10). At kasama ang Biblia, inaakay tayo nito sa “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” Kaya nga napakahalaga ng Aklat ni Mormon sa ating buhay.

Ilang taon na ang nakalilipas dumalo ako sa isa sa mga sacrament meeting sa Toronto, Canada. Isang 14-na-taong-gulang na babae ang tagapagsalita. Sabi niya, kinausap niya ang isa sa mga kaibigan niya sa eskuwela tungkol sa relihiyon. Sinabi ng kaibigan niya sa kanya, “Anong relihiyon ang kinabibilangan mo?”

Sagot niya, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, o mga Mormon.”

Sagot ng kaibigan niya, “Alam ko ang Simbahang iyon, at alam kong hindi iyon totoo.”

“Paano mo nalaman?” ang sagot niya.

“Kasi,” sabi ng kaibigan niya, “sinaliksik ko na ito.”

“Nabasa mo na ba ang Aklat ni Mormon?”

“Hindi,” ang sagot nito. “Hindi pa.”

Sa gayon ay sumagot ang magiliw na batang ito, “Kung gayon ay hindi mo pa nasaliksik ang Simbahan ko, dahil nabasa ko na ang bawat pahina ng Aklat ni Mormon at alam kong totoo ito.”

Nabasa ko na rin ang bawat pahina ng Aklat ni Mormon, nang paulit-ulit, at taos-puso kong pinatototohanan, tulad ng kalolo-lolohan ko, na nagmula ito sa Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Willard Richards, sa LeGrand Richards, A Marvelous Work and a Wonder, binagong edisyon (1972), 81, 82.

  2. C. S. Lewis, Mere Christianity (1952), 40–41.