Isang Panahon upang Maghanda
Kailangan nating ituon ang ating panahon sa mga bagay na pinakamahalaga.
Itinutuon ng ikawalong kabanata ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang ating pansin sa matalinong paggamit ng oras. Sa kabanatang ito, ipinaaalala sa atin ni Elder M. Russell Ballard na dapat tayong magtakda ng mga mithiin at matutong maging bihasa sa mga pamamaraan upang makamit ang mga ito (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 166). Ang maging bihasa sa pamamaraang kailangan upang makamit ang ating mga mithiin ay kinabibilangan ng kahusayan sa paggamit ng ating oras.
Nagpapasalamat ako sa halimbawa ni Pangulong Thomas S. Monson. Sa lahat ng ginagawa niya bilang propeta ng Diyos, tinitiyak niya, gaya ng ginawa ng Tagapagligtas, na may sapat na panahon pa para dalawin ang maysakit (tingnan sa Lucas 17:12–14), pasiglahin ang mga pinanghihinaan ng loob, at maging lingkod ng lahat. Nagpapasalamat din ako sa halimbawa ng marami pang iba na nag-uukol ng oras sa paglilingkod sa kanilang kapwa-tao. Pinatototohanan ko na ang pag-uukol ng ating panahon sa paglilingkod sa iba ay kalugud-lugod sa Diyos at higit tayong ilalapit nito sa Kanya. Ang ating Tagapagligtas ay tutupad sa Kanyang sinabi na “siya na matapat at matalino sa panahong ito ay inaaring karapat-dapat na magmana ng mga mansiyon na inihanda para sa kanya ng aking Ama” (D at T 72:4).
Ang oras ay hindi ipinagbibili; ang oras ay isang bagay na hindi mabibili, anuman ang gawin ninyo, sa kahit anong tindahan sa anumang halaga. Subalit kapag ginamit ang oras sa matalinong paraan, ang halaga nito ay walang-kapantay. Sa bawat araw tayong lahat ay binibigyan, nang libre, ng [gayon din karaming minuto at oras para gamitin], at kalaunan ay nalalaman natin, gaya ng itinuturong mabuti ng pamilyar na himno, “Ang pagdaan ng oras ay sadyang kay tulin; minsang ito’y lumipas di ma’ring ulitin” (“Buhay ay Pagbutihin,” Mga Himno, blg. 137). Gamitin natin nang matalino ang ating oras. Sinabi ni Pangulong Brigham Young, “Tayong lahat ay nagkakautang sa Diyos para sa kakayahang gamitin ang panahon nang kapaki-pakinabang at kakailanganin niya sa atin ang pagbibigay-sulit sa ating paggamit sa kakayahang ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 320).
Sa dami ng hinihingi sa atin, kailangan nating matutuhang iprayoridad ang ating mga pasiya upang tumugma sa ating mga mithiin at kung hindi ay maipagpapaliban natin ito at masasayang ang ating oras sa walang-saysay na mga gawain. Itinurong mabuti sa atin ng Panginoon ang tungkol sa mga prayoridad nang sabihin Niya sa Kanyang Sermon sa Bundok na, “Kaya nga, huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran” ( Mateo 6:33; mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38). (Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Pokus at mga Priyoridad,” Liahona, Hulyo 2001, 99–102.)
Binanggit ni Alma ang tungkol sa mga prayoridad nang ituro niya na “ang buhay na ito ay naging isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 12:24). Ang pinakamainam na paggamit ng mahalagang kaloob na oras upang maghandang humarap sa Diyos ay maaaring mangailangan ng patnubay, ngunit tiyak na uunahin natin ang Panginoon at ang ating pamilya. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “sa ugnayan ng pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s” (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 21). Pinatototohanan ko na kapag ang tulong ay mapanalangin at taimtim na hinangad, tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit na magtuon sa nararapat nating pag-ukulan ng oras sa lahat.
Ang maling paggamit ng oras ay may kaugnayan sa katamaran. Sa pagsunod natin sa utos na “tumigil sa pagiging tamad” (D at T 88:124), dapat nating tiyakin na ang pagiging abala ay pagiging masipag din. Halimbawa, nakatutuwa na napakadali nang magpadala ng mga mensahe ngayon gamit ang makabagong teknolohiya, ngunit huwag naman tayong malulong sa paggamit nito. Nadarama ko na ang ilan ay nabibitag sa bagong adiksyon ngayon na umuubos ng oras—isang adiksyong umaalipin sa atin na palaging tingnan at ipadala ang mga mensahe kaya nagbibigay tayo ng maling impresyon na abala at masipag tayo.
Maraming kabutihang dulot ang madaling pag-akses natin sa komunikasyon at impormasyon. Malaking tulong sa akin ang makaakses ng mga artikulong sasaliksikin, mensahe sa kumperensya, at talaan ng mga ninuno, at makatanggap ng mga e-mail, paalaala sa Facebook, Twitter, at text. Kahit mabuti ang mga bagay na ito, huwag nating tulutang halinhan nito ang mga bagay na pinakamahalaga. Napakalungkot kung mapalitan ng telepono at computer, na mahirap gamitin, ang simpleng taos na panalangin sa isang mapagmahal na Ama sa Langit. Dapat ay mabilis din tayong manalangin na tulad ng bilis nating mag-text.
Hindi mapapalitan ng mga electronic game at pakikipag-ugnayan online ang mga tunay na kaibigang makahihikayat, maipagdarasal tayo at mahahangad ang pinakamabuti para sa atin. Labis kong pinasasalamatang makita ang mga miyembro ng korum, klase, at Relief Society na nagkakaisa sa pagsuporta sa isa’t isa. Sa gayong mga pagkakataon mas naunawaan ko ang ibig sabihin ni Apostol Pablo nang sabihin niyang, “Hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal” (Mga Taga Efeso 2:19).
Alam ko na nadarama natin ang pinakamatinding kaligayahan kapag nagtuon tayo sa Panginoon (tingnan sa Alma 37:37) at sa mga bagay na nagdudulot ng walang-hanggang gantimpala, sa halip na ubusin ang ating oras sa Facebook, paglalaro ng Farmville, at Angry Birds. Hinihikayat ko ang bawat isa sa atin na palisin ang mga bagay na umaagaw sa mahalagang oras natin at maging determinadong kontrolin ang mga ito, sa halip na paalipin tayo sa mga ito.
Para makamtan ang kapayapaang sinasabi ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 14:27), ituon natin ang ating oras sa mga bagay na pinakamahalaga, at ang mga bagay ukol sa Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagdarasal tayo nang taimtim sa Diyos, nagbabasa at nag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, nagninilay tungkol sa ating nabasa at nadama, at iniaangkop at ipinamumuhay natin ang mga aral na natututuhan, napapalapit tayo sa Kanya. Nangako ang Diyos na kapag masigasig tayong naghanap sa pinakamabubuting aklat “[Siya] ay magbibigay sa [atin] ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu” (D at T 121:26; tingnan din sa D at T 109:14–15).
Tutuksuhin tayo ni Satanas na gamitin sa mali ang ating oras sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga gambala. Bagama’t darating ang mga tukso, itinuro ni Elder Quentin L. Cook na “ang mga Banal na tumutugon sa mensahe ng Tagapagligtas ay hindi maliligaw ng nakagagambala at nakawawasak na gawain” (“Isa Ka Bang Banal?” Liahona, Nob. 2003, 96). Si Hiram Page, isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon, ay tinuruan tayo ng mahalagang aral tungkol sa mga gambala. May isa siyang bato at sa pamamagitan nito ay itinala niya ang inakala niyang mga paghahayag para sa Simbahan (tingnan sa D at T 28). Matapos iwasto si Hiram, sinabi sa isang kuwento na may kumuha sa bato at dinurog ito upang hindi na ito makagambalang muli.1 Hinihikayat kong tukuyin natin ang mga gambala na sumasayang sa oras natin na maaaring kailangan nating palisin sa ating buhay. Kailangan tayong maging matalino sa pagpapasiya upang matiyak na kasama sa balanseng paggamit natin ng oras ang Panginoon, pamilya, trabaho, at kapaki-pakinabang na paglilibang. Gaya ng natuklasan ng marami, nadaragdagan ang kaligayahan sa buhay kapag ginamit natin ang ating oras sa paghahanap ng mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Napakabilis lumipas ng oras. Ngayon ang magandang panahon, habang buhay pa tayo, upang suriin ang ginagawa nating paghahanda sa pagharap sa Diyos. Pinatototohanan ko na malaki ang mga gantimpala sa mga taong nag-uukol ng panahon sa buhay upang maghanda para sa imortalidad at buhay na walang hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.