2010–2019
Ang Bisa ng Banal na Kasulatan
Oktubre 2011


2:3

Ang Bisa ng Banal na Kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ay tulad ng mumunting liwanag na tumatanglaw sa ating isipan at nagbibigay-puwang sa patnubay at inspirasyong mula sa kaitaasan.

Kaming mga nagsasalita sa pulpitong ito tuwing kumperensya ay nadarama ang bisa ng inyong mga panalangin. Kailangan namin ang mga ito, at pinasasalamatan namin kayo dahil dito.

Batid ng ating Ama sa Langit na para umunlad tayo sa ating mortal na buhay, kakailanganin nating harapin ang mahihirap na hamon. Ang ilan sa mga hamong ito ay halos mahirap paglabanan. Naglaan Siya ng mga kagamitan upang tulungan tayong magtagumpay sa ating mortal na buhay. Isa sa mga kagamitang ito ang mga banal na kasulatan.

Sa paglipas ng mga panahon, binigyang-inspirasyon ng Ama sa Langit ang mga piling lalaki at babae upang mahanap, sa patnubay ng Espiritu Santo, ang mga solusyon sa pinakamabibigat na problema sa buhay. Binigyang-inspirasyon Niya ang mga awtorisadong tagapaglingkod na iyon na itala ang mga solusyon na magsisilbing hanbuk sa Kanyang mga anak na nananalig sa Kanyang plano ng kaligayahan at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Kaagad napapasaatin ang patnubay na ito sa pamamagitan ng yaman na tinatawag nating mga pamantayang aklat—iyon ang, Luma at Bagong Tipan, ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas.

Dahil ang mga banal na kasulatan ay mula sa binigyang-inspirasyong komunikasyon na ipinararating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang mga ito ay dalisay na katotohanan. Hindi natin dapat alalahanin ang katumpakan ng mga konsepto na nasa mga pamantayang aklat dahil ang Espiritu Santo ang instrumento na humikayat at nagbigay-inspirasyon sa mga taong nagtala ng mga banal na kasulatan.

Ang mga banal na kasulatan ay tulad ng mumunting liwanag na tumatanglaw sa ating isipan at nagbibigay-puwang sa patnubay at inspirasyong mula sa kaitaasan. Ang mga ito ay maaaring ang susi na magbubukas sa daluyan ng komunikasyon sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Ang mga banal na kasulatan, kapag binanggit nang wasto, ay nagpapatibay sa ating mga pahayag. Magiging tapat na kaibigan ang mga ito na magagamit natin saanman at kailanman. Laging nariyan ang mga ito kapag kinakailangan. Ang paggamit sa mga ito ay nagsisilbing pundasyon ng katotohanan na maipauunawa ng Espiritu Santo. Ang pagkatuto, pagninilay, pagsasaliksik, at pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay gaya ng pagpuno sa isang filing cabinet ng mga kaibigan, pinahahalagahan, at katotohanan na magagamit sa lahat ng oras at saan mang lugar sa mundo.

Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasaulo ng isang talata ay pagbubuo ng pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago. Halimbawa, para sa akin, ang pagsasaulo ng awit na ito ay pinagmumulan ng lakas at pang-unawa:

“Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

“Sapagka’t itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

“Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? at sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

“Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.

“Siya’y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan” (Mga Awit 24:1–5).

Ang pagninilay sa gayong talata ay nagbibigay ng direksyon sa buhay. Ang mga banal na kasulatan ay saligan na makatutulong. Ang mga ito ay nagbibigay ng mga kaibigang handang tumulong sa atin. Ang isinaulong talata ay nagiging kaibigang palaging nariyan, na hindi nanghihina sa paglipas ng panahon.

Ang pagninilay sa isang talata ay susi sa paghahayag at patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo. Kayang panatagin ng banal na kasulatan ang balisang kaluluwa, at magdulot ng kapayapaan, pag-asa, at pagbabalik ng tiwala ng isang tao sa kanyang kakayahang labanan ang mga hamon ng buhay. May kapangyarihan itong panatagin ang mga nasaktang damdamin kapag mayroong pananampalataya sa Tagapagligtas. Mapabibilis nito ang pisikal na paggaling.

Ang mga banal na kasulatan ay makapagbibigay ng iba’t ibang kahulugan sa iba’t ibang panahon ng ating buhay, batay sa ating mga pangangailangan. Ang isang talatang marahil ay maraming beses na nating nabasa ay maaaring magkaroon ng panibagong kahulugan na magbibigay ng panibagong sigla at pananaw kapag nahaharap tayo sa bagong hamon sa buhay.

Paano ninyo personal na ginagamit ang mga banal na kasulatan? Minamarkahan ba ninyo ang inyong kopya? Sinusulatan ba ninyo ang mardyin upang matandaan ang isang sandali ng espirituwal na patnubay o karanasan na nagturo sa inyo ng isang matinding aral? Ginagamit ba ninyo ang lahat ng mga pamantayang aklat, pati na ang Lumang Tipan? May nakita akong mahahalagang katotohanan sa Lumang Tipan na mga pangunahing bahagi sa saligan ng katotohanan na gumagabay sa aking buhay at napagkukunan ko ng kaalaman kapag sinisikap kong ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba. Dahil diyan kung kaya’t mahal ko ang Lumang Tipan. Nakakakita ako ng mahahalagang katotohanan sa mga pahina nito. Halimbawa:

“At sinabi ni Samuel, Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake” (I Samuel 15:22).

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

“Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan. …

“Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:

“Sapagka’t sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig; gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

“Mapalad ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan” (Mga Kawikaan 3:5–7, 11–13).

Ang Bagong Tipan ay pinagmumulan din ng napakahalagang katotohanan:

“Sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:37–40).

“[At sinabi ng Panginoon], Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:

“Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.

“At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.

“At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako’y hindi mo nakikilala. …

“At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya’y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya.

“Datapuwa’t siya’y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala.

“At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Lalake, ako’y hindi.

“At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito’y kasama rin niya: sapagka’t siya’y Galileo.

“Datapuwa’t sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya’y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.

“At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.

“At [si Pedro ay] lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan” (Lucas 22:31–34, 56–62).

Nalulungkot ako sa nangyaring iyon kay Pedro.

Ang talatang ito mula sa Doktrina at mga Tipan ay nagbigay ng lubos na pagpapala sa aking buhay: “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (D at T 11:21).

Batay sa nalalaman ko, ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng katotohanan nang buong linaw at kapangyarihan. Halimbawa:

“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng ano mang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating gumaganti ng pasasalamat sa Diyos para sa ano mang bagay na inyong tinatanggap.

“At tiyakin na kayo ay may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, at sa gayon kayo ay parating mananagana sa mabubuting gawa” (Alma 7:23–24).

At isa pa:

“At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—

“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:45–48).

Ang mahal kong asawang si Jeanene, ay mahal na mahal ang Aklat ni Mormon. Noong tinedyer pa siya, naging pundasyon ito ng kanyang buhay. Ito ang pinagbatayan ng kanyang patotoo at pagtuturo noong siya ay full-time missionary sa hilagang-kanluran ng Estados Unidos. Nang magmisyon kami sa Córdoba, Argentina, talagang hinikayat niya ang paggamit ng Aklat ni Mormon sa aming mga pagtuturo sa mga tao. Pinatunayan ni Jeanene noong bata pa siya na ang mga palagiang nagbabasa ng Aklat ni Mormon ay may dagdag na pagpapala ng Espiritu ng Panginoon, may mas matinding determinasyon na sundin ang Kanyang mga utos, at mas malakas na patotoo sa kabanalan ng Anak ng Diyos.1 Hindi ko alam kung gaano karaming beses, na sa tuwing papatapos na ang taon, ay nakikita ko siyang tahimik na nakaupo, buong sikap na tinatapos muli ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon bago matapos ang taon.

Noong 1991 gusto kong magbigay ng espesyal na Pamasko sa aking pamilya. Itinala ko sa aking journal kung paano ko isinakatuparan ang hangaring iyon: “Alas-12:38 n.h., ngayon, Miyerkules, Disyembre 18, 1991. Katatapos ko lang ng audio recording ng Aklat ni Mormon para sa aking pamilya. Ito’y karanasan na nakaragdag sa aking patotoo sa banal na gawaing ito at nakapagpalakas sa hangarin kong maging mas pamilyar sa mga nilalaman nito at matutuhan ang mga katotohanan ng banal na kasulatan na magagamit ko sa paglilingkod sa Panginoon. Mahal ko ang aklat na ito. Pinatototohanan ko nang buong kaluluwa ko na ito ay totoo, na inihanda ito para pagpalain ang Sambahayan ni Israel, at ang lahat ng bahagi nito na nangakalat sa buong mundo. Lahat ng mag-aaral ng mensahe nito nang may pagpapakumbaba, nang may pananampalataya kay Jesucristo, ay malalaman ang katotohanan nito at makatatagpo ng kayamanan na aakay sa kanila sa mas matinding kaligayahan, kapayapaan, at tagumpay sa buhay na ito. Pinatototohanan ko nang buong kabanalan na ang aklat na ito ay totoo.”

Nawa’y gamitin ng bawat isa sa atin ang masaganang pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang aking dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 6.