2010–2019
Personal na Paghahayag at Patotoo
Oktubre 2011


2:3

Personal na Paghahayag at Patotoo

Kung masigasig nating sinusunod ang mga utos at hihiling nang may pananampalataya, darating ang sagot sa pamamaraan ng Panginoon at sa panahon na Kanyang itinakda.

Maraming taon na ang nakalilipas noong ako ay nasa kolehiyo, sa radyo ako nakikinig ng pangkalahatang kumperensya dahil walang telebisyon sa aming maliit na apartment. Kahanga-hanga ang mga tagapagsalita sa kumperensya, at lubos kong nadarama ang Espiritu Santo.

Natatandaan ko na noong magsalita ang isang General Authority tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ministeryo at nagbahagi ng taimtim na patotoo, pinatunayan sa akin ng Espiritu Santo na totoo ang sinabi niya. Sa sandaling iyon wala akong alinlangan na buhay ang Tagapagligtas. Wala rin akong alinlangan na tumanggap ako ng personal na paghahayag na nagpatunay sa akin “na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.”1

Noong walong taon ako, nabinyagan at nakumpirma ako at natanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo. Napakagandang pagpapala iyon noon ngunit lalo itong naging mahalaga sa akin nang lumaki na ako at magmula noon ay nadama sa maraming paraan ang kaloob ng Espiritu Santo.

Mula pagkabata hanggang pagtanda, karaniwang nakararanas tayo ng mga pagsubok at sitwasyong nagpapaunawa sa atin na kailangan natin ang tulong ng langit na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pagdanas ng mga pagsubok maaaring itanong natin sa ating sarili, “Ano ang sagot sa problema ko?” at “Paano ko malalaman ang dapat gawin?”

Madalas kong naiisip ang tala sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtuturo ni Lehi ng ebanghelyo sa kanyang pamilya. Ibinahagi niya sa kanila ang maraming paghahayag at turo tungkol sa mga bagay na darating sa mga huling araw. Hiningi ni Nephi ang gabay ng Panginoon para ganap na maunawaan ang mga turo ng kanyang ama. Napasigla ang kanyang kaluluwa, at siya ay napagpala, at nabigyang-inspirasyon nang malaman niyang totoo ang mga itinuro ng kanyang ama. Dahil diyan sinunod na mabuti ni Nephi ang mga utos ng Panginoon at namuhay nang matwid. Tumanggap siya ng personal na paghahayag na gumabay sa kanya.

Sa kabilang banda, nagtatalu-talo naman ang kanyang mga kapatid dahil hindi nila naunawaan ang mga turo ng kanilang ama. Kaya itinanong ni Nephi ang napakahalagang bagay na ito: “Nagtanong ba kayo sa Panginoon?”2

Ang kanilang sagot ay mahina: “Hindi, sapagkat walang ipinaalam na gayong bagay ang Panginoon sa amin.”3

Sinamantala ni Nephi ang pagkakataong iyon para maituro sa kanyang mga kapatid kung paano makatatanggap ng personal na paghahayag. Sabi niya: “Hindi ba ninyo natatandaan ang mga bagay na sinabi ng Panginoon?—Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito.”4

Ang paraan ng pagtanggap ng personal na paghahayag ay napakalinaw. Kailangan nating hangaring makatanggap ng paghahayag, huwag patigasin ang ating mga puso, at pagkatapos ay magtanong nang may pananampalataya, tunay na naniniwalang makatatanggap tayo ng sagot, at masigasig na sundin ang mga utos ng Diyos.

Ang pagsunod sa pamamaraang ito ay hindi nangangahulugang sa tuwing magtatanong tayo sa Diyos, kaagad na sasabihin sa atin ang bawat detalye ng dapat nating gawin. Gayunpaman, kung masigasig nating sinusunod ang mga utos at magtatanong nang may pananampalataya, darating ang sagot sa pamamaraan ng Panginoon at sa panahon na Kanyang itinakda.

Noong bata pa ako inakala ko na ang personal na paghahayag o sagot sa panalangin ay darating sa pamamagitan ng isang tinig. Ngunit totoong may mga paghahayag na talagang naririnig. Gayunman, nalaman kong nakikipag-usap ang Espiritu sa maraming paraan.

Ipinapaliwanag sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 6, ang ilang paraan na makatatanggap tayo ng paghahayag:

“Ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu.”5

“Aking nilinaw ang iyong pag-iisip.”6

“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?”7

Marami pa tayong nalaman sa ibang mga banal na kasulatan tungkol sa pagtanggap ng paghahayag:

“Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso. Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag.”8

“Aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab, samakatwid, madarama mo na ito ay tama.”9

“Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”10

Kadalasang dumarating ang personal na paghahayag kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, nakikinig at sumusunod sa payo ng mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan, at namumuhay nang matapat at matwid. Kung minsan dumarating ang inspirasyon mula sa isang talata ng banal na kasulatan o sa isang mensahe sa kumperensya. Marahil matatanggap ninyo ang sagot habang kumakanta ng magandang awitin ang mga bata sa Primary. Lahat ng ito ay mga uri ng paghahayag.

Sa mga unang taon ng Panunumbalik, maraming miyembro ang naghangad ng paghahayag at sila’y pinagpala at binigyang-inspirasyong malaman ang dapat gawin.

Inatasan si Sister Eliza R. Snow ni propetang Brigham Young na tumulong sa pagpapatatag at pagtuturo sa kababaihan ng Simbahan. Itinuro niya na bawat babae ay makatatanggap ng inspirasyong gagabay sa kanilang buhay, sa kanilang pamilya, at sa mga tungkulin nila sa Simbahan. Sabi niya: ‘Sabihin sa kababaihan na humayo at gampanan ang kanilang tungkulin, nang mapagpakumbaba at tapat at ang Espiritu ng Diyos ay mapapasakanila at sila ay pagpapalain sa kanilang mga pagsisikap. Hikayatin silang maghangad ng karunungan sa halip na kapangyarihan at mapasasakanila ang lahat ng kapangyarihang magagamit nila nang tama.’”11

Itinuro ni Sister Snow sa mga kababaihan na hangaring magabayan ng Espiritu Santo. Sinabi niya na ang Espiritu Santo ay ‘tinutugunan at pinupunan ang bawat inaasam ng puso, at ang bawat kahungkagan. Kapag ako’y napupuno ng Espiritung iyan, napapanatag ang aking kaluluwa.’”12

Itinuro ni Pangulong Uchtdorf na ang “paghahayag at patotoo ay hindi laging dumarating nang biglaan. Para sa marami, ang patotoo ay dumarating nang dahan-dahan—o paisa-isa.” Sinabi pa niya: “Masigasig nating hanapin ang liwanag ng inspirasyon para sa ating sarili. Magsumamo tayo sa Panginoon na pagkalooban ang ating isipan at kaluluwa ng pananampalataya nang sa gayon ay matanggap at makilala natin ang banal na pagmiministeryo ng Banal na Espiritu.”13

Ang ating mga patotoo ay nagpapatatag at nagpapalakas sa atin sa pagharap sa mga hamon ng buhay. May mga taong may karamdaman, ang ilan ay may problema sa pinansyal; ang iba ay may suliranin sa kanilang asawa o mga anak; may mga nalulungkot o bigo sa mga inaasam at pinapangarap. Ang ating patotoo, na may kahalong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at kaalaman sa plano ng kaligtasan, ang tumutulong sa atin na malampasan ang mga pagsubok at paghihirap.

Sa aklat na Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, mababasa natin ang tungkol kay Sister Hedwig Biereichel, na taga Germany na dumanas ng matinding dusa at hirap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil likas na mapagmahal at mapagkawanggawa, binahagian niya ng kanyang pagkain ang isang gutom na bilanggo, kahit siya mismo ay naghihikahos. Kalaunan, nang tanungin siya kung paano niya nagawang “mapanatili ang kanyang patotoo sa kabila ng mga pagsubok,” ang sagot niya’y, “Hindi ako ang nagpalakas sa aking patotoo sa panahong iyon—ang patotoo ang nagpalakas sa akin.”14

Hindi ibig sabihin na dahil malakas na ang ating patotoo ay mananatili itong malakas. Kailangan natin itong pangalagaan at palakasin upang magkaroon ito ng sapat na kakayahan na palakasin tayo. Iyan ang isang dahilan kung bakit tayo “madalas na nagtitipun-tipon”—nang sa gayon ay makabahagi tayo ng sacrament, makapanibago ng ating mga tipan at “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.” Ang mabuting salita ng Diyos ang “patuloy [na nagpapanatili sa atin] sa mataimtim na panalangin, umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng [ating] pananampalataya.”15

Itinuro sa atin ni Elder David A. Bednar: “Sa inyong angkop na paghahangad at paggamit ng diwa ng paghahayag, nangangako ako na kayo ay ‘magsisilakad sa liwanag ng Panginoon’ (Isaias 2:5; 2 Nephi 12:5). Kung minsan ay dumarating ang diwa ng paghahayag nang mabilis at matindi, kung minsan naman ay di-kapansin-pansin at dahan-dahan, at kadalasan ay napakabanayad kaya hindi man lang ninyo ito mapapansin. Ngunit anuman ang paraan ng pagtanggap sa pagpapalang ito, ang liwanag na laan nito ay magliliwanag at palalakihin ang inyong kaluluwa, liliwanagin ang inyong pang-unawa (tingnan sa Alma 5:7; 32:28), at papatnubayan at poprotektahan kayo at ang inyong pamilya.”16

Nais ng Panginoon na biyayaan tayo ng gabay, karunungan, at direksyon sa ating buhay. Nais Niyang ibuhos sa atin ang Kanyang Espiritu. Muli, para sa personal na paghahayag kailangan nating hangaring makatanggap nito, huwag patigasin ang ating puso, at pagkatapos ay magtanong nang may pananampalataya, tunay na naniniwalang makatatanggap tayo ng sagot, at masigasig na sundin ang mga utos ng Diyos. Sa gayon kapag humingi tayo ng sagot sa ating mga tanong, ipadarama Niya sa atin ang Kanyang Espiritu. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.