2010–2019
Tuparin ang mgaTipan
Oktubre 2011


2:3

Tuparin ang mgaTipan

Kapag sumampalataya tayo kay Cristo at tumupad sa ating mga tipan, magagalak tayong tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan at pangako ng ating mga propeta sa mga huling araw.

“Pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.”1 Nagagalak ako tuwing babasahin ko ang talatang ito. Nagagalak ang puso ko tuwing maiisip ko ang mga pangako at maraming pagpapalang naging bahagi ng buhay ko sa paghahangad na tuparin ang mga tipang ginawa ko sa aking Ama sa Langit.

Dahil pareho nang pumanaw ang aking mga magulang, kinailangang linisin ngayong taon ang bahay nila para maibenta. Nitong nakaraang ilang buwan nang malinis at maiayos naming magkakapatid ang bahay ng aming mga magulang, nakakita kami ng mga kasaysayan ng pamilya at maraming mahahalagang papeles at dokumento. Nakatutuwang basahin ang mga personal na kasaysayan at patriarchal blessing ng aking mga magulang at lolo’t lola. Ipinaalala nito sa akin ang mga tipang ginawa at tinupad nila.

Ang lola kong si Ellen Hanks Rymer ay bata pang ina noong 1912 nang matanggap niya ang kanyang patriarchal blessing. Nang mabasa ko ang kanyang blessing, namukod-tangi at nanatili sa isipan ko ang mga linyang ito: “Ikaw ay pinili bago pa itinatag ang mundo, at isang piling espiritu na isinilang sa panahong ito. … Ang iyong patotoo ay palalakasin at kakayanin mong magpatotoo. … Hangad kang ibagsak ng mangwawasak, ngunit kung mananangan ka sa Diyos, siya [ang mangwawasak] ay walang kapangyarihang wasakin ka. Dahil sa katapatan mo ay magkakaroon ka ng malaking kapangyarihan at tatakas ang mangwawasak mula sa iyong harapan dahil sa iyong kabutihan. … Kapag dumating sa iyo ang takot at mga pagsubok mapapanatag ang iyong puso at mawawala ang mga hadlang kung ikaw ay lihim na mananalangin.”2

Pinangakuan ang lola ko na kung tutuparin niya ang kanyang mga tipan at mananatili siyang malapit sa Diyos, walang kapangyarihan si Satanas sa kanya. Papanatagin siya at tutulungan sa kanyang mga pagsubok. Natupad ang mga pangakong ito sa buhay niya.

Gusto kong magsalita ngayon tungkol sa (1) kahalagahan ng pagtupad sa mga tipan at (2) sa kagalakan at proteksyong nagmumula sa pagtupad sa ating mga tipan.

Ang ilang halimbawang gagamitin ko ay nagmula sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society. Ang aklat na ito ay puno ng mga halimbawa ng kababaihang nagalak nang husto sa pagtupad sa mga tipan.

Ang Kahalagahan ng Pagtupad sa mgaTipan

Sinasabi sa Bible Dictionary na ang tipan ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao. “Ang Diyos kung gugustuhin niya ay nagtatakda ng mga kundisyon, na tinatanggap ng tao. … Ang ebanghelyo ay isinaayos para matanggap ang mga alituntunin at ordenansa sa pamamagitan ng tipan na isinasailalim ang tumatanggap sa matinding obligasyon at responsibilidad na tuparin ang ipinangako.”3 Sa mga katagang “tuparin ang mga tipan,” ang ibig sabihin ng tuparin ay “lubusang gawin” ang isang bagay.4

Sa mga banal na kasulatan nakikilala natin ang kalalakihan at kababaihang nakipagtipan sa Diyos. Ipinagbilin ng Diyos ang gagawin para pagpitaganan ang mga tipang iyon, at kapag natupad ang mga tipang iyon, saka sumunod ang mga ipinangakong pagpapala.

Halimbawa, sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag, nakikipagtipan tayo sa ating Ama sa Langit. Inihahanda natin ang ating sarili na mabinyagan sa pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at kahandaang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo. Nangangako tayo na laging sundin ang mga utos ng Diyos at alalahanin ang Tagapagligtas. Nakikipagtipan tayong “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.” Nakikipagtipan tayo na handa tayong makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng pag-aliw.5

Sa mga banal na templo natatanggap ang iba pang mga sagradong ordenansa at ginagawa ang iba pang mga tipan. Noong mga unang araw ng Panunumbalik, sabik si Propetang Joseph Smith na matanggap ng mga Banal ang mga ipinangakong pagpapala ng templo. Sabi ng Panginoon, “Ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan, upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao.”6

“Ang isa sa mga layunin ng Panginoon sa pag-organisa ng Relief Society ay upang ihanda ang Kanyang mga anak na babae para sa mas dakilang mga pagpapala ng priesthood na matatagpuan sa mga ordenansa at tipan ng templo. Inasahan ng mga kababaihan noon sa Nauvoo ang pagtatapos ng templo nang may matinding pananabik, sapagkat alam nila, tulad ng ipinangako ni Propetang Joseph Smith kay Mercy Fielding Thompson, na ang endowment ang maglalabas sa kanila ‘mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na liwanag.’”7

“Dumagsa ang mahigit 5,000 mga Banal sa Nauvoo Temple pagkatapos itong mailaan upang matanggap nila ang endowment at ang ordenansa ng pagbubuklod bago simulan ang kanilang paglalakbay” patungong Salt Lake Valley.8 Ginugol ni Pangulong Brigham Young at maraming pinuno ng Simbahan at temple worker ang kanilang oras, gabi’t araw, sa paglilingkod sa templo upang maisagawa ang mahalagang gawaing ito para sa mga Banal.

Pinalalakas tayo ng ating mga tipan mabuti man o mahirap ang sitwasyon. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer na “tayo ay “pinagtipanang mga tao. Nakipagtipan tayong ibigay ang ating panahon at salapi at talento—ang buo nating pagkatao at lahat ng ating pag-aari—sa kapakanan ng kaharian ng Diyos sa lupa. Sa madaling salita, nakikipagtipan tayong gumawa ng mabuti. Tayo ay pinagtipanang mga tao, at ang templo ang sentro ng ating mga tipan. Ito ang pinagmumulan ng tipan.”9

Ipinaalala sa atin ng mga banal na kasulatan, “At ito ang ating magiging tipan—na tayo ay lalakad sa lahat ng ordenansa ng Panginoon.”10

Dakila ang mga pagpapalang matatanggap natin kapag tinupad natin ang ating mga tipan.

Nagagalak at Napoprotektahan Tayo sa Pagtupad sa Ating mga Tipan

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang sermon ni Haring Benjamin. Nagturo siya sa mga tao tungkol kay Jesucristo, na paparito Siya sa mundo at daranas ng lahat ng uri ng paghihirap. Itinuro niya sa mga tao na si Cristo ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan at sa pamamagitan lamang ng Kanyang pangalan maliligtas ang tao.11

Matapos marinig ang magagandang turong ito, nagpakumbaba at buong pusong naghangad ang mga tao na lumaya sa kasalanan at mapadalisay. Nagsisi sila at nagpahayag ng pananampalataya kay Jesucristo. Nakipagtipan sila sa Diyos na susundin nila ang Kanyang mga utos.12

“Ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo.”13

Ang isa pang halimbawa ng kagalakan na nagmumula sa tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos at pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo sa iba ay ipinakita ni Ammon. Si Ammon at kanyang mga kapatid ay naging kasangkapan sa pagtulong sa libu-libong tao na lumapit kay Cristo. Narito ang ilang salitang ginamit ni Ammon upang ipaliwanag ang kanyang damdamin nang mabinyagan at makipagtipan sa Diyos ang napakaraming tao:

“Kaylaki ng dahilan upang tayo ay magalak.”14

“Ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos.”15

“Hindi ko masasabi ang kaliit-liitang bahagi ng nararamdaman ko.”16

“Kailanma’y walang taong may gayong kalaking dahilan upang magsaya kaysa sa atin.”17

Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, napapasaatin ang Banal na Espiritu. Ito ang Espiritung “magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”18

Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagdulot ng labis na pagdurusa sa maraming tao sa buong mundo. Nagtiis ng maraming pagsubok ang mga Banal sa Germany. Isang tapat na Relief Society president sa Stuttgart, Germany, si Sister Maria Speidel. Nang ikuwento niya ang kanilang mga pagsubok, sinabi niya: “Ang aming tiwala sa Panginoon at aming patotoo sa kanyang Simbahan ang nagpalakas sa amin. … Buong kagalakan naming kakantahin ang mga awitin ng Sion at magtitiwala kami sa Panginoon. Ginawa Niyang maayos ang lahat.”19

Muli, nang tuparin ng mga miyembro ang kanilang mga tipan, nagalak sila sa kabila ng maraming pagsubok.

Si Sarah Rich ay isang mabait na babaeng nakatira sa Nauvoo na tinawag na maglingkod sa templo bago pinaalis sa lungsod ang mga Banal. Ito ang sinabi niya tungkol sa mga pagpapala ng mga tipan sa templo: “Marami kaming natanggap na pagpapala sa bahay ng Panginoon, na nagdulot ng galak at kapanatagan sa amin sa gitna ng lahat ng aming pagdurusa at naging dahilan upang sumampalataya kami sa Diyos, batid na gagabayan at palalakasin Niya kami sa walang-katiyakang paglalakbay na aming kakaharapin.”20

Bago ito, natapos na ng mga Banal ang Kirtland Temple, at maraming dumalo sa paglalaan. Matapos ang paglalaan, tinanggap ng Panginoon ang templo. Sinabi sa kanila ng Panginoon na “labis na [magsaya] bunga ng mga pagpapalang ibubuhos … sa mga ulo ng [Kanyang mga] tao.”21

Sa pagdami ng itinatayong mga banal na templo sa iba’t ibang panig ng mundo, nakita ko ang mga pagpapalang dumarating sa buhay ng mga miyembro. Noong 2008 nasaksihan ko ang galak sa mukha ng isang mag-asawa mula sa Ukraine nang sabihin nila sa akin na nagpunta sila sa Freiberg, Germany, upang tanggapin ang kanilang mga ordenansa sa templo. Ang biyahe ng matatapat na miyembrong ito sa bus papuntang templo ay 27 oras at gayon din katagal pauwi, at hindi sila makapunta roon nang madalas. Natuwa sila nang malapit nang matapos ang Kyiv Ukraine Temple at madadalasan na nila ang pagpunta. Bukas na ngayon ang templong iyon, at libu-libo ang nagtatamasa ng mga pagpapala roon.

Nang basahin ko ang personal na kasaysayan ng lola ko, nalaman ko ang malaking galak niya sa kanyang mga tipan. Gustung-gusto niyang magpunta sa templo at magsagawa ng mga ordenansa para sa libu-libong taong pumanaw. Iyon ang misyon niya sa buhay. Naglingkod siya bilang temple worker nang mahigit 20 taon sa Manti Utah Temple. Isinulat niya na marami siyang naranasang mahimalang paggaling para mapalaki niya ang kanyang mga anak at mapaglingkuran ang iba sa paggawa ng kanilang gawain sa templo. Bilang mga apo niya, kung may alam man kami tungkol kay Lola Rymer, iyon ay na siya ay isang mabuting babaeng tumupad sa kanyang mga tipan at nais niyang gawin din namin iyon. Kapag sinuri ng mga tao ang ating mga pag-aari pagkamatay natin, makakakita ba sila ng katibayan na tinupad natin ang ating mga tipan?

Sabi sa atin ng ating mahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson sa huli nating pangkalahatang kumperensya: “Sa pagpasok natin sa mga banal na bahay ng Diyos, sa pag-alala natin sa mga tipang ginawa natin doon, mas makakaya nating tiisin ang bawat pagsubok at daigin ang bawat tukso. Sa sagradong santuwaryong ito magkakaroon tayo ng kapayapaan; mapapanibago ang ating lakas at titibay.”22

Muli: “Pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.”23 Ang pagtupad sa mga tipan ay tunay na kagalakan at kaligayahan. Ito ay kapanatagan at kapayapaan. Ito ay proteksyon mula sa mga kasamaan ng mundo. Ang pagtupad sa ating mga tipan ay tutulong sa atin sa mga oras ng pagsubok.

Pinatototohanan ko na kapag sumampalataya tayo kay Cristo at tumupad sa ating mga tipan, magagalak tayong tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan at pangako ng ating mga propeta sa mga huling araw.

Mahal kong mga kapatid, mahal ko kayo at sana’y maranasan ninyo ang malaking galak na ito sa sarili ninyong buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.