2010–2019
Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang
Oktubre 2011


2:3

Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang

Magsumamo na magkaroon ng hangaring mapuspos ng kaloob na pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Kamakailan ay bumisita kaming mag-asawa sa lungsod ng Nauvoo, Illinois. Habang naroon, naupo kami sa silid sa itaas ng Red Brick Store, kung saan nagpatakbo ng negosyo si Propetang Joseph Smith. Nakinig kaming mabuti sa tour guide, na inisa-isa ang ilang makasaysayang pangyayari ng Panunumbalik na naganap doon.

Bumaling ang aking isipan sa pagtatatag ng Relief Society at sa ilang turong natanggap ng kababaihan ng Relief Society mula kay Propetang Joseph sa mismong silid na iyon. Ang mga turong iyon ay naging mga batayang alituntuning pinagsaligan ng Relief Society. Ang mga layuning palakasin ang pananampalataya, patatagin ang mga pamilya sa Sion, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan ay inilatag sa simula pa lamang. Noon pa man ay nakaayon na ang mga ito sa mga turo ng ating mga propeta.

Sa isa sa mga pulong noon, bumanggit si Propetang Joseph mula sa mga sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto. Sa nakaaantig niyang pagtalakay tungkol sa pag-ibig sa kapwa, tinukoy ni Pablo ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa, at nagtapos sa, “Nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.”1

Inilarawan niya ang mga katangiang nakapaloob sa pag-ibig sa kapwa. Sabi niya:

“Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.

“… Hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;

“Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;

“Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.

“Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailan man.”2

Nang magsalita sa kababaihan, sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Pahalagahan ninyo ang kabutihang ginawa ng inyong kapwa. … Kung gagawin ninyo ang ginawa ni Jesus, dapat ninyong pag-ibayuhin ang inyong pagmamahal sa iba. … Habang nadaragdagan ang inyong kadalisayan at kabaitan, habang nadaragdagan ang inyong kabutihan, hayaang lalong magmahal ang inyong puso—dagdagan ang inyong pagmamahal at pagkahabag sa iba—kailangan pa ninyong magtiis at magpasensya sa mga pagkukulang at pagkakamali ng sangkatauhan. Napakahalaga ng kaluluwa ng mga tao!”3

Ang pahayag sa banal na kasulatan na “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” ay naging motto ng Relief Society dahil tinatanggap nito ang mga turong ito at ang utos na ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan ng Relief Society na “magbigay-ginhawa sa mga dukha” at “magligtas ng mga kaluluwa.”4

Tinanggap ng kababaihan ng Relief Society sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga batayang alituntuning ito, dahil iyan ang likas na gawain ng Relief Society.

Ano ang pag-ibig sa kapwa? Paano tayo magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa?

Ipinaliwanag ni Propetang Mormon na ang pag-ibig sa kapwa ay “dalisay na pag-ibig ni Cristo,”5 at itinuro naman ni Pablo na ang “pagibig … [ay] tali ng kasakdalan,”6 at ipinaalala sa atin ni Nephi na “ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang kautusan na dapat magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal.”7

Sa pagrerepaso sa naunang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa, nalaman natin na ang pag-ibig sa kapwa ay hindi iisang gawain lamang o isang bagay na ipinamimigay natin, kundi isang pagkatao, isang damdamin ng puso, mga kabaitang pinagmumulan ng pagmamahal.

Itinuro din ni Mormon na ang pag-ibig sa kapwa ay ipinagkakaloob sa mga tunay na disipulo ng Panginoon at dinadalisay ng pag-ibig na iyan ang nagtataglay nito.8 Bukod pa rito, nalaman natin na ang pag-ibig sa kapwa ay isang banal na kaloob na dapat nating hangarin at ipagdasal na matamo. Kailangan nating ibigin ang ating kapwa upang manahin ang kahariang selestiyal.9

Nauunawaan na inutusan tayo ng Panginoon na “damitan ang [ating] sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao,”10 dapat nating alamin ang mga katangiang tutulong sa atin upang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa.

Dapat muna nating hangaring pag-ibayuhin ang ating pag-ibig sa kapwa at maging higit na katulad ni Cristo.

Ang susunod ay manalangin. Ipinayo sa atin ni Mormon na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig.” Ang makadiyos na pagmamahal na ito ay pag-ibig sa kapwa, at kapag tayo ay napuspos ng ganitong pag-ibig, “tayo ay magiging katulad Niya.”11

Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw ay itutuon ang ating isipan sa Tagapagligtas at sa hangaring maging higit na katulad Niya.

Sa aking opisina, ipinasiya kong magsabit ng isang larawang ipininta ni Minerva Teichert na pinamagatang Rescue of the Lost Lamb. Makikita rito na nakatayo ang Tagapagligtas sa gitna ng Kanyang mga tupa at magiliw na karga ang isang munting tupa. Nakatulong ito sa akin na pag-isipan ko ang Kanyang kahilingang: “Alagaan mo ang aking mga tupa,”12 na para sa akin ay nangangahulugang paglingkuran ang lahat ng nakapaligid sa inyo at pagtuunan ng pansin ang mga nangangailangan.

Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano ibigin ang kapwa. Sa Kanyang mortal na ministeryo kinahabagan Niya ang mga nagugutom, makasalanan, nagdurusa, at may sakit. Naglingkod Siya sa maralita at mayayaman; sa mga babae, bata, at lalaki; sa pamilya, mga kaibigan, at estranghero. Pinatawad Niya ang mga nagparatang sa kanya, at nagdusa Siya at namatay para sa buong sangkatauhan.

Sa buong buhay niya nagpakita rin ng pag-ibig sa kapwa si Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang sa iba. Kilalang-kilala siya sa kanyang kabaitan, pagmamahal, habag, at malasakit sa mga nakapaligid sa kanya.

Ngayon, mapalad tayong magkaroon ng isang propetang huwaran ng pag-ibig sa kapwa. Si Pangulong Thomas S. Monson ay isang halimbawa sa atin at sa buong mundo. Siya ay may pag-ibig sa kapwa. Siya ay mabait, mahabagin, at mapagbigay; isang tunay na lingkod ng Panginoong Jesucristo.

Itinuro ni Pangulong Monson: “Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin. Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugsong [husgahan] ang iba.”13

Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa, tayo ay handang maglingkod at tumulong sa iba kahit hindi madali para sa atin at hindi naghihintay ng pagkilala o kapalit. Hindi natin hinihintay na atasang tumulong tayo, dahil likas na ito sa atin. Kapag pinili nating maging mabait, mapagmalasakit, mapagbigay, mapagpasensya, maunawain, mapagpatawad, makaibigan, at hindi makasarili, natutuklasan natin na puno tayo ng pag-ibig sa kapwa.

Napakaraming paraan ng Relief Society para makapaglingkod sa iba. Ang isa sa pinakamahahalagang paraan para maipakita ang pag-ibig sa kapwa ay sa visiting teaching. Sa epektibong visiting teaching marami tayong pagkakataong magmahal, maglingkod, at magsilbi sa iba. Ang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa, o pagmamahal, ay nagpapadalisay at nagpapabanal sa ating kaluluwa, tinutulungan tayong maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Namamangha akong masaksihan ang di-mabilang na pagkakawanggawa ng mga visiting teacher araw-araw sa iba’t ibang panig ng mundo na tumutugon sa mga pangangailangan ng bawat miyembrong babae at ng kanilang mga pamilya sa di-makasariling paraan. Sa matatapat na visiting teacher na ito, sinasabi ko, “Sa pamamagitan ng maliliit na pagkakawanggawang iyon, sinusunod ninyo ang Tagapagligtas at nagiging kasangkapan kayo sa Kanyang mga kamay kapag kayo ay tumutulong, nangangalaga, nagpapasigla, nagbibigay-ginhawa, nakikinig, naghihikayat, nagtuturo, at nagpapalakas sa kababaihang nasa inyong pangangalaga.” Magbabahagi ako ng ilang maiikling halimbawa ng ganitong paglilingkod.

Si Rosa ay may malubhang diabetes at iba pang karamdaman. Sumapi siya sa Simbahan ilang taon na ang nakararaan. Siya ay nag-iisang magulang na may binatilyong anak. May mga panahon na madalas siyang maospital nang ilang araw. Hindi lamang siya dinadala sa ospital ng kanyang mababait na visiting teacher, kundi binibisita at pinapanatag din siya ng mga ito sa ospital habang binabantayan din ang kanyang anak sa bahay at paaralan. Ang kanyang mga visiting teacher ang nagsisilbing mga kaibigan at pamilya niya.

Matapos ang ilang pagbisita sa miyembrong ito, nalaman ni Kathy na hindi ito marunong magbasa ngunit gustong matuto. Nag-alok ng tulong si Kathy kahit alam niyang maraming oras, tiyaga, at sigasig ang kailangan.

Si Emily ay isang bata pang maybahay na naghahanap ng katotohanan. Ang kanyang asawang si Michael ay di-gaanong interesado sa relihiyon. Nang magkasakit at maospital nang matagal si Emily, si Cali, ang Relief Society sister at kapitbahay rin niya, ang nagdala ng pagkain sa pamilya, nagbantay sa kanilang anak, naglinis ng bahay, at humiling sa lider ng priesthood na basbasan si Emily. Ang pagkakawanggawang ito ay nagpalambot sa puso ni Michael. Nagpasiya siyang dumalo sa mga pulong ng Simbahan at magpaturo sa mga misyonero. Nabinyagan kamakailan sina Emily at Michael.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. … Ang pagibig ay … magandang-loob, … hindi hinahanap ang kaniyang sarili, … lahat ay binabata, … lahat ay tinitiis.”14

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring:

“Ang kasaysayan ng Relief Society ay puno ng mga kuwento ng gayong pambihirang di-makasariling paglilingkod. …

“Ang samahang ito ay binubuo ng kababaihang ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pusong nagbago dahil sa pagiging karapat-dapat at pagsunod sa mga tipan na tanging sa tunay na Simbahan ng Panginoon lamang makikita. Ang kanilang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang kanilang pagkakawanggawa ay ginagabayan ng Kanyang halimbawa—at bunga ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hangganang kaloob na awa—at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na isinusugo Niya para samahan ang Kanyang mga lingkod sa kanilang [mapagkalingang misyon]. Dahil diyan, nakagawa na sila at nakakagawa sila ng mga pambihirang bagay para sa iba at nagagalak kahit malaki ang sarili nilang mga pangangailangang hindi natutugunan.”15

Ang paglilingkod at pagkakawanggawa sa iba ay nakatutulong sa atin na makayanan ang sarili nating mga paghihirap at mapagaan ang mga ito.

Babalikan ko ngayon ang mga turo ni Propetang Joseph sa kababaihan noong mga unang araw ng Panunumbalik. Habang hinihikayat ang pagkakawanggawa at kabaitan, sinabi niya: “Kung ipamumuhay ninyo ang mga alituntuning ito, napakadakila at napakaluwalhati ng magiging gantimpala ninyo sa kahariang selestiyal! Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.”16

Gaya noong mga unang araw sa Nauvoo, kung saan naghanap at tumulong ang kababaihan sa mga nangangailangan, ganito rin ngayon. Ang kababaihan sa kaharian ay matitibay na haligi ng espirituwal na lakas, mahabaging paglilingkod, at katapatan. Binibisita at pinangangalagaan ng matatapat na visiting teacher ang isa’t isa. Sinusunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas at ginagawa ang Kanyang ginawa.

Mapupuspos ng pagmamahal ang lahat ng kababaihan sa Relief Society, batid na ang kanilang mumunting pagkakawanggawa ay nagpapagaling sa iba at sa kanilang sarili. Nalalaman nila nang may katiyakan na ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo at hindi kailanman magkukulang.

Kapag binasa ninyo ang kasaysayan ng Relief Society, mahihikayat kayong malaman na ang mahalagang alituntuning ito ng ebanghelyo ang pinakatema ng buong aklat.

Magtatapos ako sa pag-anyaya sa lahat ng kababaihan sa Simbahan na magsumamo na magkaroon ng hangaring mapuspos ng kaloob na pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Gamitin ang lahat ng mayroon kayo sa paggawa ng mabuti, at tulungan at iligtas ang mga nakapaligid sa inyo, kabilang na ang sarili ninyong pamilya. Pagtatagumpayin kayo ng Panginoon sa inyong mga pagsisikap.

Nawa’y mahikayat tayo ng ating kaalaman tungkol sa dakilang pag-ibig ng Ama at ng Anak para sa atin, at ng ating pananampalataya at pasasalamat sa Pagbabayad-sala, na taglayin at ipadama ang pag-ibig na ito sa lahat ng nakapaligid sa atin. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. I Mga Taga Corinto 13:13.

  2. I Mga Taga Corinto 13:4–8.

  3. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 28.

  4. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 17.

  5. Moroni 7:47.

  6. Mga Taga Colosas 3:14.

  7. 2 Nephi 26:30.

  8. Tingnan sa Moroni 7:48.

  9. Tingnan sa Eter 12:34; Moroni 10:21.

  10. Doktrina at mga Tipan 88:125.

  11. Moroni 7:48.

  12. Tingnan sa Juan 21:16–17.

  13. Thomas S. Monson, “Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” Liahona, Nob. 2010, 124.

  14. I Mga Taga Corinto 13:4, 5, 7, 8.

  15. Henry B. Eyring, “Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2009, 121.

  16. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 532.