2010–2019
Pagtulong sa Paraan ng Panginoon
Oktubre 2011


2:3

Pagtulong sa Paraan ng Panginoon

Ang mga tuntunin sa pagkakawanggawa ng Simbahan ay hindi lang magagandang ideya; ang mga ito ay inihayag na katotohanan mula sa Diyos—ang mga ito ang Kanyang paraan sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Animnapu’t limang taon na ang nakararaan, noong katatapos pa lang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naranasan ko mismo ang mabiyayaan ng welfare program o programang pangkawanggawa ng Simbahan. Kahit bata pa lang ako noon, naaalala ko pa rin ang masarap na lasa ng nakalatang peaches na may kasamang lugaw at ang mabangong amoy ng damit na ibinigay sa mga miyembrong Aleman ng nagmamalasakit na mga miyembro mula sa Estados Unidos. Hindi ko kailanman malilimutan at palagi kong pahahalagahan ang mga gawang ito na bunga ng pagmamahal at kabutihan para sa amin na labis na mga nangangailangan.

Ang karanasan kong ito at ang ika-75 anibersaryo ng napakagandang planong pangkawanggawa ang dahilan ng pagninilay kong muli sa mga pangunahing tuntunin ng pagkalinga sa mahihirap at nangangailangan, pag-asa sa sarili, at paglilingkod sa ating kapwa.

Sa Pinagmulan ng Ating Pananampalataya

Kung minsan itinuturing natin ang pagkakawanggawa na isang paksa lang sa ebanghelyo—isa sa maraming aspeto ng ebanghelyo. Ngunit naniniwala ako na sa plano ng Panginoon, ang ating pagtupad sa mga tuntunin ng pagkakawanggawa ay dapat magsimula sa ating pananampalataya at katapatan sa Kanya.

Sa simula pa lang, binigyang-diin ng ating Ama sa Langit ang paksang ito: mula sa mga pagsamo na, “Kung mahal ninyo ako … inyong alalahanin ang mga maralita, at maglaan ng inyong mga ari-arian para sa kanilang panustos”;1 hanggang sa utos na, “Alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap, sapagka’t siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo”;2 at ang mariin at mahigpit na babala na, “Kung sinuman ang kukuha sa kasaganaan na aking ginawa, at hindi nagkakaloob ng kanyang bahagi, alinsunod sa batas ng aking ebanghelyo, sa mga maralita at nangangailangan, siya, kasama ng masasama, ay magtataas ng kanyang mga mata sa impiyerno, dahil sa paghihirap.”3

Ang Temporal at Espirituwal ay Hindi Mapaghihiwalay

Ang dalawang dakilang kautusan—ang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa—ay magkahalong temporal at espirituwal. Mahalagang pansinin na ang dalawang utos na ito ay tinawag na “dakila” dahil ang buong kautusan ay nauuwi sa mga ito.4 Sa madaling salita, ang ating mga prayoridad sa sarili, pamilya, at Simbahan ay dapat magsimula rito. Ang iba pang mga mithiin at gawain ay kailangang magmula sa dalawang dakilang utos na ito—pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa.

Tulad ng dalawang mukha ng isang barya, ang temporal at espirituwal ay hindi mapaghihiwalay.

Ang Tagapagbigay ng buhay ay nagpahayag, “Ang lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal.”5 Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay “ang buhay na espirituwal, una sa lahat, ay pagpapamuhay. Hindi lang ito isang bagay na aalamin at pag-aaralan, kundi ipamumuhay.”6

Nakalulungkot na may mga taong binabalewala ang “temporal” dahil iniisip nila na hindi ito gaanong mahalaga. Nakatuon sila sa espirituwal at hindi halos pansin ang temporal. Bagaman mahalagang ituon ang ating mga isipan sa makalangit na bagay, hindi natin naipamumuhay ang diwa ng relihiyon kung hindi tayo kusang maglilingkod sa kapwa.

Isang halimbawa niyan ang pagtatatag ni Enoc ng Sion gamit ang espirituwal na pamamaraan sa pagbuo ng lipunang may isang puso at isang isipan at sa temporal na gawain upang matiyak na “walang maralita sa kanila.”7

Tulad ng dati, maaari nating tularan ang ating perpektong halimbawa, si Jesucristo. Itinuro ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. na, “Nang pumarito ang Tagapagligtas sa lupa, may dalawa siyang dakilang misyon; una ay upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang Mesiyas, magbayad-sala para sa pagkahulog, at isakatuparan ang batas; ang ikalawa ay upang ibsan ang mga pagdurusa ng kanyang mga kapatid sa lupa.”8

Sa gayunding paraan, ang ating espirituwal na pag-unlad ay hindi maihihiwalay sa temporal na paglilingkod natin sa iba.

Isinasakatuparan ng isa ang isa. Taliwas sa plano ng kaligayahan ng Diyos ang mawala ang isa sa mga ito.

Ang Paraan ng Panginoon

Napakaraming mabubuting tao at organisasyon sa mundo ang nagsisikap na tugunan ang mahalagang pangangailangan ng mga maralita at nangangailangan saan man. Pinasasalamatan natin ito, ngunit ang paraan ng Panginoon sa pagkalinga sa mga nangangailangan ay iba sa paraan ng mundo. Sinabi ng Panginoon, “Ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan.”9 Hindi lang Siya interesado sa ating mga agarang pangangailangan; nag-aalala din Siya sa ating walang-hanggang pag-unlad. Dahil dito, laging kabilang sa paraan ng Panginoon ang pag-asa sa sarili at paglilingkod sa ating kapwa bukod sa pagkalinga sa mga maralita.

Noong 1941 umapaw ang Gila River at binaha ang Duncan Valley sa Arizona. Isang bata pang stake president na nagngangalang Spencer W. Kimball ang nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo, inalam ang pinsala, at nagpadala ng telegrama sa Salt Lake City para humingi ng malaking halaga ng pera.

Sa halip na magpadala ng pera, nagpadala si Pangulong Heber J. Grant ng tatlong kalalakihan: sina Henry D. Moyle, Marion G. Romney, at Harold B. Lee. Kinausap nila si Pangulong Kimball at itinuro sa kanya ang isang mahalagang aral: “Hindi ito programa na ‘bigyan mo ako,’” sabi nila. “Ito ay programa ng ‘sariling-sikap.’”

Pagkaraan ng maraming taon, sinabi ni Pangulong Kimball na: “Kung tutuusin, mas madaling gawin para sa mga Kapatid na magpadala na lang [ng pera] at madali rin para sa amin na umupo na lang sa aking opisina at ipamigay ito; ngunit kayraming magandang nangyari sa amin nang daan-daang miyembrong tagaroon ang pumunta sa Duncan at gumawa ng mga bakod, nagkarga ng dayami, nagpatag ng lupa at ginawa ang lahat ng kailangang gawin. Iyan ang sariling-sikap.”10

Sa pagsunod sa paraan ng Panginoon, hindi lang natugunan ang agarang pangangailangan ng mga miyembro sa stake ni Pangulong Kimball, kundi natuto rin silang tumayo sa kanilang sariling mga paa, nakapawi ng pagdurusa, at higit na nagmahalan at nagkaisa sa kanilang paglilingkod sa isa’t isa.

Tayong Lahat ay Kabilang

Sa mismong sandaling ito napakaraming nagdurusang mga miyembro ng Simbahan. Sila ay nagugutom, kapos sa pera, at dumaranas ng lahat ng uri ng pisikal, emosyonal, at espirituwal na problema. Sila ay nananalangin nang buong lakas ng kanilang kaluluwa para matulungan.

Mga kapatid, huwag sana nating isiping responsibilidad ito ng iba. Ito ay responsibilidad ko, at ninyo. Tayong lahat ay kabilang. Ang ibig sabihin ng “lahat” ay lahat—bawat maytaglay ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, mayaman at mahirap, sa bawat bansa. Sa plano ng Panginoon, may maitutulong ang bawat isa.11

Ang aral na natututuhan natin sa paglipas ng mga henerasyon ay na ang mayaman at mahirap ay pare-parehong lahat na may sagradong obligasyon na tulungan ang kanilang kapwa. Kailangang magtulung-tulong tayong lahat upang matagumpay na maisagawa ang mga tuntunin ng pagkakawangagawa at pag-asa sa sarili.

Kadalasan kapag tinitingnan natin ang pangangailangan sa ating paligid ay umaasa tayo na may biglang darating buhat sa malayo na tutugon sa mga pangangailangang iyon. Marahil naghihintay tayo ng mga taong eksperto sa paglutas ng iba’t ibang problema. Kapag ginagawa natin ito, ipinagkakait natin sa ating kapwa ang maibibigay nating paglilingkod, at pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong makapaglingkod. Bagaman walang mali sa mga eksperto, aminin natin ito: kahit kailan hindi sasapat ang bilang nila para malutas ang lahat ng problema. Kaya nga inilapit ng Panginoon ang Kanyang Priesthood at ang organisasyon nito sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan naroon ang Simbahan. At kasama niyan, inilagay din Niya ang Relief Society. Tulad ng alam nating mga maytaglay ng priesthood, walang magtatagumpay na pagkakawanggawa kung hindi magagamit ang mga kahanga-hangang kaloob at talento ng kababaihan ng Simbahan.

Ang paraan ng Panginoon ay hindi pag-upo sa tabing-ilog at paghihintay na mawala ang tubig bago tayo tumawid. Ito ay pagtutulungan, paghahanda, pagtatrabaho, at paggawa ng tulay o bangka para matawid ang ilog ng mga pagsubok. Kayong mga kabataan ng Sion, kayong mga maytaglay ng priesthood, ang mangunguna at makatutulong sa mga miyembro sa pamamagitan ng paggawa ng mga tuntunin ng programang pangkawanggawa! Tungkulin ninyong buksan ang inyong mga mata, gamitin ang inyong priesthood, at kumilos sa paraan ng Panginoon.

Ang Pinakadakilang Organisasyon sa Mundo

Noong panahon ng Great Depression, si Harold B. Lee na naglilingkod noon bilang stake president ay inatasan ng mga Kapatid sa Simbahan na humanap ng sagot sa matinding kahirapan, pagdurusa, at pagkagutom na laganap noon sa mundo. Nahirapan siya sa paghanap ng solusyon sa suliraning ito at dumulog sa Panginoon at nagtanong, “Ano pong organisasyon ang kailangan namin …, para magawa ito?”

At “parang ito ang sinabi [sa kanya] ng Panginoon: ‘Anak. Hindi mo kailangan ang iba pang organisasyon. Ibinigay ko sa inyo ang pinakadakilang organisasyon sa ibabaw ng mundo. Wala nang hihigit pa sa organisasyon ng priesthood. Ang dapat mo lang gawin ay pakilusin ang priesthood. Iyon lang.’”12

Sa ganyang paraan din tayo nagsisimula ngayon. Naitatag na natin ang organisasyon ng Panginoon. Ang hamon sa atin ay kung paano ito gagamitin.

Ang unang dapat gawin ay alaming mabuti ang naihayag na ng Panginoon. Huwag nating ipalagay na alam na natin. Kailangan nating pag-aralan ang bagay na ito nang may pagpapakumbabang tulad ng isang bata. Dapat matutuhang muli ng bawat henerasyon ang mga doktrinang pinagbabatayan ng paraan ng Panginoon sa pagkalinga sa mga nangangailangan. Tulad nang itinuro sa atin ng mga propeta sa paglipas ng mga taon, ang mga tuntuning pangkawanggawa ng Simbahan ay hindi lang magagandang ideya; ang mga ito ay inihayag na katotohanan mula sa Diyos—ang mga ito ang Kanyang paraan sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Mga kapatid, pag-aralan muna ninyo ang mga inihayag na alituntunin at doktrina. Basahin ang mga hanbuk tungkol sa pagkakawanggawa ng Simbahan;13 samantalahin ang Internet website na providentliving.org; basahing muli ang artikulo sa Hunyo 2011 ng Liahona tungkol sa planong pangkawanggawa ng Simbahan. Alamin ang paraan ng Panginoon sa pagtulong sa Kanyang mga Banal. Alamin kung paano nagkakaugnay ang mga tuntunin sa pagkalinga sa nangangailangan, paglilingkod sa kapwa, at pag-asa sa sarili. Sa balanseng paraan, ang paraan ng Panginoon sa pag-asa sa sariling kakayahan ay kinapapalooban ng maraming aspeto ng buhay, gaya ng edukasyon, kalusugan, trabaho, pananalapi ng pamilya, at espirituwal na kalakasan. Alamin ninyong mabuti ang makabagong programang pangkawanggawa ng Simbahan.14

Sa sandaling mapag-aralan ninyo ang mga doktrina at tuntunin ng pagkakawanggawa ng Simbahan, hangaring iakma ang natutuhan ninyo sa pangangailangan ng mga taong nasa ilalim ng inyong pangangasiwa. Ibig sabihin, sa maraming pagkakataon, kayo mismo ang kailangang umalam sa mga pangangailangang ito. Ang bawat pamilya, bawat kongregasyon, at bawat lugar sa mundo ay magkakaiba. Walang iisang sagot na akma sa lahat sa gawaing pangkawanggawa ng Simbahan. Ito ay ‘sariling-sikap’ na programa kung saan responsibilidad ng bawat isa na umasa sa sarili niyang kakayahan. Kabilang sa ating mga mapagkukunan ng tulong ang personal na panalangin, mga talento at kakayahang bigay sa atin ng Diyos, mga ari-arian natin at ng ating mga kamag-anak, mga tulong galing sa komunidad, at gayundin ang suporta ng mga korum ng priesthood at ng Relief Society. Ito ang aakay sa atin sa inspiradong huwaran ng pag-asa sa sariling kakayahan.

Kailangang gumawa kayo ng plano na nakabatay sa doktrina ng Panginoon at akma sa mga kalagayan sa lugar na inyong nasasakupan. Upang maipatupad ang mga espirituwal na tuntuning pangkawanggawa, hindi kayo kailangang palaging sumasangguni sa Salt Lake City. Sa halip ay sumangguni kayo sa mga hanbuk, sa inyong puso, at sa langit. Magtiwala sa inspirasyon ng Panginoon at tularan ang Kanyang pamamaraan.

Sa huli kailangang gawin ninyo sa inyong lugar ang ginagawa ng mga disipulo ni Cristo sa bawat dispensasyon: payuhan ang isa’t isa, gamitin ang lahat ng makukuhang tulong, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo, hingin ang pagsang-ayon ng Panginoon, at ihanda ang sarili at kumilos o magtrabaho.

Ipinapangako ko sa inyo na kung tutularan ninyo ang paraang ito, kayo ay makatatanggap ng gabay o patnubay sa kung sino ang tutulungan, ano ang itutulong, kailan, at saan tutulong sa paraan ng Panginoon.

Ang Pagpapala ng Pagtulong sa Paraan ng Panginoon

Ang mga nakikinitang pangako at pagpapala ng pagkakawanggawa ng Simbahan, ng pagtulong sa paraan ng Panginoon, ay ilan sa mga kahanga-hanga at pinakamagagandang bagay na ipinagkaloob ng Panginoon sa Kanyang mga anak. Sabi Niya, “At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat: at papatnubayan ka ng Panginoon na palagi.”15

Mahirap man tayo o mayaman, saanman tayo nakatira, kailangan natin ang bawat isa, dahil sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng ating panahon, talino, at ari-arian tayo ay bumubuti at nadadalisay.

Ang pagtulong sa paraan ng Panginoon ay hindi lang isa sa mga nakalistang programa ng Simbahan. Hindi ito dapat kaligtaan o isantabi. Ito ay mahalaga sa ating doktrina; ito ang diwa ng ating relihiyon. Mga kapatid, malaki at espesyal na pribilehiyo natin bilang mga maytaglay ng priesthood na pakilusin ang priesthood. Dapat nating isapuso at isaisip na lalo pang umasa sa sarili nating kakayahan, kalingain ang mga nangangailangan, at maglingkod nang may habag.

Ang temporal ay kakabit ng espirituwal. Ibinigay sa atin ng Diyos ang karanasan at pagsubok na ito sa mundo upang sa pamamagitan nito ay maaari tayong maging mga nilalang na ninanais ng Ama sa Langit. Nawa’y maunawaan natin ang dakilang tungkulin at pagpapalang ito na dulot ng pagsunod at pagtulong sa paraan ng Panginoon ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Doktrina at mga Tipan 42:29, 30.

  2. Doktrina at mga Tipan 52:40.

  3. Doktrina at mga Tipan 104:18.

  4. Tingnan sa Mateo 22:36–40.

  5. Doktrina at mga Tipan 29:34.

  6. Thomas Merton, Thoughts in Solitude (1956), 46.

  7. Moises 7:18.

  8. J. Reuben Clark Jr., sa Conference Report, Abr. 1937, 22.

  9. Doktrina at mga Tipan 104:16; tingnan din sa talata 15.

  10. Spencer W. Kimball, sa Conference Report, Abr. 1974, 183, 184.

  11. Tingnan sa Mosias 4:26; 18:27.

  12. Harold B. Lee, transcript ng welfare agricultural meeting, Okt. 3, 1970, 20.

  13. Tingnan sa Handbook 1: Stake Presidents and Bishops (2010), kabanata 5, “Administering Church Welfare”; Handbook 2: Administering the Church (2010), kabanata 6, “Welfare Principles and Leadership”; Pagtulong sa Paraan ng Panginoon: Buod ng Gabay ng Lider sa Gawaing Pagkakawanggawa (polyeto, 2009).

  14. Ang aklat ni Elder Glen L. Rudd na Pure Religion: The Story of Church Welfare since 1930 (1995), na mabibili sa Church Distribution Services, ay magandang gamitin sa pag-aaral ng mga doktrina at kasaysayan ng programa ng Panginoon sa pagkakawanggawa.

  15. Isaias 58:10–11; tingnan din sa mga talata 7–9.