Isang Saksi
Ang Aklat ni Mormon ang pinakamagandang gabay para malaman kung gaano kahusay natin ito nagagawa at paano pa natin ito mas mapagbubuti.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na magsalita sa inyo ngayong Sabbath sa pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bawat miyembro ng Simbahan ay may iisang sagradong tungkulin. Tinanggap natin ito at nangako tayong tutuparin ito nang binyagan tayo. Nalaman natin sa mga salita ni Alma, ang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, ang ipinangako natin sa Diyos na ating gagawin: “Nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”1
Iyan ay isang sagradong tungkulin at isang maluwalhating pangako mula sa Diyos. Nakahihikayat ang mensahe ko ngayon. Tulad ng paglilinaw ng Aklat ni Mormon sa tungkulin natin, itinuturo din tayo nito sa landas patungo sa buhay na walang hanggan.
Una, nangako tayong ibigin ang ating kapwa. Ikalawa, nangako tayong maging saksi ng Diyos. At ikatlo, nangako tayong magtiis. Ang Aklat ni Mormon ang pinakamagandang gabay para malaman kung gaano kahusay natin ito nagagawa at paano pa natin ito mas mapagbubuti.
Magsimula tayo sa pag-ibig sa kapwa. Ipapaalala ko sa inyo ang mga nangyari kamakailan. Marami sa inyo ang nakibahagi sa isang araw ng paglilingkod. Libu-libo nito ang inorganisa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isang kapulungan ng kapwa ninyo mga Banal ang nanalangin upang malaman kung anong paglilingkod ang paplanuhin. Hiniling nila sa Diyos na malaman kung sino ang dapat paglingkuran, anong paglilingkod ang gagawin, at sino ang aanyayahang makibahagi. Baka nga ipinagdasal pa nila na huwag sanang malimutan ang mga pala o inumin. Higit sa lahat, nanalangin sila na madama ng lahat ng naglingkod at tumanggap nito ang pag-ibig ng Diyos.
Alam ko na sinagot ang mga dalanging iyon sa kahit isang ward. Mahigit 120 miyembro ang nagboluntaryong tumulong. Sa loob ng tatlong oras nalinis nila ang bakuran ng isang simbahan sa aming komunidad. Mahirap at masayang gawin iyon. Nagpasalamat ang mga pastor ng simbahan. Nadama ng lahat ng nagtulungan sa araw na iyon ang pagkakaisa at higit na pagmamahal. Sinabi pa ng ilan na nagalak silang magbunot ng mga damo at magputol ng mga halaman.
Tinulungan sila ng mga salita sa Aklat ni Mormon na malaman kung bakit sila nagalak. Si Haring Benjamin ang nagsabi sa kanyang mga tao, “Malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod … ng inyong Diyos.”2 At si Mormon ang nagturo sa Aklat ni Mormon na, “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.”3
Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangako sa inyo kapag tinutupad ninyo ang inyong pangako sa Kanya. Kapag naglingkod kayo sa iba para sa Kanya, madarama ninyo ang Kanyang pag-ibig. At darating ang panahon, magiging bahagi na ng inyong pagkatao ang pag-ibig sa kapwa. At matatanggap ninyo ang pagtiyak ni Mormon sa inyong puso na kapag patuloy kayong naglingkod sa iba sa buhay na ito, makabubuti iyon sa inyo.
Tulad ng pangako ninyo sa Diyos na iibigin ninyo ang inyong kapwa, nangako kayong maging Kanyang saksi saanman kayo naroon habang kayo ay nabubuhay. Muli, ang Aklat ni Mormon ang pinakamagandang gabay na alam ko na tutulong sa atin na tuparin ang pangakong iyan.
Minsan ay inanyayahan akong magsalita sa graduation sa isang unibersidad. Gusto sanang anyayahan ng pangulo ng unibersidad si Pangulong Gordon B. Hinckley pero hindi siya makadadalo. Kaya ako na lang ang inimbita. Junior member ako noon ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Nag-alala ang taong nag-anyaya sa aking magsalita nang malaman pa niya ang mga obligasyon ko bilang Apostol. Tinawagan niya ako sa telepono at sinabing naunawaan na niya na ang tungkulin ko ay maging saksi ni Jesucristo.
Mariin niyang sinabi sa akin na hindi ko magagawa iyon kapag nagsalita ako roon. Ipinaliwanag niya na nirerespeto ng unibersidad ang lahat ng relihiyon, pati na yaong mga hindi naniniwala na mayroong Diyos. Inulit niya, “Hindi ninyo magagampanan dito ang tungkulin ninyo.”
Ibinaba ko ang telepono na may mga tanong sa aking isipan. Sasabihin ko ba sa unibersidad na hindi ko matutupad ang pangako kong magsalita? Dalawang linggo na lang at magaganap na ito. Naipaalam na roon na darating ako. Kung hindi ko tutuparin ang pangako ko, ano ang magiging epekto nito sa magandang pangalan ng Simbahan?
Nanalangin ako upang malaman ko ang gustong ipagawa ng Diyos sa akin. Dumating sa akin ang sagot sa nakamamanghang paraan. Natanto ko na angkop sa pagkatao ko ang mga halimbawa nina Nephi, Abinadi, Alma, Amulek, at mga anak ni Mosias. Sila ay matatapang na saksi ni Jesucristo sa harap ng panganib.
Kaya ang pagpapasiyahan ko na lang ay kung paano maghanda. Nagsaliksik ako para malaman ang lahat tungkol sa unibersidad. Habang nalalapit ang araw ng pagsasalita, lalo akong kinakabahan at tumitindi ang pagdarasal ko.
Himalang nakakita ako ng isang balita sa pahayagan. Naparangalan ang unibersidad sa paggawa ng natutuhang gawin ng Simbahan sa pagtulong natin sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya nga sa mensahe ko ay inilarawan ko ang nagawa natin at nila sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. Sinabi ko na alam kong si Jesucristo ang pinagmumulan ng mga pagpapalang dumating sa buhay ng mga pinaglingkuran natin at nila.
Pagkatapos ng pulong nagtayuan ang mga tao at nagpalakpakan, na medyo hindi pangkaraniwan sa akin. Namangha ako pero medyo kabado pa rin. Naalala ko ang nangyari kay Abinadi. Si Alma lang ang naniwala sa kanyang patotoo. Pero nang gabing iyon, sa isang malaking pormal na hapunan, narinig kong sinabi ng pangulo ng unibersidad na narinig niya ang mga salita ng Diyos sa mensahe ko.
Ngayon, bihira ang gayong mahimalang pagsasalita sa karanasan ko bilang saksi ni Cristo. Ngunit talagang may epekto ang Aklat ni Mormon sa inyong pagkatao, lakas, at katapangang maging saksi ng Diyos. Ang doktrina at magigiting na halimbawa sa aklat na iyon ay magpapasigla, gagabay, at magpapalakas ng inyong loob.
Bawat misyonerong nagpapahayag ng pangalan at ebanghelyo ni Jesucristo ay pagpapalain sa araw-araw na pagpapakabusog sa Aklat ni Mormon. Ang mga magulang na nahihirapang ipasapuso sa isang anak ang patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay matutulungan kapag naghanap sila ng paraang maihatid ang mga salita at diwa ng Aklat ni Mormon sa tahanan at buhay ng kanilang pamilya. Napatunayan na namin iyan.
Nakikita kong nangyayari ang himalang iyan tuwing sacrament meeting at sa klaseng dinadaluhan ko sa Simbahan. Ang mga tagapagsalita at guro ay nagpapakita ng pagmamahal at hustong pag-unawa sa mga banal na kasulatan, lalo na sa Aklat ni Mormon. At ang sariling patotoo ay malinaw na nagmumula sa kaibuturan ng kanilang puso. Nagtuturo sila nang may ibayong pananalig at nagpapatotoo nang may kapangyarihan.
Nakikita ko rin ang katibayan na mas napagbubuti natin ang ikatlong bahagi ng pangakong ginawa natin sa binyag. Nakipagtipan tayong magtiis, na sundin ang mga utos ng Diyos habambuhay.
Binisita ko sa kanyang silid sa ospital ang isang matagal nang kaibigan na nasuring may terminal cancer. Isinama ko ang dalawang kong anak na babae. Hindi ko inasahan na makikilala pa niya sila. Nakatipon ang sarili niyang pamilya, at nakatayo sa paligid ng kama niya pagpasok namin.
Tumingin siya at ngumiti. Hindi ko malilimutan ang hitsura niya nang makita niyang kasama namin ang aming mga anak. Pinalapit niya sila sa kanya sa kama. Umupo siya, at niyakap, at ipinakilala sila sa kanyang pamilya. Ikinuwento niya ang kabaitan ng dalawang batang iyon. Para bang nagpapakilala siya ng mga prinsesa sa isang palasyo.
Akala ko makakauwi kami kaagad. Naisip kong tiyak na pagod na siya. Ngunit sa tingin ko, parang bumalik ang sigla niya. Masaya siya at kitang-kitang mahal niya kaming lahat.
Tila nilalasap niya ang sandali na para bang tumigil ang oras. Halos buong buhay niya ay ginugol sa pag-aalaga sa mga anak ng Panginoon. Alam niya na nakatala sa Aklat ni Mormon na isa-isang kinuha ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang maliliit na bata, binasbasan sila, at pagkatapos ay nanangis Siya dahil sa kagalakan.4 Matagal niyang naranasan ang kagalakang iyon upang makapagtiis hanggang wakas sa mapagmahal na paglilingkod sa Kanya.
Nakita ko rin ang himalang iyon sa silid ng isang lalaking tapat na naglingkod nang sapat para isiping sapat na ang nagawa niya para magpahinga.
Alam ko na sumailalim siya sa matagalan at masakit na gamutan para sa karamdamang sinabi ng mga doktor na ikamamatay niya. Hindi nila sinabing magagamot pa siya o may pag-asa pa.
Dinala ako ng asawa niya sa kanyang silid sa bahay nila. Naroon siya, nakahiga sa ibabaw ng kamang maingat na inayos. Nakasuot siya ng bagong plantsang puting polo, kurbata, at bagong sapatos.
Nakita niya sa mga mata ko ang pagkagulat ko, tumawa siya nang mahina at nagpaliwanag, “Matapos mo akong basbasan, nais kong maging handang tumugon sa tawag na buhatin ang aking higaan at lumakad.” Nakita kong handa na siya sa hindi maglalao’y pagharap niya sa Panginoon, na tapat niyang pinaglingkuran.
Isa siyang halimbawa ng mga Banal sa mga Huling Araw na lubos na nanalig at madalas kong makausap matapos silang maglingkod nang tapat sa kanilang buhay. Patuloy ang pagsunod nila.
Ganito ang paliwanag ni Pangulong Marion G. Romney: “Sa tunay na nananalig, ang paghahangad sa mga bagay [na laban] sa ebanghelyo ni Jesucristo ay talagang nawala na, at napalitan ito ng pag-ibig sa Diyos na may matibay at matatag na pasiyang sundin ang kanyang mga utos.”5
Ang matibay na determinasyong iyon ang mas madalas kong makita sa matatatag na disipulo ni Jesucristo. Gaya ng miyembrong babaeng bumati sa mga anak ko at ng lalaking bago ang sapatos na handang tumindig at humayo, sinusunod nila ang utos ng Tagapagligtas hanggang wakas. Nakita na ninyong lahat ito.
Makikita ninyo itong muli kung babasahin ninyo ang Aklat ni Mormon. Humahanga pa rin ako kapag binabasa ko ang mga salitang ito ng isang matanda at determinadong lingkod ng Diyos: “Sapagkat maging sa oras na ito, ang aking buong katawan ay nanginginig nang labis habang nagtatangkang magsalita sa inyo; subalit ang Panginoon … ang nagtataguyod sa akin, at pinahintulutan niya akong makapagsalita sa inyo.”6
Lalakas ang loob ninyong tulad ko mula sa halimbawa ng pagtitiis na ipinakita sa atin ni Moroni. Nag-iisa siya sa kanyang ministeryo. Alam niyang malapit na siyang mamatay. Subalit makinig sa isinulat niya alang-alang sa mga taong hindi pa isinisilang at sa mga inapo ng kanyang mga mortal na kaaway: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”7
Ibinigay ni Moroni ang patotoong iyan bilang pamamaalam sa kanyang buhay at ministeryo. Naghimok siya ng pag-ibig sa kapwa, tulad ng mga propeta sa buong Aklat ni Mormon. Idinagdag niya ang kanyang patotoo sa Tagapagligtas nang malapit na siyang mamatay. Tunay ngang nanalig siya sa Diyos, tulad ng magagawa natin: puspos ng pag-ibig sa kapwa, matatag at walang takot bilang saksi ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo, at determinadong magtiis hanggang wakas.
Itinuro sa atin ni Moroni kung paano tayo magiging gayon. Sinabi niya na ang unang hakbang sa lubos na pananalig ay pananampalataya. Ang mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay magpapatatag ng pananampalataya sa Diyos Ama, sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, at sa Kanyang ebanghelyo. Patatatagin nito ang inyong pananampalataya sa mga propeta ng Diyos, noong araw at ngayon.
Mas ilalapit kayo nito sa Diyos kaysa anupamang ibang aklat. Patitinuin nito ang buhay. Hinihimok kong gawin ninyo ang ginawa ng kompanyon ko sa misyon. Naglayas siya sa kanila noong tinedyer pa siya, at may naglagay ng Aklat ni Mormon sa isang kahong dala-dala niya sa paghahanap niya ng higit na kaligayahan.
Lumipas ang mga taon. Nagpalipat-lipat siya ng lugar sa iba’t ibang panig ng mundo. Nag-iisa siya at malungkot isang araw nang makita niya ang kahon. Puno ang kahon ng mga bagay na dinala niya. Sa pinakailalim ng kahon, nakita niya ang Aklat ni Mormon. Binasa niya ang pangako rito at sinubukan iyon. Alam niyang iyon ay totoo. Binago ng patotoong iyon ang kanyang buhay. Lumigaya siya nang higit pa sa pinapangarap niya.
Maaaring hindi ninyo nababasa ang inyong Aklat ni Mormon na tulad ng nararapat dahil sa araw-araw ninyong responsibilidad at aktibidad. Isinasamo ko na basahin ninyong mabuti at madalas ang mga pahina nito. Naroon ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang tanging daan pabalik sa Diyos.
Iniiwan ko sa inyo ang aking matibay na patotoo na ang Diyos ay buhay at sasagutin Niya ang inyong mga dalangin. Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Ang Aklat ni Mormon ay isang tunay at matibay na patotoo na Siya ay buhay, at Siya ang ating nabuhay na mag-uli at buhay na Tagapagligtas.
Ang Aklat ni Mormon ay isang mahalagang saksi. Iniiwan ko ngayon sa inyo ang aking patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.