Mga Tipan
Kapag natatanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin.
Isang linggo pagkaraan ng atas kamakailan na itatag ang unang stake sa Moscow, Russia,1 dumalo ako sa isang district conference sa St. Petersburg. Habang nagsasalita tungkol sa pasasalamat ko sa mga naunang misyonero at mga lider doon na nagpalakas sa Simbahan sa Russia, binanggit ko ang pangalan ni Vyacheslav Efimov. Siya ang unang Russian convert na naging mission president. Napakahusay ng ginawa nilang mag-asawa sa assignment na iyon. Hindi pa nagtatagal nang matapos ang kanilang misyon, at sa labis naming kalungkutan, si President Efimov ay biglang pumanaw.2 Siya’y 52 taong gulang lamang.
Habang nagsasalita tungkol sa mag-asawang pioneer na ito, nadama kong dapat kong itanong sa kongregasyon kung naroon ba si Sister Efimov. Sa dulo ng silid na iyon ay tumayo ang isang babae. Inanyayahan ko siyang lumapit sa mikropono. Siya nga si Sister Galina Efimov. Buong katatagan siyang nagsalita at nagbigay ng makapangyarihang patotoo hinggil sa Panginoon, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Siya at ang kanyang asawa ay nabuklod sa banal na templo. Sinabi niyang habampanahon silang pinagsama. Sila’y mga missionary companion pa rin, siya dito sa buhay na ito at sa kabilang-buhay naman ang kanyang asawa.3 Sa mga luha ng kagalakan, pinasalamatan niya ang Diyos sa mga sagradong tipan ng templo. Lumuha din ako, lubos na nauunawaan na ang walang-katapusang pagkakaisang ipinakita ng matapat na mag-asawang ito ay ang mabuting bunga ng paggawa, pagtupad, at paggalang sa mga sagradong tipan.
Isa sa mga pinakamahalagang konsepto ng tunay na relihiyon ay ang sagradong tipan. Sa wikang gamit sa hukuman, ang tipan ay karaniwang nangangahulugan ng kasunduan sa pagitan ng dalawa o higit pang partido. Ngunit batay sa relihiyon, higit pa rito ang kahalagahan ng tipan. Ito ay sagradong pangako sa Diyos. Siya ang nagbibigay ng mga kondisyon. Maaaring piliin ng bawat tao ang mga kondisyong iyon. Kung tatanggapin ng isang tao ang mga kondisyon ng tipan at susundin ang batas ng Diyos, siya ay tatanggap ng mga pagpapalang nauugnay sa tipang iyon. Alam natin na “kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay.”4
Sa paglipas ng panahon, ang Diyos ay nakipagtipan sa Kanyang mga anak.5 Ang Kanyang mga tipan ay nagaganap sa buong plano ng kaligtasan at dahil dito ay bahagi ang mga ito ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo.6 Halimbawa, nangako ang Diyos na magpapadala ng Tagapagligtas para sa Kanyang mga anak,7 at kapalit nito ay hinihiling na sundin nila ang Kanyang batas.8
Sa Biblia ay nababasa natin ang tungkol sa mga lalaki at babae noong unang panahon na tinukoy bilang mga anak ng tipan. Anong tipan? “Ang tipang ginawa ng Dios sa [kanilang] mga magulang, na sinasabi kay Abraham, At sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.”9
Sa Aklat ni Mormon ay nababasa natin ang tungkol sa mga tao sa Bagong Daigdig na tinukoy din bilang mga anak ng tipan.10 Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagsabi sa kanila: “Masdan, kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.”11
Ipinaliwanag ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng kanilang identidad bilang mga anak ng tipan. Sabi Niya, “Ang Ama ay ibinangon akong una sa inyo, … isinugo ako upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa kanyang mga kasamaan; at ito ay dahil sa kayo ay mga anak ng tipan.”12
Ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham13 at kalaunan ay pinagtibay kina Isaac14 at Jacob15 ay pambihira ang kahalagahan. Naglalaman ito ng ilang pangako, kabilang ang:
-
Si Jesus na Cristo ay isisilang sa pamamagitan ng lahi o lipi ni Abraham.
-
Ang mga inapo ni Abraham ay magiging napakarami, may karapatan sa walang-hanggang pag-unlad, at may karapatan ding taglayin ang priesthood.
-
Si Abraham ay magiging ama ng maraming bansa.
-
Ang ilang lupain ay mamanahin ng kanyang mga inapo.
-
Lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng kanyang binhi.16
-
At ang tipang iyon ay panghabampanahon—maging hanggang sa “isang libong salin ng lahi.”17
Ang ilan sa mga pangakong ito ay natupad na; ang iba ay naghihintay pang matupad. Narito ang sipi mula sa unang propesiya sa Aklat ni Mormon: “Ang ating ama [si Lehi] ay hindi lamang tumutukoy sa ating mga binhi, kundi gayon din sa buong sambahayan ni Israel, tumutukoy sa mga tipang matutupad sa mga huling araw; kung aling tipan ay ginawa ng Panginoon sa ating amang si Abraham.”18 Hindi ba’t kagila-gilalas? Mga 600 taon bago isinilang si Jesus sa Betlehem, alam na ng mga propeta na ang tipang Abraham ay matutupad lamang sa mga huling araw.
Para matupad ang pangakong iyon, ang Panginoon ay nagpakita sa mga huling araw na ito upang sariwain ang tipang Abraham. Kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Guro:
“Si Abraham ay tumanggap ng mga pangako hinggil sa kanyang mga binhi, at ng bunga ng kanyang mga balakang—kung kaninong balakang kayo ay nagmula, … aking tagapaglingkod na si Joseph. …
“Ang pangakong ito ay inyo rin, dahil kayo ay mula kay Abraham.”19
Sa pagpapanibagong ito, natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang-hanggang ebanghelyo. May karapatan tayong tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, tamasahin ang mga pagpapala ng priesthood, at maging marapat sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos—ang buhay na walang hanggan.20
Ang ilan sa atin ay literal na binhi ni Abraham; ang iba ay natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pag-ampon. Ang Panginoon ay walang itinatangi.21 Sama-sama nating natatanggap ang mga ipinangakong pagpapalang ito—kung hahanapin natin ang Panginoon at susundin ang Kanyang mga utos.22 Ngunit kung hindi, mawawala sa atin ang mga pagpapala ng tipan.23 Para matulungan tayo, inilalaan ng Kanyang Simbahan ang mga patriarchal blessing upang bigyan ang bawat tatanggap ng pananaw ukol sa kanyang hinaharap, gayundin ng kaugnayan sa nakaraan, maging ang pahayag tungkol sa lipi pabalik kina Abraham, Isaac, at Jacob.24
Ang mga kapatid sa tipan ay may karapatang tumanggap ng sumpa at tipan ng priesthood.25 Kung kayo ay “matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito … at [sa] pagtupad sa [inyong] tungkulin, [kayo] ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng [inyong] mga katawan.”26 Hindi lang ‘yan. Ang mga lalaking kaparat-dapat na tumatanggap ng priesthood ay tumatanggap sa Panginoong Jesucristo, at ang mga tumatanggap sa Panginoon ay tumatanggap sa Diyos Ama.27 At ang mga tumatanggap sa Ama ay tatanggapin ang lahat ng mayroon Siya.28 Pambihirang mga pagpapala ang dumadaloy mula sa sumpa at tipang ito sa karapat-dapat na kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa buong mundo.
Responsibilidad nating tumulong upang matupad ang tipang Abraham. Atin ang binhing inorden na noon pa at inihanda upang pagpalain ang lahat ng mga tao sa mundo.29 Kaya nga kabilang sa tungkulin ng priesthood ang gawaing misyonero. Pagkaraan ng 4,000 taon ng paghihintay at paghahanda, ito ang takdang araw kung kailan ang ebanghelyo ay dadalhin sa mga tao sa mundo. Ito ang panahon ng ipinangakong pagtitipon ng Israel. At kabahagi tayo! Hindi ba’t kapana-panabik? Ang Panginoon ay umaasa sa atin at sa ating mga anak na lalaki—at lubos ang pasasalamat Niya sa ating mga anak na babae—na karapat-dapat na naglilingkod bilang mga misyonera sa dakilang panahong ito ng pagtitipon ng Israel.
Ang Aklat ni Mormon ay pisikal na tanda na sinimulan nang tipunin ng Panginoon ang Kanyang mga anak ng tipan na Israel.30 Itong aklat, na isinulat para sa ating panahon, ay nagsasaad na isa sa mga layon nito ay “[upang inyong malaman] na ang tipang ginawa ng Ama sa mga anak ni Israel … ay nagsisimula nang matupad. … Sapagkat masdan, aalalahanin ng Panginoon ang tipang ginawa niya sa mga tao ng sambahayan ni Israel.”31
Tunay na hindi nakalimot ang Panginoon! Biniyayaan Niya tayo at ang iba pa sa buong mundo ng Aklat ni Mormon. Isa sa mga layunin nito ay para “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo.”32 Tinutulungan tayo nito na makipagtipan sa Diyos. Inaanyayahan tayo nito na alalahanin Siya at kilalanin ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ito ay isa pang Tipan ni Jesucristo.
Ang mga anak ng tipan ay may karapatang tanggapin ang Kanyang doktrina at malaman ang plano ng kaligtasan. Ito ay napapasakanila sa pamamagitan ng paggawa ng mga sagradong tipan. Sinabi ni Brigham Young: “Lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay pumapasok sa bago at walang hanggang tipan kapag pumapasok sila sa Simbahang ito. … Pumapasok sila sa bago at walang hanggang tipan na itataguyod ang Kaharian ng Diyos.”33 Kanilang sinusunod ang tipan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Sa binyag nakikipagtipan tayo na maglilingkod sa Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan.34 Kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, sinasariwa natin ang tipan at ipinahahayag ang kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Dahil dito tayo ay inampon bilang Kanyang mga anak at kilala bilang magkakapatid. Siya ang ama ng ating bagong buhay.35 Sa huli, sa banal na templo, maaari tayong maging kapwa mga tagapagmana sa mga pagpapala ng walang hanggang pamilya, gaya ng minsang ipinangako kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo.36 Dahil dito, ang selestiyal na kasal ay ang tipan ng kadakilaan.
Kapag natatanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin.37 Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso.38 Siya ang ating Diyos at tayo ang Kanyang mga tao.39 Ang matatapat na anak ng tipan ay nananatiling matatag, maging sa gitna ng kagipitan. Kapag ang doktrina ay nakatanim na mabuti sa ating mga puso, maging ang tibo ng kamatayan ay madaling tiisin at ang ating espiritu ay lalong tumitibay.
Ang pinakadakilang papuri na maaaring makamtan sa buhay na ito ay ang makilala bilang tagatupad ng tipan. Ang mga gantimpala sa tumutupad sa tipan ay makakamtan kapwa dito at sa kabilang buhay. Sinasabi sa banal na kasulatan na “inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga taong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, … at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit … [at] mana[na]hanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”40
Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik upang pagpalain ang lahat ng tao. Si Pangulong Thomas S. Monson ang Kanyang propeta ngayon. At tayo, bilang matatapat na anak ng tipan, ay pagpapalain ngayon at magpakailanman. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.