2010–2019
Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot
Oktubre 2011


2:3

Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot

Kung tutugon kayo sa paanyayang ibahagi ninyo ang inyong mga paniniwala at damdamin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, laging sasainyo ang diwa ng pag-ibig at katapangan.

Pangulong Monson, kaming lahat ay natuwa sa magandang balita tungkol sa ilang bagong templo. At tuwang-tuwa lalo na ang napakarami kong kamag-anak sa estado ng Wyoming.

May isinasagawa ang Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo kapag tapos na ang isang bagong templo na isang karaniwang tradisyon sa Estados Unidos at Canada—nagdaraos tayo ng open house. Sa mga linggo bago ang paglalaan ng bagong templo, binubuksan natin ang mga pintuan nito at inaanyayahan ang mga pinuno ng pamahalaan at ng mga relihiyon sa lugar, mga miyembro ng ating Simbahan, at mga miyembro ng ibang simbahan na libutin ang bagong tayong templo.

Magagandang kaganapan ito na tumutulong sa mga taong hindi pamilyar sa ating Simbahan na mas malaman pa ang tungkol dito. Halos lahat ng bumibisita sa isang bagong templo ay namamangha sa kagandahan ng loob at labas nito. Hanga sila sa pagkakagawa at masusing pagtutuon sa detalye ng bawat bahagi ng templo. Bukod pa rito, may nadaramang kakaiba at espesyal ang marami sa ating mga bisita habang inililibot sila sa buong templo na hindi pa nailalaan. Ang mga ito ang karaniwang tugon ng mga bisita sa ating mga open house, ngunit hindi ito ang pinaka-karaniwang tugon. Higit sa lahat ang nagpahanga sa mas maraming bisita ay ang mga miyembro ng Simbahan na nakikilala nila sa ating mga open house. Lumilisan sila na nananatiling humahanga sa mga nakausap nila, ang mga Banal sa mga Huling Araw.

Marami nang nakapapansin sa Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo kaysa rati. Nagsusulat o nagsasalita ang mga miyembro ng media tungkol sa Simbahan araw-araw, iniuulat ang tungkol sa maraming aktibidad nito. Tinatalakay palagi sa marami sa pinakabantog na mga pahayagan sa Estados Unidos ang tungkol sa Simbahan o sa mga miyembro nito. Ang pagtalakay na ito ay nangyayari din sa iba’t ibang panig ng mundo.

Napapansin din ang Simbahan sa Internet, na, tulad ng alam ninyo, ay lubhang nagpabago sa paraan ng pagbabahagi ng mga tao ng impormasyon. Sa buong maghapon sa iba’t ibang panig ng mundo, tinatalakay ang Simbahan at mga turo nito sa Internet, sa mga blog at social network ng mga taong hindi nakasulat kailanman para sa isang pahayagan o magasin. Gumagawa sila ng mga video at ibinabahagi ang mga ito sa Internet. Mga ordinaryong tao sila—kapwa mga miyembro natin at ng ibang relihiyon—na pinag-uusapan ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang mga pagbabago sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan ay nagpapaliwanag nang bahagya kung bakit tayong mga “Mormon” ay mas napapansin na kaysa rati. Ngunit ang Simbahan ay nananatiling umuunlad at sumusulong. Parang mas maraming tao na ang may mga kapitbahay at kaibigang miyembro ng Simbahan, at may mga kilalang miyembro ng Simbahan sa pamahalaan, sa mga negosyo, media, edukasyon, at saanman. Kahit yaong mga hindi miyembro ng Simbahan ay napapansin ito, at iniisip nila kung ano ang nangyayari. Nakatutuwang napakarami na ngayong nakababatid tungkol sa Simbahan at sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Bagama’t mas napapansin na ang Simbahan, marami pa ring tao ang hindi nakauunawa rito. Ang ilan ay naturuan na paghinalaan ang Simbahan at naniniwala sa negatibong opinyon ng iba tungkol sa Simbahan nang hindi nagdududa sa pinagmulan at katotohanan nito. Marami ring maling impormasyon at kalituhan tungkol sa Simbahan at mga paniniwala nito. Nangyayari na ito noon pa mang panahon ni Propetang Joseph Smith.

Kaya isinulat ni Joseph Smith ang kanyang kasaysayan “upang bigyang-linaw ang isipan ng madla, at upang ipaalam sa lahat ng mananaliksik ng katotohanan ang mga tunay na nangyari” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1). Totoo na laging may mga taong babaguhin ang katotohanan at sadyang pabubulaanan ang mga turo ng Simbahan. Ngunit karamihan sa mga taong nagtatanong tungkol sa Simbahan ay nais lang itong maunawaan. Sila ay mga taong may malinaw na pag-iisip na talagang gusto lang makaalam tungkol sa atin.

Ang tumitinding katanyagan at reputasyon ng Simbahan ay nagbibigay ng pambihirang pagkakataon sa atin bilang mga miyembro nito. Makatutulong tayo na “bigyang-linaw ang isipan ng madla,” at itama ang maling impormasyong inihayag tungkol sa atin. Ang mas mahalaga, maibabahagi natin kung sino tayo.

May ilang bagay tayong magagawa—na magagawa ninyo—para mas maunawaan ang Simbahan. Kung gagawin natin ito nang may gayon ding pag-uugali at kilos tulad ng pakikipag-usap natin sa temple open house, mas mauunawaan tayo ng ating mga kaibigan at kapitbahay. Maglalaho ang kanilang mga agam-agam, mawawala ang mga negatibong opinyon, at mauunawaan na nila kung ano talaga ang Simbahan.

Magmumungkahi ako ng ilang ideya kung ano ang magagawa natin.

Una, dapat tayong maging matapang sa ating mga pahayag tungkol kay Jesucristo. Nais nating malaman ng iba na naniniwala tayo na Siya ang pinakamahalaga sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Kanyang buhay at mga turo ang pinaka-mensahe ng Biblia at ng iba pang mga aklat na itinuturing nating banal na kasulatan. Inihahanda tayo ng Lumang Tipan sa mortal na ministeryo ni Cristo. Inilalarawan ng Bagong Tipan ang Kanyang mortal na ministeryo. Ang Aklat ni Mormon ang pangalawang nagpapatotoo sa Kanyang mortal na ministeryo. Pumarito Siya sa mundo upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo para maging saligan ng buong sangkatauhan nang sa gayon ay matutuhan ng lahat ng anak ng Diyos ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang mga turo. At ibinuwis Niya ang Kanyang buhay upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Tanging sa pamamagitan ni Jesucristo lamang tayo maliligtas. Kaya nga tayo naniniwala na Siya ang pinakamahalaga sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Noon pa man ay nasa mga kamay na Niya ang ating walang hanggang tadhana. Maluwalhati ang maniwala sa Kanya at tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas, Panginoon, at Guro.

Naniniwala rin tayo na sa pamamagitan lamang ni Cristo natin matatagpuan ang lubos na kapanatagan, pag-asa, at kaligayahan—kapwa sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan. Ang ating dokrina, ayon sa turo sa Aklat ni Mormon, ay nagsasaad na: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).

Ipinahahayag natin ang ating paniniwala kay Jesucristo at tinatanggap Siya bilang ating Tagapagligtas. Pagpapalain at gagabayan Niya tayo sa lahat ng ating pagsisikap. Habang nagsisikap tayo sa buhay na ito, palalakasin Niya tayo at bibigyan ng kapanatagan sa oras ng pagsubok. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay namumuhay nang may pananampalataya sa Kanya na namumuno sa Simbahang ito.

Ikalawa, maging mabuting halimbawa sa iba. Matapos nating ipahayag ang ating mga paniniwala, dapat nating sundin ang payo sa atin sa I Kay Timoteo 4:12: “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”

Itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagiging uliran ng mga nagsisisampalataya sa pagsasabing, “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).

Ang ating buhay ay dapat maging halimbawa ng kabutihan at kabanalan habang sinisikap nating tularan ang Kanyang halimbawa sa mundo. Ang mabubuting gawa ng bawat isa sa atin ay lalong magbibigay-karangalan sa pangalan ng Tagapagligtas at Kanyang Simbahan. Kapag gumagawa kayo ng mabuti, sa pagiging marangal at matwid na mga tao, ang Liwanag ni Cristo ay mababanaag sa inyong buhay.

Susunod, ipagtanggol ang Simbahan. Sa araw-araw nating buhay, binibiyayaan tayo ng maraming pagkakataong ibahagi sa iba ang ating paniniwala. Kapag nagtanong ang ating mga kaibigan at kasamahan sa trabaho tungkol sa ating relihiyon, hinihikayat nila tayong ibahagi sa kanila kung sino tayo at ano ang ating paniniwala. Maaaring maging interesado sila o hindi sa Simbahan, ngunit interesado silang makilala tayo nang lubusan.

Ang mungkahi ko sa inyo ay tanggapin ang kanilang paanyaya. Hindi nila kayo inaanyayahang magturo, mangaral, magpaliwanag, o magpayo. Makipag-usap kayo sa kanila—magbahagi ng isang bagay tungkol sa mga paniniwala ninyo ngunit tanungin din sila tungkol sa paniniwala nila. Suriin ang lebel ng kanilang interes sa kanilang mga tanong. Kung marami silang tanong, ituon ang usapan sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Laging tandaan na mas mabuting magtanong sila kaysa magkuwento kayo.

May ilang miyembro na tila nais ilihim ang pagiging miyembro nila sa Simbahan. May mga dahilan sila. Halimbawa, maaaring naniniwala sila na hindi nila tungkuling ibahagi ang kanilang mga paniniwala. Marahil natatakot silang magkamali o matanong sa isang bagay na hindi nila masasagot. Kung ganito ang iniisip ninyo, may ipapayo ako sa inyo. Alalahanin lamang ang sinabi ni Juan: “Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot” (I Ni Juan 4:18). Kung mamahalin lang natin ang Diyos at ang ating kapwa, pinangakuan tayo na madaraig natin ang ating takot.

Kung nabisita na ninyo kamakailan ang Mormon.org, na siyang website ng Simbahan para sa mga interesadong makaalam pa tungkol sa Simbahan, nakita na ninyo roon ang mga miyembrong nagbahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang sarili. Lumilikha sila ng mga online profile na nagsasabi kung sino sila at kung bakit mahalaga sa kanila ang kanilang relihiyon. Tinatalakay nila ang kanilang pananampalataya.

Dapat tayong magpasalamat at makipag-usap nang may pagmamahal na katulad ng kay Cristo. Ang ating tono, nagsasalita man o nagsusulat, ay dapat maging magalang at mapitagan, anuman ang itugon ng iba. Dapat tayong maging tapat at tuwiran at sikaping maging maliwanag sa ating sinasabi. Nais nating iwasan ang pakikipagtalo sa anumang paraan.

Ipinaliwanag ni Apostol Pedro, “Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay” (I Ni Pedro 1:15).

Kasama sa “paraan ng pamumuhay” ngayon ang tila tumitinding paggamit ng Internet. Hinihikayat namin ang mga tao, bata at matanda, na gamitin ang Internet at social media para makatulong at makapagbahagi ng kanilang mga paniniwala.

Sa paggamit ninyo ng Internet, maaari kayong makakita ng mga pag-uusap tungkol sa Simbahan. Kapag hinikayat ng Espiritu, huwag mag-atubiling ibahagi ang opinyon ninyo sa mga usapang ito.

Ang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi katulad ng ibang bagay na ibabahagi ninyo sa iba. Sa panahong ito na maraming mapagkukunan ng impormasyon, ito ang pinakamahalagang impormasyon sa buong mundo. Walang dudang mahalaga ito. Ito ay isang mahalagang perlas (tingnan sa Mateo 13:46).

Kapag nagsalita tayo tungkol sa Simbahan, hindi natin ito pinagaganda nang higit kaysa nararapat. Hindi natin kailangang pagandahin pa ang ating mensahe. Dapat nating ipabatid ang mensahe nang tapat at tuwiran. Kung makikipag-usap tayo, patutunayan ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang sarili nito sa mga handang tumanggap nito.

Kung minsan ay may malaking pagkakaiba—malaking pagitan sa pag-unawa—sa naranasan natin sa loob ng Simbahan bilang miyembro at sa pananaw ng hindi miyembro. Ito ang pangunahing dahilan kaya tayo nagdaraos ng temple open house bago ilaan ang bawat bagong templo. Ang mga boluntaryong miyembro sa temple open house ay tumutulong lamang sa iba na makita ang Simbahan tulad ng pagkakita nila rito mula sa loob. Nalalaman nila na ang Simbahan ay isang kagila-gilalas na gawain, maging kamangha-mangha, at nais nilang malaman din ito ng iba. Hinihiling ko na gayon din ang gawin ninyo.

Ipinapangako ko na kung tutugon kayo sa paanyayang ibahagi ang inyong mga paniniwala at damdamin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, laging sasainyo ang diwa ng pag-ibig at katapangan, dahil “ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot” (I Ni Juan 4:18).

Panahon ito ng dumaraming pagkakataong maibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba. Nawa’y samantalahin natin ang mga pagkakataong ibinigay sa atin na maibahagi ang ating mga paniniwala, ang mapakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.