Sa Muli Nating Pagkikita
Dalangin ko na nawa’y mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon habang nakikinig sa mga mensahe ngayon at bukas at matutuhan ang mga bagay na nais ng Panginoon na ating malaman.
Masaya ko kayong binabati, mga kapatid, sa ika-181 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa kumperensyang ito, 48 taon na—isipin ninyo, 48 taon—mula nang tawagin ako sa Korum ng Labindalawang Apostol ni Pangulong David O. McKay. Oktubre ng taong 1963 noon. Parang hindi ako makapaniwala na napakaraming taon na ang nakalipas mula noon.
Kapag abala tayo, parang napakabilis ng oras, at para sa akin walang ipinagkaiba ang nakalipas na anim na buwan. Isa sa mga pinakamagandang nangyari sa panahong iyon ay ang oportunidad ko na muling ilaan ang Atlanta Georgia Temple noong Mayo 1. Kasama ko roon sina Elder at Sister M. Russell Ballard, Elder at Sister Walter F. González, at sina Elder at Sister William R. Walker.
Sa pagtatanghal ng kultura na pinamagatang “Southern Lights,” na ginanap isang gabi bago ang muling paglalaan, pinanood naming magtanghal ang 2,700 kabataan mula sa buong temple district. Isa iyon sa pinakamagagandang programang napanood ko kaya’t napatayo at napapalapak nang maraming beses ang mga manonood.
Nang sumunod na araw muling inilaan ang templo sa dalawang sesyon, kung saan nadama nang lubos ang Espiritu ng Panginoon.
Noong matatapos na ang buwan ng Agosto, inilaan ni Pangulong Henry B. Eyring ang San Salvador El Salvador Temple. Kasama niya roon si Sister Eyring at sina Elder at Sister D. Todd Christofferson, Elder at Sister William R. Walker, at si Sister Silvia H. Allred ng Relief Society general presidency at ang asawa nitong si Jeffry. Iniulat ni Pangulong Eyring na napakaespirituwal ng kaganapang iyon.
Bago matapos ang taong ito, magtutungo sina Pangulong Dieter F. Uchtdorf at Sister Uchtdorf kasama ang ilan pang General Authority sa Quetzaltenango, Guatemala, para ilaan ang ating templo roon.
Ang pagtatayo ng mga templo ay magpapatuloy, mga kapatid. Ngayon ay pribilehiyo kong ibalita ang ilan pang bagong templo.
Una, hayaan ninyong banggitin ko na walang pasilidad ng Simbahan na mas mahalaga kaysa sa templo. Sa templo nabubuklod ang mga ugnayang mananatili hanggang sa kawalang-hanggan. Nagpapasalamat tayo na may mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo at sa mga pagpapalang hatid nito sa buhay ng mga miyembro.
Noong nakaraang taon ang Provo Tabernacle sa Utah County ay matinding tinupok ng apoy. Ang napakagandang gusaling ito, na minahal nang lubos ng mga Banal sa mga Huling Araw sa maraming henerasyon, ay mga pader na lang ang nananatiling nakatayo. Matapos ang masusing pag-aaral, nagpasiya kaming itayo itong muli at ibalik sa dating anyo ang panlabas na bahagi nito, upang maging pangalawang templo ng Simbahan sa lungsod ng Provo. Ang Provo Temple ay isa sa mga templo ng Simbahan na may pinakamaraming dumadalo, at makakatulong ang pagkakaroon ng pangalawang templo roon para mapaglingkuran ang nadaragdagang bilang ng matatapat na miyembro na dumadalo sa templo mula sa Provo at sa mga karatig na komunidad.
Masaya rin akong ibalita na may mga bagong templong itatayo sa sumusunod na mga lugar: Barranquilla, Colombia; Durban, South Africa; Kinshasa sa Democratic Republic of the Congo; at Star Valley, Wyoming. Bukod pa riyan, pinaplano rin nating magtayo ng templo sa Paris, France.
Ibibigay ang mga detalye tungkol sa mga templong ito sa sandaling maaprubahan na ang pagtatayuan nito at iba pang kinakailangan.
Nabanggit ko sa mga naunang kumperensya na mas nagagawa na nating mailapit ang mga templo sa kinaroroonan ng mga miyembro. Bagama’t madali na para sa maraming miyembro na mapuntahan ang mga ito, may mga lugar pa rin na napakalalayo ng mga templo sa mga miyembro kaya’t hindi nila kayang matustusan ang pagpunta rito. Dahil diyan hindi nila makamit ang sagrado at walang hanggang mga pagpapala ng templo. Upang makatulong sa bagay na ito, inilalaan natin ang General Temple Patron Assistance Fund. Sa pondong ito tutustusan ang unang pagbisita sa templo ng mga miyembrong hindi kayang makapunta sa templo ngunit matagal nang inaasam ang oportunidad na iyon. Sinumang nais mag-ambag sa pondong ito ay punan lamang ang impormasyon sa contribution slip na ibinibigay sa bishop bawat buwan.
Ngayon, mga kapatid, dalangin ko na nawa’y mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon habang nakikinig sa mga mensahe ngayon at bukas at matutuhan ang mga bagay na nais ng Panginoon na ating malaman. Ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.