Mas Mabuting Tumingin sa Itaas
Kung tayo, tulad ni Pangulong Monson, ay sasampalataya at hihingi ng tulong sa Diyos, hindi tayo madaraig ng mga pasanin sa buhay.
Matapos ang isang nakakapagod na araw sa pagtatapos ng unang linggo ko bilang General Authority, punung-puno ang briefcase ko at pinag-iisipan ko ang tanong na, “Paano ko kaya ito magagawa?” Nilisan ko ang opisina ng Pitumpu at sumakay sa elevator ng Church Administration Building. Habang pababa ang elevator, nakatungo ako at nakatitig lang sa sahig.
Bumukas ang pinto at may sumakay, pero hindi ko tiningnan kung sino. Nang sumara ang pinto, narinig kong may nagtanong, “Ano’ng tinitingnan mo sa sahig?” Kilala ko ang boses na iyon—kay Pangulong Thomas S. Monson iyon.
Agad akong tumingin sa kanya at sumagot, “Ah, wala po.” (Tiyak ko na ang matalinong sagot na iyon ay nagbigay sa akin ng kumpiyansa sa mga kakayahan ko!)
Ngunit nakita niya ang malungkot kong mukha at mabigat kong briefcase. Ngumiti siya at magiliw na sinabi, habang nakaturo sa itaas, “Mas mabuting tumingin sa itaas!” Habang pababa kami ng isa pang palapag, masaya niyang sinabi na papunta siya sa templo. Nang magpaalam siya sa akin, tila muling sinasabi ng kanyang tingin na, “Tandaan mo, mas mabuting tumingin sa itaas.”
Nang maghiwalay kami, sumagi sa isipan ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga … ; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa.”1 Habang iniisip ko ang kapangyarihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, nadama ko ang kapanatagang hindi ko nadama sa pagtitig sa sahig ng pababang elevator na iyon.
Mula noon pinag-isipan ko nang mabuti ang karanasang ito at ang tungkulin ng mga propeta. Mabigat ang pasanin ko at nakatungo ako. Nang magsalita ang propeta, tumingin ako sa kanya. Itinuon niya ang paningin ko sa Diyos, kung saan ako mapapagaling at mapapalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Iyan ang ginagawa ng mga propeta para sa atin. Inaakay nila tayo patungo sa Diyos.2
Pinatototohanan ko na si Pangulong Monson ay hindi lamang isang propeta, tagakita at tagapaghayag; isa rin siyang magandang halimbawa ng pamumuhay na umaasa sa tulong ng langit. Sa lahat ng tao, maaari siyang mabigatan sa kanyang mga responsibilidad. Sa halip, lubos siyang sumasampalataya at puno ng pag-asa, karunungan, at pagmamahal sa iba. Ang pag-uugali niya ay “magagawa” at “gagawin.” Nagtitiwala siya sa Panginoon at sa Kanya siya humuhugot ng lakas, at pinagpapala siya ng Panginoon.
Natutuhan ko sa aking karanasan na kung tayo, tulad ni Pangulong Monson, ay sasampalataya at hihingi ng tulong sa Diyos, hindi tayo madaraig ng mga pasanin sa buhay. Hindi natin madarama na hindi natin kaya ang ipinagagawa sa atin o ang kailangan nating gawin. Palalakasin tayo, at magiging payapa at maligaya ang ating buhay.3 Mauunawaan natin na karamihan sa mga ipinag-aalala natin ay walang kabuluhan sa kawalang-hanggan—at kung sakali man, tutulungan tayo ng Panginoon. Ngunit dapat tayong magkaroon ng pananampalatayang tumingin sa itaas at ng tapang na sundin ang Kanyang utos.
Bakit hamon sa buhay ang palagi tayong tumingin sa itaas? Marahil ay wala tayong pananampalataya na ang simpleng gawaing ito ay makalulutas sa ating mga problema. Halimbawa, nang matuklaw ng makamandag na mga ahas ang mga anak ni Israel, inutusan si Moises na ipatong ang isang ahas na tanso sa isang tikin. Ang ahas na tanso ay sumasagisag kay Cristo. Yaong mga tumingin sa ahas, tulad ng payo ng propeta, ay gumaling.4 Ngunit marami pang ibang hindi tumingin, at sila ay nangamatay.5
Sumang-ayon si Alma na kaya hindi tumingin sa ahas ang mga Israelita ay dahil hindi sila naniwala na gagaling sila sa gayong paraan. Ang mga sinabi ni Alma ay akma sa atin ngayon:
“O mga kapatid ko, kung kayo ay mapagagaling sa pamamagitan lamang ng pagbaling ng inyong mga mata upang kayo’y gumaling, hindi ba kayo mabilis na titingin, o nanaisin pa ninyong patigasin ang inyong mga puso sa kawalang-paniniwala, at maging mga tamad … ?
“Kung gayon, sasainyo ang kapighatian; subalit kung hindi, samakatwid ibabaling ninyo ang inyong mga mata at magsisimulang maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa [ating] mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay.”6
Ang paghihikayat ni Pangulong Monson na tumingin sa itaas ay isang paghahalintulad sa pag-alaala kay Cristo. Kapag inaalala natin Siya at nagtitiwala tayo sa Kanyang kapangyarihan, tumatanggap tayo ng lakas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Dahil dito gagaan ang ating mga alalahanin, pasanin, at pagdurusa. Dahil dito mapapatawad tayo at mapapagaling sa mga pasakit na dulot ng ating mga kasalanan. Dahil dito magkakaroon tayo ng pananampalataya at lakas na matiis ang lahat ng bagay.7
Kamakailan dumalo kami ni Sister Cook sa isang kumperensya ng kababaihan sa South Africa. Matapos naming marinig ang ilang magagandang mensahe kung paano mapagpapala ng Pagbabayad-sala ang ating buhay, inanyayahan ng stake Relief Society president ang lahat na lumabas. Bawat isa ay binigyan ng lobo. Ipinaliwanag niya na isinasagisag ng lobo ang anumang pasanin, pagsubok, o paghihirap na humahadlang sa aming buhay. Pagbilang ng tatlo, pinakawalan namin ang aming lobo, o ang aming mga “pasanin.” Habang nakatingin kami sa itaas at minamasdan naming lumipad palayo ang aming mga pasanin, malinaw naming narinig ang “Ahhhh.” Ang simpleng pagpapakawala sa aming lobo ay nagpaalala sa amin ng di-maipaliwanag na kagalakang dulot ng pagtingin sa itaas at pag-alaala kay Cristo.
Hindi tulad ng pagpapakawala sa lobo, ang espirituwal na pagtingin sa itaas ay hindi lamang isang beses ginagawa. Natutuhan natin sa panalangin sa sakramento na dapat nating lagi Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga utos, upang mapasaatin ang Kanyang Espiritu araw-araw para gabayan tayo.8
Nang magpagala-gala ang mga anak ni Israel sa ilang, araw-araw na ginabayan ng Panginoon ang kanilang paglalakbay nang umasa sila sa Kanyang patnubay. Sa Exodo mababasa natin, “At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila.”9 Lagi Siyang gumagabay, at mapakumbaba kong pinatototohanan sa inyo na magagawa rin Niya ito para sa atin.
Kaya paano Niya tayo gagabayan ngayon? Sa pamamagitan ng mga propeta, apostol, at lider ng priesthood at sa mga damdaming dumarating matapos nating ipahayag ang pinakamimithi ng ating puso’t kaluluwa sa Ama sa Langit sa panalangin. Inaakay Niya tayo kapag tayo ay tumalikod sa mga makamundong bagay, nagsisi, at nagbago. Inaakay Niya tayo kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos at sinisikap nating maging higit na katulad Niya. At inaakay Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.10
Para magabayan sa landas ng buhay na ito at mapasaatin tuwina ang Espiritu Santo, kailangan natin ang “nakikinig na tainga” at “nakakakitang mata,” na kapwa nakatingin sa itaas.11 Kailangan nating kumilos ayon sa iniutos sa atin. Dapat tayong tumingin sa itaas at sumunod. At kapag ginawa natin ito, alam ko na sasaya tayo, dahil nais ng Diyos na lumigaya tayo.
Tayo ay mga anak ng Ama sa Langit. Nais Niyang maging bahagi ng ating buhay, upang pagpalain tayo, at tulungan tayo. Pagagalingin Niya ang ating mga sugat, papahirin ang ating mga luha, at tutulungan tayo sa pagtahak sa landas pabalik sa Kanyang piling. Kapag umasa tayo sa Kanya, aakayin Niya tayo.
Tanglaw ko ang Diyos, bakit mangangamba?
Sa araw at gabi laging kapiling S’ya. …
Ligaya ko’t awitin.
Araw at gabi, gabay S’ya sa akin lagi.12
Pinatototohanan ko na pinatatawad ang mga kasalanan at pinagagaan ang mga pasanin kapag umasa tayo kay Cristo. “Atin siyang alalahanin, … at huwag iyuko ang ating mga ulo,”13 dahil, tulad ng sabi ni Pangulong Monson, “Mas mabuting tumingin sa itaas.”
Pinatototohanan ko na si Jesus ay ang ating Tagapagligtas at Manunubos sa pangalan ni Jesucristo, amen.