Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban
Ang layunin ng buhay natin sa lupa ay lumago, umunlad, at lumakas sa pamamagitan ng sarili nating mga karanasan.
Sa umagang ito ng Sabbath, nagpapasalamat kami at nagpapatotoo na ang ating Tagapagligtas ay buhay. Ang Kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Pinamumunuan tayo ng isang buhay na propeta ngayon, si Pangulong Thomas S. Monson. Higit sa lahat, taimtim naming pinatototohanan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang mga walang-hanggang biyayang kaloob nito.
Sa nakalipas na ilang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong pag-aralan at matutuhan pa ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at kung paano Niya inihanda ang Kanyang sarili na isagawa ang walang-hanggang sakripisyong iyon para sa bawat isa sa atin.
Nagsimula ang Kanyang paghahanda bago pa Siya isinilang habang naghihintay sa Kanyang Ama, na nagsasabing, “Masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”1 Mula sa sandaling iyon hanggang ngayon, ipinasiya Niyang tanggapin at isagawa ang plano ng ating Ama sa Langit. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na noong bata pa Siya, Siya ay “[n]aglumagak sa bahay ng [Kanyang] Ama”2 at “hinintay ang Panginoon sa pagdating ng panahon ng Kanyang ministeryo.”3 Sa edad na 30, nagdanas Siya ng matinding tukso subalit pinili Niyang paglabanan ito, na nagsasabing, “Lumayo ka sa akin, Satanas.”4 Sa Getsemani, nagtiwala Siya sa Kanyang Ama, sa pagsasabing, “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo,”5 at pagkatapos ay nagpasiyang magdusa para sa ating mga kasalanan. Sa dinanas na paghamak sa paglilitis at pagdurusa sa krus, naghintay Siya sa Kanyang Ama, at handang “[m]asugatan dahil sa ating mga pagsalangsang … [at] [m]abugbog dahil sa ating mga kasalanan.”6 Kahit noong magsumamo Siya ng, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”7 Siya ay naghintay sa Kanyang Ama—at nagpasiyang patawarin ang Kanyang mga kaaway,8 tiyaking mapangalagaan ang Kanyang ina,9 at magtiis hanggang wakas hanggang matapos ang Kanyang buhay at misyon.10
Madalas kong isipin, Bakit kaya may mga pagsubok at paghihirap ang Anak ng Diyos at Kanyang mga banal na propeta at lahat ng tapat na Banal, kahit nagsisikap silang gawin ang kalooban ng Ama sa Langit? Bakit napakahirap niyon, lalo na sa kanila?
Iniisip ko si Joseph Smith, na nagkaroon ng karamdaman noong bata pa at inusig sa buong buhay niya. Tulad ng Tagapagligtas, nagsumamo siya, “O Diyos, nasaan kayo?”11 Gayunman kahit siya ay tila nag-iisa, ipinasiya niyang maghintay sa Panginoon at isakatuparan ang kalooban ng kanyang Ama sa Langit.
Iniisip ko ang mga ninuno nating pioneer, na pinaalis sa Nauvoo at tumawid sa kapatagan, na nagpasiyang sundin ang propeta kahit sila nagkasakit, naghirap, at ang ilan ay namatay pa. Bakit gayon kahirap? Para saan? Para sa anong layunin?
Kapag itinanong natin ang mga ito, natatanto natin na ang layunin ng buhay natin sa lupa ay lumago, umunlad, at lumakas sa pamamagitan ng sarili nating mga karanasan. Paano natin ito magagawa? Sinasagot tayo ng mga banal na kasulatan sa isang simpleng kataga: tayo ay “magsipaghintay sa Panginoon.”12 Tayong lahat ay binibigyan ng mga pagsubok. Dahil sa mga pagsubok na ito, matitiyak natin at ng ating Ama sa Langit kung ipapasiya nating sundin ang Kanyang Anak. Alam na Niya, at may pagkakataon tayong matuto, na gaano man kahirap ang ating mga sitwasyon, “lahat ng bagay na ito ay [para sa ating] karanasan, at … [ating] ikabubuti.”13
Ibig sabihin ba nito ay lagi nating mauunawaan ang ating mga hamon? Hindi ba lahat tayo, kung minsan, ay may dahilang magtanong ng, “O Diyos, nasaan kayo?”14 Oo! Kapag namatay ang asawa, iisipin ng kabiyak kung nasaan ang Diyos. Kapag nagipit ang pamilya, itatanong iyan ng ama. Kapag nalihis ng landas ang mga anak, malungkot na mananangis ang ina at ama. Oo, “ang pag-iyak ay magtatagal ng magdamag, nguni’t kagalakan ay dumarating kinaumagahan.”15 Pagkatapos, sa simula ng ating nag-ibayong pananampalataya at pag-unawa, babangon tayo at magpapasiyang maghintay sa Panginoon, na sinasabing, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.”16
Ano nga ba ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon? Sa mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng salitang maghintay ay umasa, umasam, at magtiwala. Ang umasa at magtiwala sa Panginoon ay nangangailangan ng pananampalataya, tiyaga, pagpapakumbaba, kaamuan, mahabang pagtitiis, pagsunod sa mga utos, at pagtitiis hanggang wakas.
Ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon ay magtanim ng binhi ng pananampalataya at pangalagaan ito “nang may malaking pagsisikap, at … pagtitiyaga.”17
Ang ibig sabihin nito ay manalangin tulad ng ginawa ng Tagapagligtas—sa ating Diyos Ama sa Langit—na nagsasabing, “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban.”18 Ito ang panalanging iniluluhog natin nang buong kaluluwa, sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon ay magnilay-nilay sa ating puso at “[tanggapin] ang Espiritu Santo” upang malaman natin ang “lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin.”19
Kapag sinunod natin ang mga panghihikayat ng Espiritu, matutuklasan natin na “ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan”20 at natututo tayong “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap.”21
Ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon ay “matatag na [ma]nindigan”22 at “magpatuloy sa paglakad” na may pananampalataya, “na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”23
Ang ibig sabihin nito ay “umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo”24 at “lakip ang [Kanyang] biyayang tumutulong [sa atin, na nagsasabing]: Ang inyong kalooban ang masusunod, O Panginoon, at hindi ang sa amin.”25
Kapag naghintay tayo sa Panginoon, tayo ay “di natitinag sa pagsunod sa mga kautusan,”26 batid na tayo “balang araw ay mamamahinga sa lahat ng [ating] mga paghihirap.”27
At “huwag [nating] itakuwil … ang [ating] pagkakatiwala”28 na “lahat ng bagay na kung saan [tayo] pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti.”29
Ang mga paghihirap na iyon ay darating sa iba’t ibang paraan at kabigatan. Ang karanasan ni Job ay nagpapaalala sa atin ng mga kailangan nating pagtiisan. Nawala ang lahat ng ari-arian ni Job, pati na ang kanyang lupain, bahay, at mga hayop; kanyang mga kapamilya; dangal; kalusugan, at maging ang katinuan ng kanyang pag-iisip. Subalit, naghintay siya sa Panginoon at nagbigay ng malakas na patotoo. Sabi niya:
“Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:
“At … [magiba mang] ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman.”30
“Bagaman ako’y patayin niya, akin ding hihintayin siya.”31
Kahit napakaganda ng mga halimbawa ni Job, ng mga propeta, at ng Tagapagligtas, mahihirapan pa rin tayong maghintay sa Panginoon, lalo na kapag hindi natin lubos na nauunawaan ang Kanyang plano at mga layunin para sa atin. Ang pag-unawang iyon ay madalas ibigay nang ”taludtod sa taludtod, [at] tuntunin sa tuntunin.”32
Sa aking buhay nalaman ko na kung minsan ay hindi nasasagot ang aking panalangin dahil alam ng Panginoon na hindi ako handa. Kapag Siya ay sumagot, ito ay kadalasang “kaunti rito at kaunti roon”33 dahil iyan lang ang kaya ko o handa akong gawin.
Mas madalas nating ipagdasal na magkaroon tayo ng tiyaga, ngunit gusto natin ito ngayon din! Noong bata pa siya, ipinagdasal ni Pangulong David O. McKay na magkaroon siya ng patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Pagkaraan ng maraming taon, habang nagmimisyon siya sa Scotland, dumating din sa wakas ang patotoong iyon. Kalaunan ay isinulat niya, “Iyo’y katiyakan sa akin na ang taimtim na dalangin ay sasagutin ‘balang araw, saan man.’”34
Maaaring hindi natin alam kung kailan o paano sasagot ang Panginoon, ngunit sa Kanyang panahon at pamamaraan, pinatototohanan ko, darating ang Kanyang mga sagot. Para sa ilang sagot maaaring maghintay tayo hanggang sa kabilang buhay. Maaaring totoo ito sa ilang pangako sa ating patriarchal blessing at sa ilang basbas para sa mga kapamilya. Huwag nating talikuran ang Panginoon. Ang Kanyang mga pagpapala ay walang hanggan, hindi pansamantala.
Ang paghihintay sa Panginoon ay nagbibigay sa atin ng napakahalagang pagkakataong matuklasan na maraming taong naghihintay sa atin. Naghihintay ang ating mga anak na magpakita tayo ng tiyaga, pagmamahal, at pag-unawa sa kanila. Naghihintay ang ating mga magulang na magpasalamat tayo at mahabag. Naghihintay ang ating mga kapatid na maging mapagparaya, maawain, at mapagpatawad tayo. Naghihintay ang ating asawa na mahalin natin sila tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa bawat isa sa atin.
Kapag may karamdaman tayo, lalo nating natatanto kung gaano karaming tao ang naglilingkod sa atin. Sa lahat ng Maria at Marta, sa lahat ng mabubuting Samaritanong naglilingkod sa mga maysakit, tumutulong sa mahihina, at nangangalaga sa mga may karamdaman sa isip at katawan, nadarama ko ang pasasalamat ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Sa inyong araw-araw na paglilingkod na katulad ng kay Cristo, kayo ay naghihintay sa Panginoon at ginagawa ang kalooban ng Ama sa Langit. Malinaw Niyang tiniyak sa inyo: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”35 Alam Niya ang inyong mga sakripisyo at kalungkutan. Nakikinig Siya sa inyong mga dalangin. Mapapasainyo ang Kanyang kapayapaan at kapahingahan kapag patuloy kayong naghintay sa Kanya nang may pananampalataya.
Bawat isa sa atin ay mas mahal ng Panginoon kaysa kaya nating unawain o wariin. Kung gayon ay maging mas mabait tayo sa isa’t isa at sa ating sarili. Tandaan natin na kapag naghintay tayo sa Panginoon, tayo ay nagiging “[mga] banal sa pamamagitan ng [Kanyang] pagbabayad-sala, … masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”36
Gayon ang pagpapasakop ng ating Tagapagligtas sa Kanyang Ama sa Halamanan ng Getsemani. Hiniling Niya sa Kanyang mga disipulo, “Makipagpuyat sa akin,” subalit tatlong beses Niya silang binalikan at nakitang sila ay tulog na tulog.37 Dahil hindi Siya sinamahan ng mga disipulong ito at sa huli ay ng Kanyang Ama, ipinasiya ng Tagapagligtas na danasin ang ating “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.”38 Nang magsugo ng isang anghel upang palakasin Siya,39 Siya ay “nanliit na hindi lagukin ang mapait na saro.”40 Naghintay Siya sa Kanyang Ama, nagsabing, “Mangyari nawa ang iyong kalooban,”41 at mapakumbaba Niyang tinapakang mag-isa ang pisaan ng ubas.42 Ngayon, bilang isa sa Kanyang Labindalawang Apostol sa mga huling araw na ito, dalangin ko na mapalakas tayo upang makipagpuyat at maghintay sa Kanya habang tayo ay nabubuhay.
Sa umagang ito ng Sabbath, nagpapasalamat ako na “sa aking Getsemani”43 at sa inyo, hindi tayo nag-iisa. Siya na nagbabantay sa atin ay “hindi iidlip ni matutulog man.”44 Ang Kanyang mga anghel dito at sa kabilang buhay ay ‘nasa paligid [natin], upang dalhin [tayo].”45 Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na ang pangako ng Tagapagligtas ay totoo, sapagkat sinabi Niyang, “Silang naghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila’y magsisitakbo, at hindi mangagpapagod; sila’y magsisilakad, at hindi mangaghihina.”46 Nawa’y maghintay tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagsulong nang may pananampalataya, nang masabi natin sa ating mga dalangin, “Mangyari nawa ang iyong kalooban,”47 at makabalik sa Kanya nang may karangalan. Sa banal na pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos, maging si Jesucristo, amen.