Mahalin ang Kanyang Ina
Paano magpapalaki ng isang masayahin at matatag na anak na babae ang isang ama sa mundo ngayon na puno ng panganib? Ang sagot ay naituro na ng mga propeta ng Panginoon.
Mahirap ilarawan ang sagradong tagpo na karga ng isang ama ang kanyang bagong silang na anak na babae sa unang pagkakataon. Sa taong ito tatlo sa mga anak naming lalaki ang nagkaroon ng mga bagong silang na anak na babae. Habang minamasdan namin ang aming matikas at matipunong anak na si Jon, na manlalaro ng rugby, na karga ang kanyang unang anak na babae, tiningnan niya ito nang napakagiliw at pagkatapos ay tiningnan ako na tila sinasabing, “Paano po magpalaki ng anak na babae?”
Ngayong umaga gusto kong magsalita sa aming mga anak na lalaki at sa lahat ng mga ama. Paano magpapalaki ng isang masayahin at matatag na anak na babae ang isang ama sa mundo ngayon na puno ng panganib? Ang sagot ay naituro na ng mga propeta ng Panginoon. Simple lang ang sagot, at totoo ito—“Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng isang ama para sa kanyang [anak na babae] ay mahalin ang [kanyang] ina.”1 Sa paraan ng pagmamahal ninyo sa kanyang ina, matuturuan ninyo ang inyong anak na babae tungkol sa pagiging magiliw, paggalang, pagkahabag, at katapatan. Matututuhan niya sa inyong halimbawa kung ano ang aasahan sa mga kabataang lalaki at ang mga katangiang hahanapin sa kanyang mapapangasawa. Maipapakita ninyo sa inyong anak sa paraan ng pagmamahal at pagpipitagan ninyo sa inyong asawa na dapat siyang pumili ng isang lalaking magmamahal at magpipitagan sa kanya. Ang inyong halimbawa ay magtuturo sa inyong anak na pahalagahan ang pagkababae. Ipinapakita ninyo sa kanya na siya ay anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa kanya.
Mahalin nang husto ang kanyang ina para ipakita na walang hanggan ang inyong kasal. Ang kasal sa templo para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan ay nararapat sa inyong pinakamatinding pagsisikap at pinakamataas na prayoridad. Nang matapos ni Nephi ang templo sa ilang, saka lamang niya sinabing, “At … kami ay namuhay nang maligaya.”2 Ang pagiging “maligaya” ay matatagpuan sa templo. Ito ay pagtupad sa tipan. Huwag papasukin sa inyong buhay o tahanan ang anumang impluwensyang magiging dahilan para ipagsapalaran ninyo ang inyong mga tipan o pangako sa inyong asawa at pamilya.
Sa programa ng Young Women tinutulungan namin ang inyong anak na babae na maunawaan ang kanyang pagkatao bilang anak ng Diyos at ang kahalagahan ng pananatiling banal at karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng templo at ng kasal sa templo. Itinuturo namin sa inyong anak ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan. Tinuturuan namin siyang magpasiya ngayon na mamuhay sa paraan na lagi siyang magiging karapat-dapat na pumasok sa templo at huwag niyang hayaan ang anuman na makahadlang, makagulo, o maging dahilan upang hindi siya maging marapat sa mithiing iyan. Ang inyong halimbawa, bilang kanyang ama, ay mas malaki ang impluwensya kaysa sinasabi namin. Ang mga kabataang babae ay nag-aalala sa kanilang mga ama. Marami ang nagsasabi na ang pinakamalaking hangarin nila ay magkasama-sama bilang pamilya sa kawalang-hanggan. Gusto nilang naroroon kayo kapag nagpunta sila o nagpakasal sa templo. Manatiling malapit sa inyong anak na babae at tulungan siyang maghanda at manatiling marapat para sa templo. Kapag 12 taong gulang na siya, isama siya sa templo nang madalas upang magpabinyag para sa inyong mga ninuno at iba pa. Itatangi niya ang mga alaalang ito magpakailanman.
Ngayon ay tinatangkang unti-unting wasakin at pawalang-halaga ng popular na kultura ang inyong walang-hanggang tungkulin bilang patriarch at ama at bawasan ang inyong pinakamahalagang mga responsibilidad. Ang mga ito ay ibinigay sa inyo “sa plano ng Diyos,” at bilang mga ama kayo “ang mangungulo sa [inyong] mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng [inyong] mga mag-anak.”3
Mga ama, kayo ang mga tagapangalaga ng inyong mga tahanan, asawa, at anak. Ngayon,“hindi madaling protektahan ang isang pamilya laban sa pagpasok ng kasamaan sa [kanilang] isipan at espiritu. … Ang mga impluwensyang ito ay maaaring pumasok at malayang nakakapasok sa tahanan. [Napakatuso] ni Satanas. Hindi na niya kailangang wasakin ang pinto para makapasok.”4
Dapat kayong maging tagapangalaga ng kabanalan. “Ang isang maytaglay ng priesthood ay matwid. Ang matwid na pag-uugali ay nagpapahiwatig na [kayo ay may] dalisay na kaisipan at malinis na gawain. … Ang kabutihan ay … katangian ng pagiging makadiyos.” Ito ay “katulad ng kabanalan.”5 Ang mga pinahahalagahan ng Young Women ay mga katangiang katulad ng kay Cristo na kinabibilangan ng kabanalan. Nananawagan kami ngayon sa inyo na makiisa sa amin sa pangunguna sa mundo sa pagbalik sa kabutihan. Para magawa ito, “kailangan ninyong gumawa … ng kabutihan at kabanalan”6 sa pamamagitan ng pag-aalis sa inyong buhay ng anumang masama at di-angkop sa isang maytaglay ng banal na priesthood ng Diyos. “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; [at] … ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina.”7 Kaya maging maingat sa pagpili ng inyong mga pinapanood o binabasa. Ang inyong sariling kabutihan ay magiging huwaran ng inyong mga anak na babae, at lalaki rin, kung ano ang tunay na kalakasan at matatag na moralidad. Sa pagiging tagapangalaga ng kabanalan sa sarili ninyong buhay, sa inyong tahanan, at sa buhay ng inyong mga anak, ipinapakita ninyo sa inyong asawa at mga anak na babae ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Ang inyong sariling kadalisayan ay magbibigay sa inyo ng lakas.
Kayo ang mga tagapangalaga ng inyong mga anak na babae nang higit pa sa legal na kahulugan nito. Laging subaybayan ang inyong anak na babae. Ipaalam sa kanya ang inyong mga pamantayan, inaasahan, inaasam at pangarap para sa kanyang tagumpay at kaligayahan. Interbyuhin siya, kilalanin ang kanyang mga kaibigan at, pagdating ng panahon, ang kanyang mga kaibigang lalaki. Tulungan siyang maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon. Tulungan siyang maunawaan na ang alituntunin ng kalinisang-puri ay proteksyon. Tulungan siyang pumili ng musika at media na nag-aanyaya ng Espiritu at angkop sa kanyang banal na pagkatao. Maging aktibong bahagi ng kanyang buhay. At kung tinedyer na siya at hindi umuwi sa takdang oras mula sa pakikipagdeyt, sunduin siya. Tututol siya at sasabihin sa inyo na sinira ninyo ang kanyang gabi, ngunit madarama niya na mahal ninyo siya at nagmamalasakit kayo nang sapat para pangalagaan siya.
Hindi kayo ordinaryong kalalakihan. Dahil sa kagitingan ninyo sa buhay bago kayo isinilang, naging marapat kayong maging mga pinuno at magtaglay ng kapangyarihan ng priesthood. Doon ay nagpakita kayo “ng labis na pananampalataya at mabubuting gawa,” at narito kayo ngayon upang gawin din iyon.8 Kayo ay naiiba dahil sa inyong priesthood.
Sa loob ng ilang linggo ay pangangalanan at babasbasan na ng tatlong anak naming lalaki ang mga sanggol nilang babae. Sana ito ang una sa maraming basbas ng priesthood na matatanggap nila mula sa kanilang mga ama, dahil sa daigdig na gagalawan o kalalakhan nila, kakailanganin nila ang mga basbas na iyon. Itatangi ng inyong anak na babae ang priesthood at magpapasiya sa kanyang puso na ito ang gusto niya sa kanyang magiging tahanan at pamilya. Laging alalahanin “na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit” at “mapamamahalaan … tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.”9
Mga ama, kayo ang bayani o idolo ng inyong anak. Ang tatay ko ang aking idolo. Lagi kong hinihintay noon ang kanyang pag-uwi sa hagdanan ng bahay namin tuwing gabi. Kakargahin niya ako at paiikut-ikutin at ipapapatong niya ang mga paa ko sa suot niyang malalaking sapatos, at isasayaw ako papasok sa bahay namin. Gustung-gusto kong sinusundan noon ang bawat hakbang niya. Kahit ngayon.
Alam ba ninyo na malaki ang impluwensya ng inyong patotoo sa buhay ng inyong mga anak? Alam ko na may patotoo ang aking ama. Alam kong mahal niya ang Panginoon. At dahil mahal ng aking ama ang Panginoon, gayon din ako. Alam ko na nagmalasakit siya sa mga balo dahil ginugol niya ang kanyang bakasyon sa pagpipintura ng bahay ng balong kapitbahay namin. Naisip ko na iyon ang pinakamasayang bakasyon ng aming pamilya dahil tinuruan niya akong magpintura! Pagpapalain ninyo ang buhay ng inyong anak na babae sa darating na mga taon kung maghahanap kayo ng mga paraan para makasama siya at ibahagi ang inyong patotoo sa kanya.
Sa Aklat ni Mormon, si Abis ay nagbalik-loob dahil ibinahagi sa kanya ng kanyang ama ang kagila-gilalas na pangitain nito. Matapos ang maraming taon, isinapuso niya ang kanyang patotoo at namuhay nang matwid sa isang napakasamang lipunan. Dumating ang panahon na hindi na niya kayang manahimik, at nagbahay-bahay siya upang ibahagi ang kanyang patotoo at mga himalang nasaksihan niya sa kaharian ng hari. Ang impluwensya ng pagbabalik-loob ni Abis ay naging kasangkapan sa pagbabago ng buong komunidad. Ang mga taong nakarinig sa kanyang patotoo ay naging mga taong “nagbalik-loob sa Panginoon, [at] kailanman ay hindi nagsitalikod,” at ang kanilang mga anak ay naging kabataang mandirigma!10
Tulad ng sabi sa himnong, “Rise up, O men of God!”11 Ito ay panawagan sa inyo, mga lalaking maytaglay ng banal na priesthood ng Diyos. Nawa’y masabi sa inyo ang sinabi tungkol kay Kapitan Moroni:
“[Siya] ay isang malakas at makapangyarihang lalaki; … isang lalaking may ganap na pang-unawa; … isang lalaking di matitinag sa pananampalataya kay Cristo. …
“… “Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; … ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao.”12
Mga kapatid, mga ama, mga kabataang lalaki, “Maging tapat sa marhalika ninyong pagkatao.”13
Kaya paano kayo magpapalaki ng anak na babae? Mahalin ang kanyang ina. Akayin ang inyong pamilya sa templo, maging tagapangalaga ng kabanalan, at gampanan ang inyong tungkulin sa priesthood. Mga ama, ipinagkatiwala sa inyo ang mariringal na anak na babae ng ating Ama sa Langit. Sila ay mabubuti at pinili. Dalangin ko na pangalagaan ninyo sila, palakasin, pakitaaan ng kabutihan, at turuang sundin ang mga halimbawa ng Tagapagligtas—sapagkat Siya ay buhay! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.