Piliin ang Buhay na Walang Hanggan
Ang inyong walang-hanggang tadhana ay hindi bunga ng pagkakataon kundi ng pagpili. Hindi pa huli ang lahat para piliin ang buhay na walang hanggan!
Ilang taon na ang nakalilipas, habang nasa dalampasigan kami ng pamilya ko, napansin ko ang mga karatula at banderitas na nagbibigay babala sa amin sa malakas na hatak ng tubig o alon mula sa pampang papunta sa laot. Hindi ko nakikita ang panganib na dulot ng malalakas na alon sa lahat ng umalis sa ligtas na pampang at lumusong sa tubig, ngunit madali itong makita ng mga lifeguard sa kalapit na tore. Natatandaan kong nangatwiran pa ako na, “Mahusay akong lumangoy. Magandang ehersisyo ang paglangoy. Ligtas ako sa mababaw na tubig.”
Hindi pansin ang mga babala at tiwala na walang mangyayari sa akin, lumusong ako sa tubig at “nasarapan” sa paglangoy. Makaraan ang ilang minuto itinaas ko ang aking ulo para hanapin ang pamilya ko sa kalapit na dalampasigan, ngunit malayo na ako sa dalampasigan! Tinangay ako ng nagngangalit na alon na ibinabala sa akin at mabilis na inilayo sa pamilya ko.
Noong una ay kalmado pa ako pero kalaunan ay pinanghinaan na ako ng loob, sinikap kong lumangoy pabalik sa pampang, ngunit lalo akong tinangay ng nagngangalit na alon sa mas malalim na tubig. Napagod ako at hindi na makahinga sa nasinghot kong tubig. Talagang posible na akong malunod. Nang maubos na ang lakas ko, humingi na ako ng tulong.
Tila himalang nasa tabi ko kaagad ang isang lifeguard. Hindi ko alam na binabantayan niya ang paglangoy ko sa tubig. Alam niya na tatangayin ako ng alon, at alam niya kung saan ako dadalhin nito. Para maiwasan ang alon, lumangoy siya sa kabila at tamang-tama sa lugar kung saan ako nalulunod; pagkatapos ay matiyaga niyang hinintay ang paghingi ko ng tulong. Dahil napakahina ko na para lumangoy pang mag-isa pabalik sa pampang, nagpasalamat ako noon at ngayon sa pagsagip niya sa akin. Kung hindi niya ako tinulungan hindi na ako makakabalik sa pamilya ko.
Noong araw na iyon nagkamali ako ng pasiya na magdudulot sana ng hindi maganda sa akin at sa pamilya ko. Sa pagsasaalang-alang natin ngayon sa kaloob na kalayaang pumili, dalangin ko na tulungan tayo ng Espiritu Santo na masuri ang ating mga pasiya.
Itinuro ng ating pinakamamahal na propeta na si Pangulong Thomas S. Monson: “Binibigyang-diin ko na mga desisyon ang nagtatakda ng tadhana. Ang mga walang-hanggang desisyon ninyo ay walang hanggan ang mga bunga.”1
Bawat isa sa inyo—gaya ng itinuro sa atin sa kumperensyang ito—ay minamahal na espiritung anak ng mga magulang sa langit. Kayo ay may banal na katangian at tadhana.2 Bago kayo isinilang natutuhan ninyong mahalin ang katotohanan. Gumawa kayo ng mga tamang pagpili na pang-walang-hanggan. Alam ninyo noon na sa buhay na ito ay may mga pasakit at paghihirap, lungkot at pagdurusa, at mga pagsubok na tutulong sa inyong umunlad at sumulong. Alam din ninyo na makapagpapatuloy kayo sa pagpili ng tama, mapagsisisihan ang mga pagkakamali, at sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magmamana ng buhay na walang hanggan.
Ano ang itinuro ng propetang si Lehi tungkol sa pagpili? Ipinayo niya sa atin na tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo.” At pagkatapos ay itinuro niya, “Kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan.”3
Mga kapatid, sa pinipili nating isipin, damhin, at gawin, pinipili ba natin ang buhay na walang hanggan?
Natututuhan ng aming mga apo na kapag pumili sila, pinipili rin nila ang mga ibubunga nito. Kamakailan ayaw maghapunan ng isa sa aming tatlong-taong-gulang na apo. Ipinaliwanag ng kanyang ina, “Malapit ka nang matulog. Kung pipiliin mong maghapunan, makakakain ka ng panghimagas na ice cream. Kung pipiliin mong huwag maghapunan, matutulog ka na ngayon at wala nang ice cream.” Pinag-isipang mabuti ng aming apo ang dalawang mapagpipilian niya at mariin niyang sinabi, “Ito ang gusto ko—maglaro at kumain lang ng ice cream at huwag matulog.”
Mga kapatid, gusto ba nating maglaro, kumain lang ng ice cream, huwag matulog kailanman, at pagkatapos ay makaiwas pa rin sa mga ibubunga nitong malnutrisyon at panghihina ng katawan?
Ang totoo dalawa lang ang ating pagpipilian na pang-walang-hanggan, na pawang may walang-hanggang ibubunga: piliing sundin ang Tagapagligtas ng mundo at makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit o piliing sundin ang mundo at dahil dito ay mahihiwalay tayo sa Ama sa Langit magpakailanman.
Hindi natin parehong mapipili ang kaligtasan ng kabutihan at ang mga panganib ng kamunduhan. Ang unti-unting paglulunoy sa kamunduhan ay tila hindi nakasasama, tulad din naman ng aking paglangoy!
Gaya ng alon na nagpabago sana sa buhay ng aking pamilya, hangad ng mga kalakaran ng mundo, mapanlinlang na pilosopiya, maling turo, at laganap na imoralidad ngayon na ilayo at ihiwalay tayo magpakailanman sa ating pamilya at sa ating Ama sa Langit.
Nakikita at binabalaan tayo ng ating mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag tungkol sa kadalasan ay tuso at mapanganib na mga kalakaran ng mundo na nakaamba sa atin. Mapagmahal nila tayong inaanyayahan, hinihikayat, tinuturuan, pinaaalalahanan, at binabalaan. Alam nila na ang ating kaligtasan ay depende sa pagpiling sundin (1) ang kaalamang natatamo natin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagninilay, at pagdarasal; (2) ang patnubay ng Espiritu Santo; at (3) ang payo ng mga propeta. Alam nila na ang kaligtasan at kagalakan sa huli ay nasa at sa pamamagitan lamang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo. Gaya ng katuturo lamang ni Elder Dallin H. Oaks, ipinahayag ng ating Tagapagligtas, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.”4
Sa paghihirap at pagdurusa noon sa post-Soviet Russia, pinili nina Anatoly at Svetlana Reshetnikov ang kabutihan sa halip na kamunduhan. Matapos sumapi sa Simbahan, sila ay inusig. Ibinaba ang posisyon niya sa trabaho. Inisip nila nang buong katapatan, “Mas marami na tayong oras para maglingkod sa Diyos!” Paulit-ulit silang tinakot, subalit pinili nilang ipamuhay ang ebanghelyo. Si Elder Anatoly Reshetnikov ang tinawag na unang Russian Area Seventy. Dahil sa kanilang mga pagpili, patuloy na pinipili ng mga Reshetnikov ang buhay na walang hanggan.
Lahat tayo ay may paghihirap. Lahat tayo ay nahaharap sa mga tukso. Lahat tayo ay nagkakamali. Hindi mahirap o hindi pa huli ang lahat para piliin ang tama. Ang pagsisisi ay isa sa mahahalaga at tamang pagpiling iyon.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Ang maliliit na pagkakamali at kaunting paglihis mula sa doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magdudulot ng malulungkot na pangyayari sa ating buhay. Samakatwid napakahalagang disiplinahin ang ating sarili na kaagad na gumawa ng maaga at tamang pagwawasto upang makabalik sa tamang landas at huwag nang hintayin o umasa pa na kusang tatama ang mali.
“Habang lalong ipinagpapaliban natin na itama ang mali, lalong lumalaki ang kailangang pagbabago, at lalong nagiging matagal bago tayo makabalik sa tamang landas—hanggang sa oras na maaaring dumating ang kapahamakan.”5
Ang mga bisig ng awa ng Tagapagligtas ay laging nakaunat sa atin.6 Kapag taos at lubos tayong nagsisi, mapapatawad tayo nang lubusan sa ating mga pagkakamali at hindi na maaalaala ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan.7
Sa pagsusuri ng inyong pasiya at mga ibubunga nito, maaari ninyong itanong sa inyong sarili:
-
Naghahangad ba ako ng banal na patnubay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagninilay, at pagdarasal araw-araw, o pinili kong maging lubhang abala o walang pakialam kaya hindi ko pinag-aaralan ang mga salita ni Cristo, pinagninilay ang mga ito, at kinakausap ang aking Ama sa Langit?
-
Pinipili ko bang sundin ang payo ng mga buhay na propeta ng Diyos, o sinusunod ko ang mga paraan ng mundo at salungat na opinyon ng iba?
-
Hinahangad ko ba ang patnubay ng Espiritu Santo araw-araw sa pinipili kong isipin, damhin, at gawin?
-
Palagi ko bang hinahangad na tulungan, paglingkuran, o sagipin ang iba?
Mahal kong mga kapatid, ang inyong walang-hanggang tadhana ay hindi bunga ng pagkakataon kundi ng pagpili. Hindi pa huli ang lahat para piliin ang buhay na walang hanggan!
Pinatototohanan ko na dahil sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, bawat isa sa atin ay maaaring maging sakdal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kasama ang ating pamilya, makakapiling natin ang ating Ama sa Langit nang walang hanggan at makatatanggap ng lubos na kagalakan. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.