2010–2019
Paghahanda sa Priesthood: “Kailangan Ko ang Tulong Mo”
Oktubre 2011


2:3

Paghahanda sa Priesthood: “Kailangan Ko ang Tulong Mo”

Huwag mag-alala kung wala kayong gaanong karanasan, sa halip ay isipin kung ano ang maaari ninyong kahinatnan sa tulong ng Panginoon.

Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo sa pandaigdigang pulong na ito ng priesthood ng Diyos. Tatalakayin ko ngayong gabi ang paghahanda sa priesthood, kapwa ang atin at ang mga tinutulungan nating maglaan para sa iba.

Kung minsan ay iniisip ng karamihan sa atin na, “Handa ba ako para sa tungkuling ito sa priesthood?” Ang sagot ko ay, “Oo, inihanda kayo.” Layon ko ngayong tulungan kayong kilalanin ang paghahandang iyon at humugot ng lakas mula roon.

Tulad ng alam ninyo, ang Aaronic Priesthood ay itinalaga bilang panimulang priesthood. Ang karamihan sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay mga deacon, teacher, at priest na edad 12 hanggang 19 na taong gulang.

Maaari nating isipin na ang paghahanda sa priesthood ay nangyayari sa Aaronic Priesthood. Ngunit inihahanda na tayo ng ating Ama sa Langit mula nang turuan Niya tayo sa Kanyang kaharian bago tayo isinilang. Inihahanda Niya tayo ngayong gabi. At patuloy Niya tayong ihahanda kung tutulutan natin Siya.

Layon ng lahat ng paghahanda sa priesthood, bago tayo isinilang at sa buhay na ito, na maging karapat-dapat tayo at ang mga pinaglilingkuran natin para sa Kanya sa buhay na walang-hanggan. Tiyak na kasama sa ilan sa mga unang aralin sa buhay bago tayo isinilang ang plano ng kaligtasan, na nakasentro kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi lang itinuro sa atin ang plano kundi nasa mga kapulungan tayo noon kung saan pinili natin ito.

Dahil nalambungan ng pagkalimot ang ating isipan nang isilang tayo, kinailangan nating pag-aralang muli sa buhay na ito ang dati na nating alam at ipinagtanggol. Bahagi ng paghahanda natin sa buhay na ito ang matagpuan ang mahalagang katotohanang iyan para muli nating maipangakong magiging tapat tayo dito sa pamamagitan ng tipan. Kinailangan diyan ang ating pananampalataya, pagpapakumbaba, at tapang gayundin ang tulong ng mga taong nakatagpo na sa katotohanan at ibinahagi iyon sa atin.

Maaaring sila ay mga magulang, misyonero, o kaibigan. Ngunit bahagi ng ating paghahanda ang tulong na iyon. Laging kabilang sa ating paghahanda sa priesthood ang ibang mga tao na inihanda upang mag-alok sa atin ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo at piliing tuparin ang mga tipan upang maisapuso natin ang ebanghelyo. Para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang-hanggan, ang paglilingkod natin sa buhay na ito ay dapat may pagsisikap nang buong puso, isipan, at lakas upang maihanda ang iba na makabalik sa Diyos kasama natin.

Kaya’t magiging bahagi ng paghahanda natin sa priesthood sa buhay na ito ang mga pagkakataong paglingkuran at turuan ang iba. Maaaring kabilang diyan ang pagiging mga guro sa Simbahan, matalino at mapagmahal na mga ama, mga miyembro ng isang korum, at mga misyonero para sa Panginoong Jesucristo. Ang Panginoon ay magbibigay ng mga pagkakataon, ngunit depende na sa atin kung handa na nga ba tayo. Ang layon ko ngayong gabi ay ituro ang ilan sa mahahalagang desisyong kailangan para magtagumpay ang paghahanda sa priesthood.

Ang mabubuting pasiya kapwa ng taong nagtuturo at ng taong tinuturuan ay depende sa kaunting pag-unawa kung paano inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod sa priesthood.

Una, tinatawag Niya ang mga tao, bata at matanda, na sa tingin ng mundo, at maging sa tingin nila mismo, ay mahina at simple. Kaya ng Panginoon na gawing kalakasan ang mga kahinaang iyon. Babaguhin ng kaalamang iyan ang paraan ng pagpili ng matalinong pinuno kung sino ang sasanayin at kung paano siya sasanayin. At mababago niyan ang paraan ng pagtugon ng maytaglay ng priesthood sa mga pagkakataong umunlad na iniaalok sa kanya.

Narito ang ilang halimbawa. Isa akong walang-karanasang priest noon sa isang malaking ward. Tinawagan ako ng bishop ko sa telepono isang Linggo ng hapon. Nang sumagot ako, sabi niya, “May oras ka ba para samahan ako? Kailangan ko ang tulong mo.” Ipinaliwanag lang niya na gusto niya akong maging kompanyon sa pagbisita sa isang babaeng hindi ko kilala na walang makain at kailangang matuto ng mas mahusay na pamamahala ng kanyang pananalapi.

Ngayon, alam ko na may dalawa siyang bihasang tagapayo sa kanyang bishopric. Matanda na sila pareho at maraming karanasan. Ang isang tagapayo ay may-ari ng malaking negosyo na kalaunan ay naging mission president at General Authority. Ang isa namang tapagayo ay isang kilalang hukom sa lungsod.

Ako ang katatawag na first assistant ng bishop sa priests quorum. Alam niya na wala akong gaanong alam tungkol sa mga alituntunin ng pagkakawanggawa. Lalong wala akong alam tungkol sa pananalapi. Hindi pa ako nakasulat ng tseke; wala akong bank account; at ni hindi pa nga ako nakakita ng personal budget. Subalit, sa kabila ng kawalan ko ng karanasan, naisip ko na seryoso siya nang sabihin niyang, “Kailangan ko ang tulong mo.”

Naunawaan ko ang ibig sabihin ng inspiradong bishop na iyon. Nakakita siya sa akin ng magandang pagkakataon para ihanda ang isang maytaglay ng priesthood. Natitiyak ko na hindi niya nakinita na ang walang-alam na batang iyon ay magiging miyembro ng Presiding Bishopric. Ngunit itinuring niya ako noong araw na iyon, at sa lahat ng araw na nakilala ko siya sa pagdaan ng mga taon, bilang isang proyektong ihahanda na may malaking potensyal.

Mukhang natutuwa siya, pero trabaho iyon para sa kanya. Pagbalik namin sa bahay ko matapos bisitahin ang balong nangangailangan, ipinarada niya ang kotse. Binuklat niya ang kanyang gamit-na-gamit at maraming markang banal na kasulatan. At buong kabaitan niya akong iwinasto. Sinabi niya sa akin na kailangan kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan at matuto pang lalo. Ngunit nakita niya siguro na mahina ako at simple kaya madali akong turuan. Hanggang ngayon naaalala ko pa ang itinuro niya noong hapong iyon. Ngunit higit pa diyan, naaalala ko pa rin kung gaano siya kapanatag na makakaya ko at mas magiging magaling ako—at magagawa ko ito.

Nakita niya ng higit pa sa totoong pagkatao ko ang mga posibilidad na nasa kalooban ng isang taong mahina at simple para naisin ang tulong ng Panginoon at maniwalang darating iyon.

Mapipili ng mga bishop, mission president, at mga ama na kumilos ayon sa mga posibilidad na iyon. Nakita ko itong nangyari kamakailan sa isang pulong-ayuno nang magpatotoo ang isang deacons quorum president. Magiging teacher na siya at iiwan na ang mga miyembro ng kanyang korum.

Nagpatotoo siya nang matindi tungkol sa pag-unlad sa kabutihan at kapangyarihan sa mga miyembro ng kanyang korum. Hindi pa ako nakarinig ng isang taong pumuri sa isang organisayon nang tulad niya. Pinuri niya ang kanilang paglilingkod. Pagkatapos ay sinabi niya na alam niyang natulungan niya ang mga bagong deacon nang manghina sila dahil nadama niya iyon nang pumasok na siya sa priesthood.

Nang madama niya ang kanyang kahinaan, naging mas mapagpasensya siya, mas maawain, at sa gayon ay mas nakaya niyang palakasin at paglingkuran ang iba. Sa dalawang taong iyon sa Aaronic Priesthood, sa aking palagay, siya ay naging bihasa at matalino. Nalaman niya na tinulungan siya bilang isang quorum president ng malinaw na alaala ng kanyang sariling mga pangangailangan noong siya ay mas bata ng dalawang taon. Ang hamon sa kanya at sa atin ay darating kapag pinaglaho at pinagdilim ng panahon at ng ating tagumpay ang gayong mga alaala.

Nakita siguro ni Pablo ang panganib na iyan nang payuhan niya ang kanyang nakababatang kompanyon sa priesthood na si Timoteo. Hinikayat at tinuruan niya ito kapwa sa sarili niyang paghahanda sa priesthood at sa pagtulong sa Panginoon na ihanda ang iba.

Pakinggan kung ano ang sinabi ni Pablo sa kanyang nakababatang kompanyon na si Timoteo:

“Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.

“Hanggang ako’y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.

“Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo’y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay. …

“Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo;1 manatili ka sa mga bagay na ito: sapagka’t sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.”2

Maganda ang payo ni Pablo sa ating lahat. Huwag mag-alala kung wala kayong gaanong karanasan, sa halip ay isipin kung ano ang maaari ninyong kahinatnan sa tulong ng Panginoon.

Ang doktrinang hinihimok ni Pablo na pag-usapan nating maigi sa ating paghahanda sa priesthood ay ang mga salita ni Cristo upang maging karapat-dapat tayo sa pagtanggap sa Espiritu Santo. Sa gayon ay malalaman natin ang gustong ipagawa sa atin ng Panginoon sa ating paglilingkod at maging matapang na gawin ito, anuman ang maging sitwasyon natin sa hinaharap.

Inihahanda tayo para sa paglilingkod sa priesthood na magiging mas malaking hamon pagdating ng panahon. Halimbawa, ang ating mga kalamnan at utak ay tumatanda rin gaya natin. Mababawasan ang kakayahan nating matutuhan at alalahanin ang mga nabasa natin. Ang paglilingkod sa priesthood na inaasahan sa atin ng Panginoon ay mangangailangan ng mas malaking disiplina sa sarili sa araw-araw nating buhay. Mapaghahandaan natin ang pagsubok na iyon sa pagkakaroon ng pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa bawat araw.

Binigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataong maghanda sa isang bagay na tinawag Niyang “sumpa at tipan [ng] priesthood.”3

Ito ay isang pakikipagtipan natin sa Diyos na susundin natin ang lahat ng Kanyang utos at maglilingkod na tulad ng gagawin Niya kung narito Siya. Ang pamumuhay ng mga pamantayang iyan sa abot ng ating makakaya ay nagbibigay ng lakas na kakailanganin natin para magtiis hanggang wakas.

Ipinakita sa akin ng mahuhusay na guro sa priesthood kung paano makakamtan ang ganoong kalakasan: iyon ay ang masanay na daigin ang pagod at takot na siyang maaaring tumukso sa iyo na sumuko. Ipinakita sa akin ng mahuhusay na guro ng Panginoon na ang espirituwal na lakas na manatili ay nagmumula sa patuloy na pagsisikap kahit sumuko na ang iba.

Makikita ninyo na taglay pa rin iyon ng mahuhusay na lider ng priesthood na nagkaroon ng gayong espirituwal na lakas sa kanilang kabataan kahit mahina na ang kanilang katawan.

Ang nakababata kong kapatid na lalaki ay nasa isang maliit na lungsod sa Utah dahil sa trabaho. Nakatanggap siya ng tawag sa telepono sa kanyang hotel mula kay Pangulong Spencer W. Kimball. Hatinggabi na iyon matapos ang nakakapagod na trabaho para sa kapatid ko at tiyak na gayundin kay Pangulong Kimball, na sinimulan siyang kausapin nang ganito. Sabi niya, “Nabalitaan ko na narito ka sa bayan. Alam kong gabi na at baka matutulog ka na, pero maaari mo ba akong tulungan? Kailangan kita bilang kompanyon ko sa pagtingin sa kondisyon ng lahat ng chapel natin dito sa lungsod.” Sinamahan siya noong gabing iyon ng kapatid ko, na walang alam tungkol sa paglilinis ng chapel at hindi alam kung bakit gagawin iyon ni Pangulong Kimball matapos mapagod sa maghapon o kung bakit niya kailangan ng tulong.

Pagkaraan ng ilang taon nakatanggap din ako ng katulad na tawag sa hatinggabi sa isang hotel sa Japan. Ako noon ang bagong commissioner of education para sa Simbahan. Alam kong naroon din sa hotel na iyon si Pangulong Gordon B. Hinckley para gawin ang atas sa kanya sa Japan. Sinagot ko ang tumutunog na telepono nang kahihiga ko pa lamang para matulog, pagod sa paggawa ng lahat ng inakala kong kaya kong gawin.

Itinanong ni Pangulong Hinckley sa kanyang magiliw na tinig, “Bakit ka natutulog habang narito ako’t nagbabasa ng dokumentong ipinarerepaso sa atin?” Kaya tumayo ako at nagtrabaho kahit alam kong kayang repasuhin nang mas maayos ni Pangulong Hinckley ang dokumento kaysa sa akin. Ngunit kahit paano ay ipinadama niya sa akin na kailangan niya ang tulong ko.

Pagkatapos ng halos lahat ng pulong ay magtatanong si Pangulong Thomas S. Monson sa secretary ng Unang Panguluhan, “Natapos ko na bang lahat ang trabaho ko?” At lagi siyang ngumingiti kapag sinasagot siya ng: “Opo, President.” May mensahe sa akin ang masayang ngiti ni Pangulong Monson. Ipinapaisip nito sa akin, “May magagawa pa ba ako sa mga atas sa akin?” Pagkatapos ay bumabalik na ako sa opisina ko para magtrabaho.

Ipinakita sa akin ng mahuhusay na guro kung paano maghandang tuparin ang sumpa at tipan kapag wala nang panahon at matanda na ako. Ipinakita at itinuro nila sa akin kung paano disiplinahin ang aking sarili na magsikap pa kaysa sa inakala kong kaya ko habang malusog at malakas pa ako.

Hindi ko kayang maging perpektong tagapaglingkod sa lahat ng oras, ngunit kaya kong magsikap pa kaysa sa inakala kong kaya ko. Dahil maaga kong nakasanayan iyon, magiging handa ako para sa mga pagsubok kalaunan. Kayo at ako ay maaaring maging handa taglay ang lakas na tuparin ang ating sumpa at tipan sa mga pagsubok na tiyak na darating sa pagwawakas ng buhay.

Nakita ko ang katibayan niyan sa isang pulong ng Church Board of Education. Nakapaglingkod na noon nang matagal si Pangulong Spencer W. Kimball habang tinitiis ang sunud-sunod na mga hamon sa kalusugan na tanging si Job lang ang makauunawa. Siya ang namuno sa pulong nang umagang iyon.

Bigla siyang tumigil sa pagsasalita. Bigla siyang napaupo sa kanyang upuan. Pumikit ang kanyang mga mata. Napayuko siya. Nakaupo ako malapit sa kanya. Katabi namin si Elder Holland. Tumayo kaming dalawa para tulungan siya. Wala man kaming gaanong karanasan sa mga biglang pangangailangan, nagpasiya kaming buhatin siya, habang nakaupo sa kanyang silya, papunta sa kalapit niyang opisina.

Naturuan niya kami sa sandaling iyon ng kanyang pangangailangan. Habang binubuhat namin ang kanyang upuan, inilabas namin siya mula sa meeting room papunta sa pasilyo ng Church Administration Building. Medyo nagmulat siya, halatang hilo pa, at sinabing, “O, mag-ingat kayo. Baka mabali ang likod ninyo.” Nang malapit na kami sa pintuan ng opisina niya, sinabi niya, “Nalulungkot ako’t naabala ko ang pulong.” Ilang minuto matapos namin siyang dalhin sa kanyang opisina, at hindi pa rin namin alam kung ano ang kanyang problema, tumingin siya sa amin at nagsabing, “Hindi ba dapat na kayong bumalik sa pulong?”

Umalis na kami at nagmadaling bumalik, batid na kahit paano ay mahalaga sa Panginoon ang pagpunta namin doon. Magmula noong bata pa ay pinilit na ni Pangulong Kimball ang kanyang sarili nang higit pa sa kaya niyang tiisin para paglingkuran at mahalin ang Panginoon. Nakasanayan na niya ito kaya nakakaya niyang gawin iyon kapag kailangan. Handa siya. Kaya nga nagawa niyang magturo at ipakita sa amin kung paano maging handang tuparin ang sumpa at tipan: sa pamamagitan ng patuloy na paghahanda sa pagdaan ng mga taon gamit ang buong lakas natin sa mukhang maliliit na atas na hindi gaanong mahalaga.

Dalangin ko na matupad natin ang ating mga tipan sa priesthood upang maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang-hanggan at sa lahat ng mga taong pinatuturuan sa atin. Ipinapangako ko sa inyo na kung gagawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo, daragdagan ng Diyos ang inyong lakas at karunungan. Ihahanda Niya kayo. Ipinapangako ko sa inyo na tulad ng pagpupuri ko sa mga nakilala kong mahuhusay na guro, pupurihin din ang inyong pangalan ng mga tinuturuan ninyo at ng mga taong pinakikitaan ninyo ng mabuting halimbawa.

Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay at mahal Niya kayo. Kilala Niya kayo. Nagpakita Siya at ang Kanyang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak na si Jesucristo sa walang-karanasang batang si Joseph Smith. Ipinagkatiwala Nila sa kanya ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo at ng tunay na Simbahan. Pinalalakas Nila ang kanyang loob tuwing kailangan niya ito. Mapagmahal Nila siyang pinarurusahan para madama niya ang kanyang pagkakamali at upang mapalakas siya. Inihanda Nila si Joseph, at inihahanda Nila tayo, para sa lakas na magpatuloy na magsumikap hanggang sa matamo ang kaluwalhatiang selestiyal na siyang layon at dahilan ng lahat ng paglilingkod ng priesthood.

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na makilala ninyo ang maluluwalhating pagkakataong ibinigay sa inyo ng Diyos sa pagtawag at paghahanda sa inyo sa paglilingkod sa Kanya at sa iba. Sa pangalan ng ating mapagmahal na pinuno at guro na si Jesucristo, amen.