Huwag Mo Akong Kalimutan
Dalangin ko at basbas sa inyo na hindi ninyo malimutan kailanman na kayo ay tunay na mahahalagang anak na babae sa kaharian ng Diyos.
Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo ngayon. Lagi kong inaasam ang taunang general Relief Society meeting na ito at ang magagandang mensaheng ibinibigay rito. Salamat, mga kapatid! Malaking karangalan para sa akin ang maatasan ni Pangulong Thomas S. Monson na magsalita ngayon at magdagdag ng ilang ideya para sa kababaihan ng Simbahan.
Naglakad-lakad kami kanina ng aking asawa at anak na babae sa isang magandang hardin. Namangha ako sa kaluwalhatian at kagandahan ng likha ng Diyos. Pagkatapos ay napansin ko, sa lahat ng magagandang bulaklak, ang pinakamaliit na bulaklak. Alam ko ang tawag sa bulaklak na ito dahil bata pa ako ay giliw na giliw na ako rito. Ang tawag sa bulaklak ay forget-me-not.
Hindi ko tiyak kung bakit naging napakahalaga sa akin ng munting bulaklak na ito sa nagdaang mga taon. Hindi ito mapapansin kaagad, madali itong malagpasan sa dami ng mas malalaki at makukulay na bulaklak; subalit gayon din naman ito kaganda, matingkad ang kulay na tulad ng pinakabughaw na kalangitan—marahil ay isang dahilan iyan kaya ko ito gustung-gusto.
At nariyan pa ang nagsusumamong pangalan nito. May alamat ang mga Aleman na matapos pangalanan ng Diyos ang lahat ng halaman, may isang naiwan. Isang munting tinig ang nagsalita, “Huwag mo akong kalimutan, Panginoon!” At sumagot ang Diyos na ito na ang itatawag dito.
Ngayong gabi gusto kong gamitin ang munting bulaklak na ito bilang metapora. Nahikayat ako ng limang talulot ng munting bulaklak na forget-me-not na mag-isip ng limang bagay na makabubuting huwag nating kalimutan kailanman.
Una, huwag kalimutang pagpasensyahan ang inyong sarili.
May gusto akong sabihin sa inyo na sana ay maunawaan ninyo nang mabuti: Alam na alam ng Diyos na kayo at ako ay hindi perpekto.
Idaragdag ko: Alam na alam din ng Diyos na ang mga taong inaakala ninyong perpekto ay hindi naman perpekto.
Subalit gumugugol tayo ng maraming oras at lakas sa paghahambing ng ating sarili sa iba—kadalasan ay ng ating mga kahinaan sa kanilang mga kalakasan. Itinutulak tayo nito na asahan sa ating sarili ang mga bagay na imposibleng magawa. Dahil dito, hindi tayo natutuwa sa mabubuti nating gawa dahil tila hamak iyon kumpara sa ginagawa ng iba.
Lahat ay may mga kalakasan at kahinaan.
Maganda na mayroon kayong mga kalakasan.
At bahagi ng inyong buhay sa lupa ang magkaroon ng mga kahinaan.
Nais tayong tulungan ng Diyos na sa kalaunan ang mga kahinaan ay ating maging lakas,1 ngunit alam Niya na matatagalan ito. Nais Niya tayong maging perpekto,2 at kung mananatili tayo sa landas ng pagkadisipulo, balang-araw ay mangyayari iyon. Ayos lang na hindi pa kayo perpekto. Patuloy itong pagsikapan, ngunit huwag parusahan ang inyong sarili.
Mahal na mga kapatid, marami sa inyo ang lubhang mahabagin at mapagpasensya sa mga kahinaan ng iba. Tandaan lamang na kahabagan at pagpasensyahan din ang inyong sarili.
Sa ngayon, magpasalamat sa maliliit na tagumpay sa inyong tahanan, sa pagsasamahan ng inyong pamilya, sa inyong edukasyon at kabuhayan, sa pakikibahagi ninyo sa Simbahan at pagpapahusay sa sarili. Gaya ng mga forget-me-not, ang mga tagumpay na ito ay maaaring tila maliit para sa inyo at hindi mapansin ng iba, ngunit napapansin ito ng Diyos at hindi ito maliit para sa Kanya. Kung iniisip ninyo na ang pinakaperpektong rosas o kaakit-akit na orchid lamang ang tagumpay, maaaring lumagpas sa inyo ang ilan sa pinakamatatamis na karanasan sa buhay.
Halimbawa, ang paggigiit na magkaroon kayo ng isang “perpektong” family home evening bawat linggo—kahit maging miserable kayo at ang lahat ng nasa paligid ninyo—ay maaaring hindi ang siyang pinakamagandang gawin. Sa halip, itanong sa sarili, “Ano ang magagawa namin bilang pamilya na nakatutuwa at espirituwal at maglalapit sa amin sa isa’t isa?” Ang family home evening na iyon—kahit maikli at hamak ang pagdaraos—ay maaaring mas positibo ang mga resulta sa katagalan.
Mahaba pa ang ating lalakbayin para maging perpekto, ngunit mamamangha tayo at liligaya kahit sa pinakamaliliit na hakbang sa paglalakbay na iyon.
Ikalawa, huwag kalimutan ang pagkakaiba ng mabuting sakripisyo sa walang-kabuluhang sakripisyo.
Ang isang katanggap-tanggap na sakripisyo ay kapag ipinagpalit natin ang isang mabuting bagay para sa isang bagay na mas mahalaga.
Ang gumising para tulungan ang isang batang nananaginip ng masama ay isang mabuting sakripisyo. Alam nating lahat ito. Ang maglamay sa magdamag, na makasasama sa inyong kalusugan, para gawan ng perpektong palamuti ang damit-pangsimba ng isang anak na babae ay maaaring hindi mabuting sakripisyo.
Ang paglalaan ng kaunting oras natin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan o paghahandang magturo ng isang aralin ay isang mabuting sakripisyo. Ang paggugol ng maraming oras sa pananahi ng titulo ng aralin sa gawang-bahay na mga pot holder para sa bawat miyembro ng inyong klase ay maaaring hindi mabuti.
Bawat tao at sitwasyon ay naiiba, at ang isang mabuting sakripisyo sa isang pagkakataon ay maaaring walang kabuluhan sa ibang pagkakataon.
Paano natin masasabi ang pagkakaiba sa sarili nating sitwasyon? Maitatanong natin sa sarili, “Inilalaan ko ba ang aking oras at lakas sa mga bagay na pinakamahalaga?” Napakaraming mabubuting bagay na gagawin, ngunit hindi natin magagawa ang lahat. Labis na nalulugod ang ating Ama sa Langit kapag nagsakripisyo tayo ng isang mabuting bagay para sa isang bagay na mas mahalaga. Kung minsan, maaaring ito ay pag-aalaga sa maliliit ngunit magagandang bulaklak na forget-me-not sa halip na sa isang malaking hardin ng pambihirang mga bulaklak.
Ikatlo, huwag kalimutang maging maligaya ngayon.
Sa magandang kuwentong pambatang Charlie and the Chocolate Factory, nagtago ng ginintuang tiket sa lima niyang kendi ang mahiwagang tagagawa ng kendi na si Willy Wonka at ibinalita na sinumang makakita sa isa sa mga tiket na ito ay makapaglilibot sa kanyang pabrika at habambuhay na susuplayan ng tsokolate.
Nakasulat sa bawat ginintuang tiket ang mensaheng ito: “Binabati kita, ang suwerteng nakakita sa Ginintuang Tiket na ito … ! Magagandang bagay ang naghihintay sa iyo! Magagandang sorpresa ang naghihintay sa iyo! … Mahiwaga at kagila-gilalas na mga sorpresa … ang magpapasaya … magpapamangha at magpapamaang sa iyo.”3
Sa kuwentong pambatang ito, desperadong makakita ng ginintuang tiket ang mga tao sa buong mundo. Pakiramdam ng ilan, buong kaligayahan nila sa hinaharap ay depende sa kung mapasakamay nila o hindi ang ginintuang tiket. Sa kanilang kasabikan, nakalimutan ng mga tao ang simpleng galak na dati nilang nalasap sa pagkain ng tsokolate. Ang tsokolate mismo ay naging malaking kabiguan kung wala roon ang ginintuang tiket.
Napakaraming tao ngayon ang naghihintay sa sarili nilang ginintuang tiket—ang tiket na pinaniniwalaan nilang siyang susi sa kaligayahang matagal na nilang pinapangarap. Para sa ilan, ang ginintuang tiket ay maaaring isang perpektong pag-aasawa; para sa iba, isang napakagandang bahay; o marahil ay kalayaan sa problema o alalahanin.
Hindi masamang masabik sa mabubuting bagay—inaasam at hinahangad natin ang mga bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri.”4 Nagkakaroon ng problema kapag ipinagpaliban natin ang ating kaligayahan sa paghihintay nating lumitaw ang isang bagay—ang ating ginintuang tiket.
May isang babaeng walang ibang ninais kundi ang makasal sa templo sa isang mabuting maytaglay ng priesthood at maging isang ina at kabiyak. Pinangarap niya ito sa buong buhay niya, at ah, siya ay magiging mabuting ina at mapagmahal na asawa. Ang kanyang tahanan ay mapupuno ng pag-ibig at kabutihan. Walang masamang salita ang masasambit dito. Walang pagkaing masusunog. At ang kanyang mga anak, sa halip na makibarkada sa kanilang mga kaibigan, ay mas gugustuhing makasama ang kanilang Inay at Itay tuwing gabi at katapusan ng linggo.
Ito ang kanyang ginintuang tiket. Ito ang isang bagay kung saan sa pakiramdam niya ay nakasalalay ang kanyang buong buhay. Ito ang isang bagay sa buong mundo na pinanabikan niyang dumating.
Ngunit hindi ito nangyari kailanman. At, sa paglipas ng mga taon, lalo pa siyang lumayo sa karamihan, sumama ang loob, at nagalit pa. Hindi niya maunawaan kung bakit ayaw ipagkaloob sa kanya ng Diyos ang kanyang mabuting naisin.
Naging guro siya sa elementarya, at ang makasama ang mga bata sa buong maghapon ay nagpaalala lang sa kanya na hindi lumitaw kailanman ang kanyang ginintuang tiket. Sa pagdaan ng mga taon lalong sumama ang kanyang loob at lumayo siya sa karamihan. Ayaw siyang makasama ng mga tao at iniwasan siya hangga’t maaari. Pinagbuntunan pa niya ng galit ang mga bata sa paaralan. Natagpuan niya na hindi na siya makapagtimpi, at kung hindi siya galit ay malungkot naman siya.
Ang malungkot sa kuwentong ito ay na ang babaeng ito, sa kabiguang makamtan ang kanyang ginintuang tiket, ay hindi napansin ang mga pagpapalang mayroon siya. Wala nga siyang anak sa kanyang tahanan, ngunit nakapaligid ang mga ito sa kanya sa klase. Hindi siya pinagpalang magkapamilya, ngunit binigyan siya ng isang pagkakataon ng Panginoon na iilang tao lang ang mayroon—pagkakataong impluwensyahan sa kabutihan ang buhay ng daan-daang bata at pamilya bilang guro.
Ang aral dito ay na kung gugugulin natin ang ating panahon sa paghihintay sa magagandang rosas, lalagpasan tayo ng kagandahan ng maliliit na forget-me-not na nasa ating paligid.
Hindi ibig sabihin ay huwag na tayong umasa o magpalit tayo ng mga mithiin. Huwag tumigil sa pagsisikap na matamo ang pinakamainam sa inyo. Huwag tumigil sa pag-asam sa lahat ng mabubuting naisin ng inyong puso. Ngunit huwag ipikit ang inyong mga mata at puso sa simple at eleganteng kagandahan ng mga karaniwang sandali sa bawat araw na bumubuo sa masagana at makabuluhang buhay.
Ang pinakamaliligayang taong kilala ko ay hindi yaong nakakita sa kanilang ginintuang tiket; sila yaong habang pinagsisikapan ang makabuluhang mga mithiin, ay natuklasan at pinakaingatan ang ganda at tamis ng mga sandali sa araw-araw. Sila yaong nakadarama ng pasasalamat at pagkamangha sa buong buhay nila, nang paunti-unti araw-araw. Sila yaong tunay na maligaya.
Ikaapat, huwag kalimutan “kung bakit” may ebanghelyo.
Kung minsan, sa araw-araw nating gawain sa buhay, hindi sadyang nalilimutan natin ang isang mahalagang aspeto ng ebanghelyo ni Jesucristo, na tulad ng pagkalimot ng isang tao sa maganda at maselang forget-me-not. Sa masisigasig nating pagsisikap na gampanan ang lahat ng tungkulin at obligasyon natin bilang mga miyembro ng Simbahan, ang tingin natin sa ebanghelyo kung minsan ay isang mahabang listahan ng mga dapat nating idagdag sa mahaba nang listahan ng mga “gagawin” natin, ilang oras na kailangang isingit sa ating abalang iskedyul. Nagtutuon tayo sa kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon at kung paano natin ito gagawin, ngunit kung minsan ay nalilimutan natin kung bakit.
Mahal kong mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi isang obligasyon; ito ay isang landas, na minarkahan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, patungo sa kaligayahan at kapayapaan sa buhay na ito at kaluwalhatian at di-maipaliwanag na katuparan sa buhay na darating. Ang ebanghelyo ay isang liwanag na tumatagos sa mortalidad at tumatanglaw sa ating landas.
Samantalang kailangang unawain “kung ano” ang ebanghelyo at “kung paano” ito gumagana, ang walang hanggang alab at kamahalan nito ay nagmumula sa “kung bakit” mayroon nito. Kapag naunawaan natin kung bakit ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang huwarang ito ng pamumuhay, kapag naalala natin kung bakit tayo nangakong gawin itong pundasyon ng ating buhay, hindi na nagiging pabigat ang ebanghelyo at, sa halip, ito ay nagiging galak at kasiyahan. Ito ay nagiging mahalaga at matamis.
Huwag tayong tumahak sa landas ng pagkadisipulo na nakapako ang tingin sa lupa, na iniisip lamang ang ating mga tungkulin at obligasyon. Huwag tayong lumakad nang hindi pansin ang kagandahan ng maluwalhati at espirituwal na mga tanawin sa ating paligid.
Mahal kong mga kapatid, hangarin ang kamahalan, kagandahan, at nakatutuwang kagalakan ng “kung bakit” may ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang “kung ano” at “kung paano” ng pagsunod ay minamarkahan ang daan at pinananatili tayo sa tamang landas. Ang “kung bakit” ng pagsunod ay nagpapadalisay sa ating mga gawain, ginagawang maringal ang karaniwan. Ginagawa nitong mga banal na gawain ng paglalaan ang ating mumunting pagsunod.
Ikalima, huwag kalimutan na mahal kayo ng Panginoon.
Noong bata pa ako, tuwing titingnan ko ang mga munting forget-me-not, kung minsan pakiramdam ko ay para akong bulaklak na iyon—maliit at walang halaga. Inisip ko kung kalilimutan ako ng pamilya ko o ng aking Ama sa Langit.
Paglipas ng mga taon malilingon ko ang batang iyon nang magiliw at may habag. At alam ko na ngayon—hindi ako nalimutan kailanman.
At may iba pa akong alam: bilang Apostol ng ating Panginoong Jesucristo, ipinapahayag ko nang buong katiyakan at paniniwala sa aking puso—maging kayo man!
Hindi kayo kinalilimutan.
Mga kapatid, saanman kayo naroon, anuman ang inyong sitwasyon, hindi kayo kinalilimutan. Gaano man kahirap ang inyong mga araw, gaano man kawalang-halaga ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili, gaano man kayo kahamak sa inyong paningin, hindi kayo kinalilimutan ng inyong Ama sa Langit. Katunayan, mahal Niya kayo, nang walang hanggan.
Isipin lang ninyo: Kilala at naaalala kayo ng pinakamaringal, pinakamakapangyarihan, at pinakamaluwalhating Nilalang sa sansinukob! Minamahal kayo ng Hari ng kalawakan at ng panahong walang hanggan!
Siya na lumikha at nakaaalam sa mga bituin ay kilala kayo sa pangalan—kayo ang mga anak na babae sa Kanyang kaharian. Isinulat ng Mang-aawit:
“Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;
“Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? …
“Sapagka’t iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.”5
Mahal kayo ng Diyos dahil kayo ay Kanyang anak. Mahal Niya kayo kahit kung minsan ay nalulungkot kayo o nagkakamali.
Ang pag-ibig ng Diyos at kapangyarihan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumutubos at nagliligtas. Kung tutulutan lang ninyo ang Kanyang banal na pag-ibig sa inyong buhay, paghihilumin nito ang anumang sugat at sakit, at papalisin ang anumang dalamhati.
Mahal kong mga kapatid sa Relief Society, mas malapit kayo sa langit kaysa akala ninyo. Mas marami pang nakalaan sa inyo kaysa kaya ninyong wariin. Patuloy na pag-ibayuhin ang inyong pananampalataya at personal na kabutihan. Ipamuhay ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Itangi ang kaloob na maging aktibo sa dakilang at totoong Simbahang ito. Pakaingatan ang kaloob na paglilingkod sa pinagpalang organisasyon ng Relief Society. Patuloy na patatagin ang mga tahanan at pamilya. Patuloy na hanapin at tulungan ang ibang nangangailangan ng tulong ninyo at ng Panginoon.
Mga kapatid, may isang bagay na nagbibigay-inspirasyon at nakaaantig sa munting bulaklak na forget-me-not. Sana’y maging simbolo ito ng maliliit na bagay na nagpapagalak at nagpapatamis sa inyong buhay. Huwag sanang kalimutan kailanman na kailangan ninyong magpasensya at mahabag sa inyong sarili, na ang ilang sakripisyo ay mas mabuti kaysa iba, na hindi ninyo kailangang hintayin ang inyong ginintuang tiket upang lumigaya. Huwag sanang kalimutan kailanman na ang “kung bakit” ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magbibigay-inspirasyon at magpapasigla sa inyo. At huwag kalimutan kailanman na kilala, mahal, at itinatangi kayo ng inyong Ama sa Langit.
Salamat sa kung sino kayo. Salamat sa di-mabilang na pagpapakita ninyo ng pagmamahal at paglilingkod sa marami. Salamat sa lahat ng gagawin pa ninyo upang maghatid ng galak ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga pamilya, sa Simbahan, sa inyong komunidad, at sa mga bansa sa mundo.
Mga kapatid, mahal namin kayo. Dalangin ko at basbas sa inyo na hindi ninyo malimutan kailanman na kayo ay tunay na mahahalagang anak na babae sa kaharian ng Diyos, sa sagradong pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.