Mga Anak
Pinatototohanan ko ang malaking pagpapalang magkaroon ng mga anak at ang kaligayahang idudulot nila sa atin sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan.
Kapag tumingin tayo sa mga mata ng isang bata, nakikita natin ang isang kapwa anak ng Diyos na nakasama natin sa buhay bago tayo isinilang.
Dakilang pribilehiyo ng isang mag-asawang maaaring magkaanak ang maglaan ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos. Naniniwala tayo na mahalaga ang mga pamilya at mga anak.
Kapag isinilang ang isang bata sa isang mag-asawa, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit na magdala ng mga bata sa lupa. Sabi ng Panginoon, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1 Bago maging imortal, kailangan munang maging mortal.
Ang pamilya ay inorden ng Diyos. Mga pamilya ang sentro sa plano ng ating Ama sa Langit dito sa lupa at sa buong kawalang-hanggan. Matapos ikasal sina Adan at Eva, nakasaad sa banal na kasulatan, “At sila’y binasbasan ng Dios, at sa kanila’y sinabi ng Dios, Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa.”2 Ipinahayag ng mga propeta at apostol sa ating panahon, “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging magulang. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”3
Ang utos na ito ay hindi nalimutan o naisantabi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.4 Taos-puso naming pinasasalamatan ang malaking pananampalataya ng mga mag-asawa (lalo na ng ating mga kabiyak) sa kahandaan nilang magkaanak. Kung kailan mag-aanak at kung ilang anak ay desisyon na ng mag-asawa at ng Panginoon. Sagrado ang mga desisyong ito—mga desisyong dapat gawin nang may taimtim na panalangin at malaking pananalig.
Ilang taon na ang nakalilipas, ikinuwento ito sa akin ni Elder James O. Mason ng Pitumpu: “Hindi namin malilimutan ang pagsilang ng aming ikaanim na anak. Habang minamasdan ko ang maganda at bagong silang na sanggol na ito sa nursery ilang sandali lang matapos siyang isilang, malinaw kong narinig ang isang tinig na nagsabing, ‘Magkakaroon kayo ng isa pang anak at lalaki ito.’ Walang atubiling humangos ako pabalik sa tabi ng kama ng aking mahina pang asawa at sinabi sa kanya ang magandang balita. Mali ang tiyempo ko.”5 Taun-taong inasam ng mga Mason ang pagdating ng kanilang ikapitong anak. Tatlo, apat, lima, anim, pitong taon ang nagdaan. Sa wakas, makalipas ang walong taon, isinilang ang kanilang ikapitong anak—isang lalaki.
Noong Abril, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Noon halos lahat ng pamantayan ng Simbahan at ng lipunan ay magkatugma, ngayo’y may malawak na puwang sa ating pagitan, at lumalawak pa ito. …
“Inilarawan ng Tagapagligtas ng sangkatauhan ang Kanyang sarili bilang nasa mundo ngunit hindi makamundo. Tayo man ay magiging gayon kung tatanggihan natin ang mga maling konsepto at turo at mananatili tayong tapat sa ipinag-uutos ng Diyos.”6
Maraming tinig sa mundo ngayon ang nagbabale-wala sa kahalagahan ng pag-aanak o nagmumungkahing ipagpaliban o limitahan ang dami ng anak sa isang pamilya. Kamakailan ay ipinabasa sa akin ng mga anak kong babae ang blog na isinulat ng isang inang Kristiyano (hindi natin kasapi) na may limang anak. Sabi niya: “[Lumaki ako] sa kulturang ito, at napakahirap kumuha ng pananaw sa Biblia tungkol sa pagiging ina. … Ang pag-aaral ay inuuna kaysa pag-aanak. Siguradong inuuna rin ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar. Inuuna rin ang paglabas sa gabi kapag ginusto. Inuuna ang pagpapaganda ng katawan sa gym. Inuuna ang trabahong inyong papasukan o inaasam na pasukan.” Idinagdag pa niya: “Ang pagiging ina ay hindi isang libangan, ito ay isang tungkulin. Hindi kayo nagpaparami ng mga anak dahil sa mas cute sila kaysa mga stamp. Hindi ito isang bagay na isisingit kapag may panahon kayo. Binigyan kayo ng Diyos ng panahon para dito.”7
Hindi madaling magkaroon ng maliliit na anak. Maraming araw na talagang mahirap. Sumakay ng bus ang isang bata pang ina na may kasamang pitong anak. Tanong ng tsuper: “Anak n’yo bang lahat iyan? O magpipiknik lang kayo?”
“Anak ko silang lahat,” sagot nito. “At hindi ito piknik!”8
Sa laging pagtatanong ng mundo, “Anak n’yo bang lahat iyan?” pinasasalamatan namin kayo sa paglikha ng kanlungan sa loob ng Simbahan para sa mga pamilya, kung saan iginagalang at tinutulungan natin ang mga inang may mga anak.
Sa isang mabuting ama, walang sapat na mga katagang magpapahayag ng kanyang pasasalamat at pagmamahal sa di-masukat na kaloob sa kanyang asawa na magkaroon at mag-alaga ng kanilang mga anak.
May isa pang karanasan si Elder Mason ilang linggo lang matapos siyang ikasal na nakatulong upang unahin niya ang kanyang mga responsibilidad sa pamilya. Sabi niya:
“Ikinatwiran namin ni Marie na para makatapos ako ng medisina kakailanganin niyang patuloy na magtrabaho. Bagama’t hindi ito ang [gusto] naming gawin, kinailangang ipagpaliban ang pag-aanak. [Habang nagbabasa ng magasin ng Simbahan sa bahay ng mga magulang ko] nakita ko ang isang artikulo ni Elder Spencer W. Kimball, na noon ay nasa Korum ng Labindalawa, [na itinatampok ang] mga responsibilidad sa pag-aasawa. Ayon kay Elder Kimball, isang sagradong responsibilidad ang magpakarami at kalatan ang lupa. Ang bahay ng mga magulang ko ay [malapit sa] Church Administration Building. Agad akong nagpunta sa mga tanggapan, at 30 minuto matapos basahin ang kanyang artikulo, nakaupo na ako sa harapan ng mesa ni Elder Spencer W. Kimball.” (Hindi ito magiging madali ngayon.)
“Ipinaliwanag ko na gusto kong maging doktor. Wala nang alternatibo kundi ipagpaliban ang pag-aanak. Matiyagang nakinig si Elder Kimball at saka marahang sumagot, ‘Brother Mason, gugustuhin ba ng Panginoon na suwayin mo ang isa sa mahahalaga niyang utos para maging doktor ka? Sa tulong ng Panginoon, maaari kang magkaanak at maging doktor pa rin. Nasaan ang iyong pananampalataya?’”
Nagpatuloy si Elder Mason: “Hindi lumipas ang isang taon at isinilang ang una naming anak. Nagsikap kami nang husto ni Marie, at binuksan ng Panginoon ang mga dungawan ng langit.” Biniyayaan ang mga Mason ng dalawa pang anak bago siya nakatapos ng medisina apat na taon pagkaraan.9
Sa iba’t ibang panig ng mundo, pabagu-bago ang takbo ng ekonomiya at walang katiyakan ang kabuhayan sa panahong ito. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kung inaalala ninyo ang paglalaan ng kabuhayan sa isang asawa at pamilya, tinitiyak ko sa inyo na hindi nakakahiyang magtipid at mag-ipon ang isang mag-asawa. Karaniwan ay sa mga panahong ito ng pagsubok kayo higit na nagkakalapit habang natututo kayong magsakripisyo at gumawa ng mahihirap na desisyon.”10
Ang tumitimong tanong ni Elder Kimball na, “Nasaan ang iyong pananampalataya?” ay ibinabaling tayo sa mga banal na kasulatan.
Hindi sa Halamanan ng Eden isinilang ni Eva ang una nilang anak ni Adan. Nang lisanin nila ang halamanan, “[sina] Adan [at Eva] ay nagsimulang magbungkal ng lupa. … Nakilala ni Adan ang kanyang asawa, at siya ay nagsilang … ng mga anak na lalaki at babae, at sila [na kumilos nang may pananampalataya] ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa.”11
Hindi sa kanilang tahanan sa Jerusalem, na puno ng ginto, pilak, at mga mamahaling bagay, isinilang ni Saria, na kumilos nang may pananampalataya, ang mga anak nila ni Lehi na sina Jacob at Jose. Ito ay sa ilang. Binanggit ni Lehi ang kanyang anak na si Jacob bilang “aking panganay sa mga araw ng aking paghihirap sa ilang.”12 Sinabi ni Lehi tungkol kay Jose, “Ikaw ay isinilang sa ilang sa [aming] mga kahirapan; oo, sa mga araw ng [aming] pinakamasidhing kalungkutan ay dinala ka ng iyong ina.”13
Sa aklat ng Exodo, nagpakasal ang isang lalaki at babae at, nang kumilos nang may pananampalataya, ay nagkaanak ng lalaki. Walang palatandaan sa pintuan sa harapan na nagbalita ng kanyang pagsilang. Siya ay itinago nila dahil iniutos ng Faraon na lahat ng bagong silang na lalaking Israelita ay “itatapon … sa ilog.”14 Alam na ninyo ang iba pang nangyari sa kuwento: ang sanggol ay maingat na inihiga sa takbang yantok, inilagay sa ilog, binantayan ng kanyang kapatid, natagpuan ng anak na babae ni Faraon, at inalagaan ng kanyang sariling ina. Ibinalik ang bata sa anak ni Faraon, na itinuring siyang anak at tinawag siyang Moises.
Sa pinakamagandang kuwento ng pagsilang ng isang sanggol, walang pinalamutiang silid ng bata o magandang kuna—isang sabsaban lamang para sa Tagapagligtas ng sanlibutan.
Sa “pinakamainam [at] … pinakamahirap na panahon,”15 ang matatapat na Banal ng Diyos, [na kumilos] nang may pananampalataya, ay hindi kinalimutan, binale-wala, o kinaligtaan kailanman ang “utos ng Diyos … na magpakarami at kalatan ang lupa.”16 Sumusulong tayo nang may pananampalataya—natatantong ang desisyon kung ilang anak at kailan mag-aanak ay nasa pagpapasiya na ng isang mag-asawa at ng Panginoon. Hindi natin dapat husgahan ang isa’t isa sa bagay na ito.
Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang maselang paksa na maaaring napakasakit para sa mabubuting babaeng hindi nagkaroon ng pagkakataong mag-asawa at magkapamilya. Kayong mararangal na babae, batid ng ating Ama sa Langit ang inyong mga dalangin at naisin. Nagpapasalamat kami sa inyong pambihirang impluwensya, pati na sa pagtulong nang may pagmamahal sa mga batang nangangailangan ng inyong pananampalataya at lakas.
Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang paksang makasasakit din sa damdamin ng mabubuting magkasintahan na nagpakasal at nalaman na hindi sila magkakaroon ng mga anak na kanilang pinanabikan o ng mag-asawang planong magkaroon ng malaking pamilya ngunit kaunti lang ang naging anak.
Hindi natin laging maipapaliwanag ang mga paghihirap natin sa buhay. Kung minsan ay parang hindi patas ang buhay—lalo na kapag ang pinakamalaking hangarin natin ay sundin ang mismong utos ng Panginoon. Bilang lingkod ng Panginoon, tinitiyak ko sa inyo na ang pangakong ito ay matutupad: “Ang matatapat na miyembro na dahil sa sitwasyon ay hindi natanggap ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at hindi naging magulang sa buhay na ito ay tatanggapin ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa mga kawalang-hanggan, [kapag] tinupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Diyos.”17
Ikinuwento sa akin ni Pangulong J. Scott Dorius ng Peru Lima West Mission ang kanilang karanasan. Sabi niya:
“Kami ni Becky ay 25 taon nang kasal at hindi kami nagkaanak [o nag-ampon]. Ilang beses kaming lumipat ng tirahan. Nakakaasiwa at kung minsan ay mahirap magpakilala sa bawat bagong lugar. Nagtataka ang mga miyembro ng ward kung bakit [wala] kaming anak. Hindi lang sila ang nagtataka.
“Nang matawag akong bishop, nag-alala ang mga miyembro ng ward dahil wala akong alam tungkol sa mga bata at tinedyer. Pinasalamatan ko sila sa pagsang-ayon sa akin at hiniling ko na tulutan nila akong magamit sa kanilang mga anak ang kasanayan ko sa pagpapalaki ng bata. Magiliw silang nagpaunlak.
“Naghintay kami, nakaunawa, at natutong magtiyaga. Pagkaraan ng 25 taong pagsasama, himalang dumating sa buhay namin ang isang sanggol. Inampon namin ang dalawang-taong-gulang na si Nicole at pagkatapos ay ang bagong silang na si Nikolai. Ngayon ay pinupuri kami ng mga tao sa magaganda naming apo. Tumatawa kami at sinasabi naming, ‘Mga anak namin sila. Ngayon pa lamang kami nagsisimula.’”18
Mga kapatid, huwag nating husgahan ang isa’t isa sa sagrado at pribadong responsibilidad na ito.
“At kinuha [ni Jesus] ang isang maliit na bata … kaniyang kinalong [at] sinabi …
“Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap; at ang sinomang tumanggap sa akin, ay … tinatanggap … yaong sa aki’y nagsugo.”19
Napakalaking pagpapala ang tumanggap ng mga anak ng Diyos sa ating tahanan.
Mapakumbaba at mapanalangin nating hangaring maunawaan at matanggap ang mga utos ng Diyos, na mapitagang pinakikinggan ang tinig ng Kanyang Banal na Espiritu.
Mga pamilya ang sentro sa walang-hanggang plano ng Diyos. Pinatototohanan ko ang malaking pagpapala ng pagkakaroon ng mga anak at ang kaligayahang idudulot nila sa atin sa buhay na ito at sa mga kawalang-hanggan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.