2010–2019
Pagtuturo Alinsunod sa Pamamaraan ng Espiritu
Oktubre 2011


2:3

Pagtuturo Alinsunod sa Pamamaraan ng Espiritu

Bagaman tayong lahat ay mga guro, dapat nating lubos na matanto na ang Espiritu Santo ang tunay na guro at saksi ng lahat ng katotohanan.

Maraming taon na ang nakararaan kasama ko ang kompanyon ko sa missionary training center nang marinig ko ang isang bata na nagsabing, “Lola, mga tunay na misyonero po ba sila?” Lumingon ako at nakita ang batang babaeng hawak ang kamay ng kanyang lola at nakaturo sa aming magkompanyon. Ngumiti ako, iniabot ko ang aking kamay, tinitigan ko siya sa mata, at sinabing, “Hello, ako si Elder Richardson, at kami ay mga tunay na misyonero.” May ningning sa kanyang mukha nang tumingin siya sa akin, tuwang-tuwa na totoong mga misyonero ang kaharap niya.

Nagkaroon ako ng panibagong dedikasyon sa gawaing misyonero matapos ang karanasang iyon. Gusto kong maging uri ng misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas, ng aking pamilya, at ng batang ito. Nang sumunod na dalawang taon, sinikap kong mabuti na magmukha, mag-isip, kumilos, at lalo na ang magturo na katulad ng isang tunay na misyonero.

Pagkauwi ko, lalong naging malinaw na kahit tapos na ako sa misyon, nanatili sa akin ang epekto ng misyon ko. Katunayan, kahit maraming taon na ang lumipas, pakiramdam ko ay misyon ko pa rin ang pinakamagandang dalawang taon para sa buhay ko. Isang di-inaasahang aral sa misyon ko ang tinig ng batang iyon. Ngayon lang ay naririnig ko sa isipan ko, “Lola, tunay po ba siyang priesthood holder?” “Lola, tunay na asawa po ba siya o tunay na ama?” o “Lola, tunay na miyembro po ba siya ng Simbahan?”

Natutuhan ko na ang susi sa pagiging tunay sa lahat ng aspeto ng ating buhay ay ang ating kakayahang magturo sa paraang hindi pumipigil sa pagkatuto. Alam ninyo, ang tunay na buhay ay nangangailangan ng tunay na pagkatuto, na nakabatay sa tunay na pagtuturo. “Ang responsibilidad na magturo nang [epektibo] ay hindi natatakdaan lamang sa mga may pormal na tungkulin bilang mga guro.”1 Katunayan, bawat miyembro ng pamilya, pinuno ng Simbahan, at miyembro ng Simbahan (pati na mga kabataan at bata) ay may responsibilidad na magturo.

Bagaman tayong lahat ay mga guro, dapat nating lubos na matanto na ang Espiritu Santo ang tunay na guro at saksi ng lahat ng katotohanan. Ang mga taong hindi lubos na nakauunawa dito ay susubukang palitan ang Espiritu Santo at gagawin ang lahat nang mag-isa, magalang na aanyayahan ang Espiritu na mapasakanila ngunit para lamang sumuporta, o naniniwalang ipinababahala nila ang kanilang pagtuturo sa Espiritu samantalang, ang totoo, “naglalahad lang” sila ng mga ideyang hindi nila pinag-aralan. Lahat ng mga magulang, pinuno, at guro ay may responsibilidad na magturo “sa pamamagitan ng Espiritu.”2 Hindi sila dapat magturo “sa harap ng Espiritu” o “sa likod ng Espiritu” kundi “sa pamamagitan ng Espiritu” para lubusang maituro ng Espiritu ang katotohanan.

Tinutulungan tayo ni Moroni na maunawaan kung paano tayo magtuturo sa pamamagitan ng Espiritu nang hindi pinapalitan, binabawasan, o pinaaalis ang Espiritu Santo bilang tunay na guro. Sinabi ni Moroni na isinagawa ng mga Banal ang kanilang mga karanasan “alinsunod sa pamamaraan ng pamamatnubay ng Espiritu.”3 Higit pa sa pagpatnubay sa atin ng Espiritu ang kailangan dito. Ang ibig sabihin ng makapagturo “alinsunod sa pamamaraan” ng Espiritu Santo ay maaaring kailangan nating baguhin ang pamamaraan natin sa pagtuturo para matularan ang pamamaraan ng Espiritu Santo sa pagtuturo. Kapag isinunod natin sa Espiritu Santo ang ating pamamaraan, malayang makapagtuturo at makapagpapatotoo ang Espiritu Santo. Ang mahalagang pagsunod na ito ay mailalarawan ng sumusunod na halimbawa.

Maraming taon na ang nakalilipas nag-hike kami ng mga anak ko sa tuktok ng South Sister, ang 10,358-talampakan (3,157-m) na bundok sa Oregon. Pagkaraan ng ilang oras nakarating kami sa isang mahabang 45-degree na dalisdis ng maliliit na batong galing sa bulkan. Tanaw ang tuktok, nagpatuloy kami para lamang matuklasan na sa bawat paghakbang namin ay lulubog ang mga paa namin sa maliliit na bato, kaya dumadausdos kami pababa nang ilang pulgada. Nagpauna ang 12-taong-gulang kong anak na lalaki habang binantayan ko ang walong-taong-gulang kong anak na babae. Nang magsimulang mapagod at panghinaan ng loob, sumama ang loob ng anak kong babae, at inisip na baka hindi siya makasama sa kapatid niya sa tuktok. Ang una kong naisip ay buhatin siya. Handa ang espiritu ko, pero nakakalungkot na mahina ang katawan ko. Naupo kami sa batuhan, sinuri namin ang aming sitwasyon, at nagplanong muli. Sinabi ko sa kanya na ipasok niya ang kanyang mga kamay sa bulsa sa likod ng pantalon ko, humawak nang mahigpit, at—ang pinakamahalaga—kapag humakbang ako, dapat niyang ihakbang din kaagad ang kanyang paa. Sinundan niya ang bawat kilos ko at umasa sa paghatak sa kanya mula sa pagkapit sa mga bulsa ko. Matapos ang tila walang hanggan, narating namin ang tuktok ng bundok. Walang katumbas ang tagumpay at kasiyahan sa kanyang mukha. At tama, silang magkapatid, sa palagay ko, ay mga tunay na hiker.

Ang tagumpay ng anak ko ay bunga ng kanyang masigasig na pagsisikap at kagustuhang mag-hike alinsunod sa pamamaraan ko. Nang sabayan niya ang pagkilos ko, nagkatugma kami, kaya nagamit ko ang buong lakas ko. Ganyan kapag nagtuturo tayo “alinsunod sa pamamaraan ng pamamatnubay ng Espiritu.” Kapag isinunod natin sa Espiritu Santo ang pamamaraan ng ating pagtuturo, pinalalakas tayo ng Espiritu at, kasabay nito, hindi ito napipigilan. Habang nasa isipan natin ito, isaalang-alang sana ang dalawang mahalagang “pamamatnubay ng Espiritu” na nararapat nating tularan.

Una, tinuturuan ng Espiritu Santo ang mga tao sa napakapersonal na paraan. Ginagawa nitong posible na malaman natin mismo ang katotohanan. Dahil iba-iba ang ating mga pangangailangan, sitwasyon, at pag-unlad, itinuturo ng Espiritu Santo ang dapat nating malaman at gawin para marating ang dapat nating kahinatnan. Pansinin na kahit itinuturo ng Espiritu Santo “ang katotohanan ng lahat ng bagay,”4 hindi nito itinuturo ang buong katotohanan nang minsanan. Itinuturo ng Espiritu ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon.”5

Yaong mga nagtuturo ayon sa pamamaraan ng Espiritu ay nauunawaan na nagtuturo sila ng mga tao, hindi ng mga aralin. Sa gayon, napipigilan nila ang kagustuhang saklawin ang lahat ng bagay sa isang manwal o ituro ang lahat ng natutuhan nila sa paksa at sa halip ay nagtutuon sa mga bagay na kailangang malaman at gawin ng kanilang pamilya o klase. Ang mga magulang, pinuno, at gurong sumusunod sa pagtuturo ng Espiritu ay nalalaman kaagad na ang tunay na pagtuturo ay higit pa sa pagsasalita at pagkukuwento. Dahil dito, sadya silang tumitigil para makinig, maingat na nagmamasid, at saka nahihiwatigan ang susunod na gagawin.6 Kapag ginagawa nila ito, tungkulin ng Espiritu Santo na ituro kapwa sa mga mag-aaral at mga guro ang dapat nilang gawin at sabihin.7

Ikalawa, nagtuturo ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pag-anyaya, pagbulong, paghihikayat, at pagbibigay sa atin ng inspirasyong kumilos. Tiniyak sa atin ni Cristo na malalaman natin ang katotohanan kapag ipinamuhay natin ang doktrina at kumilos gaya ng nararapat.8 Ang Espiritu ang umaakay, gumagabay, at nagpapakita sa atin ng gagawin.9 Gayunman, hindi Niya gagawin para sa atin ang bagay na tayo lamang ang makagagawa para sa ating sarili. Alam ninyo, ang Espiritu Santo ay hindi maaaring matuto para sa atin, makadama para sa atin, o kumilos para sa atin dahil taliwas ito sa doktrina ng kalayaan. Maaari Siyang magbigay ng mga pagkakataon at anyayahan tayong matuto, makiramdam, at kumilos.

Ang mga nagtuturo alinsunod sa pamamaraang ito ng Espiritu ay tinutulungan ang iba sa pamamagitan ng pag-anyaya, paghikayat, at pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong gamitin ang kanilang kalayaan. Nalalaman ng mga magulang, pinuno, at guro na hindi sila maaaring makiramdam para sa atin, matuto para sa atin o magsisi para sa kanilang pamilya, kongregasyon, o klase. Sa halip na itanong na, “Ano ang magagawa ko para sa mga anak ko, sa mga miyembro ng klase, o sa iba?” itinatanong nila ang, “Paano ko aanyayahan at tutulungan ang mga nasa paligid ko na matuto para sa kanilang sarili?” Ang mga magulang na sumusunod sa pamamatnubay ng Espiritu Santo ay lumilikha ng mga tahanan kung saan natututo ang mga pamilya na magpahalaga sa halip na basta matutuhan lamang ang tungkol sa mga pinahahalagahan. Gayundin, sa halip na basta pag-usapan ang tungkol sa mga doktrina, tinutulungan ng mga guro ang mga mag-aaral na maunawaan at maipamuhay ang mga doktrina ng ebanghelyo. Ang Espiritu Santo ay hindi napipigilan kapag ginamit ng mga tao ang kanilang kalayaan sa wastong paraan.

Sa kalagayan ngayon ng mundo, kailangang-kailangan natin ang tunay na pagkatuto at pagtuturo sa ating mga tahanan, pulong, at klase sa ebanghelyo. Alam ko na kung minsan tila nakakapagod ang pagsisikap ninyong magpakahusay. Huwag sana kayong panghinaan ng loob sa inyong pag-unlad. Ginugunita ko ang karanasan ko sa hiking kasama ang aking mga anak. Nagkasundo kami na tuwing titigil kami para magpahinga, sa halip na magtuon lamang sa layo ng lalakarin pa namin, agad kaming titingin sa ibaba ng bundok. Titingnan namin ang tanawin at sasabihin sa isa’t isa, “Tingnan ninyo kung gaano na tayo kalayo.” Pagkatapos ay hihinga kami nang malalim, tatalikod kaagad, haharap paitaas, at muling sisimulan ang paisa-isang hakbang paakyat. Mga kapatid, maaari kayong maging magulang, mamuno, at magturo ayon sa patnubay ng Espiritu. Alam kong magagawa ninyo ito. Nagpatotoo ako na magagawa ninyo ito, at magbabago ang mga buhay.

Ang buhay ko ay pinagpala ng mga tunay na guro, na nagturo nang may Espiritu at lalo na sa pamamagitan ng Espiritu. Inaanyayahan ko kayong isunod sa Espiritu Santo ang pamamaraan ng inyong pagtuturo sa lahat ng inyong ginagawa. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik. Dahil dito dapat tayong maging tunay na mga magulang, tunay na mga pinuno, tunay na mga guro, at tunay na mag-aaral. Pinatototohanan ko na tutulungan kayo ng Diyos sa inyong mga pagsisikap, sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.