2010–2019
Mga Tahimik Nilang Himig
Oktubre 2011


2:3

Mga Tahimik Nilang Himig

Kahit hindi natin alam ang lahat ng kasagutan, alam natin ang mahahalagang alituntuning nagtutulot sa atin na harapin ang mga trahedya nang may pananampalataya at pagtitiwala.

Maraming tao ang nahaharap sa matitinding problema o trahedya sa buhay na ito. Sa buong mundo nakikita natin ang ganitong mga pagsubok at pagdurusa.1 Naaantig tayo sa napapanood natin sa telebisyon na mga patayan, pagdurusa, at kawalan ng pag-asa. Nakikita natin ang magiting na pagsisikap ng mga Hapones na makabangon mula sa pinsala ng lindol at tsunami. Ang nakaliligalig na mga pangyayari sa pagkawasak ng mga gusali ng World Trade Center, na ginunita natin kamakailan, ay masakit sariwain. May umaantig sa ating damdamin kapag may nabalitaan tayong gayong mga trahedya, lalo na kung mga inosenteng tao ang nagdurusa.

Kung minsan ay napakapersonal ng mga trahedya. Maagang namatay o dinapuan ng mabigat na karamdaman ang isang anak. Namatay ang isang mapagmahal na magulang sa walang-saysay na pangyayari o aksidente. Kapag may trahedya, nagdadalamhati tayo at sinisikap pasanin ang pasanin ng isa’t isa.2 Nanghihinayang tayo sa mga bagay na hindi matutupad at mararanasan.

Kabilang sa mga madalas itanong ng mga lider ng Simbahan ang, Bakit tinutulutan ng isang makatarungang Diyos na may mangyaring masama, lalo na sa mabubuting tao? Bakit hindi ligtas ang mabubuting taong naglilingkod sa Panginoon sa gayong mga trahedya?

Kahit hindi natin alam ang lahat ng kasagutan, alam natin ang mahahalagang alituntuning nagtutulot sa atin na harapin ang mga trahedya nang may pananampalataya at tiwala na maningning ang bukas na nakalaan sa bawat isa sa atin. Ang ilan sa mahahalagang alituntunin ay:

Una, tayo ay may Ama sa Langit, na personal na nakakikilala at nagmamahal sa atin at lubos na nakauunawa sa ating mga pagdurusa.

Ikalawa, ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang nagbibigay ng kaligtasan at kadakilaan kundi magbabayad para sa lahat ng hindi makatarungan sa buhay.

Ikatlo, ang plano ng kaligayahan ng Ama para sa Kanyang mga anak ay saklaw hindi lamang ang premortal at mortal na buhay kundi maging ang buhay na walang hanggan, pati na ang dakila at maluwalhating pagsasama nating muli at ng pumanaw nating mga mahal sa buhay. Lahat ng pagkakamali ay itatama, at lilinaw at magiging ganap ang ating pananaw at pag-unawa.

Sa limitadong pananaw ng mga walang kaalaman, pagkaunawa, o pananampalataya sa plano ng Ama—na ang tanging nakikita sa mundo ay puro digmaan, karahasan, karamdaman, at kasamaan—ang buhay na ito ay tila malungkot, magulo, di-makatarungan, at walang kabuluhan. Ikinumpara ng mga pinuno ng Simbahan ang pananaw na ito sa isang taong pumasok sa kalagitnaan ng tatlong-yugtong dula.3 Ang mga walang alam sa plano ng Ama ay hindi nauunawaan ang nangyari sa unang yugto, o sa buhay bago isilang, at ang mga layuning itinakda doon; ni hindi nila nauunawaan ang paglilinaw at pagpapasiyang mangyayari sa ikatlong tagpo, na maluwalhating katuparan ng plano ng Ama.

Marami ang hindi nagpapahalaga sa katotohanan na sa Kanyang mapagmahal at malawak na plano, ang mga taong tila napagkaitan nang hindi nila kagagawan ay hindi pagkakaitan o parurusahan sa huli.4

Ilang buwan na lang at ika-100 taong anibersaryo na ng paglubog ng Titanic ocean liner. Ang nakapanlulumong mga sitwasyong nakapalibot sa kalunus-lunos na pangyayaring ito ay nagkaroon ng malaking epekto sa mga tao sa buong siglo mula nang mangyari ito. Ang mga nagtaguyod sa bago at marangyang barkong ito, na 11 palapag ang taas at halos kasinghaba ng 3 football field,5 ay labis at walang-basehang nagpahayag na ligtas ang Titanic sa mga karagatang puno ng malalaking tipak na yelo. Ang barkong ito ay pinaniwalaang hindi lulubog; subalit nang lumubog ito sa mayelong Atlantic Ocean, mahigit 1,500 katao ang namatay.6

Sa maraming paraan ang paglubog ng Titanic ay kahalintulad ng buhay at ng maraming alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay perpektong halimbawa ng hirap na makaunawa sa pananaw lamang ng buhay na ito. Ang pagkamatay ay nakapanlulumo ngunit aksidente lamang ito. Sa mga pagpatay bunga ng dalawang digmaang pandaigdig at sa kararaang ika-10 anibersaryo ng pagkawasak ng mga gusali ng World Trade Center, naranasan natin sa ating panahon ang mabigla, masaktan, at ang mga problema ukol sa moralidad na nakapalibot sa mga kaganapang bunga ng masamang paggamit ng kalayaan. May kalunus-lunos na mga epekto sa pamilya, mga kaibigan, at mga bansa ang mga trahedyang ito, anuman ang naging sanhi nito.

Patungkol sa Titanic, may mga aral tayong natutuhan tungkol sa mga panganib ng kayabangan at paglalakbay sa nagngangalit na karagatan at “na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”7 Ang mga sangkot ay nagmula sa lahat ng antas ng lipunan. Ang ilan ay mayayaman at kilala, tulad ni John Jacob Astor; ngunit mayroon ding mga manggagawa, dayuhan, kababaihan, mga bata, at mga tripulante.8

Di-kukulangin sa dalawang Banal sa mga Huling Araw ang may koneksyon sa Titanic. Kapwa ito naglalarawan sa hamon na maunawaan natin ang mga pagsubok, paghihirap, at trahedya at nagbibigay ng pananaw kung paano natin kakayanin ang mga ito. Ang una ay halimbawa ng pasasalamat sa mga pagpapalang natatanggap natin at mga hamong iniiwasan natin. Kabilang dito si Alma Sonne, na kalaunan ay naglingkod bilang General Authority.9 Siya ang aking stake president nang isilang ako sa Logan, Utah. Ininterbyu ako ni Elder Sonne para sa misyon. Noong panahong iyon lahat ng magmimisyon ay iniinterbyu ng isang General Authority. Malaki ang impluwensya niya sa buhay ko.

Noong kabataan ni Alma, may kaibigan siyang di-gaanong aktibo sa Simbahan na Fred ang pangalan. Marami silang napag-usapan tungkol sa pagmimisyon, at kalaunan ay nakumbinsi ni Alma Sonne si Fred na maghanda at maglingkod. Kapwa sila tinawag sa British Mission. Sa pagtatapos ng kanilang misyon, si Elder Sonne, na mission secretary, ang nag-ayos ng paglalakbay nila pauwi sa Estados Unidos. Bumili siya ng tiket sa Titanic para sa kanya, kay Fred, at sa apat pang misyonero na nakatapos na rin sa kanilang misyon.10

Nang paalis na sila, sa di-malamang dahilan ay naantala ang pagdating ni Fred. Kinansela ni Elder Sonne ang anim na tiket na binili niya para sumakay sa bago at marangyang barkong maglalayag sa unang pagkakataon at bumili ng tiket para sa barkong aalis kinabukasan.11 Nalungkot ang apat na misyonerong sabik maglakbay na sakay ng Titanic. Ang sagot ni Elder Sonne ay katulad ng nasa kuwento ni Jose at ng kanyang mga kapatid sa Egipto na nakatala sa Genesis: “Sapagka’t paanong paroroon ako sa aking ama, at ang bata’y di ko kasama?”12 Ipinaliwanag niya sa kanyang mga kasama na magkakasama silang lahat sa pagpunta sa England at dapat silang umuwing magkakasama. Pagkaraan ay nalaman ni Elder Sonne ang paglubog ng Titanic at nagpapasalamat na sinabi sa kaibigan niyang si Fred, “Iniligtas mo ang buhay ko.” Sumagot si Fred, “Hindi, sa pagtulong mo sa akin na magmisyon, ikaw ang nagligtas sa aking buhay.”13 Lahat ng misyonero ay nagpasalamat sa Panginoon sa pagliligtas sa kanila.14

Kung minsan, tulad sa kaso ni Elder Sonne at ng mga kasama niya sa misyon, dakilang mga pagpapala ang dumarating sa matatapat. Dapat nating pasalamatan ang lahat ng magiliw na awang dumarating sa buhay natin.15 Hindi natin napapansin ang maraming pagpapalang natatanggap natin sa araw-araw. Napakahalagang magkaroon tayo ng pasasalamat sa ating puso.16

Malinaw ang nakasaad sa mga banal na kasulatan: yaong mabubuti, sumusunod sa Tagapagligtas, at sa Kanyang mga utos ay uunlad sa lupain.17 Mahalagang bahagi ng pag-unlad ang taglayin ang Espiritu sa ating buhay.

Gayunman, ang kabutihan, panalangin, at katapatan ay hindi laging masaya ang resulta sa buhay na ito. Maraming daranas ng matitinding pagsubok. Kapag nangyayari ito, ang pagsampalataya at paghingi ng basbas ng priesthood ay pinahihintulutan ng Diyos. Sinabi ng Panginoon, “Ang mga elder … ay tatawagin, at mananalangin at magpapatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa aking pangalan; at kung sila ay mamamatay sila ay mamamatay sa akin, at kung sila ay mabubuhay sila ay mabubuhay sa akin.”18

Malalaman natin na ang pangalawang Banal sa mga Huling Araw na may koneksyon sa Titanic ay hindi naging masaya ang kinahantungan. Si Irene Corbett ay 30 taong gulang noon. Siya ay isang bata pang asawa at ina mula sa Provo, Utah. Magaling siya sa sining at musika; isa rin siyang guro at nars. Sa paghihikayat ng mga kasamahan sa medisina sa Provo, dumalo siya sa anim-na-buwang kurso sa pagkukumadrona sa London. Malaki ang hangarin niyang makagawa ng kaibhan sa mundo. Siya ay maingat, maalalahanin, madasalin, at magiting. Isa sa mga dahilan kaya niya piniling sumakay sa Titanic pabalik sa Estados Unidos ay dahil inakala niyang makakasabay niya ang mga misyonero at iyon ay dagdag na kaligtasan para sa kanya. Kabilang si Irene sa ilang kababaihang nasawi sa trahedyang ito. Marami sa kababaihan at kabataan ang naisakay sa mga bangka at nailigtas sa huli. Hindi sapat ang mga bangka para maisakay ang lahat. Ngunit pinaniwalaang hindi siya nakasakay sa bangka dahil, sa espesyal niyang kasanayan, tumulong siya sa maraming pasaherong nasugatan sa pagbangga ng barko sa malaking tipak na yelo.19

Maraming uri ng hamon. Ang ilan ay kailangan nating maranasan. Ang masasamang karanasan sa buhay na ito ay hindi katibayan ng kawalan ng pananampalataya o depekto sa kabuuang plano ng ating Ama sa Langit. Ang apoy ng maglalantay ay tunay, at ang uri ng pagkatao at kabutihang nahuhubog sa pagdanas natin ng hirap ang nagpapasakdal at nagpapadalisay at naghahanda sa atin sa pagharap sa Diyos.

Nang mabilanggo si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail, sinabi sa kanya ng Panginoon na napakaraming kapahamakang sasapitin ang mga tao. Sinabi ng Tagapagligtas na, “Kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; … at ang lahat ng elemento ay magsamasama upang harangan ang daan; … ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan at para sa iyong ikabubuti.”20 Tinapos ng Tagapagligtas ang Kanyang bilin: “Ang iyong mga araw ay nababatid, at ang iyong mga taon ay hindi nababawasan ng bilang; kaya nga huwag [matakot] … sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”21

Ang ilang hamon ay bunga ng kalayaan ng iba. Ang kalayaan ay mahalaga sa espirituwal na pag-unlad ng isang tao. Ang masamang asal ay isang elemento ng kalayaan. Ipinaliwanag ni Kapitan Moroni ang napakahalagang doktrinang ito: “Pinahihintulutan ng Panginoon na mapatay ang mabubuti upang ang kanyang katarungan at kahatulan ay sumapit sa masasama.” Nilinaw Niya na ang mabubuti ay hindi nawala kundi “papasok sila sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.”22 Ang masasama ay pananagutin sa ginagawa nilang mga kabuhungan.23

Ang ilang hamon ay nagmumula sa pagsuway sa mga batas ng Diyos. Ang problema sa kalusugan dahil sa sigarilyo, alak, at pagkalulong sa droga ay nakakagulat. Ang pagkabilanggo dahil sa mga krimeng bunga ng alak at droga ay napakataas din.24

Ang mga kaso ng diborsyo dahil sa kataksilan ay mataas din. Marami sa mga pagsubok at paghihirap na ito ang maiiwasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng Diyos.25

Ang pinakamamahal kong mission president, si Elder Marion D. Hanks (na pumanaw noong Agosto), ay hiniling sa aming mga misyonero na isaulo ang isang pahayag para mapaglabanan ang mga hamon sa buhay: “Walang pagkakataon, walang kapalaran, o walang tadhanang makatatalo o makahahadlang o makapipigil sa matatag na pasiya ng isang determinadong tao.”26

Sinabi niya na hindi ito totoo sa lahat ng hamong nararanasan natin ngunit totoo ito sa mga espirituwal na bagay. Pinahalagahan ko ang kanyang payo sa buhay ko.

Ang isa sa mga dahilan ng nakalulunos na pagkamatay sa Titanic ay hindi sapat ang mga bangkang pangsagip. Anuman ang mga pagsubok natin sa buhay na ito, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay naglalaan ng bangkang sasagip sa lahat. Para sa mga nag-aakalang hindi makatarungan ang kanilang mga pagsubok, saklaw ng Pagbabayad-sala ang lahat ng kawalang-katarungan sa buhay.27

Ang kakaibang hamon sa mga nawalan ng mahal sa buhay ay ang umiwas sa pag-iisip sa mga naglahong pagkakataon sa buhay na ito. Kadalasan ang mga pumapanaw nang maaga ay nagpakita ng mahahalagang kakayahan, interes, at talento. Sa ating limitadong pang-unawa, nanghihinayang tayo sa mga bagay na hindi matutupad at mararanasan. Ang ibig sabihin nito ay dala mo pa rin ang iyong musika hanggang kamatayan. Ang musika sa kasong ito ay katulad ng hindi natupad na anumang uri ng potensyal. Kung minsan ay nakagawa ng mahahalagang paghahanda ang mga tao ngunit walang pagkakataong isagawa ang mga ito sa mortalidad.28 Isa sa madalas banggitin na mga klasikong tula, ang “Elegy Written in a Country Church Yard,” ni Thomas Gray, ay naglalarawan sa mga pagkakataong nawala:

Mga bulaklak na umusbong nang ‘di namalayan,

At kagandaha’y sinayang sa kapaligiran.29

Ang naglahong pagkakataon ay maaring iugnay sa pamilya, trabaho, mga talento, mga karanasan, o iba pa. Lahat ng ito ay natigil o naputol sa kaso ni Sister Corbett. May mga bagay siyang hindi naranasan at potensyal na hindi na niya natupad sa buhay na ito. Ngunit kung titingnan sa lawak at linaw ng ebanghelyo, sa halip na sa limitadong buhay na ito, alam natin na may dakila at walang-hanggang gantimpalang ipinangako ang mapagmahal na Ama sa Kanyang plano. Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”30 Isang linya mula sa isang magandang himno ang nagbibigay ng aliw, kapanatagan, at linaw: “At si Cristong Diyos kanyang dinig, tahimik kong himig.”31

Sinabi ng Tagapagligtas: “Kaya nga, maaliw sa inyong mga puso. … Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”32 Nangako Siya sa atin na tayo, kasama ang ating mga anak, ay aawit ng “mga awit ng walang hanggang kagalakan.”33 Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.

  1. Tingnan sa Juan 16:33.

  2. Tingnan sa Mosias 18:8–9; tingnan din sa 2 Nephi 32:7.

  3. Tingnan sa Boyd K. Packer, “The Play and the Plan” (Church Educational System fireside para sa mga young adult, Mayo 7, 1995), 3: “Sa buhay na ito, tulad tayo sa isang kapapasok lang sa sinehan nang bumukas ang tabing para sa ikalawang yugto. Hindi natin napanood ang Yugto 1. … ‘Ang namuhay sila nang maligaya magpakailanman’ ay wala sa ikalawang yugto. Ang linyang iyon ay nasa ikatlong yugto kung saan nalutas na ang mga hiwaga at naitama na ang lahat.” Tingnan din sa Neal A. Maxwell, All These Things Shall Give Thee Experience (1979), 37: “Ang Diyos … ay nakikita ang simula at wakas. … Ang pagtutuos … ay isang bagay na hindi natin maunawaan. Hindi natin ito magagawa dahil kulang tayo sa kaalaman. Nasa panahon tayo na limitado ang pananaw sa buhay na ito.”

  4. Ang mga namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:10). Ang mga namatay na walang kaalaman sa ebanghelyo at kanilang tatanggapin sana ito kung pinahintulutan silang manatili ay magiging tagapagmana rin ng kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:7). Bukod dito, maging ang mga taong di-gaanong naging magiting sa buhay ay bibiyayaan ng buhay na higit pa sa buhay na ito pagdating ng panahon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:89).

  5. Tingnan sa Conway B. Sonne, A Man Named Alma: The World of Alma Sonne (1988), 83.

  6. Tingnan sa Sonne, A Man Named Alma, 84.

  7. Mga Gawa 10:34; tingnan din sa “The Sinking of the World’s Greatest Liner,” Millennial Star, Abr. 18, 1912, 250.

  8. Tingnan sa Millennial Star, Abr. 18, 1912, 250.

  9. Si Brother Sonne ay tiyuhin ni Elder L. Tom Perry.

  10. Tingnan sa Sonne, A Man Named Alma, 83.

  11. Tingnan sa Sonne, A Man Named Alma, 83–84; tingnan din sa “From the Mission Field,” Millennial Star, Abr. 18, 1912, 254: “Releases and Departures.—Ang mga misyonerong ito ay marangal na na-release at naglayag pauwi noong ika-13 ng Abril, 1912, ayon sa s.s. Mauretania. Mula sa Great Britain—Alma Sonne, George B. Chambers, Willard Richards, John R. Sayer, F. A. [Fred] Dahle. Mula sa Netherlands—L. J. Shurtliff.”

  12. Tingnan sa Genesis 44:30–31, 34.

  13. Sa Frank Millward, “Eight Elders Missed Voyage on Titanic,” Deseret News, Hulyo 24, 2008, M6.

  14. Tingnan sa “Friend to Friend,” Friend, Mar. 1977, 39.

  15. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2005, 99–102.

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:21.

  17. Tingnan sa Alma 36:30.

  18. Doktrina at mga Tipan 42:44.

  19. Interbyu sa apo ni Irene Corbett na si Donald M. Corbett, Okt. 30, 2010, ni Gary H. Cook.

  20. Doktrina at mga Tipan 122:7.

  21. Doktrina at mga Tipan 122:9.

  22. Alma 60:13.

  23. Malinaw na sinabi ng Tagapagligtas na “dumating ang mga kadahilanan ng pagkakatisod; datapuwa’t sa aba niyaong pinanggalingan!” (Lucas 17:1).

  24. Sa bahagi 89 ng Doktrina at mga Tipan—“ang utos at kalooban ng Diyos sa temporal na kaligtasan ng lahat ng banal sa mga huling araw” (talata 2)—ay lalo pang nagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw.

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:22–24.

  26. Tingnan sa “Will,” Poetical Works of Ella Wheeler Wilcox (1917), 129.

  27. Tingnan sa “Ang Pagbabayad-sala,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 56–57.

  28. Tingnan sa “The Song That I Came to Sing,” sa The Complete Poems of Rabrindranath Tagore’s Gitanjali, ed. S. K. Paul (2006), 64: “Ang awiting dapat kong kantahin ay di pa rin naawit hanggang ngayon. / Inukol ko ang aking mga araw sa pag-aayos ng aking instrumento.”

  29. Thomas Gray, “Elegy Written in a Country Church Yard,” sa The Oxford Book of English Verse, ed. Christopher Ricks (1999), 279.

  30. I Corinto 2:9.

  31. “May Liwanag sa ‘King Kaluluwa,”Mga Himno, blg. 141.

  32. Doktrina at mga Tipan 101:16; tingnan din sa Mga Awit 46:10.

  33. Doktrina at Mga Tipan 101:18; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:71.