Tumayo sa mga Banal na Lugar
Ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit—kabilang na ang ating mga panalangin sa Kanya at ang Kanyang inspirasyon sa atin—ay kailangan upang mapaglabanan natin ang mga unos at pagsubok ng buhay.
Mahal kong mga kapatid, napakaganda ng mga mensaheng narinig natin ngayong umaga, at pinupuri ko ang lahat ng nakilahok. Natutuwa tayong lalo na makasamang muli si Elder Robert D. Hales at bumuti na ang kanyang pakiramdam. Mahal ka namin, Bob.
Habang pinag-iisipan ko ang gusto kong sabihin sa inyo ngayong umaga, naisip kong ibahagi ang ilang kaisipan at damdamin na itinuturing kong mahalaga at napapanahon. Dalangin ko na magabayan ako sa aking pananalita.
Ako ay 84 na taon nang nabubuhay sa mundong ito. Para mabigyan kayo ng ideya, isinilang ako noon ding taon na unang lumipad nang walang tigil at nag-iisa si Charles Lindbergh mula New York hanggang Paris sakay ng isang single-engine, single-seat monoplane. Marami na ang nagbago sa loob ng 84 na taon mula noon. Matagal nang nakapunta ang tao sa buwan at nakabalik. Katunayan, ang dating science fiction ay totoo nang nangyayari ngayon. At ang katotohanang iyon, salamat sa teknolohiya ng ating panahon, ay napakabilis magbago kaya halos hindi tayo makasabay dito—kung makasabay man tayo. Para sa atin na nakakaalala pa sa mga dial telephone at makinilya, ang teknolohiya ngayon ay sobra pa sa kahanga-hanga.
Mabilis ding magbago ang mga pamantayan ng lipunan tungkol sa moralidad. Ang mga ugali na dati ay hindi angkop at mahalay ay hindi lamang kinukunsinti ngayon kundi itinuturing pang katanggap-tanggap ng marami.
Kailan lang ay nabasa ko sa Wall Street Journal ang isang artikulo ni Jonathan Sacks, ang punong rabbi ng Britain. Bukod pa sa ibang mga bagay, isinulat niya: “Sa halos bawat lipunan sa Kanluran noong 1960s ay nagbago ang pamantayan ng moralidad, at tinalikuran ang dating kaugaliang magtimpi sa sarili. Ang kailangan mo lang, pag-awit ng Beatles, ay pag-ibig. Ang dating pamantayan sa moralidad ng mga Kristiyanong Judio ay tinalikuran na. Pinalitan ito [ng kasabihang]: [Gawin] mo ang kapaki-pakinabang sa iyo. Ang Sampung Utos ay muling isinulat bilang Sampung Malikhaing Mungkahi.”
Buong panghihinayang pang sinabi ni Rabbi Sacks:
“Walang pakundangan ang pagtalikod natin sa mga tuntunin ng kagandahang-asal gaya ng paglustay ng ating kabuhayan. …
“May malalaking bahagi ng [mundo] kung saan lipas na ang relihiyon at walang sumasalungat sa kulturang bilhin ito, gastusin ito, isuot ito, ipagyabang ito, dahil karapat-dapat ito sa iyo. Ang mensahe ay na hindi na uso ang moralidad, ang konsiyensya ay para sa mahihinang tao, at ang pinakamahalagang utos ay ‘Huwag kang pahuhuli.’”1
Mga kapatid, ito—sa kasamaang-palad—ang naglalarawan sa malaking bahagi ng mundo sa paligid natin. Lubha ba tayong nag-aalala at nag-iisip kung paano tayo mabubuhay sa ganitong daigdig? Hindi. Ang totoo, nasa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo, at alam nating hindi lumilipas ang moralidad, na may konsiyensya tayong gagabay sa atin, at pananagutan natin ang ating mga gawa.
Kahit nagbago na ang mundo, iyon pa rin ang mga batas ng Diyos. Hindi nagbago ang mga ito; hindi magbabago ang mga ito. Ang Sampung Utos ay gayon lamang—mga utos. Hindi mungkahi ang mga ito. Bawat isa ay kailangan pa rin ngayon gaya noong ibigay ito ng Diyos sa mga anak ni Israel. Kung makikinig lang tayo, maririnig natin ang alingawngaw ng tinig ng Diyos, na nagsasalita sa atin dito ngayon:
“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.
“Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan. …
“Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan. …
“Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin. …
“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina. …
“Huwag kang papatay.
“Huwag kang mangangalunya.
“Huwag kang magnanakaw.
“Huwag kang magbibintang. …
“Huwag [kang mag-iimbot].”2
Ang pamantayan ng ating asal ay tiyak; hindi ito matatawaran. Hindi lamang ito makikita sa Sampung Utos kundi maging sa Sermon sa Bundok, na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas nang Siya’y narito pa sa mundo. Makikita ito sa lahat ng Kanyang mga turo. Makikita ito sa mga salita ng makabagong paghahayag.
Ang ating Ama sa Langit ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Sinabi sa atin ng propetang si Mormon na ang Diyos ay “hindi pabagu-bago mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.”3 Sa mundong ito kung saan halos lahat ay tila nagbabago, ang hindi Niya pagbabago ay isang bagay na maaasahan natin, isang angkla na mahahawakan nang mahigpit at maliligtas tayo, nang hindi tayo maanod patungo sa laot.
Maaaring kung minsan sa tingin ninyo ay mas masaya ang mga nasa mundo kaysa sa inyo. Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na nililimitahan kayo ng pamantayan ng asal na sinusunod natin sa Simbahan. Gayunman, mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na walang ibang higit na magpapagalak sa ating buhay o higit na papayapa sa ating kaluluwa kaysa sa Espiritu na maaaring mapasaatin kung susundin natin ang Tagapagligtas at ang mga utos. Hindi maaaring sumainyo ang Espiritu sa mga uri ng aktibidad na kinasasangkutan ng daigdig. Ipinahayag ni Apostol Pablo ang katotohanan: “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”4 Ang katagang taong ayon sa laman ay maaaring tumukoy sa sinuman sa atin kung hahayaan nating maging gayon tayo.
Kailangan tayong maging maingat sa isang mundong nagpakalayo na sa bagay na espirituwal. Mahalagang ayawan natin ang anumang hindi umaayon sa ating mga pamantayan, tumanggi tayong isuko ang ating pinakamimithi: ang buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos. Binabayo pa rin ng mga unos ang ating pintuan paminsan-minsan, dahil ito ay bahaging hindi maiiwasan sa buhay natin sa lupa. Gayunman, magiging mas handa tayong harapin ang mga ito, matuto mula rito, at daigin ang mga ito kung nakasalig ang ating buhay sa ebanghelyo at nasa puso natin ang pag-ibig ng Tagapagligtas. Sinabi ng propetang si Isaias, “Ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.”5
Dahil tayo ay nasa mundo ngunit hindi makamundo, kailangan nating makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa panalangin. Gusto Niyang gawin natin ito; sasagutin Niya ang ating mga dalangin. Hinikayat tayo ng Tagapagligtas, ayon sa nakatala sa 3 Nephi 18, na “mag-ingat at laging manalangin na baka kayo ay madala sa tukso; sapagkat nais ni Satanas na kayo ay maging kanya. …
“Kaya nga, kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan;
“At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.”6
Nagkaroon ako ng patotoo sa bisa ng panalangin noong ako’y 12 taong gulang. Nagtrabaho akong mabuti para kumita ng kaunting pera at nakaipon ako ng limang dolyar. Panahon iyon ng Great Depression, kung kailan ang limang dolyar ay malaking halaga na—lalo na sa isang batang 12 anyos. Ibinigay ko sa aking ama ang lahat ng barya ko, na sa kabuuan ay limang dolyar, at binigyan naman niya ako ng buong $5.00. Alam ko na may plano akong bilhin noon sa halagang limang dolyar, bagama’t sa ngayon ay hindi ko na maalala kung ano iyon. Naaalala ko lang kung gaano kahalaga ang perang iyon sa akin.
Noong panahong iyon, wala kaming sariling washing machine, kaya bawat linggo ay dinadala ng aking ina sa laundry ang mga damit namin na kailangang labhan. Pagkaraan ng dalawang araw, ang bunton ng tinawag naming “basang labada” ay ibinabalik sa amin, at isinasampay ni Inay ang mga damit sa likod-bahay namin para patuyuin.
Naibulsa ko sa aking pantalon ang limang dolyar ko. Tulad ng hula ninyo, dinala sa labandera ang pantalon ko na nasa bulsa pa rin ang pera ko. Nang maisip ko ang nangyari, alalang-alala ako. Alam ko na laging sinisiyasat ng labandera ang mga bulsa bago labhan ito. Kung hindi natuklasan at nakuha ang pera ko sa prosesong iyon, halos natitiyak ko na lalabas sa bulsa ang pera habang nilalabhan ang pantalon at maaaring angkinin iyon ng naglalaba roon na walang ideya kung kanino dapat isauli ang pera, kahit gusto niyang gawin ito. Ang tsansang mabalik ang limang dolyar ko ay napakalabong mangyari—isang pangyayaring tiniyak ng mahal kong ina nang sabihin kong naiwan sa bulsa ko ang pera.
Gusto kong mabawi ang perang iyon; kailangan ko iyon; nagtrabaho ako nang husto para kitain iyon. Naisip ko na isang bagay lang ang magagawa ko. Sa kawalan ko ng pag-asa nagdasal ako sa aking Ama sa Langit at nagsumamo sa Kanya na kahit paano ay huwag hayaang mawala ang pera ko sa bulsang iyon hanggang sa maibalik ang aming basang labada.
Pagkaraan ng napakahabang dalawang araw, nang malaman ko na ihahatid na ng delivery truck ang labada namin, naupo ako sa tabi ng bintana at naghintay. Habang paliko ang trak sa kanto, kumakabog ang dibdib ko. Nang maipasok na sa bahay ang mga basang damit, agad kong kinuha ang aking pantalon at tumakbo sa aking silid. Nanginginig ang mga kamay ko nang dumukot ako sa bulsa. Nang wala akong makita kaagad, naisip kong nawala na ito. Pagkatapos ay nakapa ng mga daliri ko ang basang limang dolyar. Nang hugutin ko ito mula sa bulsa, nakahinga ako nang maluwag. Taos-puso akong nagpasalamat sa aking Ama sa Langit sa panalangin, dahil alam kong sinagot Niya ang aking dalangin.
Magmula noon, marami na akong panalanging sinagot. Walang araw na lumipas na hindi ako nakikipag-ugnayan sa aking Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin. Isang ugnayan ito na aking itinatangi—talagang hindi ko alam ang gagawin kung wala ito. Kung sa ngayon ay hindi gayon ang kaugnayan ninyo sa inyong Ama sa Langit, hinihimok ko kayo na mithiin ninyong makipag-ugnayan sa Kanya. Kapag ginawa ninyo ito, matatanggap ninyo ang Kanyang inspirasyon at patnubay sa inyong buhay—na kailangan ng bawat isa sa atin kung gusto nating maligtas sa espirituwal sa buhay natin dito sa lupa. Ang gayong inspirasyon at patnubay ay mga kaloob na malaya Niyang ibinibigay kung hahangarin lang natin ito. Malaking kayamanan ang mga ito!
Lagi akong nagpapakumbaba at nagpasasalamat kapag nakikipag-ugnayan sa akin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang inspirasyon. Natutuhan kong kilalanin ito, magtiwala rito, at sundin ito. Ilang beses na akong nakatanggap ng gayong inspirasyon. Isang matinding karanasan ang nangyari noong Agosto ng 1987 sa paglalaan ng Frankfurt Germany Temple. Kasama namin noon si Pangulong Ezra Taft Benson sa unang araw o sa dalawang paglalaan ngunit nakauwi na siya, kaya nagkaroon ako ng pagkakataong mangasiwa sa nalalabing mga sesyon.
Araw ng Sabado nagdaos kami ng sesyon para sa ating mga miyembrong Dutch na nasa Frankfurt Temple district. Kilalang-kilala ko ang isa sa magagaling nating pinuno mula sa Netherlands, si Brother Peter Mourik. Bago nagsimula ang sesyon, malinaw kong nadama na dapat pagsalitain si Brother Mourik sa kapwa niya mga miyembrong Dutch sa sesyon at katunayan ay siya dapat ang unang magsasalita. Nang hindi ko siya makita sa templo noong umagang iyon, inabutan ko ng maikling sulat si Elder Carlos E. Asay, ang aming Area President, na nagtatanong kung dumalo sa sesyon si Peter Mourik. Bago tumayo para simulan ang sesyon, natanggap ko ang maikling sagot ni Elder Asay na nagsasabing hindi dumalo si Brother Mourik, na may iba siyang ginagawa, at plano niyang dumalo sa sesyon ng paglalaan sa templo kinabukasan kasama ang mga stake ng mga sundalo.
Habang nakatayo ako sa pulpito para batiin ang mga tao at ipaalam ang programa, nakatanggap akong muli ng malinaw na inspirasyon na dapat kong sabihin na si Peter Mourik ang unang magsasalita. Salungat ito sa lahat ng nadarama ko, dahil karirinig ko lang kay Elder Asay na talagang wala si Brother Mourik sa templo. Gayunman, tiwala sa inspirasyon, ipinahayag ko ang pag-awit ng koro at ang panalangin at saka ko sinabi na ang unang magsasalita sa amin ay si Brother Peter Mourik.
Pagbalik ko sa aking upuan, sumulyap ako kay Elder Asay, at nakita ko sa kanyang mukha na nag-alala siya. Kalaunan ay sinabi niya sa akin na nang ipahayag ko na si Brother Mourik ang unang magsasalita, hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. Alam daw niya na natanggap ko ang kanyang maikling sulat at nabasa ko nga iyon, at hindi niya maunawaan kung bakit ko sinabing magsasalita si Brother Mourik, batid na wala siya sa templo.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, nasa isang pulong si Peter Mourik sa mga area office sa Porthstrasse. Habang patuloy ang kanyang pulong, bigla siyang lumingon kay Elder Thomas A. Hawkes Jr., na regional representative noon, at nagtanong, “Gaano kabilis mo ako maihahatid sa templo?”
Sumagot si Elder Hawkes, na kilalang mabilis magmaneho sa kanyang maliit na sports car, “Sa loob ng 10 minuto! Pero bakit mo kailangang magpunta sa templo?”
Inamin ni Brother Mourik na hindi niya alam kung bakit niya kailangang magpunta sa templo pero alam niyang kailangan niyang makarating doon. Agad naghanda ang dalawa para magpunta sa templo.
Habang umaawit ang koro, tumingin ako sa paligid, iniisip na anumang sandali ay makikita ko si Peter Mourik. Hindi ko siya nakita. Gayunman, nagtaka ako na hindi ako nag-alala. Nakadama ako ng matamis na katiyakan na magiging maayos ang lahat.
Pumasok si Brother Mourik sa harapang pintuan ng templo nang patapos na ang pambungad na panalangin, na hindi pa rin alam kung bakit siya naroon. Habang nagmamadali siyang lumakad sa pasilyo, nakita niya ako sa monitor at narinig ang sinabi kong, “Makikinig tayo ngayon kay Brother Peter Mourik.”
Laking gulat ni Elder Asay nang agad pumasok si Peter Mourik sa silid at tumayo sa podium.
Kasunod ng sesyong iyon, nag-usap kami ni Brother Mourik tungkol sa nangyari bago siya nagsalita. Pinag-isipan kong mabuti hindi lang ang inspirasyong natanggap ko noong araw na iyon kundi pati na ang kay Brother Peter Mourik. Ang pambihirang karanasang iyon ay nagbigay sa akin ng di-maikakailang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagiging karapat-dapat na tumanggap ng gayong inspirasyon at pagkatapos ay magtiwala rito—at sundin ito—kapag ito ay dumarating. Alam ko nang walang alinlangan na nilayon ng Panginoon na marinig ng mga dumalo sa sesyong iyon ng paglalaan ng Frankfurt Temple ang makapangyarihan at nakaaantig na patotoo ng Kanyang lingkod na si Brother Peter Mourik.
Mahal kong mga kapatid, ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit—kabilang na ang ating mga panalangin sa Kanya at ang Kanyang inspirasyon sa atin—ay kailangan upang mapaglabanan natin ang mga unos at pagsubok ng buhay. Inaanyayahan tayo ng Panginoon, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan.”7 Sa paggawa nito, madarama natin ang Kanyang Espiritu sa ating buhay, na magbibigay sa atin ng hangarin at tapang na manindigan sa kabutihan—na “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”8
Habang nagbabago ang daigdig sa ating paligid at nakikita natin ang paghina ng moralidad ng lipunan, nawa’y maalala natin ang mahalagang pangako ng Panginoon sa mga nagtitiwala sa Kanya: “Huwag kang matakot; sapagka’t ako’y sumasaiyo: huwag kang manglupaypay; sapagka’t ako’y iyong Dios: aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.”9
Napakagandang pangako! Nawa’y matanggap natin ang pagpapalang iyon, ang taimtim kong dalangin sa sagradong pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.