Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 87


Bahagi 87

Paghahayag at propesiya tungkol sa digmaan, na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa o malapit sa Kirtland, Ohio, Disyembre 25, 1832. Sa panahong ito, balitang-balita ang mga kaguluhan sa Estados Unidos hinggil sa pagkakaroon ng mga alipin at ang pagpapawalang-bisa ng Timog Carolina sa mga pederal na taripa. Ipinahahayag sa kasaysayan ni Joseph Smith na “ang mga paglitaw ng mga kaguluhan sa mga bansa” ay nagiging “higit na malinaw” sa Propeta “kaysa noong bago magsimulang maglakbay palabas ng kapanglawan ang Simbahan.”

1–4, Ibinabadya ang digmaan sa pagitan ng mga Estado sa Hilaga at ng mga Estado sa Timog; 5–8, Sasapit ang matitinding sakuna sa lahat ng naninirahan sa mundo.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon hinggil sa mga digmaan na malapit nang mangyari, simula sa paghihimagsik ng Timog Carolina, na kalaunan ay magwawakas sa kamatayan at kalungkutan ng maraming tao;

2 At sasapit ang panahon na ang digmaan ay bubuhos sa lahat ng bansa, simula sa lugar na ito.

3 Sapagkat dinggin, ang mga Estado sa Timog ay hihiwalay laban sa mga Estado sa Hilaga, at ang mga Estado sa Timog ay mananawagan sa iba pang mga bansa, maging sa bansang Gran Britanya, tulad ng tawag dito, at mananawagan din sila sa iba pang mga bansa, upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa iba pang mga bansa; at pagkatapos, ang digmaan ay bubuhos sa lahat ng bansa.

4 At ito ay mangyayari, pagkaraan ng maraming araw, ang mga alipin ay maghihimagsik laban sa kanilang mga panginoon, na isasaayos at sasanayin para sa digmaan.

5 At ito ay mangyayari din na isasaayos ng mga nalabi na naiwan sa lupain ang kanilang sarili, at magiging labis na galit, at pahihirapan ang mga Gentil sa pamamagitan ng isang matinding pagpapahirap.

6 At sa gayon, sa pamamagitan ng espada at ng pagdanak ng dugo, ang mga naninirahan sa mundo ay magdadalamhati; at dahil din sa taggutom, at salot, at lindol, at sa kulog sa langit, at sa matalim at matingkad na kidlat, madarama ng mga naninirahan sa mundo ang poot, at galit, at nagpaparusang kamay ng isang Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa ang itinakdang pagkalipol ay ganap na wakasan ang lahat ng bansa;

7 Upang ang pagtangis ng mga banal, at ang dugo ng mga banal, ay huminto sa pagpaparating sa mga pandinig ng Panginoon ng Sabaoth, mula sa lupa, na ipaghiganti sa kanilang mga kaaway.

8 Samakatwid, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matitinag, hanggang sa sumapit ang araw ng Panginoon; sapagkat dinggin, ito ay madaling sasapit, wika ng Panginoon. Amen.