2010–2019
Payo sa Kabataan
Oktubre 2011


2:3

Payo sa Kabataan

Sa kabila ng oposisyon, mga pagsubok, at tukso, hindi kayo dapat mabigo o matakot.

Magsasalita ako nang mas personal sa mga kabataan kaysa karaniwang ginagawa ko, na inihahambing ang panahon ng aking kabataan sa inyo.

Hindi masusukat ang kahalagahan ninyo. Nakita ko kayo sa maraming bansa at sa bawat kontinente. Mas mahusay kayo kaysa sa amin noong kabataan namin. Mas marami kayong alam tungkol sa ebanghelyo. Kayo ay mas husto ang pag-iisip at mas tapat.

Ako ay 87 taong gulang na. Maaaring isipin ninyo kung ano ba ang maitutulong ko sa inyong buhay sa edad kong ito. Naging tulad din ninyo ako at alam ko kung saan kayo patungo. Ngunit wala pa kayo sa kinaroroonan ko. Magbabanggit ako ng ilang taludtod ng klasikong tula:

Matandang uwak ay mahina na.

Batang uwak ay masigla pa.

Ang hindi batid ng batang uwak

Alam ng matandang uwak.

Sa karunungan, matandang uwak

Ay nakahihigit sa batang uwak.

Ano ang hindi alam ng matandang uwak?

—Kung paano lumipad nang mabilis.

Batang uwak lumipad paitaas, paibaba,

At paikot sa mabagal at matandang uwak.

Ano ang hindi alam ng maliksing uwak?

—Kung saan siya patutungo.1

Bagamat hindi ito likha ni Wordsworth, ito ay isang klasikong tula!

Sa lahat ng nangyayari sa mundo, kasama ang pagbaba ng mga pamantayang moral, kayong mga kabataan ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway.

Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng digmaan sa langit at na si Lucifer ay naghimagsik at, kasama ang kanyang mga alagad ay, “inihagis sa lupa.”2 Determinado siyang sirain ang plano ng ating Ama sa Langit at hangad na kontrolin ang isipan at kilos ng lahat ng tao. Ang impluwensyang ito ay nakaaapekto sa espirituwal, at siya “ay nagtungo sa lupa.”3

Ngunit sa kabila ng oposisyon, mga pagsubok, at tukso, hindi kayo dapat mabigo o matakot.

Noong ako ay 17 taong gulang, na matatapos na ng hayskul bilang karaniwang estudyante na may ilang kahinaan, na siyang akala ko, biglang nagbago ang aming buhay isang umaga ng Linggo. Nang sumunod na araw tinawag kami sa high school auditorium. Naroon sa entablado ang isang upuan at maliit na radyo. Binuksan ng prinsipal ang radyo. Narinig namin doon ang tinig ni Pangulong Franklin Delano Roosevelt habang ibinabalita niya na binomba ang Pearl Harbor. Ang Estados Unidos ay nakikipagdigmaan sa Japan.

Kalaunan naulit ang tagpong iyon. Narinig muli ang tinig ni Pangulong Roosevelt at sa pagkakataong ito ibinabalita niya na ang aming bansa ay nakikipagdigmaan sa Germany. Sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bigla na lamang nawalan ng katiyakan ang aming bukas. Hindi namin alam ang mangyayari sa hinaharap. Makakapag-asawa pa ba kami at magkakaroon ng pamilya?

Ngayon may “mga digmaan at alingawngaw ng digmaan, at ang buong mundo ay [n]agkakagulo.”4 Kayo na aming kabataan ay maaaring mawalan ng katiyakan at kapanatagan sa inyong buhay. Nais ko kayong payuhan at turuan at bigyan ng babala tungkol sa ilang bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin.

Ang plano ng ebanghelyo ay “dakilang plano ng kaligayahan.”5 Ang pamilya ang sentro ng planong iyan. Ang pamilya ay nakabatay sa marapat na paggamit ng kapangyarihang iyon na lumikha ng buhay na nasa inyong katawan.

Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na isang binigyang-inspirasyong pahayag mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, nalaman natin na sa buhay bago tayo isinilang na “lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana. Ang kasarian ay mahalagang katangian [at itinatag sa buhay na iyon bago pa ang buhay sa mundo]. …

“… Ipinapahayag din namin na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”6

Ang malaking kaparusahang ipinataw ni Lucifer at ng kanyang mga alagad sa kanilang sarili ay ang hindi nila pagkakaroon ng katawang mortal.

Ang maraming tuksong nakakaharap ninyo, na pinakamatindi, ay may kaugnayan sa inyong katawan. Hindi lamang kayo may kapangyarihang lumikha ng katawan para sa bagong henerasyon, kundi may kalayaan din kayo.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.”7 Kaya’t ang lahat ng kaluluwang nagkaroon ng pisikal na katawan ay may kapangyarihan sa huli laban sa kaaway. Dumaranas kayo ng mga tukso dahil sa likas na pagkatao ninyo, ngunit may kapangyarihan din kayo laban sa kanya at sa kanyang mga alagad.

Nang makatapos kami ng hayskul, marami sa aming mga kaklase ang nagtungo sa digmaan, ilan sa kanila ay hindi na nakauwi. Ang natira sa amin ay pumasok sa military kalaunan. Hindi namin alam ang magiging bukas namin. Makakaligtas kaya kami sa digmaan? May madaratnan pa kaya kami sa dating kinamulatan namin?

Dahil tiyak kong tatawagin din ako sa military, umanib ako sa hukbong panghimpapawid. Di-nagtagal nasa Santa Ana, California, na ako para sa preflight training.

Hindi pa matibay ang patotoo ko noon na totoo ang ebanghelyo, ngunit alam kong alam ng mga guro ko sa seminary na sina Abel S. Rich at John P. Lillywhite, na ito ay totoo. Narinig ko silang nagpatotoo, at naniwala ako sa kanila. Sinabi ko sa aking sarili, “Mananangan ako sa kanilang mga patotoo hanggang sa magkaroon ako ng sarili kong patotoo.” At iyon nga ang ginawa ko.

Narinig ko ang tungkol sa patriarchal blessings ngunit hindi pa ako nakakatanggap nito. Sa bawat stake ay may isang inorden na patriyarka na may diwa ng propesiya at paghahayag. Siya ay awtorisadong magbigay ng basbas na para lamang sa taong inirekomenda ng kanilang mga bishop. Sumulat ako sa aking bishop para sa rekomendasyon.

Si J. Roland Sandstrom ay isang inorden na patriyarka na naninirahan sa sakop ng Santa Ana stake. Wala siyang alam tungkol sa akin at hindi pa niya ako nakita noon, ngunit binasbasan niya ako. Nakakita ako rito ng mga sagot at tagubilin.

Bagama’t ang patriarchal blessing ay pansarili lamang, magbabahagi ako nang kaunti mula sa patriarchal blessing ko: “Ikaw ay gagabayan sa pamamagitan ng mga bulong ng Banal na Espiritu at babalaan ka sa mga panganib. Kung pakikinggan mo ang mga babalang iyon, pagpapalain ka ng ating Ama sa Langit upang muli mong makasama ang iyong mga mahal sa buhay.”8

Bagamat ang salitang kung, ay maliit lamang, tila sinakop nito ang buong papel. Ako ay pagpapalaing makauwi mula sa digmaan kung susundin ko ang mga utos at kung pakikinggan ko ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo. Bagama’t naibigay ang kaloob na iyan sa akin noong ako’y binyagan, hindi ko pa alam kung ano ang Espiritu Santo o paano ito nanghihikayat.

Ang kailangan kong malaman tungkol sa mga panghihikayat ay natagpuan ko sa Aklat ni Mormon. Nabasa ko na “ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, … magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”9

Marahil ang pinakamagandang natutuhan ko sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay na ang tinig ng Espiritu ay nararamdaman sa halip na naririnig. Matututuhan ninyo, tulad ng natutuhan ko, na “makinig” sa tinig na iyan na nadarama sa halip na naririnig.

Pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga nakatatandang kapatid na sinasabing, “Nakakita kayo ng isang anghel, at nangusap siya sa inyo; oo, manaka-naka ay narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.”10

Ilang kritiko ang nagsabi na mali ang mga talatang ito dahil naririnig ang mga salita; hindi ninyo nadarama ang mga ito. Ngunit kung may nalalaman kayo tungkol sa espirituwal na pakikipag-ugnayan, alam ninyo na ang pinakamagandang salita para ilarawan ang nangyayari ay ang salitang nadarama.

Ang kaloob na Espiritu Santo, kung tutulutan ninyo, ay gagabay at poprotekta sa inyo, at iwawasto rin ang inyong mga ginagawa. Ito ay isang espirituwal na tinig na dumarating sa isipan bilang kaisipan o damdamin sa inyong puso. Sinabi ng propetang si Enos, “Ang tinig ng Panginoon ay sumaisip ko.”11 At sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo.”12

Hindi inaasahang hindi kayo magkakamali sa buhay, ngunit hindi kayo makagagawa ng malaking kasalanan nang hindi muna nababalaan ng mga paramdam ng Espiritu. Ang pangakong ito ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Ang ilan ay magkakasala nang mabigat, lalabag sa mga batas ng ebanghelyo. Ito ang panahon upang alalahanin ninyo ang Pagbabayad-sala, pagsisisi, at lubos na kapatawaran upang kayo ay maging dalisay muli. Sinabi ng Panginoon, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”13

Kung mabibihag kayo ng kaaway dahil nagkasala kayo, ipinapaalala ko sa inyo na nasa inyo ang susi upang mabuksan sa loob ang pinto ng bilangguan. Kayo ay mahuhugasang malinis sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

Maaaring minsan ay naiisip ninyo na hindi kayo karapat-dapat iligtas dahil nagkasala kayo, malaki man o maliit, at inaakala ninyong naligaw na kayo ng landas. Hindi iyan totoo kailanman! Tanging sa pagsisisi mapagagaling ang mga dinaramdam natin. At maaaring mapagaling ng pagsisisi ang mga dinaramdam natin, anuman iyon.

Kung nakagawa kayo ng mga bagay na hindi ninyo dapat ginawa, o kung nakikisama kayo sa mga taong humihila sa inyo sa maling direksyon, panahon na para gamitin ang inyong kalayaang pumili. Makinig sa tinig ng Espiritu, at hindi kayo maliligaw ng landas.

Inuulit ko na ang mga kabataan ngayon ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway na may pababang pamantayan sa moralidad. Ngunit bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na kayo ay poprotektahan at ipagsasanggalang sa pagsalakay ng kaaway kungpakikinggan ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

Manamit nang disente; mapitagang mangusap; makinig sa nagbibigay-inspirasyong musika. Iwasan ang lahat ng imoralidad at gawaing nakasisira ng dignidad. Disiplinahin ang inyong buhay at utusan ang sarili na maging matapat. Dahil labis kaming umaasa sa inyo, kayo ay lubos na pagpapalain. Lagi kayong binabantayan ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang lakas ng aking patotoo ay nagbago magmula noong madama ko na kailangan kong mananganan sa mga patotoo ng mga guro ko sa seminary. Ngayon nakatangan ako sa iba kapag naglalakad ako dahil sa katandaan at polyo na nakuha ko noong bata pa ako ngunit hindi dahil sa pag-aalinlangan hinggil sa mga bagay na espirituwal. Naniwala ako, naunawaan ko, at nalaman ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo at ang tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Bilang isa Kanyang mga natatanging saksi, pinatototohanan ko na ang kahihinatnan ng digmaang ito na nagsimula sa premortal na buhay ay di-mapag-aalinlanganan. Madadaig si Lucifer.

Pinag-usapan natin kanina ang tungkol sa mga uwak. Kayong mga batang uwak ay hindi kailangang lumipad nang lumipad nang paroo’t parito, na di-tiyak ang pupuntahan. May mga taong nakaaalam ng daan. “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”14 Inorganisa ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa alituntunin ng mga susi ng priesthood at kapulungan.

Namumuno sa Simbahan ang 15 kalalakihan na sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtataglay ng lahat ng susi ng priesthood na kailangan para pangasiwaan ang Simbahan. Ang senior na Apostol ay ang propeta at Pangulong Thomas S. Monson, na tanging tao na may awtoridad na gamitin ang lahat ng susing iyon.

Iniutos sa mga banal na kasulatan na dapat kumilos ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa bilang mga kapulungan at ang mga desisyon ng kapulungang iyon ay dapat iisa. At iyan nga ang nangyayari. Nagtitiwala kami na gagabayan kami ng Panginoon at ang hangad lamang namin ay gawin ang Kanyang kalooban. Alam naming lubos Siyang nagtitiwala sa amin, sa bawat isa at sa kabuuan.

Dapat kayong matutong “tumiwala sa Panginoon ng buong puso [ninyo], at huwag [kayong] manalig sa [inyong] sariling kaunawaan.”15 Dapat mapagkakatiwalaan kayo, at dapat makipagkaibigan sa mga taong ganito rin ang hangarin.

Kung minsan maaaring matukso kayo tulad ko noong kabataan ko na isiping: “Magwawakas na ang mundo dahil sa takbo ng mga pangyayari sa paligid. Darating na ang katapusan ng daigdig bago ko pa maisakatuparan ang dapat kong gawin.” Hindi ito tama! Makakaasa kayo na magagawa ninyo ang tama—magpapakasal, magkakaroon ng pamilya, makikita ang inyong mga anak at apo, at marahil kahit ang mga apo-sa-tuhod.

Kung susundin ninyo ang mga alituntuning ito, kayo ay pangangalagaan at poprotektahan at malalaman ninyo mismo sa pamamagitan ng panghihikayat ng Espiritu Santo kung saan kayo pupunta, sapagkat “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”16 Ipinapangako kong mangyayari ito at idinadalangin ko na mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.