Tayong Lahat ay Kabilang
Sa bawat lalaki, bata at matanda, na maytaglay ng priesthood, hiling ko ang mas matatag na tinig,…tinig para sa kabutihan, isang tinig para sa ebanghelyo, isang tinig para sa Diyos.
Sa diwa ng makapukaw-damdaming himnong iyon at sa napakainam na panalangin ni Elder Richard G. Hinckley na nasa puso ko, nais kong magsalita nang tahasan ngayong gabi, mga kapatid, at ibibilang ko dito ang mga kabataan ng Aaronic Priesthood.
Kapag pinag-uusapan natin ang kagandahan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith, kung minsan ay pahapyaw lang ang pagbanggit natin sa nakakatakot na paghaharap bago iyon, paghaharap na nilayong patayin ang bata kung maaari at kung hindi naman, ay para pigilin ang parating na paghahayag. Hindi natin dapat palaging pag-usapan ang kaaway, at ni ayaw ko siyang banggitin, ngunit ang karanasan ng batang si Joseph ay paalala sa bawat lalaki, pati sa bawat binatilyo sa grupong ito, ng bagay na dapat tandaan.
Una, si Satanas, o Lucifer, o ang ama ng kasinungalingan—anuman ang itawag ninyo sa kanya—ay tunay, siya mismo ang kumakatawan sa kasamaan. Masama ang kanyang mga motibo sa lahat ng pagkakataon, at nanginginig siya sa pagsulpot ng mapagtubos na liwanag, sa mismong pag-iisip ng katotohanan. Ikalawa, palagi siyang salungat sa pag-ibig ng Diyos, sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa gawain ng kapayapaan at kaligtasan. Kakalabanin niya ang mga ito kahit kailan at kahit saan. Alam niyang matatalo siya at itataboy sa huli, ngunit determinado siyang ipahamak na katulad niya ang marami hangga’t maaari.
Kung gayon, ano ang ilan sa mga paraan ng diyablo sa paligsahang ito kung saan buhay na walang-hanggan ang nakataya? Muli ay may matututuhan tayo sa karanasan sa Sagradong Kakahuyan. Itinala ni Joseph na sa pagsisikap na labanan ang lahat ng darating, nagpakita si Lucifer ng “kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita.”1
Tulad ng itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer kaninang umaga, hindi kayang pumatay ni Satanas. Isa iyan sa mga bagay na hindi niya kayang gawin. Ngunit mukhang magagawa niyang pigilin ang gawain kung maigagapos lamang niya ang dila ng matatapat. Mga kapatid, kung gayon, naghahanap ako ngayong gabi ng mga lalaking bata at matanda na may sapat na malasakit upang sumali at magtanggol sa labanang ito sa pagitan ng mabuti at masama. Tayo ay nasa digmaan, at sa susunod na ilang minuto, nais ko kayong pasalihin sa digmaan.
Kailangan ko pa bang ihimig ang ilang linya ng “Tayo ay Kasapi”? Alam niyo na, ang linyang “Kawal ay kailangan, sino’ng magkukusa?”2 Mangyari pa, ang maganda sa panawagang ito na lumaban ay hindi natin hinihiling sa mga boluntaryo na bumaril o maghagis ng granada. Hindi, gusto natin ng mga batalyong gagawing sandata ang “bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.”3 Kaya naghahanap ako ngayong gabi ng mga misyonerong hindi kusang gagapusin ang kanilang dila kundi, sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at ng kapangyarihan ng kanilang priesthood, ay bubuksan ang kanilang mga bibig at gagawa ng mga himala. Ang gayong pananalita, sabi ng mga kapatid noon, ang paraan kung saan ang “pinakadakilang mga gawain [ng pananampalataya] ay nagawa, at ma[ga]gawa.”4
Hinihiling ko lalo na sa mga binatilyo ng Aaronic Priesthood na maupo nang tuwid at makinig. Para sa inyo, gagawa ako ng analohiya sa laro. Mahirap itong sinalihan nating paligsahan laban sa kaaway, kaya lalapitan ko kayo, nang husto, at pag-aalabin nang kaunti ang damdamin ninyo—tulad ng ginagawa ng mga coach kapag malapit na ang laro at ang pagkapanalo ay napakahalaga. At sa larong ito ang sinasabi ng coach na ito sa inyo ay, para makapaglaro dito, kailangang maging mas malinis pa ang kalooban ng ilan sa inyo. Sa labanang ito sa pagitan ng mabuti at masama, hindi kayo maaaring maglaro para sa kaaway sa tuwing may tukso, at pagkatapos ay maglaro para sa Tagapagligtas pagsapit ng panahon para pumunta sa templo at magmisyon na parang walang nangyari. Iyan, mga kaibigan, ay hindi ninyo maaaring gawin. Ang Diyos ay hindi maaaring hamakin.
Kaya may problema tayo ngayong gabi, ikaw at ako. Ito ay ang daan-daang libong kabataang sakop ng edad ng Aaronic Priesthood na nasa mga talaan ng Simbahang ito na maaaring magmisyon sa hinaharap. Ngunit ang hamon ay ang panatilihing aktibo at karapat-dapat ang mga deacon, teacher, at priest na iyon nang sapat para maordenan bilang mga elder at makapaglingkod bilang mga misyonero. Kaya kailangan natin ang mga kabataang kasama na sa grupo na manatili rito at tumigil sa paggawa ng mabibigat na kasalanan kapag kailangan na kayong maglaro at maglaro nang napakahusay! Sa halos lahat ng paligsahang pampalakasan na alam ko, may mga patakarang dapat sundin ang bawat kalahok para makapaglaro. At, ang Panginoon ay nagbigay ng mga patakaran ng pagiging karapat-dapat para sa mga tinawag na tumulong sa Kanya sa gawaing ito. Walang misyonero ang kayang hamunin ang ibang tao na magsisi sa kasalanang seksuwal o lapastangang pananalita o panonood ng pornograpiya kung siya mismo ay hindi pa napagsisisihan ang mga kasalanang iyon! Hindi ninyo magagawa iyon. Ang Espiritu ay hindi mapapasainyo at mabubulunan kayo sa pagsasabi ng mga ito. Hindi kayo maaaring dumaan sa tinawag ni Lehi na “ipinagbabawal na landas”5 at umasang magagabayan ang iba sa “makipot at makitid”6 na landas—hindi magagawa iyan.
Ngunit may paraan para mapagsisihan ang inyong mga kasalanan gaya sa investigator na tuturuan ninyo. Sinuman kayo at anuman ang nagawa ninyo, mapapatawad kayo. Bawat isa sa inyong mga kabataan ay maaaring talikuran ang anumang kasalanan na nagpapahirap sa inyo. Ito ang himala ng kapatawaran; ang himala ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi ninyo ito magagawa kung hindi kayo tapat sa ebanghelyo, at hindi ninyo pinagsisihan ang kailangang pagsisihan. Hinihiling ko sa inyong mga kabataan na maging aktibo at malinis. Kung kailangan, hiling kong maging aktibo at maging malinis kayo.
Ngayon, mga kapatid, mapangahas kaming nagsasalita sa inyo dahil bihirang tumalab ang mas mahinahong salita. Hayagan kaming nagsasalita dahil si Satanas ay tunay at gusto niya kayong sirain, at pabata nang pabata ang mga taong tinutukso niya. Kaya hinahablot namin kayo at sinisigawan kayo nang husto:
Dinggin! Ingay ng digmaan ay kaylakas;
Makiisa! Makiisa!7
Mga bata kong kaibigan, kailangan namin ng libu-libo pang mga misyonero sa mga buwan at taong darating. Dapat silang magmula sa mas malaking porsiyento ng Aaronic Priesthood na ioorden, aktibo, malinis, at karapat-dapat maglingkod.
Sa inyo na nakapaglingkod na o naglilingkod ngayon, salamat sa kabutihang nagawa ninyo at sa mga buhay na inyong naantig. Pagpalain kayo! Kinikilala rin namin na may ilang gustong magmisyon at buong buhay na umasang makapagmisyon, ngunit dahil sa problema sa kalusugan o iba pang mga hadlang na hindi nila kagustuhan, ay hindi nila ito magawa. Hayagan naming ipinagmamalaki ang grupong ito. Alam namin ang inyong mga naisin, at pinupuri namin ang inyong katapatan. Minamahal at hinahangaan namin kayo. Kayo ay “kasama sa team” at lalagi rito, sapagkat may sapat kayong dahilan para hindi makapaglingkod nang full-time. Ngunit kailangan namin ang iba pa sa inyo!
Kayong kalalakihan ng Melchizedek Priesthood, huwag kayong ngumiti at panatag na sumandal sa inyong mga upuan. Hindi pa ako tapos. Kailangan namin ng libu-libo pang mag-asawang maglilingkod sa mga misyon ng Simbahan. Hinihiling sila ng bawat mission president. Saanman sila maglingkod, ang ating mga couple missionary ay naghahatid ng ibayong karunungan sa gawain na bihirang maibigay ng mga edad-19, kahit gaano sila kahusay.
Para mas marami pang mag-asawa ang mahikayat na maglingkod, ginawa ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa ang isa sa pinakamapangahas at bukas-palad na hakbang sa gawaing misyonero sa nakaraang 50 taon. Noong Mayo ng taong ito, ang mga lider ng priesthood na nasa misyon ay tumanggap ng paunawa na ang bayad sa upa ng bahay ng mga mag-asawa (at sa upa ng bahay lamang) ay tutulungang tustusan ng Church missionary funds kung labis o sobra ito sa itinakdang buwanang upa. Kaylaking pagpapala! Hulog ng langit ang tulong na ito sa pinakamalaking gastusin ng mga mag-asawa sa kanilang misyon. Nagpasiya rin ang mga Kapatid na ang mga misyong para sa mag-asawa ay maaari nang sa loob ng 6 o 12 buwan, at tulad ng dati 18 o 23 buwan. Ang maganda pa, maaaring umuwi sandali ang mga mag-asawa, sa sarili nilang gastos, para sa mahahalagang kaganapan sa pamilya. At huwag na kayong mag-alala na baka kakatok kayo sa mga pintuan o gagayahin ninyo ang iskedyul ng mga edad-19! Hindi namin iyan ipinagagawa sa inyo, pero may iba pa kayong magagawa, at mas malaya kayong magpasiya kung paano ito gawin.
Mga kapatid, dahil sa mabuti at sapat na dahilan ukol sa kalusugan, pamilya, o kabuhayan, natanto namin na ang ilan sa inyo ay maaaring hindi makahayo ngayon o kahit kailan. Ngunit sa kaunting pagpaplano magagawa ito ng marami sa inyo.
Mga bishop at stake president, pag-usapan ang pangangailangang ito sa inyong mga council at kumperensya. Maupo sa pulpito sa inyong mga pulong at mapanalanging masdan ang kongregasyon para makatanggap ng impresyon kung sino ang dapat tumanggap ng tungkulin. Pagkatapos ay payuhan at tulungan silang magtakda ng petsa ng paglilingkod. Mga kapatid, kapag nangyari iyan, sabihin sa inyong asawa na kung kaya ninyong iwan ang inyong maginhawang upuan at remote control nang ilang buwan, makakaya nilang iwan ang mga apo. Hindi mapapaano ang mga batang iyon, at ipinangangako ko na gagawa kayo ng mga bagay para sa kanila sa paglilingkod sa Panginoon, mga mundong walang katapusan, na hindi ninyo magagawa kailanman kung mananatili kayo sa bahay o kapiling nila kayo. Wala nang iba pang maipagkakaloob ang mga lolo’t lola sa kanilang mga inapo kundi ang sabihin sa pamamagitan ng gawa at salita na, “Sa pamilyang ito nagmimisyon tayo!”
Hindi lamang ang gawaing misyonero ang kailangan nating gawin sa malaki at magandang Simbahang ito. Ngunit halos lahat ng iba pang kailangan nating gawin ay depende sa pakikinig muna ng mga tao sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagsapi dito. Tiyak na iyan ang dahilan kaya ang huling utos ni Jesus sa Labindalawa ay gayon kahalaga—na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”8 Sa gayon, at sa gayon lamang, darating ang iba pang mga pagpapala ng ebanghelyo—pagkabuo ng pamilya, mga programang pangkabataan, mga pangako sa priesthood, at mga ordenansang aakay sa atin sa templo. Ngunit tulad ng patotoo ni Nephi, darating lamang iyan kapag ang isang tao ay “[nakapasok] sa … pasukan.”9 Sa lahat ng gagawing iyan sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan, kailangan natin ng mas marami pang misyonerong magbubukas sa pasukang iyon at tutulong sa iba na makapasok doon.
Sa bawat lalaki, bata at matanda, na maytaglay ng priesthood, hiling ko ang mas matatag na tinig, hindi lamang ang tinig na laban sa kasamaan at sa kanya na kumakatawan dito, kundi maging ang tinig para sa kabutihan, isang tinig para sa ebanghelyo, isang tinig para sa Diyos. Mga kapatid sa lahat ng edad, kalagan ang inyong dila at masdan ang mga himalang magagawa ng inyong mga salita sa buhay ng mga “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”10
Ating tunguhin ang labanan,
Kalasag ay katotohanan.
Ating watawat, iwagayway!
At uuwi tayong may kaligayahan.11
Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Guro, amen.