2010–2019
Ang Inaasahan Kong Maunawaan ng Aking mga Apong Babae (at Lalaki) tungkol sa Relief Society
Oktubre 2011


2:3

Ang Inaasahan Kong Maunawaan ng Aking mga Apong Babae (at Lalaki) tungkol sa Relief Society

Simula nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa dispensasyong ito, nangailangan na ang Panginoon ng matatapat na kababaihang makikibahagi bilang Kanyang mga disipulo.

Isang pribilehiyo ang magsalita sa inyo sa makasaysayang pulong na ito. Isang pagpapala ang magkasama-sama tayo. Sa paglilingkod ko bilang Relief Society general president, napamahal na sa akin nang lubusan ang kababaihan sa Relief Society ng Simbahang ito, at pinalawak ng Panginoon ang aking pananaw sa tunay Niyang nadarama tungkol sa atin at kung ano ang inaasahan Niya sa atin.

Pinamagatan ko ang mensaheng ito na “Ang Inaasahan Kong Maunawaan ng Aking mga Apong Babae (at Lalaki) tungkol sa Relief Society.” Ang pinakamatatanda kong apong babae ay abalang-abala sa Pansariling Pag-unlad at pagkakaroon ng mga kagawian at katangian ng mabuting babae. Hindi maglalaon at mapapasakanila at sa kanilang mga kaedad ang responsibilidad para sa malaking pandaigdigang kapatirang ito ng kababaihan.

Sana ang sasabihin ko sa mensaheng ito ay magbigay sa kanila at sa lahat ng nakikinig o nagbabasa nito ng malinaw na pag-unawa sa iniisip ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na babae nang iorganisa ang Relief Society.

Isang Huwaran ng Pagkadisipulo noong Unang Panahon

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na ang Relief Society ngayon ay inorganisa ayon sa huwaran ng pagkadisipulo na umiral sa Simbahan noong unang panahon. Nang iorganisa ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan noong panahon ng Bagong Tipan, “ang kababaihan ay mahalagang bahagi sa [Kanyang] ministeryo.”1 Binisita Niya sina Marta at Maria, dalawa sa pinakatapat Niyang mga alagad, sa bahay ni Marta. Habang nakikinig sa Kanya si Marta at pinaglilingkuran Siya ayon sa kaugalian ng panahon nila, tinulungan Niya itong makita na higit pa rito ang kanyang magagawa. Tinulungan Niya sina Marta at Maria na maunawaan na maaari nilang piliin ang “magaling na bahagi,” na hindi aalisin sa kanila.2 Ang magiliw na pagpunang ito ay nagsilbing paanyaya na makibahagi sa ministeryo ng Panginoon. At kalaunan sa Bagong Tipan, ang malakas na patotoo ni Marta sa kabanalan ng Tagapagligtas ay nagbigay sa atin ng ilang ideya tungkol sa kanyang pananampalataya at pagkadisipulo.3

Kapag patuloy nating binasa ang Bagong Tipan, malalaman natin na patuloy na itinatag ng mga Apostol ang Simbahan ng Panginoon. Malalaman din natin ang tungkol sa matatapat na kababaihan na ang pagkadisipulo ay nakatulong sa paglago ng Simbahan. Binanggit ni Pablo ang mga babaeng disipulo sa mga lugar na tulad ng Efeso4 at Filipos.5 Ngunit nang mawala ang totoong Simbahan ng Panginoon dahil sa apostasiya, nawala rin ang huwarang ito ng pagkadisipulo.

Nang simulang ipanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muli Niyang isinama ang kababaihan sa isang huwaran ng pagkadisipulo. Ilang buwan matapos pormal na itatag ang Simbahan, inihayag ng Panginoon na si Emma Smith ang itatalaga bilang pinuno at guro sa Simbahan at bilang opisyal na katuwang ng kanyang asawa, ang Propeta.6 Sa tungkulin niyang tulungan ang Panginoon na itayo ang Kanyang kaharian, pinagbilinan siya kung paano dagdagan ang kanyang pananampalataya at sariling kabutihan, paano patatagin ang kanyang pamilya at tahanan, at paano paglingkuran ang iba.

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na simula nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa dispensasyong ito, nangailangan na ang Panginoon ng matatapat na kababaihang makikibahagi bilang Kanyang mga disipulo.

Ang isang halimbawa ng kanilang pambihirang kontribusyon ay sa gawaing misyonero. Ang malaking pag-unlad ng Simbahan noong una ay nangyari dahil handa ang matatapat na kalalakihan na iwan ang kanilang mga pamilya upang maglakbay sa mga di-kilalang lugar at magdanas ng gutom at hirap sa pagtuturo ng ebanghelyo. Gayunman, naunawaan ng mga lalaking ito na hindi sana naging posible ang kanilang misyon kung wala silang lubos na pananampalataya at pakikipagtuwang ng kababaihan sa kanilang buhay, na nagtaguyod sa mga tahanan at negosyo at naghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya at misyonero. Pinangalagaan din ng kababaihan ang libu-libong convert na nagtipon sa kanilang mga komunidad. Taos ang kanilang katapatan sa isang bagong pamumuhay, sa pagtulong na maitayo ang kaharian ng Panginoon at makibahagi sa Kanyang gawain ng kaligtasan.

Kaugnay ng Priesthood

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na iorganisa ang kababaihan ng Simbahan “sa ilalim ng priesthood ayon sa kaayusan ng priesthood”7 at turuan sila “kung paano mapapasa[kanila] ang mga pribilehiyo, pagpapala at kaloob ng Priesthood.”8

Nang opisyal nang maorganisa ang Relief Society, nagpatuloy si Emma Smith sa kanyang tungkulin bilang pinuno. Siya ang hinirang na pangulo ng organisasyon, na may dalawang tagapayo na kasama niyang maglilingkod sa panguluhan. Sa halip na piliin sa pagboto ng karamihan, na karaniwan sa mga organisasyon sa labas ng Simbahan, ang panguluhang ito ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag, na sinang-ayunan ng kanilang mga pamumunuan, at itinalaga ng mga lider ng priesthood na maglingkod sa kanilang mga tungkulin, kaya nga sila ay “[tinawag] ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan.”9 Dahil naorganisa sa ilalim ng priesthood, ang panguluhan ay nakatatanggap ng tagubilin ng Panginoon at ng Kanyang propeta para sa isang natatanging gawain. Ang organisasyon ng Relief Society ay nagbigay-daan para mapangasiwaan ang kamalig ng talento, panahon, at kabuhayan ng Panginoon sa matalino at maayos na paraan.

Naunawaan ng unang grupong iyon ng kababaihan na nabigyan sila ng karapatang turuan, bigyang-inspirasyon, at iorganisa ang kababaihan bilang mga disipulo upang tumulong sa gawain ng Panginoon na magligtas. Sa una nilang mga pulong itinuro sa kababaihan ang mga layuning gumagabay sa Relief Society: palakasin ang pananampalataya at sariling kabutihan, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na ang organisasyon ng Relief Society noon ay mahalagang bahagi ng paghahanda sa mga Banal para sa mga pribilehiyo, pagpapala, at kaloob na matatagpuan lamang sa loob ng templo. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang Relief Society “ay mahalagang bahagi ng kaharian ng Diyos sa lupa” at “mahusay na ipinlano at pinamamahalaan kaya’t natutulungan nito ang matatapat na miyembro upang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng ating Ama.”10 Mawawari natin kung ano ang pakiramdam ng kababaihan na makapunta sa Red Brick Store ni Joseph Smith sa unang mga pulong na iyon ng Relief Society, na paharap sa burol kung saan itinatayo ang isang templo nang ituro sa kanila ng Propeta na “dapat ay may isang natatanging samahan na hiwalay sa lahat ng kasamaan ng mundo, piling-pili, mabuti, at banal.”11

Sana’y pahalagahan ng aking mga apong babae ang templo na tulad ng mga kababaihan ng unang Relief Society, na naniwala na ang mga pagpapala ng templo ang pinakamalaking premyo at dakilang mithiin ng bawat babaeng Banal sa mga Huling Araw. Gaya ng kababaihan ng Relief Society noong araw, sana’y araw-araw ding sikapin ng aking mga apong babae na sapat na mahusto ang kanilang isipan upang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa templo at kapag nagpunta sila sa templo, pagtutuunan nila ng pansin ang lahat ng sinasabi at ginagawa. Sa pamamagitan ng mga pagpapala ng templo, bibigyan sila ng kapangyarihan12 at pagpapalaing matanggap “ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.”13 Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na matatagpuan lamang sa mga templo, pagpapalain silang matupad ang kanilang mga banal at walang-hanggang responsibilidad, at mangangako silang mamuhay bilang matatapat na disipulo. Nagpapasalamat ako na ang isa sa mga pangunahing layunin noon ng Panginoon sa pag-organisa sa Relief Society ay bigyan ng responsibilidad ang kababaihan na tulungan ang isa’t isa na maghanda “para sa mas dakilang mga pagpapala ng priesthood na matatagpuan sa mga ordenansa at tipan ng templo.”14

Ang Kanlungan at Impluwensya ng Pandaigdigang Kapatiran ng Kababaihan

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae ang mahalagang impluwensya at kakayahan ng malaking pandaigdigang kapatiran ng kababaihan ng Relief Society. Simula noong 1842 lumaganap na ang Simbahan mula sa Nauvoo, at may Relief Society na ngayon sa mahigit 170 bansa, kung saan mahigit 80 wika ang sinasalita ng kababaihan. Bawat linggo ay may inoorganisang mga bagong ward at branch, at ang mga bagong Relief Society ay nagiging bahagi ng lumalawak na kapatiran ng kababaihan, “na nakalatag sa iba’t ibang kontinente.”15 Noong kakaunti pa lamang ang mga miyembro ng Relief Society at sa Utah lamang inorganisa, naitutuon ng mga pinuno nito ang kanilang organisasyon at pagkadisipulo sa mga lokal na programang panlipunan at sa magkakaugnay na gawaing pagkawanggawa. Gumawa sila ng mga industriyang pantahanan at nagsagawa ng mga proyekto para magtayo ng mga ospital at mag-imbak ng butil. Nakatulong noon ang mga pagsisikap ng Relief Society sa pagtatatag ng huwaran ng pagkadisipulo na sinusunod na ngayon sa buong mundo. Dahil lumago na ang Simbahan, naisasakatuparan na ngayon ng Relief Society ang mga layunin nito sa bawat ward at branch, bawat stake at district, habang nakikibagay sa isang pabagu-bagong mundo.

Araw-araw, ang kababaihan ng Relief Society sa buong mundo ay dumaranas ng iba’t ibang hamon at karanasan sa buhay. Ang mga babae at kanilang mga pamilya ngayon ay nahaharap sa mga bagay na di-inaasahan; karamdaman sa isip, katawan, at kaluluwa; mga sakuna; at kamatayan. Ang ilang kababaihan ay malungkot at bigo dahil wala silang sariling pamilya, at ang iba naman ay biktima ng mga bunga ng mga maling pasiya ng mga kapamilya. Ang ilan ay nakaranas ng digmaan o gutom o pinsalang dulot ng kalikasan, at ang iba naman ay nahihirapan sa adiksyon, kawalan ng trabaho, o kakulangan sa pinag-aralan at kasanayan. Lahat ng paghihirap na ito ay maaaring subukin ang pananampalataya at ubusin ang lakas ng mga tao at pamilya. Ang isa sa mga layunin ng Panginoon kaya inorganisa ang kababaihan sa pagkadisipulo ay upang magpaginhawa na mag-aalis sa “lahat ng humahadlang sa kagalakan at pag-unlad ng kababaihan.”16 Sa bawat ward at branch, may isang Relief Society na may kababaihang maaaring maghangad at tumanggap ng paghahayag at sumangguni sa mga lider ng priesthood upang mapalakas ang isa’t isa at humanap ng mga solusyong akma sa kanilang sariling tahanan at komunidad.

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na sa pamamagitan ng Relief Society, lalawig ang kanilang pagkadisipulo at maaari silang makasama sa iba sa paggawa ng uri ng gawaing ginawa ng Tagapagligtas. Ang uri ng gawaing ipinagagawa sa kababaihan ng Simbahang ito kailanman ay hindi napakaliit ng sakop o walang halaga sa Panginoon. Sa kanilang katapatan, madarama nila ang Kanyang pagsang-ayon at bibiyayaan ng patnubay ng Kanyang espiritu.

Dapat ding malaman ng aking mga apong babae na ang kapatiran ng Relief Society ay maaaring maglaan ng kaligtasan, kanlungan, at proteksyon.17 Habang lalong humihirap ang ating panahon, magkakaisa ang matatapat na kapatid sa Relief Society upang protektahan ang mga tahanan ng Sion mula sa nakabibinging tinig ng mundo at sa mapanila at nakapupukaw na impluwensya ng kaaway. At sa pamamagitan ng Relief Society, tuturuan at palalakasin sila, at pagkatapos ay tuturuan at palalakasin pang muli, at ang impluwensya ng mabubuting babae ay magpapala sa mas marami pang anak ng ating Ama.

Isang Pagkadisipulong Nangangalaga at Naglilingkod

Sana’y maunawaan ng aking mga apong babae na ang visiting teaching ay pagpapakita ng kanilang pagkadisipulo at mahalagang paraan ng paggalang sa kanilang mga tipan. Ang bahaging ito ng ating pagkadisipulo ay dapat maging kahawig ng ministeryo ng ating Tagapagligtas. Noong mga unang araw ng Relief Society, isang visiting committee mula sa bawat ward ang tumanggap ng atas na suriin ang mga pangangailangan at mangolekta ng mga donasyong ipamamahagi sa mga nangangailangan. Sa paglipas ng mga taon, ang kababaihan at mga pinuno ng Relief Society ay unti-unting natuto at napagbuti ang kanilang kakayahang pangalagaan ang iba. May mga pagkakataon na mas nagtuon ang kababaihan sa pagbisita, pagtuturo ng mga aralin, at pag-iiwan ng maiikling sulat sa pintuan kapag naparaan sila sa tahanan ng mga miyembro. Ang mga gawing ito ay nakatulong sa kababaihan na matuto ng mga huwaran sa pangangalaga. Tulad ng mga tao noong panahon ni Moises na nakatuon sa pagsunod sa mahahabang listahan ng mga patakaran, ang kababaihan ng Relief Society kung minsan ay sapilitan ding sumunod sa maraming nakasulat at di-nakasulat na mga patakaran sa hangarin nilang maunawaan kung paano palakasin ang isa’t isa.

Sa dami ng kailangang tulong at pagsagip sa buhay ng kababaihan at ng kanilang mga pamilya ngayon, nais ng ating Ama sa Langit na sundin natin ang mas mataas na landas at ipakita ang ating pagkadisipulo sa pamamagitan ng taos na pangangalaga sa Kanyang mga anak. Taglay ang mahalagang layuning ito sa isipan, ang mga pinuno ay tinuturuan ngayong humingi ng mga ulat tungkol sa espirituwal at temporal na kalagayan ng kababaihan at ng kanilang mga pamilya at tungkol sa nagawang paglilingkod.18 Ngayon ang mga visiting teacher ay may responsibilidad na “taos-pusong kilalanin at mahalin ang bawat babae, tulungan siyang palakasin ang kanyang pananampalataya, at maglingkod.”19

Bilang matatapat na disipulo ng Tagapagligtas, pinahuhusay pa natin ang ating kakayahang gawin ang mga bagay na gagawin Niya kung Siya ay narito. Alam natin na para sa Kanya ang ating pangangalaga ang mahalaga, kaya nga natin sinisikap na magtuon sa pangangalaga sa ating mga kapatid na babae sa halip na kumpletuhin ang listahan ng mga bagay na gagawin. Ang tunay na ministeryo ay mas nasusukat sa tindi ng ating pag-ibig sa kapwa kaysa sa paggawa ng perpektong estadistika. Malalaman natin na tagumpay tayo sa ating paglilingkod bilang mga visiting teacher kapag masasabi ng ating mga kapatid na babae na, “Tinutulungan ako ng aking visiting teacher na lumago ang aking espirituwalidad” at “Alam kong malaki ang malasakit ng aking visiting teacher sa akin at sa aking pamilya” at “Kung may mga problema ako, alam ko na tutulong ang aking visiting teacher nang hindi na sinasabihan.” Ang mga pinunong nakauunawa sa kahalagahan ng paglilingkod sa iba ay mag-uusap upang maghanap at tumanggap ng paghahayag kung paano magpasigla ng mga visiting teacher at mag-ayos at magsagawa ng inspiradong paglilingkod.

Bukod pa rito, ang visiting teaching ay karugtong ng tungkulin ng mga bishop na pangalagaan ang mga tupa ng Panginoon. Kailangan ng bishop at ng Relief Society president ang paglilingkod ng mga inspiradong visiting teacher para tulungan silang gampanan ang kanilang mga responsibilidad. Sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga visiting teacher, malalaman ng isang Relief Society president ang kalagayan ng bawat babae sa ward at maiuulat ito kapag nakipagkita siya sa kanyang bishop.

Itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na “kapag sinikap nating gampanan nang may di-natitinag na pananampalataya ang mga tungkuling iniatas sa atin, kapag hangad natin ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos sa pagtupad sa ating mga tungkulin, magagawa natin ang imposible.”20 Sana’y makibahagi ang aking mga apong babae sa mga himala sa pagtulong nila na maging huwaran ng pagkadisipulo ang visiting teaching na kikilalanin ng Panginoon sa muli Niyang pagparito.

Pagsasakatuparan ng mga Layunin ng Relief Society

Ito at ang iba pang mahahalagang turo tungkol sa Relief Society ay makukuha na ngayon para mapag-aralan ng aking mga apong babae sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society. Ang aklat na ito ay isang talaan ng pamana ng Relief Society at ng kababaihan ng Simbahang ito. Pagkakaisahin at iaayon nito ang pandaigdigang kapatiran ng kababaihan sa mga layunin ng Relief Society at mga huwaran at pribilehiyo ng mga disipulo. Ito ay isang saksi sa mahalagang papel ng mga babae sa plano ng kaligayahan ng ating Ama, at naglalaan ng di-natitinag na pamantayan ng ating pinaniniwalaan, ginagawa, at ipagtatanggol. Hinikayat tayo ng Unang Panguluhan na “pag-aralan ang aklat na ito at hayaang mabigyang-inspirasyon ng walang-hanggang mga katotohanan at nakaaantig na mga halimbawa nito ang [ating] buhay.”21

Batid na ang organisasyon ng Relief Society ay nilikha ng langit, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith sa kababaihan ng Relief Society: “Kayo dapat ang umakay sa daigdig at akayin lalo na ang kababaihan ng daigdig. … Kayo ang ulo,” wika niya, “hindi ang buntot.”22 Habang papalapit ang pagbalik ng Panginoon, sana’y maging malakas at tapat ang aking mga apong babae na ginagamit ang mga alituntunin at huwaran ng Relief Society sa kanilang buhay. Habang ang Relief Society ay nagiging isang paraan ng pamumuhay para sa kanila, sana’y maglingkod sila na nakikiisa sa iba sa pagsasakatuparan ng mga banal na layunin nito. May patotoo ako sa totoong ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, at nagpapasalamat ako sa huwaran ng pagkadisipulo na ipinanumbalik nang bigyang-inpirasyon ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na itatag ang Relief Society. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 3.

  2. Tingnan sa Lucas 10:38–42.

  3. Tingnan sa Juan 11:20–27.

  4. Tingnan sa Mga Gawa 18:24–26; Mga Taga Roma 16:3–5.

  5. Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:1–4.

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25.

  7. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 14.

  8. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:602.

  9. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.

  10. Joseph Fielding Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 113.

  11. Joseph Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 18.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22; tingnan din sa Sheri L. Dew, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 151.

  13. Doktrina at mga Tipan 84:19; tingnan din sa Ezra Taft Benson, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 151.

  14. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 155.

  15. Boyd K. Packer, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 117.

  16. John A. Widtsoe, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 29.

  17. Tingnan sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 97.

  18. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 9.5.4.

  19. Handbook 2, 9.5.1.

  20. Thomas S. Monson, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 107.

  21. Unang Panguluhan, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, ix.

  22. Joseph F. Smith, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 78.