2010–2019
Natatanging Oportunidad sa Buhay
Oktubre 2011


2:3

Natatanging Oportunidad sa Buhay

Sa inyong tapat na paglilingkod at kahandaang magsakripisyo, ang inyong misyon ay magiging espirituwal na karanasan sa inyo.

Isang mahalagang pangyayari sa buhay ng misyonero ang “huling” interbyu sa kanya ng mission president. Pag-uusapan doon ang wari ay buong buhay na mga di-malilimutang karanasan at mahahalagang aral na natamo sa loob lamang ng 18 o 24 na buwan.

Bagama’t ang mga karanasan at aral na ito ay maaaring pangkaraniwan na sa gawaing-misyonero, magkakaiba ang bawat misyon, na may mga hamon at oportunidad na susubok sa atin ayon sa kani-kanya nating pangangailangan at personalidad.

Bago pa natin nilisan ang ating tahanan at pamilya sa lupa para sa full-time na misyon, nilisan na natin ang ating mga magulang sa langit para gawin ang ating misyon sa lupa. Mayroon tayong Ama sa Langit, na nakakikilala sa atin—na alam ang ating mga kalakasan, kahinaan, kakayahan, at potensyal. Alam Niya mismo kung sinong mission president at mga companion at miyembro at investigator ang kailangan natin upang maging ang uri ng misyonero, asawa, ama, at ang maytaglay ng priesthood na kaya nating maabot.

Ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ang nagtatalaga ng mga misyonero sa patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga mission president na nabigyang-inspirasyon ang namamahala sa mga paglilipat tuwing pagkatapos ng anim na linggo at kaagad nilang nalalaman na alam ng Panginoon kung saan Niya nais na maglingkod ang bawat misyonero.

Ilang taon pa lang ang nakalilipas, si Elder Javier Misiego, na mula sa Madrid, Spain, ay nagmisyon sa Arizona. Noong panahong iyon, hindi pangkaraniwan na sa Estados Unidos siya ipadala, dahil karamihan sa mga kabataan sa Spain ay sa kanilang sariling bansa sila pinaglilingkod.

Nang matapos na ang stake fireside, na dinaluhan nila ng kanyang companion, si Elder Misiego ay nilapitan ng di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan na isinama ng kanyang kaibigan. Noon lamang muling nakapasok ng chapel ang lalaking ito matapos ang maraming taon. Itinanong nito kay Elder Misiego kung may kilala siyang Jose Misiego sa Madrid. Nang sabihin ni Elder Misiego na ang pangalan ng kanyang ama ay Jose Misiego, sabik na nagtanong pa ang lalaki para matiyak kung ito nga ang Jose Misiego na itinatanong niya. Nang matiyak na iisang tao lang ang kanilang pinag-uusapan, nagsimulang umiyak ang lalaki. “Siya lang ang nabinyagan ko sa buong misyon ko,” at ipinaliwanag niya kung paanong nabuo sa isip niya na hindi siya nagtagumpay sa misyon. Idinahilan niya sa matagal na hindi pagsimba ang nadama niyang kakulangan at kalungkutan at paniniwala na binigo niya ang Panginoon.

Kasunod niyon ay inilarawan ni Elder Misiego kung ano ang nagawa ng “sinasabing pagkabigo” ng misyonero sa kanyang pamilya. Sinabi niya rito na ang kanyang ama, na nabinyagan noong binata pa, ay ikinasal sa templo, na si Elder Misiego ay pang-apat sa anim na anak, na ang kanyang tatlong kapatid na lalaki at isang kapatid na babae ay nagsipagmisyon, na lahat sila ay aktibo sa Simbahan, at lahat ng nag-asawa ay naibuklod na sa templo.

Nagsimulang humikbi ang di gaanong aktibong returned missionary. Nalaman niya ngayon na dahil sa kanyang pagsisikap, maraming buhay ang napagpala, at ang Panginoon ay nagpadala ng elder mula sa Madrid, Spain, papunta sa isang fireside sa Arizona para ipaalam sa kanya na hindi siya bigo. Alam ng Panginoon kung saan Niya gustong maglingkod ang bawat misyonero.

Sa anumang paraang piliin ng Panginoon na pagpalain tayo habang nasa misyon, ang mga pagpapala ng paglilingkod sa misyon ay hindi natatapos kapag na-release na tayo ng ating stake president. Ang inyong misyon ay isang pagsasanay para sa habambuhay. Ang mga karanasan, aral, at patotoo na nakamtam mula sa tapat na paglilingkod ay nilayong magbigay ng pundasyong nakasentro sa ebanghelyo na magtatagal habambuhay at magpasawalang-hanggan. Gayunman, para magpatuloy ang mga pagpapala matapos ang misyon, may mga kundisyong dapat matugunan. Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan na, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito” (D at T 132:5). Itinuro ang tuntuning ito sa kuwento sa Exodo.

Matapos matanggap ang utos mula sa Panginoon, bumalik si Moises sa Egipto para ialis sa pagkaalipin ang mga anak ng Israel. Hindi sila pinalaya sa kabila ng sunud-sunod na salot, hanggang sa umabot sa ika-10 at pinakahuling salot: “Sapagka’t ako’y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto” (Exodo 12:12).

Bilang panlaban sa “manunugat” (talata 23), tinagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na mag-alay ng kordero na “walang kapintasan” (talata 5), at kunin ang dugo ng iaalay na sakripisyo. Pagkatapos ay “kukuha sila ng dugo niyan” at ipapahid sa harapan ng bawat bahay—“dalawang haligi ng pinto at … itaas ng pintuan” (talata 7)—na may ganitong pangako: “At pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo” (talata 13).

“At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon, kung paanong iniutos ng Panginoon” (talata 28). Inalay nila ang sakripisyo, kinuha ang dugo, at ipinahid iyon sa kanilang mga bahay. “At nangyari sa hating gabi na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto” (talata 29). Si Moises at ang kanyang mga tao, tulad nang ipinangako ng Panginoon, ay naprotektahan.

Ang dugong ginamit ng mga Israelita, na sumasagisag sa magaganap na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ay bunga ng sakripisyong kanilang inialay. Gayunpaman, ang sakripisyo at ang dugo ay hindi sapat para matamo ang ipinangakong pagpapala. Kung hindi ipinahid ang dugo sa haligi ng pintuan, mababale-wala ang sakripisyo.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Ang gawaing misyonero ay mahirap. Inuubos nito ang lakas, sinasagad ang kakayahan, at hinihingi ang matinding pagsisikap ng isang tao. … Wala nang ibang gawain na nangangailangan ng mas mahabang oras o higit na katapatan o malaking sakripisyo at taimtim na panalangin” (“That All May Hear,” Ensign, Mayo 1995, 49).

Bilang bunga ng sakripisyong iyan, nagsisibalik tayo mula sa misyon na may dalang mga kaloob: Ang kaloob na pananampalataya. Ang kaloob na patotoo. Ang kaloob na pag-unawa sa tungkulin ng Espiritu. Ang kaloob ng araw-araw na pag-aaral ng ebanghelyo. Ang kaloob na napaglingkuran ang ating Tagapagligtas. Ang mga kaloob na maingat na nakapaloob sa mga lumang banal na kasulatan, sa sira-sirang kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, sa journal ng misyonero, at sa mapagpasalamat na puso. Gayunman, tulad ng mga anak ni Israel, ang mga pagpapalang kasalukuyang kaakibat ng paglilingkod sa misyon ay nangangailangan ng pagsasagawa matapos ang pag-aalay.

Ilang taon na ang nakalilipas, noong kami pa ni Sister Waddell ang namumuno sa Spain Barcelona Mission, nagbibigay ako ng huling assignment sa bawat misyonero sa kanilang huling interbyu. Sa kanilang pag-uwi, kaagad ko silang pinag-uukol ng oras na pagnilayin ang mga aral at kaloob na ibinigay sa kanila ng mapagpalang Ama sa Langit. Ipinatatala ko sa kanila nang may panalangin kung paano pinakamainam na maiaangkop pagkatapos ng misyon nila ang mga aral na yaon—mga aral na iimpluwensya sa bawat aspeto ng kanilang buhay: edukasyon at piniling trabaho, pag-aasawa at mga anak, mga gagawing paglilingkod sa Simbahan, at higit sa lahat, ano ang kahihinatnan nila at ang patuloy na pag-unlad nila bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Kailanman ay hindi magiging huli ang lahat para sa sinumang nakapagtapos na ng misyon na isipin ang mga natutuhan sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod at mas masigasig na ipamuhay ang mga ito. Kapag ginawa natin ito, madarama natin ang impluwensya ng Espiritu nang mas lubusan sa ating buhay, mapapalakas ang ating pamilya, at mapapalapit tayo sa ating Tagapagligtas at Ama sa Langit. Sa isang pangkalahatang kumperensya, ipinaabot ni Elder L. Tom Perry ang paanyayang ito: “Nananawagan ako sa inyong mga returned missionary na ilaang muli ang inyong sarili, na mapasainyong muli ang diwa ng paglilingkod ng misyonero. Nananawagan ako na makita sa inyong anyo, ugali, at kilos ang isang tagapaglingkod ng ating Ama sa Langit. … Nangangako ako sa inyo na malalaking pagpapala ang nakalaan sa inyo kung patuloy ninyong pagsisikapang taglayin ang kasigasigang minsan na ninyong tinaglay bilang full-time missionary” (“The Returned Missionary,” Liahona, Ene. 2002, 88, 89; Ensign, Nob. 2001, 77).

Ngayon, sa mga kabataang hindi pa naglilingkod sa full-time na misyon, ibabahagi ko ang payo ni Pangulong Monson noong nakaraang Oktubre: “Inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang [paglilingkod o] gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Liahona Nob. 2010, 5–6).

Tulad ng mga misyonero noon at ngayon, kilala kayo ng Panginoon at may inihandang karanasan sa misyon para sa inyo. Kilala Niya ang inyong mission president at kanyang mabait na maybahay, na mamahalin kayo na parang tunay nilang mga anak at ihihingi kayo ng gabay at inspirasyon. Kilala Niya ang bawat kompanyon ninyo at alam Niya ang matututuhan ninyo sa kanila. Alam Niya ang bawat lugar na paglilingkuran ninyo, kilala Niya ang mga miyembro na makikilala ninyo, ang mga taong tuturuan, at ang mga taong maaantig ninyo sa kawalang-hanggan.

Sa inyong tapat na paglilingkod at kahandaang magsakripisyo, ang inyong misyon ay magiging espirituwal na karanasan sa inyo. Masasaksihan ninyo ang himala ng pagbabalik-loob habang kumikilos ang Espiritu sa pamamagitan ninyo upang antigin ang puso ng inyong mga tinuturuan.

Maraming kailangang gawin sa inyong paghahandang maglingkod. Sa pagiging mabuting tagapaglingkod ng Panginoon ay hindi lamang kailangang mai-set apart, maglagay ng name tag, o pumasok sa missionary training center. Ito ay prosesong nagsisimuala bago pa man kayo tawaging “Elder.”

Dumating sa iyong misyon na may sariling patotoo sa Aklat ni Mormon, na matatamo sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin. “Ang Aklat ni Mormon ay napakalakas na ebidensya ng kabanalan ni Cristo. Ito ay katibayan din ng Panunumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. … Bilang misyonero, kailangang magkaroon ka muna ng personal na patotoo na totoo ang Aklat ni Mormon. … Ang pagsaksing ito ng Espiritu Santo [ang magiging sentro] ng inyong pagtuturo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 117).

Dumating sa inyong misyon na karapat-dapat sa paggabay ng Espiritu Santo.Sa mga salita ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ang Espiritu ang tanging pinakamahalagang elemento sa gawaing ito. Sa pagtulong ng Espiritu sa pagganap mo sa iyong tungkulin, makagagawa ka ng mga himala para sa Panginoon habang nasa misyon. Kung wala ang Espiritu, hindi ka magtatagumpay kahit kailan anuman ang iyong talino at kakayahan” (sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 200).

Dumating sa misyon na handang gumawa. “Ang tagumpay mo bilang misyonero ay [susukatin] unang-una sa iyong pangako na hanapin, turuan, binyagan, at ikumpirma ang mga tao.” Inaasahang “epektibo kang magtatrabaho araw-araw, ginagawa ang lahat para magdala ng mga kaluluwa kay Cristo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 12).

Uulitin ko ang paanyaya ni Elder M. Russell Ballard sa isang grupo ng mga kabataang lalaki na naghahandang maglingkod: “Umaasa kami sa inyo, mga kapatid na kabataan sa Aaronic Priesthood. Kailangan namin kayo. Gaya ng 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman, kayo man ay mga espiritung anak ng Diyos at maaari ding pagkalooban ng kapangyarihang itayo at ipagtanggol ang Kanyang kaharian. Kailangan namin kayo upang gumawa ng mga banal na tipan, tulad ng ginawa nila. Kailangan namin kayong maging lubos na masunurin at tapat, tulad nila” (“Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero, Liahona, Nob. 2002, 47).

Sa pagtanggap ninyo sa paanyayang ito, matututo kayo ng malaking aral, tulad ni Elder Misiego at lahat ng matapat na naglingkod sa misyon, nagbalik na, at ipinamumuhay ang mga ito. Malalaman ninyo na totoo ang sinabi ng ating propeta, si Pangulong Thomas S. Monson: “Ang natatanging oportunidad na magmisyon ay nasa inyo. Naghihintay sa inyo ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Nasa inyo ang pribilehiyo na hindi lang maging tagamasid kundi kabahagi ng paglilingkod ng priesthood” (Ensign, Mayo 1995, 49). Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.