2010–2019
Ang mga Misyonero ay Kayamanan ng Simbahan
Oktubre 2011


2:3

Ang mga Misyonero ay Kayamanan ng Simbahan

Nagpapasalamat ako na ang mga misyonero ay tinatawag ng Panginoon, na sila ay tumutugon sa tawag na iyon, at naglilingkod na sila sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isang gabi maraming taon na ang nakararaan, isang katatawag na misyonero na nagngangalang Elder Swan at kanyang Hapon na senior companion ang bumisita sa aming tahanan. Mabuti na lang at nasa bahay ako, kaya pinapasok ko sila. Nang batiin ko sila sa may pintuan, napansin ko ang amerikanang suot ni Elder Swan. Hindi ko sinasadyang nasabi sa kanya, “Maganda ang suot mong amerikana!” Gayunman, hindi iyon bagong amerikana, at kupas pa nga iyon. Inakala ko na ang amerikana ay iniwan ng dating misyonero sa missionary apartment.

Kaagad na sumagot si Elder Swan sa sinabi ko, at ito ay lubos na kabaliktaran ng inakala ko. Sa paputul-putol na salitang Hapon sumagot siya ng, “Oo, magandang amerikana ito. Isinuot ito ng tatay ko nang maglingkod siya bilang misyonero sa Japan mahigit 20 taon na ang nakararaan.”

Ang kanyang ama ay naglingkod sa Japan Okayama Mission. At nang paalis na ang kanyang anak para magmisyon sa Japan, ibinigay niya ang amerikana sa kanyang anak. Ipinakikita ng larawang ito ang amerikanang iyon na isinuot sa Japan ng mag-amang sina Elder Swan.

Naantig ako nang marinig ko ang sinabi ni Elder Swan. At naunawaan ko na ngayon kung bakit suot ni Elder Swan ang amerikana ng kanyang ama habang siya ay naghahanap ng matuturuan. Nagsimula si Elder Swan sa kanyang misyon na taglay ang pagmamahal ng kanyang ama sa Japan at sa mga mamamayan nito.

Natitiyak ko na ang ilan sa inyo ay may karanasang katulad nito. Maraming misyonerong naglilingkod sa Japan ang nagsabi sa akin na ang kanilang mga ama, ina, lolo, o tiyo ay nagmisyon din sa Japan.

Gusto kong iparating ang aking taos-pusong pagmamahal, paggalang, at pasasalamat sa lahat ng returned missionary na naglingkod sa iba’t ibang panig ng mundo. Nakatitiyak ako na hindi kayo nalilimutan ng mga natulungan ninyong magbalik-loob. “Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita!”1

Isa ako sa mga nagbalik-loob na iyon. Nabinyagan ako sa edad na 17, noong ako ay nasa hayskul pa. Ang misyonerong nagbinyag sa akin ay si Elder Rupp mula sa Idaho. Na-release siya kamakailan bilang stake president sa Idaho. Hindi ko na siya nakita mula noong bagong miyembro ako, pero nakapag-email kami sa isa’t isa at nakausap ko siya sa telepono. Hindi ko siya nakalimutan. Ang kanyang mabait, masayahing mukha ay nakaukit sa aking alaala. Napakasaya niya nang malaman niyang mabuti ang kalagayan ko.

Noong ako ay edad 17, hindi ko talaga gaanong maunawaan ang mga mensahe na itinuturo sa akin ng mga misyonero. Gayunman, espesyal ang nadarama ko tungkol sa mga misyonero, at gusto kong maging katulad nila. At nadama ko ang kanilang matindi at walang-maliw na pagmamahal.

Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang araw nang binyagan ako. Hulyo 15 noon, at napakainit ng sikat ng araw. Isang babae ang nabinyagan din sa araw na iyon. Ang bautismuhan ay ginawa lamang ng mga misyonero, at hindi ito gaanong maganda.

Kinumpirma kami kaagad pagkatapos mabinyagan. Una, ang babae ay kinumpirma ni Elder Lloyd. Umupo ako kasama ang iba pang mga miyembro, pumikit, at tahimik na nakinig. Kinumpirma siya ni Elder Lloyd at pagkatapos ay sinimulan siyang basbasan. Gayunman, tumigil sa pagsasalita si Elder Lloyd, kaya dumilat ako at minasdan ko siyang mabuti.

Kahit ngayon malinaw ko pang naaalala ang tagpong iyon. Basa ng luha ang mga mata ni Elder Lloyd. At sa kauna-unahang pagkakataon, nadama ko nang lubos ang Banal na Espiritu. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nalaman at natiyak ko na mahal kami ni Elder Lloyd at mahal kami ng Diyos.

Pagkatapos, ako naman ang ikukumpirma. Si Elder Lloyd pa rin ang magkukumpirma. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking uluhan at kinumpirma akong miyembro ng Simbahan, ipinagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo, at sinimulan ang pagbabasbas. At muli siyang tumigil sa pagsasalita. Gayunman, naunawaan ko na ang nangyayari. Talagang nalaman ko sa pamamagitan ng Espiritu Santo na mahal ako ng mga misyonero at mahal ako ng Diyos.

May kaunti akong sasabihin sa mga misyonerong kasalukuyang nagmimisyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang pag-uugali at pagmamahal na ipinapakita ninyo sa iba ay napakahalagang mga mensahe. Kahit hindi ko kaagad naunawaang lahat ang doktrina na itinuro ng mga misyonero sa akin, ang nadama kong matinding pagmamahal at kabaitan nila ay nagturo sa akin ng mahahalagang aral. Ang mensahe ninyo ay mensahe ng pagmamahal, mensahe ng pag-asa, at mensahe ng pananampalataya. Ang inyong pag-uugali at kilos ay nag-aanyaya ng Espiritu, at ang Espiritu ang nagpapaunawa sa atin ng mga bagay na mahahalaga. Ang nais kong sabihin sa inyo ay sa pamamagitan ng inyong pagmamahal, naibabahagi ninyo ang pag-ibig ng Diyos. Kayo ay kayamanan ng Simbahang ito. Lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat, sa inyong sakripisyo at katapatan.

May nais din akong sabihin sa inyong mga magiging misyonero. Sa sarili kong pamilya, apat sa mga anak namin ang nagmisyon na, at sa katapusan ng buwang ito, ang aming ikalimang misyonero ay papasok sa Provo Missionary Training Center. Sa susunod na taon ang bunso namin ay nagbabalak magmisyon pagkatapos niya ng hayskul.

Kaya nagsasalita ako sa aking mga anak na lalaki at sa inyong lahat na naghahandang magmisyon. Mahalagang taglayin ninyo ang tatlong bagay sa inyong misyon:

  1. Hangaring ipangaral ang ebanghelyo. Nais ng Panginoon na hanapin ninyo ang Kanyang mga tupa at tulungan sila.2 Ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay naghihintay sa inyo. Humayo sana kayo kaagad sa kanilang kinaroroonan. Wala nang mas masigasig pa kaysa sa mga misyonero na nagsisikap iligtas ang iba. Isa ako sa mga nailigtas na iyon.

  2. Palakasin ang inyong patotoo. Hinihingi ng Panginoon ang inyong “puso at may pagkukusang isipan.”3

  3. Mahalin ninyo ang iba, tulad ni Elder Swan, na dala sa misyon ang amerikana at pagmamahal ng kanyang ama sa Japan at sa mga mamamayan nito.

At sa mga hindi pa alam kung paano maghahanda para sa misyon, mangyaring puntahan at kausapin ang inyong bishop. Alam ko na tutulungan niya kayo.

Nagpapasalamat ako na ang mga misyonero ay tinawag ng Panginoon, na sila ay tumugon sa tawag na iyon, at naglilingkod na sa iba’t ibang panig ng mundo. Hayaang sabihin ko sa inyong lahat na minamahal na mga returned missionary: Ako ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng inyong pagsisikap. Kayo ay kayamanan ng Simbahang ito. At nawa ay patuloy kayong maging mga misyonero at kumilos katulad ng mga disipulo ni Cristo.

Nagpapatotoo ako na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na mahal Niya tayo, at isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang muli tayong makabalik sa Kanyang piling. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.