Tapang na Manindigang Mag-isa
Nawa ay may tapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin.
Mahal kong mga kapatid, malaking pribilehiyo ang makasama kayo ngayong gabi. Tayo na nagtataglay ng priesthood ng Diyos ay may matibay na samahan at kapatiran.
Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 121, talata 36, “na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit.” Nabigyan tayo ng napakagandang kaloob—na magtaglay ng priesthood, na “may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit.” Gayunman, hindi lamang mga natatanging biyaya ang kasama sa mahalagang kaloob na ito kundi mga sagradong tungkulin din. Dapat nating isaayos ang ating buhay upang lagi tayong maging karapat-dapat sa priesthood na ating taglay. Nabubuhay tayo sa panahong naliligiran tayo ng maraming bagay na umaakit sa atin patungo sa mga landas na wawasak sa atin. Upang maiwasan ang mga landas na iyon, kailangan natin ng determinayon at tapang.
Naaalala ko ang panahon—at maaalala rin ng ilan sa inyo na narito—noong ang mga pamantayan ng halos lahat ng tao ay katulad ng ating mga pamantayan. Hindi na gayon ngayon. Kamakailan ay nabasa ko ang isang artikulo sa New York Times hinggil sa isang pag-aaral na isinagawa noong tag-init ng 2008. Isang kilalang Notre Dame sociologist ang namuno sa isang research team sa detalyadong pag-iinterbyu sa 230 young adult sa iba’t ibang lugar sa Amerika. Naniniwala ako na maaari nating ipalagay na ganito rin ang resulta sa halos lahat ng lugar sa mundo.
Ikukuwento ko sa inyo ang isang bahagi ng artikulong ito na puno ng impormasyon:
“Nagtanong ang mga nag-iinterbyu tungkol sa tama at mali, problema sa moralidad, at kahulugan ng buhay. Sa paliguy-ligoy na sagot, … makikita ninyong hirap ang mga kabataan na sagutin nang makabuluhan ang mga bagay na ito. Ngunit wala lang silang ideya o alam para makasagot.
“Nang ipalarawan sa kanila ang problema nila sa moralidad, dalawa sa bawat tatlong kabataan ang hindi makasagot o naglarawan sa mga problemang walang kinalaman dito, tulad ng kaya ba nilang umupa ng apartment o may sapat ba silang perang pambayad sa paradahan ng mga sasakyan.”
Sabi pa sa artikulo:
“Ang karaniwang paniwala nila, na binalik-balikan ng karamihan sa kanila, ay depende na lang sa tao ang pipiliin nilang tamang gawin. ‘Personal iyon,’ ang karaniwan nilang tugon. ‘Nasa tao na iyon. Sino ba ako para makialam?’
“Dahil sa pagsuway sa awtoridad, maraming kabataang nakakagawa ng mali [na sinasabing]: ‘Gagawin ko ang inaakala kong magpapaligaya sa akin o ang gusto kong gawin. Wala akong alam na iba pang paraan kundi ipakita ang nasasaloob ko.’”
Binigyang-diin ng mga nag-interbyu na karamihan sa kabataang nakausap nila ay “hindi gaanong naturuan—ng mga paaralan, institusyon [o] pamilya—na manindigan sa kung ano ang tama.”1
Mga kapatid, wala sa mga nakikinig sa akin ngayon ang dapat mag-alinlangan sa kung ano ang tama at mali, o mag-alinlangan sa kung ano ang inaasahan sa atin bilang maytaglay ng priesthood ng Diyos. Tayo ay naturuan at patuloy na tinuturuan ng mga batas ng Diyos. Sa kabila ng makikita o maririnig ninyo sa iba, hindi nagbabago ang mga batas na ito.
Sa buhay natin sa araw-araw, halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya. Maaari nating matagpuan ang ating sarili paminsan-minsan na naliligiran ng iba subalit bahagi tayo ng iilan o mag-isa tayong naninindigan sa kung ano ang katanggap-tanggap at ang hindi. May tapang ba tayong manindigan sa ating mga paniniwala, kahit sa paggawa nito ay kailanganin nating manindigang mag-isa? Bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos, mahalagang maharap natin—nang may tapang—ang anumang hamong dumating sa atin. Alalahanin ang mga salita ni Tennyson: “Ang lakas ko ay katulad ng lakas ng sampung tao, dahil ang puso ko ay dalisay.”2
May ilang kilalang tao at iba pa—sa kung anong dahilan— na madalas ay minamasdan ng madla na mahilig mambatikos nang harapan sa relihiyon sa kabuuan at, kung minsan, lalo na sa Simbahan. Kung hindi matibay ang ating patotoo, ang gayong pagbatikos ay magiging dahilan upang mag-alinlangan tayo sa sarili nating mga paniniwala o determinasyon.
Sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, na mababasa sa 1 Nephi 8, nakita ni Lehi, maliban sa iba pa, yaong mga humawak sa gabay na bakal hanggang makarating at makakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay, na alam nating sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos. At, ang malungkot pa, matapos silang makakain ng bunga, ang ilan sa kanila ay nahiya dahil sa mga taong nasa “malaki at maluwang na gusali,” na sumasagisag sa kapalaluan ng mga anak ng tao, na itinuturo sila at nilalait; at sila ay napalayo patungo sa mga bawal na landas at naligaw.3 Ang panlilibak at panlalait ay mabisang kasangkapan ng kaaway! Muli, mga kapatid, may tapang ba tayong manindigan nang matatag at di-natitinag sa harap ng gayon katinding oposisyon?
Naniniwala ako na ang una kong karanasan sa pagkakaroon ng tapang na manindigan sa aking paniniwala ay nangyari noong maglingkod ako sa United States Navy sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang training sa navy ay hindi naging madaling karanasan para sa akin, at gayundin sa iba na nakapagtiis dito. Sa unang tatlong linggo ko roon naisip kong nasa panganib ang buhay ko. Hindi ako sinasanay ng navy; pinapatay ako nito.
Hindi ko malilimutan ang araw ng Linggo matapos ang unang linggo. Nakatanggap kami ng magandang balita sa isang mataas na opisyal. Habang nakatayo nang matuwid sa training ground sa malamig na simoy ng hangin sa California, narinig namin ang kanyang utos: “Ngayon ang lahat ay magsisimba—lahat, maliban sa akin. Magpapahinga ako!” Pagkatapos ay sumigaw siya, “Lahat kayong mga Katoliko, magpupulong kayo sa Camp Decatur—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!” Isang malaking grupo ang umalis. Pagkatapos ay sinabi niya: “Kayong lahat na mga Judio, magpupulong kayo sa Camp Henry—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!” Isang mas maliit na grupo ang umalis. Kasunod niyon sinabi niya, “Kayong natitirang mga Protestante, magpupulong kayo sa mga teatro sa Camp Farragut—at huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!”
Biglang sumagi sa aking isipan, “Monson, hindi ka Katoliko; hindi ka Judio; hindi ka Protestante. Ikaw ay Mormon, kaya tumayo ka lang diyan!” Talagang nadama kong nag-iisa lang ako. May tapang at determinasyon ako, oo—ngunit nag-iisa ako.
Kasunod niyon ay narinig ko ang pinakamatamis na salitang sinabi ng opisyal na iyon. Tumingin siya sa kinatatayuan ko at nagtanong, “At ano ang tawag ninyong mga kalalakihan sa inyong sarili?” Noong sandaling iyon ko lamang nalaman na may iba pa palang nakatayo sa aking likuran sa training ground na iyon. Halos magkakasabay naming sinabi, “Mga Mormon!” Mahirap ilarawan ang kagalakang nadama ko nang bumaling ako at nakita ang iilang marino.
Napakamot ang opisyal, isang pagtataka ang mababakas sa kanyang mukha ngunit sa huli ay sinabi niyang, “Buweno, humayo kayo at maghanap ng lugar na pagtitipunan. At huwag kayong babalik hangga’t hindi alas-3 ng hapon. Pasulong, na!”
Habang nagmamartsa papalayo, naisip ko ang mga salitang natutuhan ko sa Primary maraming taon na ang nakararaan:
Magkalakas ng loob na maging Mormon;
Magkalakas ng loob na tumayong mag-isa.
Magkalakas ng loob na patibayin ang inyong pangako;
At magkalakas ng loob na ipaalam ito.
Bagama’t ang kinalabasan ng naranasan ko ay iba sa inaasahan ko, handa akong manindigang mag-isa, kung kinakailangan.
Magmula noong araw na iyon may mga pagkakataong walang nakatayo sa likuran ko kaya nanindigan akong mag-isa. Nagpapasalamat ako na nagpasiya ako noon pa man na manatiling matatag at matapat, palaging handa na ipagtanggol ang aking relihiyon, kung kinakailangan.
Mga kapatid, kung sakaling madama natin na hindi natin kaya ang ipinagagawa sa atin, ibabahagi ko sa inyo ang isang pahayag na ibinigay noong 1987 ng dating Pangulo ng Simbahan na si Ezra Taft Benson nang magsalita siya sa malaking grupo ng mga miyembro sa California. Sabi ni Pangulong Benson:
“Sa paglipas ng panahon, masusing minamasdan ng mga propeta ang ating panahon. Bilyun-bilyong pumanaw na mga tao at yaong mga isisilang pa lamang ang nakamasid sa atin. Tandaan na—kayo ay isang piling henerasyon. …
“Sa halos anim na libong taon, inilaan kayo ng Diyos para isilang sa mga huling araw na ito bago ang ikalawang pagparito ng Panginoon. Ang ilang tao ay mangaliligaw, ngunit ang kaharian ng Diyos ay mananatiling buo upang salubungin ang pagbabalik ng Pinuno nito—maging si Jesucristo.
“Bagaman ang henerasyong ito ay maihahalintulad sa kasamaan sa panahon ni Noe, nang linisin ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng baha, may malaking kaibhan sa panahong ito: inilaan ng Diyos sa mga huling araw na ito ang ilan sa Kanyang pinakamatatag na mga anak, na tutulong sa pagtatagumpay ng kaharian.”4
Oo, mga kapatid, kinakatawan natin ang ilan sa Kanyang pinakamatatag na mga anak. Responsibilidad natin na maging karapat-dapat sa lahat ng maluwalhating pagpapala na inilaan sa atin ng ating Ama sa Langit. Saanman tayo magpunta, taglay pa rin natin ang ating priesthood. Tayo ba ay nakatayo sa mga dakong banal? Pakiusap sana, bago ninyo ilagay sa panganib ang inyong sarili at ang inyong priesthood sa pagpunta sa mga lugar o paggawa ng mga bagay na hindi marapat para sa inyo o sa priesthood, pag-isipan muna ang mga ibubunga nito. Iginawad sa bawat isa sa atin ang Aaronic Priesthood. Kaakibat nito natanggap natin ang kapangyarihang nagtataglay ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Hindi kayo dapat gumawa ng anuman na hahadlang sa pagitan ninyo at ng paglilingkod ng mga anghel para sa inyo.
“Hindi kayo dapat maging imoral sa anumang paraan. Hindi kayo dapat manloko. Hindi kayo dapat mandaya o magsinungaling. Hindi ninyo magagamit ang pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhan o magsalita ng masama at manatiling marapat sa paglilingkod ng mga anghel.”5
Kung nagkamali ang sinuman sa inyo sa inyong buhay, gusto kong maunawaan ninyo nang walang pag-aalinlangan na may paraan pabalik. Ito ang tinatawag na pagsisisi. Ibinigay ng ating Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang mailaan sa atin ang magandang kaloob na iyan. Bagama’t hindi madali ang magsisi, totoo ang mga pangako rito. Sinabi sa atin: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.”6 “At hindi ko na naaalaala ang [inyong mga kasalanan].”7 Napakagandang pahayag. Kaylaking pagpapala. Napakagandang pangako.
Maaaring iniisip ng ilan sa inyo, “Hindi ko naman sinusunod ang lahat ng utos at hindi ko ginagawa ang nararapat pero maayos pa rin ang buhay ko. Magsasaya ako sa buhay at hindi na kailangan pang sumunod.” Mga kapatid, tinitiyak ko sa inyo na panandalian lamang ito.
Mga ilang buwan pa lamang ang nakararaan nakatanggap ako ng liham mula sa isang lalaki na nag-akalang maaari niyang suwayin ang mga kautusan at pagkatapos ay mabibiyayaan pa rin siya. Nagsisisi na siya ngayon at sinusunod na ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang mga kautusan. Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang talata mula sa kanyang liham, sapagkat inilalarawan nito ang maling pag-iisip: “Natutuhan ko sa aking sarili (sa mahirap na paraan) na talagang tama ang Tagapagligtas nang sabihin Niyang, ‘Sinoma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka’t kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.’8 Sinubukan ko, tulad ng iba, na gawin ito pareho. Sa huli,” sabi niya, “napasaakin ang lahat ng kahungkagan, kadiliman, at kalungkutan na ibinibigay ni Satanas sa lahat ng naniniwala sa kanyang mga panlilinlang, ilusyon at kasinungalingan.”
Upang maging matatag tayo at mapaglabanan ang lahat ng puwersa na humihila sa atin sa maling direksyon o ang lahat ng tinig na nag-uudyok sa atin na tahakin ang maling landas, kailangang magkaroon tayo ng sariling patotoo. Kayo man ay 12 o 112 taong gulang—o anumang edad—malalaman ninyo sa inyong sarili na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Basahin ang Aklat ni Mormon. Pag-isipang mabuti ang mga turo nito. Tanungin ang Ama sa Langit kung ito ay totoo. Ipinangako sa atin na “kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”9
Kapag alam nating totoo ang Aklat ni Mormon, alam din natin na si Joseph Smith ay tunay na propeta at na nakita niya ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Alam din natin na ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Joseph Smith—kabilang ang pagpapanumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.
Kapag may patotoo na tayo, tungkulin nating ibahagi sa iba ang patotoong ito. Marami sa inyo mga kapatid ang naglingkod bilang mga misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo. Marami sa inyong mga binatilyo ang magmimisyon pa lang. Ihanda ang inyong sarili sa oportunidad na iyan. Tiyaking karapat-dapat kayong maglingkod.
Kung handa tayong ibahagi ang ebanghelyo, handa tayong sundin ang payo ni Apostol Pablo, na naghikayat na, “Lagi kayong maging handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”10
Magkakaroon tayo ng mga oportunidad sa buhay natin na ibahagi ang ating paniniwala, bagama’t hindi natin palaging malalaman kung kailan ito darating. Nagkaroon ako ng gayong oportunidad noong 1957, nang magtrabaho ako sa isang publishing business at pinapunta sa Dallas, Texas, na tinatawag minsan na “lungsod ng mga simbahan,” upang magsalita sa isang miting ng mga negosyante. Pagkatapos ng miting, sumakay ako sa bus para maglibot sa mga bayan sa labas ng lungsod. Sa pagdaan namin sa iba’t ibang simbahan, sinasabi ng drayber namin, “Sa kaliwa ay makikita ninyo ang Methodist church,” o “Doon sa kanan ang Catholic cathedral.”
Nang mapadaan kami sa isang magandang gusali na yari sa pulang laryo na nakatayo sa isang burol, ang sabi ng drayber, “Sa gusaling iyan nagpupulong ang mga Mormon.” Isang babae sa bandang likuran ng bus ang sumigaw, “Mamang drayber, maaari ba kayong magkuwento sa amin tungkol sa mga Mormon?”
Inihinto ng drayber ang bus sa gilid ng kalsada, lumingon at sumagot ng, “Binibini, ang alam ko lang sa mga Mormon ay nagpupulong sila sa gusaling iyan. Mayroon ba sa inyo rito na nakakaalam tungkol sa mga Mormon?”
Naghintay ako na may sumagot. Tiningnan ko ang ekspresyon sa mukha ng bawat pasahero kung mayroon mang gustong magsalita o magbigay ng puna. Wala. Natanto ko na nasasaakin na kung gagawin ko ang ipinayo ni Apostol Pablo na “Lagi kayong maging handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.” Naunawaan ko rin ang katotohanan ng kawikaang “Kapag panahon na para magpasiya, ang pagpapasiya ay nagawa na.”
Nang sumunod na 15 minuto o mahigit pa, nagkaroon ako ng pribilehiyo na ibahagi sa mga nakasakay sa bus ang aking patotoo hinggil sa Simbahan at sa ating paniniwala. Nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng patotoo at naging handang ibahagi ito.
Dalangin ko nang buong puso at kaluluwa na bawat lalaking nagtataglay ng priesthood ay igalang ang priesthood na ito at maging tapat sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa atin nang igawad ito sa atin. Nawa ay alam ng bawat isa sa atin na nagtataglay ng priesthood ng Diyos ang kanyang pinaniniwalaan. Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit.
Kapag pinag-isipan nating mabuti ang dakilang kaloob na ibinigay sa atin—“na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit”—nawa ay naisin natin ang pagsasanggalang at pagtatanggol nito at ang pagiging karapat-dapat sa mga dakilang pangako nito. Nawa ay sundin natin ang iniutos ng Tagapagligtas sa atin, na matatagpuan sa 3 Nephi: “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa.”11
Nawa ay sundin natin ang ilaw na iyon at itaas ito para makita ng buong mundo ang aking dalangin at basbas sa inyong mga nakaririnig sa aking tinig, sa pangalan ni Jesucristo, amen.