Mga Ugat at mga Sanga
Ang pagpapabilis ng gawain sa family history at sa templo sa ating panahon ay mahalaga para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga pamilya.
Bago siya pumanaw sa sakit na kanser noong 1981, sinabi ng kontrobersyal na manunulat na si William Saroyan sa mga mamamahayag, “Lahat ay mamamatay, ngunit ang paniwala ko noon pa man ay hindi ako makakabilang diyan. Ano ngayon ang mangyayari?”1
Ang tanong na “ano ngayon ang mangyayari” sa harap ng kamatayan sa buhay na ito at “ano ngayon ang mangyayari” kapag pinagbubulayan ang kabilang buhay ang pinakamahalagang tanong ng kaluluwa na sinasagot ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo nang napakaganda sa plano ng kaligayahan ng Ama.
Sa buhay na ito, tayo ay tumatawa, umiiyak, nagtatrabaho, naglilibang, nabubuhay, at pagkatapos ay namamatay. Maikli at malinaw ang tanong ni Job, “Kung ang isang tao ay mamamatay, mabubuhay pa ba siya?”2 Ang sagot ay isang matunog na oo dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Kapansin-pansin ang bahagi ng iba’t ibang pambungad na paliwanag ni Job sa tanong na ito: “Taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw. … Siya’y umuusli na gaya ng bulaklak, at nalalagas. … May pagasa sa isang punong kahoy, na kung ito’y putulin, ay sisibol uli, at ang sariwang sanga niyaon ay hindi maglilikat … at magsasanga na gaya ng pananim.”3
Ang plano ng ating Ama ay tungkol sa mga pamilya. Ang ilan sa ating pinaka-nakaaantig na mga talata sa banal na kasulatan ay gumagamit ang konsepto ng puno kasama ang mga ugat at mga sanga nito bilang analohiya.
Sa huling kabanata ng Lumang Tipan, malinaw na ginamit ni Malakias ang analohiyang ito sa paglalarawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Tinutukoy ang mga palalo at masasama, sinabi niya na sila ay susunugin gaya ng dayami at na “hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.”4 Tinapos ni Malakias ang kabanatang ito sa nakapapanatag na pangako ng Panginoon:
“Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon:
“At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.”5
Sa pagsisimula ng Panunumbalik, muling binigyang-diin ni Moroni ang mensaheng ito sa kanyang paunang tagubilin sa batang si Joseph Smith noong 1823.6
Tinatanggap ng mga Kristiyano at Judio sa buong mundo ang tungkol kay Elias [Elijah] sa Lumang Tipan.7 Siya ang huling propeta na maytaglay ng kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood bago ang panahon ni Jesucristo.8
Ipinanumbalik ni Elijah ang mga Susi
Ang pagbabalik ni Elijah ay nangyari sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836. Ipinahayag niya na tinutupad niya ang pangako ni Malakias. Ipinagkaloob niya ang mga susi ng priesthood para sa pagbubuklod ng mga pamilya sa dispensasyong ito.9 Ang misyon ni Elijah ay tinutulungan ng tinatawag kung minsan na diwa ni Elijah, na, tulad ng itinuro ni Elder Russell M. Nelson, “isang pagpapamalas ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kabanalan ng pamilya.”10
Ang Tagapagligtas ay matatag na nangusap tungkol sa kahalagahan ng binyag. Itinuro Niya, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.”11 Nagpabinyag mismo ang Tagapagligtas upang ipakita ang halimbawa. Paano naman ang mga namatay na hindi nabinyagan?
Doktrina ng Gawain sa Templo at sa Family History
Noong Oktubre 11, 1840, sa Nauvoo, lumiham si Vilate Kimball sa kanyang asawang si Elder Heber C. Kimball na nasa misyon sa Great Britain kasama ang iba pang mga miyembro ng Labindalawa. Naidaos na ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre ilang araw bago iyon.
Babanggit ako ng ilan mula sa personal na liham ni Vilate: “Nagkaroon tayo ng pinakamalaki at pinakamagandang kumperensya na ngayon lamang nangyari mula nang maorganisa ang Simbahan. … Bumanggit si Pangulong [Joseph] Smith ng isang bago at napakagandang paksa. … Tungkol iyon sa pagpapabinyag para sa mga patay. Binanggit ito ni Pablo sa Unang Mga Taga-Corinto, kabanata 15, talata 29. Natanggap ni Joseph ang mas buong paliwanag tungkol dito sa pamamagitan ng paghahayag. Sinabi niya na pribilehiyo ng [mga miyembro ng] Simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang ninuno na pumanaw na bago pa dumating ang ebanghelyong ito. … Sa paggawa nito, tayo ang kumakatawan sa kanila, at binibigyan natin sila ng pribilehiyong bumangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli. Sinabi niya na ipapangaral ang ebanghelyo sa kanila sa bilangguan [ng mga espiritu].”
Idinagdag pa ni Vilate: “Gusto kong mabinyagan para sa aking ina. … Hindi ba napakagandang doktrina nito?”12
Ang mahahalagang doktrina tungkol sa pagbubuklod ng mga pamilya ay ipinahayag nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin. Ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay nasa sentro ng pagbibigkis ng mga pamilya sa kawalang-hanggan, na inuugnay ang mga ugat sa mga sanga.
Malinaw ang doktrina ng pamilya kaugnay ng gawain sa family history at sa templo. Tinukoy ng Panginoon sa paunang inihayag na mga tagubilin ang “pagbibinyag para sa inyong mga patay.”13 Ang obligasyon natin ayon sa doktrina ay sa sarili nating mga ninuno. Ito ay dahil ang selestiyal na organisasyon ng langit ay nakabatay sa mga pamilya.14 Hinikayat ng Unang Panguluhan ang mga miyembro, lalo na ang mga kabataan at young single adult, na bigyang-diin ang gawain sa family history at mga ordenansa para sa mga pangalan ng sarili nilang pamilya o mga pangalan ng mga ninuno ng mga miyembro ng kanilang ward at stake.15 Kailangan nating makakonekta kapwa sa ating mga ugat at mga sanga. Ang ideyang magkakaugnay tayo sa walang-hanggang kaharian ay talagang maluwalhati.
Mga Templo
Sinabi ni Wilford Woodruff na sapat ang haba ng buhay ni Propetang Joseph Smith upang ilatag ang pundasyon para sa gawain sa templo. Sa huling pagkakataong pulungin ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol, ibinigay niya sa kanila ang kanilang endowment.16
Matapos paslangin ang Propeta, natapos ng mga Banal ang Nauvoo Temple, at ginamit ang kapangyarihang magbuklod para pagpalain ang libu-libong matatapat na miyembro bago ang paglalakbay sa Mountain West [Rocky Mountains]. Tatlumpung taon pagkaraan, nang matapos ang St. George Temple, ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young ang walang-hanggang kahalagahan ng nakapagliligtas na mga ordenansa na sa wakas ay maaari nang isagawa kapwa para sa mga buhay at mga patay.17
Ito ang simpleng pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff: “Wala ni anumang alituntunin na inihayag ng Panginoon na ikinagalak ko nang higit pa sa pagtubos sa ating mga patay; na makakasama natin ang ating mga ama, ating ina, ating asawa at mga anak sa samahan ng pamilya, sa simula ng pagkabuhay na muli at sa Kahariang Selestiyal. Ito ay maringal na mga alituntunin. Sulit ang bawat sakripisyo para sa mga ito.”18
Napakagandang panahon nito para mabuhay. Ito ang huling dispensasyon, at nadarama natin ang pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan sa lahat ng paksang may kinalaman sa nakapagliligtas na mga ordenansa.19 May mga templo na tayo sa halos buong mundo na makapaglalaan ng nakapagliligtas na mga ordenansang ito. Ang pagpunta sa templo para sa espirtuwal na pagpapanibago, kapayapaan, kaligtasan, at direksyon sa ating buhay ay isa ring malaking pagpapala.20
Wala pang isang taon matapos matawag si Pangulong Thomas S. Monson bilang Apostol, inilaan niya ang Los Angeles Temple Genealogical Library. Nagsalita siya tungkol sa mga yumaong ninuno na “naghihintay [sa] araw na gagawin natin ang pagsasaliksik na kailangan para mangyari ito, … [at] magtungo rin sa bahay ng Diyos at isagawa ang gawaing iyon … na hindi nila magagawa.”21
Nang ibigay ni Elder Monson pa noon ang mensaheng iyon sa paglalaan noong Hunyo 20, 1964, 12 pa lang ang ginagamit na mga templo. Sa panahong nanungkulan si Pangulong Monson sa mga senior council ng Simbahan, 130 sa ating 142 ginagamit na mga templo ay nailaan na. Isang himalang makita ang pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan sa ating panahon. Dalawampu’t walo pang templo ang naibalitang itatayo at nasa iba’t ibang antas ng pagtatapos. Walumpu’t limang porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ang naninirahan ngayon sa sakop na 200 milya (320 km) ng isang templo.
Teknolohiya sa Family History
Umunlad din nang husto ang teknolohiya sa family history. Ipinahayag ni Pangulong Howard W. Hunter noong Nobyembre 1994: “Nagsimula na tayong gumamit ng information technology upang pabilisin ang sagradong gawaing magsagawa ng mga ordenansa para sa mga patay. Ang ginagampanan ng teknolohiya … ay pinabilis na mismo ng Panginoon. … Gayunpaman, nagsisimula pa lamang tayo sa magagawa natin gamit ang mga kasangkapang ito.”22
Makalipas ang 19 na taon mula nang sabihin ito ng propeta, halos hindi kapani-paniwala ang pagsulong ng teknolohiya. Sinabi sa akin kamakailan ng isang 36-na taong-gulang na ina na may maliliit na anak, “Akalain mo—dati ay mga microfilm reader ang gamit natin sa mga family history center, ngayon ay nakaupo na ako sa kusina namin gamit ang computer ko at gumagawa ng family history kapag tulog na ang mga bata.” Mga kapatid, ang ating mga family history center ay nasa tahanan na natin ngayon.
Ang gawain sa templo at sa family history ay hindi lang tungkol sa atin. Isipin ang mga yaong nasa kabilang buhay na naghihintay na magawan ng nakapagliligtas na mga ordenansa na magpapalaya sa kanila sa pagkapiit sa bilangguan ng mga espiritu. Ang ibig sabihin ng bilangguan ay “isang kalagayan ng pagkabilanggo o pagkabihag.”23 Yaong mga naroon ay maaaring itanong ang itinanong ni William Saroyan: “Ano ngayon ang mangyayari?”
Isang matapat na miyembrong babae ang nagkuwento ng isang espirituwal na karanasan sa Salt Lake Temple. Habang nasa confirmation room, matapos usalin ang ordenansa ng kumpirmasyon para sa mga patay, narinig niya, “At ang bilanggo ay makalalaya!” Nakadama siya ng matinding hangaring magpabinyag at magpakumpirma para sa mga yaong naghihintay na magawan nito. Pagkauwi niya, hinanap niya sa mga banal na kasulatan ang mga katagang narinig niya. Nakita niya ang pahayag ni Joseph Smith sa bahagi 128 ng Doktrina at mga Tipan: “Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, na yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya.”24
Ang tanong ay, ano ang kailangan nating gawin? Ang payo ni Propetang Joseph ay ibigay sa templo ang “mga talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.”25
Ang pamunuan ng Simbahan ay malinaw na nananawagan sa bagong henerasyon na manguna sa paggamit ng teknolohiya upang madama ang diwa ni Elijah, saliksikin ang kanilang mga ninuno, at isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila.26 Marami sa mahihirap na gawain sa pagpapabilis ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay ang gagawin ninyong mga kabataan.27
Kung ang mga kabataan sa bawat ward ay hindi lamang pupunta sa templo at magpapabinyag para sa kanilang mga patay kundi tutulong din sa kanilang pamilya at iba pang mga miyembro ng ward na makapagbigay ng mga pangalan ng pamilya para sa ordenansang isinasagawa nila, sila at ang Simbahan ay lubos na mapagpapala. Huwag maliitin ang impluwensya ng mga pumanaw sa pagtulong sa inyo at ang kagalakan ng pagkikita ninyo ng inyong mga pinaglilingkuran sa huli. Ang walang-hanggang kahalagahan ng pagpapalang mabuklod sa sarili nating pamilya ay halos hindi kayang unawain.28
Sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, limampu’t isang porsiyento ng nasa hustong gulang ang kasalukuyang wala pang pangalan ng mga magulang sa FamilyTree section ng FamilySearch Internet site ng Simbahan. Animnapu’t limang porsiyento ng mga nasa hustong gulang ang wala pang pangalan ng apat na lolo’t lola nila sa listahan.29 Tandaan, hindi tayo maliligtas kung wala ang ating mga ugat at mga sanga. Kailangang kunin at ipasok ng mga miyembro ng Simbahan ang mahalagang impormasyong ito [sa computer].
Mayroon na tayong doktrina, mga templo, at teknolohiya para maisakatuparan ng mga pamilya ang maluwalhating gawaing ito ng kaligtasan. Magmumungkahi ako ng isang paraan para magawa ito. Maaaring magdaos ng “FamilyTree Gathering” ang mga pamilya. Dapat itong gawin nang paulit-ulit. Lahat ay magdadala ng mga journal, kuwento, at retrato tungkol sa pamilya, pati na ng mahahalagang ari-arian ng mga lolo’t lola at mga magulang. Sabik makaalam ang ating mga kabataan tungkol sa buhay ng mga miyembro ng pamilya—saan sila nagmula at paano sila namuhay. Ibinaling ng marami ang kanilang puso sa kanilang mga ama. Natutuwa sila sa mga kuwento at retrato, at mahusay sila sa teknolohiya ng pag-scan at pag-upload ng mga kuwento at retratong ito sa FamilyTree at pagkonekta ng mga dokumento sa mga ninuno para maingatan ang mga ito habampanahon. Mangyari pa, ang pangunahing mithiin ay alamin ang mga ordenansang kailangan pang isagawa at mag-atas ng mga gagawa ng mahalagang gawain sa templo. Ang buklet na My Family ay maaaring gamitin para maitala ang impormasyon, mga kuwento, at retrato tungkol sa pamilya na maaaring i-upload sa FamilyTree kalaunan.
Mga pangako at inaasahan ng pamilya ang dapat nating unahin para mapangalagaan ang ating banal na tadhana. Para sa mga yaong nagnanais na maging mas makabuluhan ang kanilang araw ng Sabbath na kasama ang buong pamilya, maraming magagawa para mapabilis ang gawaing ito. Masayang ikinuwento ng isang ina ang kanyang 17-taong-gulang na anak na lalaki na gumagawa ng family history sa computer matapos magsimba at ang kanyang 10-taong-gulang na anak na lalaki na nasisiyahang makinig sa mga kuwento at tumingin sa mga retrato ng kanyang mga ninuno. Napagpala nito ang kanilang buong pamilya na madama ang diwa ni Elijah. Kailangang pangalagaan ang ating minamahal na mga ugat at mga sanga.
Ibinigay ni Jesucristo ang Kanyang buhay bilang nakapagliligtas na pagbabayad-sala. Sinagot Niya ang napakahalagang tanong ni Job. Dinaig Niya ang kamatayan para sa buong sangkatauhan, na hindi natin kayang gawin para sa ating sarili. Gayunman, maisasagawa natin ang nakapagliligtas na mga ordenansa at tunay tayong magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion30 para sa sarili nating pamilya upang madakila at maligtas tayo na kasama nila.
Pinatototohanan ko ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang katiyakan ng plano ng Ama para sa atin at sa ating pamilya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.