2010–2019
Ang Pagtupad sa mga Tipan ay Nangangalaga, Naghahanda, at Nagpapalakas sa Atin
Abril 2014


11:12

Ang Pagtupad sa mga Tipan ay Nangangalaga, Naghahanda, at Nagpapalakas sa Atin

Rosemary M. Wixom

Tayo ay kababaihang iba’t iba ang edad na gumagawa ng tipan at tumatahak sa landas ng buhay na ito pabalik sa piling Niya.

Ah, mga kapatid, mahal namin kayo. Noong bumisita ako sa Mexico kamakailan, naranasan ko ang kapatirang nadarama natin ngayon. Isipin ang tagpong ito: Katatapos lang namin sa Primary sa Linggo ng umaga, at pumasok kami ng mga bata at guro sa pasilyong puno ng mga tao. Sa sandaling iyon bumukas ang pinto sa silid ng Young Women, at nakita ko ang mga kabataang babae at kanilang mga lider. Nagyakapan kaming lahat. Habang nakakapit sa palda ko ang mga bata at nakapaligid sa akin ang kababaihan, gusto kong ipahayag ang damdamin ko noong sandaling iyon mismo.

Hindi ako nagsasalita ng Espanyol, kaya mga salitang Ingles lang ang naisip ko. Tinitigan ko ang mukha nilang lahat at sinabing, “[Tayo] ay mga anak na babae ng [ating] Ama sa Langit, na nagmamahal sa [atin] at mahal [natin] Siya.” Agad sumabay ang lahat, sa Espanyol. Naroon kami sa pasilyong puno ng mga tao, at sabay-sabay naming binibigkas ang tema ng Young Women sa pagsasabing, “Kami ay tatayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”

Ngayong gabi ay nagtitipon tayo sa buong mundo bilang Kanyang mga disipulo, na may hangaring ipagtanggol at palakasin ang kaharian ng Diyos. Tayo ay mga anak na babae ng ating Ama sa Langit. Tayo ay kababaihang iba’t iba ang edad na gumagawa ng tipan at tumatahak sa landas ng buhay na ito pabalik sa piling Niya. Ang pagtupad sa mga tipan ay nangangalaga, naghahanda, at nagpapalakas sa atin.

Kasama natin ngayong gabi ang mga batang Primary. Ilan sa inyo ay nasimulan na ang unang hakbang sa landas tungo sa buhay na walang hanggan sa ordenansa ng binyag.

Tumingin kayo sa paligid. Maningning ang bukas sa nakikita ninyong kababaihang gumawa rin ng mga tipan iyan at handang ipakita sa inyo ang tatahaking landas.

Kung kayo ay 8, 9, 10, o 11 taong gulang, kayo man ay nasa Conference Center, sa inyong tahanan, o sa isang meetinghouse sa buong mundo, maaari bang magsitayo kayo? Binabati namin kayo sa pangkalahatang pulong ng kababaihan. Ngayon, manatiling nakatayo dahil nais namin kayong anyayahang lumahok ngayong gabi. Ihihimig ko ang isang awit sa Primary. At kapag nakilala ninyo ang tonong ito, puwede bang sabayan ninyo ako? Lakasan ninyo ang pagkanta para marinig ng lahat.

Turuang lumakad sa liwanag;

At manalangin sa ‘king Diyos Ama;

Turuang tama ay matutunan;

Sa ‘king buhay, ako’y turuan.

Manatiling nakatayo, mga bata, habang kinakanta ngayon ng mga nasa edad 12 pataas ang pangalawang talata.

Aking anak, halina’t mag-aral

Ng mga kautusan N’yang banal

Nang S’ya’y makapiling nating muli—

Sa liwanag, mananatili.1

Ang ganda. Maaari na kayong umupo. Salamat.

Bilang kababaihang iba’t iba ang edad, lumalakad tayo sa Kanyang liwanag. Ang pagtahak natin sa landas ay personal at tinatanglawan ng pagmamahal ng Tagapagligtas.

Pumapasok tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan sa ordenansa at tipan ng binyag, at pagkatapos ay tinatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo. Itinanong sa atin ni Elder Robert D. Hales, “Nauunawaan ba [natin] at nauunawaan ba ng [ating] mga anak na kapag nabinyagan [tayo] nabago na [tayo] magpakailanman?”

Ipinaliwanag din niya na “kapag naunawaan natin ang ating tipan sa binyag at ang kaloob na Espiritu Santo, babaguhin nito ang ating buhay at [patitibayin ang ganap na katapatan natin] sa kaharian ng Diyos. Kapag may mga tukso, kung makikinig tayo, ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo na nangako tayong aalalahanin ang ating Tagapagligtas at sundin ang mga utos ng Diyos.”2

Bawat linggo kapag nakikibahagi tayo sa mga sagisag ng sakramento, nagpapanibago tayo ng ating tipan sa binyag. Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Noong tayo ay nabinyagan, sinimulan natin ang paglalakbay patungo sa templo. Sa pakikibahagi natin sa sakramento, ibinabaling natin ang isipan sa templo. Ipinapangako natin na aalalahanin sa tuwina ang Tagapagligtas at susundin ang Kanyang mga utos bilang paghahanda para makibahagi sa mga sagradong ordenansa ng templo.”3

Ang mga ordenansa sa templo ay hahantong sa pinakadakilang mga pagpapala sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ang mga ordenansang kailangan para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Sa pagsisikap nating tuparin ang ating mga tipan, unti-unting naglalaho ang ating pag-aalinlangan at pagkukulang, habang ang mga ordenansa at tipan sa templo ay nagiging mas makabuluhan. Lahat ay inaanyayahang tumahak sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Hanga ako sa katatagan ng mga batang babae, dalagita, at kababaihang nakilala ko sa iba’t ibang panig ng mundo na namumuhay ayon sa kanilang mga tipan. Narito ang ilang halimbawa ng nakilala kong kababaihang gumawa ng tipan.

Si Luana ay 11 taong gulang nang bisitahin ko ang kanyang pamilya sa Buenos Aires, Argentina. Dahil sa napakasakit na karanasan noong bata pa, hindi makapagsalita si Luana. Maraming taon na siyang hindi makapagsalita. Tahimik lang siyang nakaupo habang nag-uusap kaming lahat. Patuloy akong umasa na marinig man lang sana siyang bumulong. Nakatingin siya sa akin na para bang hindi na kailangang magsalita para malaman ko ang kanyang nadarama. Pagkatapos magdasal, tumayo na kami para umalis, at iniabot sa akin ni Luana ang isang drowing. Idinrowing niya si Jesucristo na nasa Halamanan ng Getsemani. Noon ko nadama nang malakas at malinaw ang kanyang patotoo. Gumawa ng tipan sa binyag si Luana na tumayo bilang saksi ng Diyos “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”4 Naunawaan niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ipinakita niya sa kanyang drowing. Nalaman kaya niya, sa pamamagitan ng nagpapalakas at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, na maaari siyang gumaling at makapagsalitang muli? Tatlong taon ang lumipas simula noon, unti-unting nakapagsalita si Luana. Nakikibahagi na siya ngayon sa Young Women kasama ang kanyang mga kaibigan. Tapat sa tipang ginawa niya sa binyag, patuloy siyang nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Ang mga kabataan sa iba’t ibang dako ng mundo ay nais magpunta sa templo. Sa Lima, Peru, nakilala ko ang isang ama at tatlo sa kanyang mga anak na babae sa labas ng pasukan ng templo. Nakita ko ang saya sa kanilang mga mukha. Dalawa sa mga anak ang may malubhang kapansanan at naka-wheelchair. Ipinaliwanag ng pangatlong anak, habang inaasikaso ang mga pangangailangan ng mga kapatid, na may dalawa pa siyang kapatid na babae sa bahay. Naka-wheel chair din sila. Hindi nila kayang magbiyahe nang 14 na oras papuntang templo. Napakahalaga ng templo sa mag-aamang ito kaya nagpunta silang apat sa templo nang araw na iyon—dalawa sa kanila para lamang panoorin ang kapatid na puwedeng magpabinyag para sa mga patay at magsagawa ng sagradong ordenansa. Gaya ni Nephi, sila’y “[nalugod] sa mga tipan ng Panginoon.”5

Mahalaga sa isang dalagang kakilala ko ang lingguhang ordenansa ng sakramento at ang sagradong pangako nito na “sa tuwina ay mapasa[kanya] ang kanyang Espiritu upang makasama [niya].”6 Ang mapasakanya ito palagi ay isang pangakong pumapawi sa kanyang kalungkutan. Binibigyan siya nito ng lakas na magtuon sa pagpapahusay sa kanyang talento at sa hangaring paglingkuran ang Panginoon. Nakasumpong siya ng matinding galak sa pagmamahal sa lahat ng mga bata sa buhay niya, at kapag gusto niyang mapayapa, makikita ninyo siya sa templo.

Ang huli, sinubaybayan ng isang matandang babaeng nasa 90s ang edad ang paglaki ng kanyang mga anak at apo at pagsilang ng kanyang mga apo-sa-tuhod. Tulad ng marami sa atin, ang kanyang buhay ay puno ng lungkot, hirap, at di-mailarawang galak. Inamin niya na kung isusulat niyang muli ang kuwento ng kanyang buhay, tatanggalin niya ang ilang kabanata roon. Subalit, sinabi niya nang nakangiti, “Kailangan lang akong mabuhay pa nang mas matagal at makita ko ang mangyayari!” Patuloy niyang tinutupad ang kanyang mga tipan.

Itinuro ni Nephi:

“Matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi. …

“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”7

Bawat isa sa atin ay nasa landas na iyan. Ngayong gabi inawit natin ang paglakad sa liwanag. Bilang indibiduwal, malalakas tayo. Kapag kasama natin ang Diyos, walang makakahadlang sa atin.

Sinabi ng Panginoon kay Emma Smith, “Dahil dito, pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.”8

Talagang nagagalak tayo na sa pagtupad natin sa ating mga tipan, madarama natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinatototohanan ko na Sila ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.