2010–2019
Isang Walang-Katumbas na Pamana ng Pag-asa
Abril 2014


20:47

Isang Walang-Katumbas na Pamana ng Pag-asa

Pangulong Henry B. Eyring

Kapag ipinasiya ninyong gawin o sundin ang isang tipan sa Diyos, ipinapasiya ninyong mag-iwan ng pamana ng pag-asa sa mga taong maaaring sumunod sa inyong halimbawa.

Mahal kong mga kapatid, ang ilan sa inyo ay inanyayahan sa pulong na ito ng mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaaring naanyayahan na kayo ng mga missionary na ito na magpasiyang makipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabinyag.

Ang iba sa inyo ay nakikinig dahil tinanggap ninyo ang paanyaya ng isang magulang, isang maybahay, o marahil ng isang anak, sa pag-asang magpapasiya kayong gawing sentro muli ng inyong buhay ang mga tipang ginawa ninyo sa Diyos. Ang ilan sa inyo na nakikinig ay nagpasiya nang bumalik upang sundan ang Tagapagligtas at nadarama ngayon ang galak ng Kanyang pagtanggap.

Sino man kayo at saanman kayo naroon, nasa mga kamay ninyo ang kaligayahan ng mas marami pang tao kaysa inaakala ninyo. Araw-araw at oras-oras ay maipapasiya ninyong gumawa o tumupad ng isang tipan sa Diyos.

Saanman kayo naroon sa landas para magmana ng kaloob na buhay na walang hanggan, may pagkakataon kayong ipakita sa maraming tao ang landas tungo sa mas malaking kaligayahan. Kapag ipinasiya ninyong gawin o sundin ang isang tipan sa Diyos, ipinapasiya ninyong mag-iwan ng pamana ng pag-asa sa mga taong maaaring sumunod sa inyong halimbawa.

Kayo at ako ay biniyayaang mapangakuan ng gayong pamana. Utang-na-loob ko ang malaking bahagi ng kaligayahan ko sa buhay sa isang lalaking hindi ko nakilala sa buhay na ito. Isa siyang ulila na naging isa sa aking mga lolo-sa-tuhod. Iniwanan niya ako ng walang-katumbas na pamana ng pag-asa. Sasabihin ko sa inyo ang ilan sa mga ginampanan niyang papel sa paglikha ng pamanang iyon para sa akin.

Ang pangalan niya ay Heinrich Eyring. Isinilang siyang napakayaman. Ang kanyang amang si Edward ay may malaking lupain sa Coburg, na ngayon ay Germany na. Ang kanyang ina ay si Viscountess Charlotte Von Blomberg. Ang kanyang ama ang katiwala sa mga lupain ng hari ng Prussia.

Si Heinrich ang panganay na anak na lalaki nina Charlotte at Edward. Namatay si Charlotte sa edad na 31, matapos isilang ang pangatlong anak niya. Namatay kaagad si Edward pagkatapos niyon, at naubos ang lahat ng ari-arian at kayamanan niya sa isang bigong pamumuhunan. Siya’y 40 taong gulang lang noon. Naulila niya ang tatlong anak.

Si Heinrich, na aking lolo-sa-tuhod, ay nawalan ng mga magulang at malaking kayamanan. Wala siyang kapera-pera. Isinulat niya sa kanyang journal na nadama niya na ang pinakamalaking pag-asa niya ay ang pagpunta sa Amerika. Bagama’t wala siyang pamilya ni mga kaibigan doon, nakadama siya ng pag-asa tungkol sa pagpunta sa Amerika. Una siyang nagpunta sa New York City. Pagkatapos ay lumipat siya sa St. Louis, Missouri.

Sa St. Louis, ang isa sa mga katrabaho niya ay Banal sa mga Huling Araw. Binigyan siya nito ng kopya ng isang polyetong isinulat ni Elder Parley P. Pratt. Binasa niya ito at saka pinag-aralan ang bawat materyal na nakita niya tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinagdasal niyang malaman kung tunay ngang may mga anghel na nagpakita sa mga tao, kung may buhay na propeta, at kung natagpuan na niya ang tunay at inihayag na relihiyon.

Makalipas ang dalawang buwan ng masusing pag-aaral at panalangin, nanaginip si Heinrich kung saan sinabihan siya na bibinyagan siya. Isang lalaki na ang pangalan at priesthood ay sagrado sa alaala ko, si Elder William Brown, ang magsasagawa ng ordenansa. Si Heinrich ay bininyagan sa isang tangke ng tubig-ulan noong Marso 11, 1855, sa ganap na alas-7:30 ng umaga.

Naniniwala ako na alam ni Heinrich Eyring noon na ang itinuturo ko sa inyo ngayon ay totoo. Alam niya na ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan ay nagmumula sa mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy magpakailanman. Kahit kamakailan lang niya nalaman ang plano ng kaligayahan ng Panginoon, nalaman niya na ang pag-asa niyang makamtan ang walang-hanggang kagalakan ay nakasalalay sa malayang pagpapasiya ng iba na sundan ang kanyang halimbawa. Ang kanyang pag-asa na lumigaya nang walang hanggan ay nakasalalay sa mga taong hindi pa isinisilang.

Bilang bahagi ng pamana ng pag-asa ng aming pamilya, nag-iwan siya ng journal sa kanyang mga inapo.

Sa journal na iyon ay nadarama ko ang kanyang pagmamahal para sa amin na susunod sa kanya. Sa kanyang mga salita nadarama ko ang kanyang pag-asa na maaaring ipasiya ng kanyang mga inapo na sundan siya sa landas pabalik sa ating tahanan sa langit. Alam niya na hindi iyon resulta ng iisang pagpapasiya kundi ng maraming maliliit na pagpapasiya. Babanggit ako mula sa kanyang journal:

“Mula nang una kong marinig na magsalita si Elder Andrus … lagi na akong dumadalo sa mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw at bihirang-bihira talaga akong lumiban sa pulong, dahil tungkulin kong dumalo roon.

“Isinusulat ko ito sa aking journal para matularan ng mga anak ko ang aking halimbawa at hindi nila makaligtaan kailanman ang … mahalagang tungkuling ito na [makipagtipon] sa mga Banal.”1

Alam ni Heinrich na mapapanibago natin sa mga sacrament meeting ang ating pangako na laging alalahanin ang Tagapagligtas nang mapasaatin ang Kanyang Espiritu.

Ang Espiritung iyon ang nagtaguyod sa kanya sa misyon kung saan tinawag siya ilang buwan lang matapos tanggapin ang tipan sa binyag. Iniwan niya bilang pamana ang kanyang halimbawa na manatiling tapat sa kanyang misyon sa loob ng anim na taon sa tinatawag noon na Indian Territories. Para ma-release mula sa kanyang misyon, naglakad siya at nakisabay sa mga naglalakbay sa bagon mula Oklahoma hanggang Salt Lake City, na tinatayang 1,100 milya (1,770 km) ang layo.

Pagkatapos niyon agad siyang pinalipat ng propeta ng Diyos sa katimugang Utah. Mula roon tinanggap niya ang isa pang tawag na magmisyon sa kanyang inang-bayang Germany. Pagkatapos ay tinanggap niya ang paanyaya ng Apostol ng Panginoong Jesucristo na tumulong sa pagtatayo ng mga kolonya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico. Mula roon ay muli siyang tinawag na maging full-time missionary sa Mexico City. Ginampanan niya ang mga tungkuling iyon. Nakalibing siya sa isang maliit na sementeryo sa Colonia Juárez, Chihuahua, Mexico.

Hindi ko ikinukuwento ang mga pangyayaring ito para ipamalita na pambihira siya o ang kanyang ginawa o dahil espesyal ang kanyang mga inapo. Ikinukuwento ko ang mga pangyayaring iyon para purihin ang kanyang halimbawa ng pananampalataya at pag-asang nasa puso niya.

Tinanggap niya ang mga tungkuling iyon dahil sa kanyang pananampalataya na ang nabuhay na mag-uling Cristo at ang ating Ama sa Langit ay nagpakita kay Joseph Smith sa isang kakahuyan sa estado ng New York. Tinanggap niya ang mga ito dahil nanampalataya siya na ang mga susi ng priesthood sa Simbahan ng Panginoon ay naipanumbalik na may kapangyarihang ibuklod ang mga pamilya magpakailanman, kung may sapat na pananampalataya silang tuparin ang kanilang mga tipan.

Tulad ni Heinrich Eyring, na aking ninuno, maaaring kayo ang manguna sa inyong pamilya sa daan tungo sa buhay na walang-hanggan sa landas ng mga sagradong tipan na ginawa at tinupad nang may kasigasigan at pananampalataya. Bawat tipan ay may kaakibat na mga tungkulin at pangako. Para sa ating lahat, tulad noon kay Heinrich, ang mga tungkuling iyon ay simple kung minsan ngunit kadalasan ay mahirap. Ngunit alalahanin, ang mga tungkulin ay kailangang maging mahirap kung minsan dahil ang layunin ng mga ito ay isulong tayo sa landas upang mabuhay bilang mga pamilya magpakailanman sa piling ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Tandaan ninyo ang mga salita mula sa aklat ni Abraham:

“At may isang nakatayo sa kanila na tulad ng Diyos, at kanyang sinabi sa mga yaong kasama niya: Bababa tayo, sapagkat may puwang doon, at tayo ay magdadala ng mga sangkap na ito, at tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila makapaninirahan;

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.”2

Ang pagpapanatili ng ating ikalawang kalagayan ay nakasalalay sa pakikipagtipan natin sa Diyos at sa tapat na pagganap sa mga tungkuling ipinagagawa nito sa atin. Kailangang manampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas upang matupad ang mga sagradong tipan habambuhay.

Dahil nahulog nga sina Eva at Adan, mga tukso, pagsubok, at kamatayan ang pamana sa ating lahat. Gayunman, ipinagkaloob sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Ang dakilang kaloob at pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay may hatid na pamana sa lahat: ang pangako ng Pagkabuhay na Mag-uli at ang posibilidad ng buhay na walang hanggan sa lahat ng isinisilang.

Ang pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala ng Diyos, ang buhay na walang hanggan, ay darating lamang sa atin kapag gumawa tayo ng mga tipan sa tunay na Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod. Dahil sa Pagkahulog, kailangan nating lahat ang nakalilinis na mga epekto ng binyag at ng pagpapatong ng mga kamay para matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Ang mga ordenansang ito ay kailangang isagawa ng mga taong maytaglay ng wastong awtoridad ng priesthood. Sa gayon, sa tulong ng Liwanag ni Cristo at ng Espiritu Santo, matutupad natin ang lahat ng tipang ginawa natin sa Diyos, lalo na ang mga tipan na iniaalay sa Kanyang mga templo. Tanging sa ganyang paraan, at sa tulong na iyon, maaaring maangkin ninuman ang kanyang nararapat na pamana bilang anak ng Diyos sa isang pamilya magpakailanman.

Sa ilan na nakikinig sa akin, mukhang halos wala nang pag-asa ang pangarap na iyan.

Nakita na ninyo ang dalamhati ng matatapat na magulang sa mga anak na tumanggi o nagpasiyang labagin ang kanilang mga tipan sa Diyos. Ngunit maaaring mapanatag at magkaroon ng pag-asa ang mga magulang na iyon sa mga karanasan ng ibang magulang.

Ang anak ni Alma at mga anak ni Haring Mosias ay bumalik mula sa matinding paghihimagsik laban sa mga tipan at kautusan ng Diyos. Nakita ni Nakababatang Alma ang kanyang makasalanang anak na si Corianton na naging tapat sa paglilingkod. Nakatala rin sa Aklat ni Mormon ang himala ng mga Lamanita na isinantabi ang mga tradisyon ng pagkapoot sa kabutihan at nakipagtipan na mamatay para mapanatili ang kapayapaan.

Isang anghel ang isinugo sa batang si Alma at sa mga anak ni Mosias. Dumating ang anghel dahil sa pananampalataya at mga panalangin ng kanilang mga ama at ng mga tao ng Diyos. Mula sa mga halimbawang ito ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na baguhin ang puso ng mga tao, makatatanggap kayo ng lakas-ng-loob at kapanatagan.

Ibinigay sa atin ng Panginoon ang lahat ng mapagkukunan ng pag-asa sa pagsisikap nating tulungan ang mga mahal natin na matanggap ang kanilang walang-hanggang pamana. Gumawa Siya ng mga pangako sa atin sa patuloy nating pagsisikap na tipunin ang mga tao sa Kanya, kahit tanggihan nila ang Kanyang paanyayang gawin iyon. Nalulungkot Siya sa kanilang pagtanggi, ngunit hindi Siya sumusuko, at hindi rin tayo dapat sumuko. Ipinakita Niya sa atin ang perpektong halimbawa ng Kanyang masugid na pagmamahal: “At muli, gaano kadalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, oo, O kayong mga tao ng sambahayan ni Israel, na nahulog; oo, O kayong mga tao ng sambahayan ni Israel, kayong naninirahan sa Jerusalem, na tulad ninyong nahulog; oo, kaydalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw, at tumanggi kayo.”3

Makakaasa tayo sa walang-maliw na hangaring iyon ng Tagapagligtas na ibalik ang lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit sa kanilang tahanan sa piling Niya. Bawat matapat na magulang, lolo’t lola, at mga lolo- at lola-sa-tuhod ay ganyan ang hangarin. Ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ang ating mga perpektong halimbawa ng maaari at kailangan nating gawin. Hindi nila kailanman ipipilit ang kabutihan dahil ang kabutihan ay kailangang piliin. Ipinadarama Nila sa atin ang kabutihan, at hinahayaan Nilang makita natin na masarap ang mga bunga nito.

Bawat taong isinilang sa mundo ay tumatanggap ng Liwanag ni Cristo, na tumutulong upang makita at madama natin ang tama at mali. Nagpadala ang Diyos ng mga mortal na lingkod na tutulong sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na malaman ang nais Niyang ipagawa sa atin at kung ano ang ipinagbabawal Niya. Ginagawang kaakit-akit ng Diyos na piliin ang tama sa pagpapadama sa atin ng mga epekto ng ating mga pagpili. Kung pipiliin natin ang tama, liligaya tayo—pagdating ng panahon. Kung pipiliin natin ang masama, darating ang kalungkutan at panghihinayang—pagdating ng panahon. Tiyak na madarama ang mga epektong ito. Gayunman kadalasan ay naaantala ito dahil sa isang layunin. Kung agarang darating ang mga biyaya, ang pagpili ng tama ay hindi magpapalakas ng pananampalataya. At dahil kung minsan ay lubha ring natatagalan ang kalungkutan, kailangan ng pananampalataya para madama na kailangang ihingi kaagad ng tawad ang kasalanan sa halip na pagkatapos nating madama ang lungkot at pait na dulot nito.

Nalungkot si Amang Lehi sa mga pagpiling ginawa ng ilan sa kanyang mga anak na lalaki at kanilang mga pamilya. Isa siyang dakila at mabuting tao—isang propeta ng Diyos. Madalas siyang nagpapatotoo noon sa kanila tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Isa siyang halimbawa ng pagsunod at paglilingkod nang utusan siya ng Panginoon na talikuran ang lahat ng kanyang makamundong ari-arian para iligtas ang kanyang pamilya mula sa kapahamakan. Sa huling sandali ng kanyang buhay, nagpapatotoo pa rin siya sa kanyang mga anak. Gaya ng Tagapagligtas—at sa kabila ng kapangyarihan niyang mahiwatigan ang nilalaman ng kanilang puso at makita kapwa ang malungkot at ang kagila-gilalas na hinaharap—nanatiling nakaunat ang mga bisig ni Lehi upang anyayahan ang kanyang pamilya tungo sa kaligtasan.

Ngayon milyun-milyon sa mga inapo ni Amang Lehi ang nagpapakitang tama ang inasahan niya sa kanila.

Ano ang magagawa natin para matuto mula sa halimbawa ni Lehi? Matututo tayo mula sa kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na kasulatan nang may panalangin at sa pagmamasid.

Iminumungkahi ko na tingnan ninyo kapwa ang panandalian at ang pangmatagalang epekto sa pagsisikap ninyong magpamana ng pag-asa sa inyong pamilya. Hindi magtatagal, magkakaroon ng mga problema at tutuksuhin tayo ni Satanas. At may mga bagay na matiyagang hihintayin, nang may pananampalataya, batid na kumikilos ang Panginoon sa Kanyang sariling takdang panahon at sa sarili Niyang paraan.

May mga bagay kayong magagawa nang maaga, habang bata pa ang mga mahal ninyo sa buhay. Tandaan na ang araw-araw na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagbabahagi ng ating patotoo sa sacrament meeting ay mas madali at mas mabisa habang bata pa ang ating mga anak. Ang mga batang musmos ay madalas na mas sensitibo sa Espiritu kaysa inaakala natin.

Pagtanda nila, maaalala nila ang mga himnong kinanta nila na kasama kayo. Higit pa sa pag-alala sa musika, maaalala nila ang mga salita sa banal na kasulatan at patotoo. Maipapaalala sa kanila ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay, ngunit ang mga salita sa banal na kasulatan at mga himno ay mas magtatagal. Ang mga alaalang iyon ang hahatak sa kanila pabalik kapag pansamantala silang nalihis ng landas, marahil nang ilang taon, pauwi sa buhay na walang hanggan.

Kakailanganin natin ang pangmatagalang pananaw kapag nadama ng mga mahal natin sa buhay na tila nadaraig ng hatak ng mundo at ulap ng pag-aalinlangan ang kanilang pananampalataya. Mayroon tayong pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa na gagabay sa atin at magpapalakas sa kanila.

Nakita ko na iyan noong maging tagapayo ako sa dalawang buhay na propeta ng Diyos. Sila’y mga indibiduwal na may kani-kanyang personalidad. Subalit tila parehong maganda ang kanilang pananaw. Kapag ipinaalam ng isang tao ang isang problema tungkol sa Simbahan, ang pinakamadalas nilang tugon ay “Ah, maaayos din ang lahat.” Karaniwan ay mas marami silang alam tungkol sa problema kaysa sa mga taong nag-aalala tungkol dito.

Alam din nila ang paraan ng Panginoon, kaya lagi silang umaasa tungkol sa Kanyang kaharian. Alam nila na Siya ang pinuno nito. Siya ang makapangyarihan sa lahat at nagmamalasakit Siya. Kung hahayaan ninyong Siya ang mamuno sa inyong pamilya, maaayos ang lahat.

Ang ilan sa mga inapo ni Heinrich Eyring ay tila nalihis ng landas. Ngunit marami sa kanyang mga kaapu-apuhan ang nagpupunta sa mga templo ng Diyos nang alas-6:00 ng umaga para magsagawa ng mga ordenansa para sa mga ninunong hindi pa nila nakikilala. Humahayo sila dahil sa pamana ng pag-asa na kanyang iniwan. Nag-iwan siya ng isang pamanang inaangkin ng marami sa kanyang mga inapo.

Matapos ang lahat ng magagawa natin nang may pananampalataya, bibigyang-katwiran ng Panginoon ang ating mga pag-asa sa mas dakilang mga pagpapala para sa ating mga pamilya kaysa inaakala natin. Nais Niya ang pinakamainam para sa kanila at sa atin, bilang Kanyang mga anak.

Tayong lahat ay mga anak ng isang buhay na Diyos. Si Jesus ng Nazaret ang Kanyang Pinakamamahal na Anak at ating nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Ito ang Kanyang Simbahan. Narito ang mga susi ng priesthood, kaya ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Ito ang ating walang-katumbas na pamana ng pag-asa. Pinatototohanan ko na ito ay totoo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.