Ang Saksi
Gusto kong ibahagi sa inyo ang mga katotohanan na napakahalagang malaman.
Ang panahon ng digmaan o kawalang-katiyakan ay may paraan para mas ituon ang ating pansin sa mga bagay na talagang mahalaga.
Ang World War II ay panahon ng matinding espirituwal na pagkaligalig para sa akin. Nilisan ko ang tahanan namin sa Brigham City, Utah, na mahina pa ang patotoo, at dama ko na dapat pa itong mapalakas. Ilang linggo na lang at ang aming buong senior class ay papunta na sa lugar ng digmaan. Habang nakadestino sa isla ng Ie Shima, bandang hilaga ng Okinawa, Japan, dama ko ang pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan. Gusto kong magkaroon ng personal na patotoo sa ebanghelyo. Gusto kong makaalam!
Isang gabing hindi ako makatulog, iniwan ko ang aking tolda at pumasok sa bunker na gawa sa pinagpatung-patong na pang-50 galong drum na nilagyan at pinuno ng buhangin. Wala itong bubong, kaya pumasok ako, minasdan ang langit na puno ng mga bituin, at lumuhod para magdasal.
Nasa kalagitnaaan ako ng pagdarasal nang may mangyari. Hindi ko mailarawan sa inyo ang nangyari kahit gustuhin ko man. Hindi ko ito kayang ipaliwanag, ngunit naiisip ko ito ngayon nang kasinglinaw nang gabing iyon mahigit 65 taon na ang nakararaan. Alam ko na iyon ay pahiwatig na napakapersonal at para talaga sa akin. Sa wakas ay nalaman ko ito mismo. Nalaman ko ito nang walang pag-aalinlangan, dahil ibinigay ito sa akin. Maya-maya pa, gumapang na ako palayo sa bunker at lumakad, na parang nakalutang sa saya, pabalik sa aking higaan. Buong magdamag akong nakadama ng galak at pagkamangha.
Sa halip na isiping espesyal ako, naisip ko na kung nangyari iyon sa akin, maaari din itong mangyari kahit kanino. Naniniwala pa rin ako riyan. Nang sumunod na mga taon, naunawaan ko na ang gayong karanasan ay kaagad na naging liwanag na susundan at responsibilidad na papasanin.
Gusto kong ibahagi ang mga katotohanang iyon na napakahalagang malaman, mga bagay na natutuhan at naranasan ko sa halos 90 taon ng buhay ko at mahigit 50 taon bilang General Authority. Karamihan sa nalaman ko ay kabilang sa mga bagay na hindi maituturo ngunit matututuhan.
Tulad ng karamihan sa mga bagay na mahalaga, ang kaalaman na walang hanggan ang kahalagahan ay dumarating lamang sa panalangin at pagninilay. Ang mga ito, na sinamahan ng pag-aayuno at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mag-aanyaya ng mga pahiwatig at paghahayag at pagbulong ng Espiritu Santo. Ito ay naglalaan sa atin ng gabay mula sa langit habang natututo tayo nang tuntunin sa tuntunin.
Ipinangako ng paghahayag na “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” at ang “kaalaman at katalinuhan [ay natatamo] sa pamamagitan ng … pagsisikap at pagiging masunurin” (D at T 130:18–19).
Ang isang walang hanggang katotohanang nalaman ko ay buhay ang Diyos. Siya ang ating Ama. Tayo ay Kanyang mga anak. “Naniniwala [tayo] sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (Saligan ng Pananampalataya 1:1).
Sa lahat ng iba pang titulo na maaari Niyang magamit, pinili Niya na tawagin Siyang “Ama.” Iniutos ng Tagapagligtas, “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka” (3 Nephi 13:9; tingnan din sa Mateo 6:9). Ang paggamit Niya ng pangalang “Ama” ay aral para sa lahat kapag naunawaan natin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay na ito.
Ang pagiging magulang ay banal na pribilehiyo, at depende sa ating katapatan, maaari itong maging walang hanggang pagpapala. Ang pinakalayunin ng lahat ng ginagawa sa Simbahan ay na ang lalaki at kanyang asawa at kanilang mga anak ay maaaring maging maligaya sa tahanan.
Ang mga taong walang asawa o hindi nagkaanak ay kabilang sa walang hanggang pagpapalang hangad nila ngunit, sa ngayon, ay hindi pa nila ito natatamo. Hindi natin laging alam kung paano o kailan darating ang mga pagpapala, ngunit ang pangako ng walang hanggang pag-unlad ay hindi ipagkakait sa sinumang matapat na gumagawa at tumutupad sa mga sagradong tipan.
Ang inyong mga lihim na inaasam at labis na isinasamo ay aantig sa puso ng Ama at ng Anak. Bibigyang-katiyakan Nila kayo na ang buhay ninyo ay mananagana at ang mga pagpapalang kailangan ninyo ay mapapasainyo.
Bilang lingkod ng Panginoon, na gumaganap sa katungkulan kung saan ako inordena, ipinapangako ko sa mga taong nasa gayong kalagayan na walang bagay na mahalaga sa inyong kaligtasan at kadakilaan na ipagkakait sa inyo sa tamang panahon. Ang mga bisig na walang tangan ay mapupunan, ang mga pusong nasaktan dahil sa mga nabigong pangarap at pag-asam ay paghihilumin.
Ang isa pang katotohanang nalaman ko ay tunay ang Espiritu Santo. Siya ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang Kanyang misyon ay magpatotoo sa katotohanan at kabutihan. Ipinadarama Niya ang Kanyang Sarili sa maraming paraan, kabilang na ang pagpapadama ng kapanatagan at katiyakan. Siya ay nagbibigay din ng kaaliwan, patnubay, at pagwawasto kung kailangan. Mananatili ang patnubay ng Espiritu Santo sa ating buhay sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay iginagawad sa pamamagitan ng ordenansa ng ebanghelyo. Ang isang may awtoridad ay ipinapatong ang kanyang mga kamay sa ulunan ng bagong miyembro ng Simbahan at sinasabi ang mga salitang tulad nito: “Tanggapin ang Espiritu Santo.”
Sa ordenansang ito lamang ay hindi kapansin-pansin ang ating pagbabago, ngunit kung pakikinggan at susundin natin ang mga paramdam, matatanggap natin ang mga pagpapala ng Espiritu Santo. Bawat anak na lalaki o anak na babae ng ating Ama sa Langit ay mapapatunayang totoo ang pangako ni Moroni: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang isang banal na katotohanang natamo ko sa buhay na ito ay ang patotoo ko sa Panginoong Jesucristo.
Ang pangunahin at nagpapatibay sa lahat ng ginagawa natin, na nakasalig sa mga paghahayag, ay ang pangalan ng Panginoon, na nagbigay sa atin ng awtoridad na kumilos sa Simbahan. Bawat dalanging inusal, kahit ng maliliit na bata, ay nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo. Bawat pagpapala, bawat ordenansa, bawat ordenasyon, bawat opisyal na gawain ay ginagawa sa pangalan ni Jesucristo. Ito ang Kanyang Simbahan, at ipinangalan ito para sa Kanya—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4).
May napakagandang pangyayari sa Aklat ni Mormon kung saan ang mga Nephita “ay nananalangin sa Ama sa [pangalan ng Panginoon].” Nagpakita ang Panginoon at nagtanong:
“Ano ang nais ninyong ibigay ko sa inyo?
“At kanilang sinabi sa kanya: Panginoon, nais naming sabihin ninyo sa amin ang pangalan kung paano namin tatawagin ang simbahang ito; sapagkat may mga pagtatalo sa mga tao hinggil sa bagay na ito.
“At sinabi ng Panginoon sa kanila: Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, bakit kinakailangang bumulung-bulong ang mga tao at magtalo dahil sa bagay na ito?
“Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan? Sapagkat sa pangalang ito kayo tatawagin sa huling araw;
“At sinuman ang magtataglay ng aking pangalan, at magtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas sa huling araw. …
“Kaya nga, anuman ang inyong gagawin, gawin ninyo ito sa aking pangalan; kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan; at kayo ay mananawagan sa Ama sa aking pangalan upang kanyang pagpalain ang simbahan alang-alang sa akin” (3 Nephi 27:2–7).
Ito ay Kanyang pangalan, si Jesucristo, “sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas” (Mga Gawa 4:12).
Sa Simbahan alam natin kung sino Siya: si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Siya ang Bugtong na Anak ng Ama. Siya ang Taong pinaslang at Siyang nabuhay na muli. Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, [natin] kailangang itayo ang [ating] saligan” (Helaman 5:12). Siya ang saligan na humahawak at nagpoprotekta sa atin at sa ating mga pamilya sa mga unos ng buhay.
Bawat Linggo sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan ang mga kongregasyon ay iba’t iba ang nasyonalidad o wika, ang sakramento ay binabasbasan sa gayunding mga salita. Tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo at lagi Siyang inaalala. Iyan ay nakakintal sa ating isipan.
Ipinahayag ni propetang Nephi, “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Ang bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng sariling patotoo sa Panginoong Jesucristo. Pagkatapos ay ibahagi natin ang patotoong iyan sa ating pamilya at sa iba.
Sa lahat ng ito, huwag nating kalimutan na may isang kaaway na talagang hangad na sirain ang gawain ng Panginoon. Dapat nating piliin kung sino ang susundin. Ang ating proteksyon ay kasing-simple ng pagpapasiya ng bawat isa sa atin na sundin ang Tagapagligtas, tinitiyak na nananatili tayong tapat sa Kanyang panig.
Sa Bagong Tipan, itinala ni Juan na may ilan na hindi magawang maging matapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo, at “dahil dito’y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.
“Sinabi nga ni Jesus sa labing-dalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?
“Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
“At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw [ang Cristo], ang Banal ng Dios” (Juan 6:66–69).
Natutuhan ni Pedro ang maaaring matutuhan ng bawat tagasunod ng Tagapagligtas. Upang maging matapat kay Jesucristo, tinatanggap natin Siya bilang ating Manunubos at ginagawa ang lahat sa abot ng ating makakaya na ipamuhay ang Kanyang mga turo.
Matapos ang maraming taon na ako ay nabubuhay at nagtuturo at naglilingkod, matapos ang milyun-milyong kilometro ng paglalakbay ko sa mundo, sa lahat ng aking naranasan, may isang dakilang katotohanan akong ibabahagi. Iyan ay ang aking pagsaksi sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Itinala nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang sumusunod matapos ang espirituwal na karanasan:
“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!
“Sapagkat siya ay aming nakita” (D at T 76:22–23).
Ang kanilang mga salita ay aking mga salita.
Ako ay naniniwala at ako ay nakatitiyak na si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Siya ang Bugtong ng Ama, at “na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:24).
Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay buhay. Kilala ko ang Panginoon. Ako ang Kanyang saksi. Alam ko ang Kanyang dakilang sakripisyo at walang hanggang pagmamahal para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ibinabahagi ko ang aking natatanging pagsaksi nang buong pagpapakumbaba ngunit may lubos na katiyakan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.